Chereads / Light Begins / Chapter 2 - Wish you were here

Chapter 2 - Wish you were here

"Uughh!" paupong napabangon si Hanson Guevarra sa kanyang kama matapos magising mula sa isa na namang panaginip. Tagaktak ng pawis ang katawan. Habol-habol ang malalim na hininga.

Inihilamos ni Hanson ang kanyang mga kamay sa mukha at kinukusot-kusot ang mata.

Napahilod siya sa magkabilang sentido, 'Na naman...' he thought.

Nang ini-angat ni Hanson ang kanyang mukha ay tila may naaninagan siya. Puting usok at korteng tao. Hindi siya sigurado kung ano iyon dahil bigla itong naglaho na parang bula.

May pagkabalisang iginala ni Hanson ang kanyang paningin sa paligid. Iniisip na baka panaginip lamang ang kanyang paggising. Malakas ang kabog sa kanyang dibdib. Bawat hininga ay nagdudulot ng pagsikip at nerbyos.

"Hans, okay ka lang ba? Okey ka lang ba?" Tanong sa kanya ni VD na isang pet robot. Hans ang tawag sa kanya nito. Bilogin ang hugis ng ulo ni VD, may 6 inch black screen na siyang nagsisilbing mukha. Bilogin din ang katawan nito na pulos kulay puti. Patpating bakal ang mga kamay na may tatlong daliri at de gulong ang paa.

Sa pagtanong ng pet robot na ito ay unti-unting naparam ang pagkabalisa ni Hanson, gayundin ang kaba sa kanyang dibdib. Tila ba ito ang nagbigay ng katiyakan sa kanya na siya'y hindi nanaginip, na magiging okay ang lahat.

Ito na ang ika-walong beses na managinip siya tungkol sa dalawang naglalaban... nang klarong-klaro at tandang-tanda ang bawat detalye.

Madalas na itong mangyari sa kanya at walang sandali na hindi siya mapapatanong sa sarili kung bakit niya 'to napapanaginipan.

Musmus pa lang si Hanson noong magsimula ito. Sa una'y tila pangkaraniwang lamang. Malabo't hindi mailarawan. Kung minsan naman puro itim ang paligid at mga ingay lamang ang kanyang naririnig.

Sa paniniwala ng karamihan sinuman ay maaaring makaranas ng mga bangungot o mga kakila-kilabot na mga panaginip. Madalas, pinapa-alala ang isang kaganapan. Ang iba naman ay mga kakaibang nilalang o bagay na hindi nag-e-exist sa mundo.

Maaari ring epekto ng mga gamot.

Ngunit, parara, kakaiba ang mga panaginip na iyon. May mga pagkakataon na siya'y lubhang natatakot dahil pakiramdam niya ay parang totoo ang lahat.

Habang tumatagal ay nagiging malinaw.

Malimit niyang makita sa kanyang panaginip ang isang higanteng puno at dalawang taong naglalaban gamit ang espada. Hindi masabi ni Hanson kung mga tao ba talaga iyon o dala lang ng kakatwang itsura at kasuotan nila.

Ang isa'y naka-maskarang bungo na wangis sa isang hindi matukoy na hayop. Kulay asul ang mata. Puting buhok na abot bewang at naka-tirintas. Mapusyaw na puting damit na nababalutan ng mala-pilak na baluting pandigma. Sa gilid ng baluti niya ay may naka-ukit na mga dahon na kulay ginto. Hugis pakurba at kulay itim ang gamit nitong espada at may nakahilera na tatlong bolang Kristal na kulay pula sa hawakan.

Samantala, ang isa naman ay puting-puti na parang malamig na bangkay. Itim ang buhok. Mga matang mala kulay dugo na kung tumitig ay matalim. May tintang itim sa palibot ng kanyang mga mata at ang dulo nito ay patulis na tinutumbok ang pisngi. May naka-ukit na palinyang itim sa likuran nito na tila pakpak ng anghel na umaabot hanggang sa balikat. Kulay itim din ang mga kuko at gan'on din naman sa paa na pawang naka-yapak. May tintang itim rin sa dibdib na hugis bilog na sing laki ng kamao.

Pawang nakapan-ibaba ang suot nito na umaabot hanggang sa paa at napapaikutan ang bewang ng balat ng lobo na kulay abo. Kulay itim din ang kanyang espada, ngunit diretso lang ito hindi tulad ng espada ng naka-maskarang bungo.

Kakila-kilabot!

Nanindig ang mga balahibo ni Hanson nang maalala ang dalawang iyon. Palaisapan sa kanya kung bakit ito ang malimit niyang makita gayong wala namang kinalaman sa nangyaring aksidente at sa kanyang kalagayan. Natatawa na lamang siya sa sarili at naiinis.

Isang kathang-isip na malayong-malayo sa tunay na buhay.'Sa dinami-dami ng dapat panaginipan ay bakit ang dalawang ito ang napag-diskitahan ng sakit ko?' untag niya, sinisisi ang sariling kalagayan.

"Oo, ayos lang ako," tugon ni Hanson kay VD, "Anong oras na ba?"

"6 am, two hours before the class starts," Paliwanag ni VD.

"Two hours huh?" walang ganang sambit ni Hanson . Tila wala pa siya sa wisyo para kumilos pero pinilit na lang niyang tumayo upang mag-ayos.

Matapos mag-ayos ay pinagmasdan niya ang sarili sa malaking salaming nasa cabinet, suot ang puting polo at itim na slacks. Simpleng uniporme ngunit nababagay sa kanyang pigura. Maliit ang pangangatawan. Mala-moreno ang kutis. Mga matang malakulay tsokolate. Itim na buhok at maamong mukha. Mala- Cesar Montano ang dating, "Ayos na," sabi niya nang may kuntento.

"Hans," dinig niyang tawag ni Catherine mula sa unang palapag, "bumaba ka na!"

"Opo, nariyan na!" sagot niya.

Bumaba siya bitbit ang kanyang gamit. Sinundan naman siya ni VD. Nagtungo sila sa kusina at doon ay naabutan niya si Catherine na nag-aayos ng hapag-kainan.

"Good morning tita," Bati niya kay Catherine. Nilingunan naman siya nito at nginitian, "Magandang umaga rin sa iyo."

Dali-daling lumapit sa mesa ang binatilyo at naupo. "Aba," sambit ni Hanson, pasaglit siyang napapikit at nilanghap ang mga pagkain, "amoy pa lang masarap na." Dugtong niya nang muling imulat ang mata.

Natatakam sa inihaing pagkain. Sino ang hi-hindi, handaan ba naman ng sinangag na kanin, crispy bacon, sunnyside up egg at ng mainit-init na gatas sa umaga.

Tiyak na gaganahan siya nito sa paaralan!

"Naman, talagang espesyal at masarap akong mag-luto no'." Pagmamalaki ni Catherine, "'O sya, sya kumain ka na habang mainit-init pa."

Matapos kumain ay tumindig siya at naglakad patungong devider at minasdan ang larawan ng isang lalake, si Tristan Sidis, ang kinikilala niyang kapatid. "Papasok na po ako kuya Tristan," sambit niya, nakangiti subalit may bakas ng lumbay sa kanyang mukha.

"Tita, papasok na po ako." Paalam ni Hans kay Catherine.

"Mag-iingat ka." Tugon ng ginang sa kanya.

"Goodbye Hans, Goodbye Hans!" Segunda naman ni VD.

Dali-dali siyang lumabas ng bahay at sumakay sa kanyang bisekleta at tinumbok ang eskinita na kung saan ang labas nito'y kalsada na.

Sa pag-labas ni Hanson sa eskinita ay nakasalubong niya ang isa sa kanyang matatalik na kaibigan, si Michael Crossroad. Kilala sa twag na Mike. Anak ng riteradong sundalong amerikano na nananatili dito sa Pilipinas.

Binati siya nito at nagsabay silang dalawa.

Patuloy sila sa pagbibisekleta. Habang binabaybay ang daan patungo sa kanilang paaralan ay kapansin-pansin ang mga nakasabit na bantiritas sa mga puno, gan'on din ang ilang mga tarpuling naka-paskil. Tila bumabati ito sa bawat taong napapadaan at napapatingin.

'Happy 160th Wishing Tree Festival?' Napangisi na lamang si Hanson nang sumulyap dito, 'Bukas na gaganapin ang piyesta.' saad niya sa sarili.

Siya'y napa-isip kung ano ang gagawin niya bukas. Kung mamasyal ba kasama ang barkada o mananatili na lang sa bahay at mag-aaral?

"It's seven o'clock in the morning but it feels like afternoon already!" angal ni Mike.

Napaangat ng tingin si Hanson sa kalangitan. Sa totoo lang ay kanina pa niya napapansin ang sobrang init, pero dedma lang iyon sa kanya. Ni ang pagdaloy ng pawis sa kanyang likuran ay binalewala, "Well, ganito talaga ang klima dito sa pilipinas," sambit ni Hanson.

Nanuya si Mike sa kanya, "It's easy for you to say that because you were born here."

"Sa bagay."

Ilang minuto ang lumipas ay naaninagan nila ang mataas na pader ng paaralan. Nasa gilid ng lansanagan. Kapansin-pasin ang kalumaan ng itsura nito na mala-istilong Renaissance. Isang uri ng makalumang pamamaraan ng pagdidisenyo sa arkitektura sa Europa noong unang bahagi ng ika-14 hanggang sa unang bahagi ng ika-16 na siglo.

Sa kalagitnaan ng kahabaan ng pader na ito ay may nag-iisang gate patungo sa loob ng paaralan. Sa ibabaw nito ay mababasa ang katagang 'Vicentian University.'

Sa pagtahak nila dito ay unang bumungad ang tila malawak na hardin sa magkabilang panig ng maliit na kalsada. Patag at mabeberdeng damo na may mga umbok ng makukulay na santan, gan'on din sa gilid ng lansangan. Maging ang mga puno ng narra ay nakahilera sa gilid ng daan.

Sa dulo ng maliit na kalsada ay unang madadaanan ang Maceda, ang pambungad na gusali ng Vicentian University. May dalawang palapag ito at ang haba ay halos kasing haba ng pader ng VU. Dirty-white ang kulay ng dingding, bagong lagay ng pintura. May kalakihan ang mga bintana nito na halos 'sing laki ng tao, bawat agwat ay may tig-kalahating metro ang pagitan. Sa itsura ng gusaling iyon ay hindi mapaghahalatang ito'y luma na at ni-renovate lamang.

Mayroong pasilyo sa gitna ng Maceda at sa kaliwang dingding nito ay may malaking bulletin board.

Matapos nilang landasin ito ay itinabi na nila ang kanilang bisekleta at pumaroon sa itinakdang silid-aralan, ang 8A. Ang Section A ang highest section sa lahat ng baitang, at sa taong ito ay magkaklase sina Hanson at Mike.

Sa kanilang pagpasok sa silid ay sinalubong agad sila ng isang pagbati, "Hi guys!" Pambungad ng isang babae; abot bewang ang buhok nito. Tisay at may katamtamang pangangatawan. Siya si Janine Alvarez. Nakaupo siya malapit sa bintana, kasama ang dalawang lalake at isa pang babae na katabi niya rin.

Masaya namang kumaway dito si Hanson.

"Aba-aba, ano't sobrang saya mo ngayon?" Pangiting tanong ni Janine sa kanya, tila may halo itong pagbibiro habang nakataas ang kaliwang kilay.

"Naman, ganyan talaga kapag umiibig, always bright and smiling face na parang nasilayan mo ang crush mo." Pabirong sabat ni Jacob Barbosa. Balingkinitan ang katawan. May suot na stretch na head band sa ulo at may nakasabit na head phone sa kanyang leeg. Mayroon din itong hawak na baraha na kanya namang binabalasa.

"Haha, hindi naman sa gan'on." Natatawang sambit ni Hanson.

"Agad-agad, kesyo nakangiti lang in-love agad. Hindi ba pwedeng may something lang, mga judgemental talaga kayo." Sabat naman ng isa pang lalakeng nakasalamin. Seryoso itong nakatuon sa librong hawak. Siya si Jason Alvarez, ang kakambal ni Janine.

"Wow, mukhang lume-level up ka na ngayon Jason ah." Tudyo ni Jacob, "Ikaw ba 'yan Jason o sinasapian ka na naman."

Ibinaba ni Jason ang hawak nitong libro, nauuyam itong luminga kay Jacob, "'Wag kang mag-alala hindi ko papalitan ang trono mo and thank you sa complement."

"Sandali matanong ko lang, anong hangin na naman ba ang nagdala sa inyo at napadpad kayo dito?" Tanong ni Hanson.

"Ano pa ba 'e 'di para magkita-kita tayo. Friendship never apart, in distance or in heart, 'di ba? So, sa ayaw at sa gusto mo pupunta at pupunta pa rin kami dito," Wika ni Janine.

"Pero nagkikita naman tayo tuwing break time. May birthday pa nga at christmas. May new year pa at reunions. Saka matatapos na rin ang school year natin, magbabakasyon na kaya." Puna ni Hanson.

"You know what, ang harsh mo. Moment na nga natin ito ganyan ka pa," ani ni Janine, nakabusangot ang mukha, "ayaw mo yata kaming makita, 'e."

"Ito naman, parang hindi ka na mabiro," anya ni Hanson, patawa-tawa. Naasiwa sa kanyang sinabi.

"You know how serious Hans is when it comes to matters about life." dugtong ni Mike.

Ngiting pilit naman si Hanson, "Hindi naman sa ganun guys."

"Nakaka-tanda kaya ang sobrang seryoso," saad ni Jason at pahapyaw na sumulyap kay Hanson, "pero in fairness ha, hindi halatang tumatanda siya."

"Tama ka." Segunda ni Liliane Serrano, ang bagong transferee na kararating lamang noong nakaraang linggo. Medyo kulot ang dulo ng buhok nito at nakapony ang tali.

"Hoy, narinig ko 'yan." Bira ni Hanson at nagtawanan silang lahat liban sa kanya, "Grabe, since kinder ko na kayo kilala pero until now wala pa rin kayong pinagbago," parinig niya at natahimik sila, tikom ang bibig pero halatang pinipigilan lang nila matawa.

"Umh, Hans," untag ni Jacob sa kanya at napatingin siya dito nang seryoso ang mukha, "Bakit?"

"Ano kaya kung maupo ka muna baka bigla kang tumangkad 'e,"

"Hindi na, magpapatangkad na lang ako sayang e."

Muling nagtawanan ang lima. kanina pa kase nilang napapansin na kanina pa'ng nakatayo si Hanson habang ang kasabayan nitong si Mike ay pumuwesto na sa upuan. Inabutan naman siya ni Jacob ng silya, waring nakahalata na itong naiinis na si Hanson sa kanila. Hindi naman siya nagmaktol at tahimik na naupo. Labas na lang sa kabilang taenga ang tawanan nila.

Ganito na ang sitwasyon ni Hanson mula nang makilala niya sila noong mga musmus pa lamang sila, tuwing tatapak sa silid aralan ay sila agad ang bubungad sa kanya. Minsan ay magugulat siyang nasa tapat ng kanilang bahay ang mga ito at sasabay papuntang paaralan o kung anuman ang maisip nilang gawin. Kung tutuusin ay pasimula ito ni Janine. Inulit-ulit hanggang sa mabilis itong nakahawa at naging nakasanayan na ng lahat.

Siguro kung hindi lang dahil sa kalagayan niya'y baka hindi lagi ganito ang nangyayari. Pakiramdam niya tuloy siya ang sentro ng samahan nila. Pero ok na rin iyon dagil nabibigyan sila ng inspirasyon at motibasyon upang mapabago ang mga sarili nila. Hindi naman lahat pero sapat na iyon para kay Hanson, isa pa, sanay na siya sa kanila. Immune na siya sa mga kalokohan ng mga ito.

At si Liliane, kahit isang linggo pa lang sa lugar ay tila daig pa ng isang taon ang pagkakakilanlan at sadyang malapit sa barkada. Nahawaan na rin ito ng kakabiang gawi barkada kaya ayan, pati ito ay madalas niya nang makita. Hindi na ito kataka-kata kay Hanson.

Nagpatuloy lamang ang kanilang tawanan at asaran sa pangunguna ni Jacob, kasama ang numero uno nitong ka-tandem na si Jason na sa kabaligtaran ay pikunin at madaling mainis. Sa tuwing binibiro ito ni Jacob ay laging may balik na sagot itong si Jason na may kasamang siyentipikong eksplenasyon. Parang aso't pusa kung magtalak ang dalawa. Syempre, sinasabayan naman ito ni Janine ng mga pabebe "words of wisdom." Dagdagan pa ni Mike na walang masambit kundi 'tama na 'yan', 'baka' o di kaya 'umh siguro' habang si Liliane naman ay nakikinig lamang.

Naaaliw si Hanson habang pinagmamasdan ang mga ito. May mga pagkakataong napapahalakhak na lamang siya dahil sa sobrang kakwelahan nila. Pakiwari niya ay parang nanonood siya ng komedya sa telebisyon.

Subalit ang masasayang sandaling iyon ay parang bulang naparam sa labi ni Hanson.

'Tomorrow is festival day...'

Tila nanilim ang mukha ni Hanson. Parang may paru-paro ang lumilipad asa kanyang tiyan.

'I wish you were still here... Kuya Tristan'