Chereads / Light Begins / Chapter 1 - Two Beings

Light Begins

GreeniePage
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 8.5k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Two Beings

Mahimbing ng natutulog si Hanson sa kanyang kwarto, subalit unti-unti siya naalimpungatan nang maramdaman niyang tila may dumaloy sa kanyang katawan.

Napakalamig.

Hanggang three lang naman ang electric fan pero bakit pakiramdam niya'y parang naka-aircon siya?

Marahan siyang dumilat. Una niyang napansin ang isang butil ng liwanag na dumadaan malapit sa kanyang mukha. "Alitaptap?" pagtataka niya.

Asul ang kulay nito, kakaiba kumpara sa ibang alitaptap. Gayunman, walang halaga kay Hanson ang kakatwang ganda ng kulay ng alitaptap. Istorbo lang ito sa pagtulog niya.

Iniangat ni Hanson ang kanyang kaliwang kamay upang bugawin ito palabas ng kwarto. Sa kanyang pagtayo at pagtama ng paningin sa alitaptap ay tila may napansin siyang kakaiba.

Kaagad namilog ang kanyang mga mata. "Teka, nasaan ako? Pa'no ako napadpad sa lugar na to'?" Sabi niya.

Paikot-ikot na iginala ni Hanson ang kanyang paningin.

Balot ng kadiliman ang lugar. Patag at madamo na abot hanggang bewang. Malakas ang ihip ng hangin, dala-dala ang nakapanlalamig na simoy. Napayakap si Hanson sa kanyang sarili habang pabaling-baling, sinusuri ang paligid.

Tumanaw siya sa malayo at mula doon ay naaninagan niya ang isang pigura ng bundok. Sa palagay niya, maaaring ito ang Bundok Nima. Ito lang naman ang nag-iisang mataas na bundok sa Sitio Pinagpala. Gayunman, hindi lang Sitio Pinagpala ang may bundok.

Where am I?

Tila may isang imahe naman ang biglang nakita nito mula sa sulok ng kanyang isipan. Sa imaheng iyon ay makikita ang isang malawak at madamong lupain, tulad ng kinalulugaran niya ngayon. Hindi niya maintindihan kung bakit pero tila pamilyar ang lugar na ito at parang nanggaling na siya dito.

Saglit pa'y nakadinig si Hanson ang kulog at nagkislapan ang itim na kalangitan.

Tumingala si Hanson at napagmasdan ang itaas. Tila mga pailaw sa kanyang paningin ang pangingislap ng mga kidlat. Tila kay gandang pagmasdan ngunit nakakatakot.

Sa pagkakataong iyon may kakaiba siyang narinig. Sunod-sunod na mga ingay na animo tunog ng martilyong ipinupukol sa bakal.

Kaagad niyang ibinalik ang atensyon sa harapan. Napaatras ang isang paa niya. May dalawang tao ang biglang sumulpot. Naglalaban gamit ang kanilang espada.

Payukod na nagtago si Hanson sa damuhan. Nagtataka. Hindi niya mapunto kung sino ang dalawang iyon at kung ano ang dahilan ng kanilang bunuan. Mahirap naman kung lalapit pa siya dito at tatanungin. Baka madamay pa siya sa gulo.

Maya-maya pa'y tumigil ang dalawa. Sa isip-isip ni Hanson ay marahil tapos na silang mag-ayaw.

Bahagyang iniangat ni Hanson ang kanyang ulo upang tingnan kung ano na ang nangyayari.

Nakita niyang nakatayo ang dalawa. Nanginginig ang katawan sa paghinga ng malalim.

Tila napako sil sa kanilang kinatatayuan. Tahimik.

Tila nagbago ang atmospera. Nabingi ang paligid sa katahimikan. Tumila ang kidlat at ang hangin ay tila nanhina.

Balewala kay Hanson ang mga pagbabago sa kanyang paligid. Nangingibabaw ang kuryusidad niya. Ni ang tanungin ang sarili kung ligtas ay hindi niya maisip. Tila nawala sa isip niya na siya'y nasa ibang lugar.

Isang kidlat ang walang pasubaling tumama malapit sa kanyang kinatatayuan. Napahiyaw si Hanson at napaupo sa damohan.

Kasabay ng pag-ulos ng kidlat na iyon ay siya namang hiyaw ng dalawa, "AAAHHHHHH!"

Dali-daling tumindig si Hanson at ipinukaw ang kanyang paningin sa dalawa na sa pagkakataong iyon ay tumatakbo ng mabilis patungo sa isa't isa.

Napanganga lamang siya. Pigil ang hininga habang nasasakasihan ang pag-sugod ng dalawa na walang pakundangang iwawasiwas ang hawak-hawak na kumpilan sa isa't isa.

Walang takot na haharapin ang sariling kamatayan.

Nang magsalubong ang espada ng dalawa ay nakalikha ito ng nakapan-nginginig na tunog. Agad natakpan ni Hanson ang kanyang mga tenga. "Aaagghhh!" inda niya.

Siya'y napayuko't lumuhod. Namaluktot ang katawan dahil sa nakabibinging tunog na parang kutsilyong tumutusok sa kanyang taenga at tila binibiyak nito ang kanyang ulo.

Nanlalabo na ang paningin ni Hanson dahil sa iniinda nito, gayunman, tanaw niya pa rin kung paano magpamalas ng lakas ang dalawa.

Patuloy pa rin ang pagkulog sa mga sandaling iyon, maging ang nangangalit na kidlat ay walang tigil na tumatama sa kalupaan. Tila sumasabay sa labanan.

Mahigpit ang pagkakahawak sa kanilang mga espada.

Pina-igting ng isa ang kanyang lakas at dahan-dahang tumutungo ang talim sa kalaban, "Aaaaahh...!" Singhal nito.

Hinigitan naman ito ng isa pa kaya naman lumalapit ang talim sa kabila. "Aaahhh!"

Nagtatagisan ang kanilang mga lakas at tila walang sinuman sa kanila ang sumusuko!

Mula naman sa talim ng kanilang mga espada ay tila may namumuong maliit na liwanag. Sa una ay maliit lamang iyon ngunit sa bawat sandaling lumilipas ay tila mas lumalaki pa ito. Kapansin-pansin ang paglakas ng hangin na patutungo sa dalawa.

Pumapaikot ito sa kanila na animo isang ipo-ipo. Tila nag-iipon ng pwersa. Maya-maya pa'y walang pasubaling sumambulat ang liwanag na parang bombang pinasabog.

Bigla-biglang nag-anyong itim na usok ang hangin at sumabay ito sa sumambulat na liwanag. Mabilis itong naglakbay patungo kay Hanson. "AAAAAHHHH!" sigaw niya.

Napapikit na lamang siya habang tumatama sa kanya ang itim na usok na parang malakas na alon na humahambalos sa kanyang katawan. Nahinto rin ito makalipas ang ilang sandali.

Mariin pa ring nakapikit si Hanson habang natatakpan ng kanyang kamay ang magkabilang taenga. Ayaw pa niyang buksan ang kanyang mga mata dahil sa pangamba na baka kung ano na naman ang bumungad. Subalit sa kabila nito ay naglakas loob siyang mamulat.

Tila naka-aninag siya ng liwanag. 'Di lumaon ay luminaw ang kanyang paningin at siya'y nagulantang nang bumulaga sa kanyang harapan ang isang hganteng puno. "A-anong?" Mautal-utal niyang sambit.

Iginala ni Hanson ang kanyang paningin at minasdan ang higanteng puno. Kapansin-pansin ang mga alitaptap na lumilipad-lipad sa palibot nito. Sa tansya ni Hanson baka umabot ito ng milyon dahil sa sobrang laki ng puno. Sa dami ng mga alitaptap halos nagmistulanang nagliliwanag ang higanteng puno.

Sa paghanga niya dito ay tila nawala sa kanyang isipan ang nangyari kanina.

Saglit pa'y isang tawag ang kanyang narinig mula sa likuran, "Hanson..."

Nanindig ang mga balahibo ni Hanson sa boses nito na malamig at walang emosyon. Napalagok siya ng laway. Sa totoo lang, ayaw niyang makita kung sino ang tao sa likod niya. Ayaw niyang malaman. Ngunit sa hindi malamang dahilan ay nagkusang-loob na kumilos ang kanyang katawan.

Marahang siyang humarap sa likuran, nakatuon sa ibaba ang atensyon. Una niya nakita ang mga paa na ang suot na sapatos ay tila gawa sa bakal. Dagling bumilis ang bugso sa kanyang dibdib. Napawisan ng malamig nanaloy ito sa kanyang gulugod.

Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang paningin una niyang napansin ang kakaibang pagkakayari ng kasuotan nito na pang-makalumang panahon.

Mapusyaw na puting damit, napapa-imbabawan ng malakulay pilak na baluting pandigma.

"Hans..." tawag nito sa kanya.

Hindi siya makagalaw at makapagsalita ng maayos, nanginginig ang buong katawan habang t]tig na titig sa mukha nitong may suot na maskarang bungo.

"Oras na..."

Iyong lamang ang binanggit nito at sa isang iglap ay naging blangko na ang lahat. Wala na siyang makita. Maging ang kanyang natatapakang lupa ay tila naglaho. Waring nakalutang na lamang siya sa kawalan.

Nagsara ang kanyang mga mata, marahan at payak, na parang matutulog pa lamang. At isang tunog ang kanyang naririg. Isa boses. Maliit at kulob. Umaalingawngaw Mukhang malayo ang pinagmumulan dahil sa hina nito. Hindi niya alam kung babae ba ito o lalake.

Sa simula ay hindi niya maintindihan ang sinasabi nito, hanggang sa bigla itong lumakas at luminaw.

"Hanson wake up!"