NAPATINGIN ako sa aking apo na hinila hila ang aking damit habang ako ay nagkakape
"Lolo Edzel, may panibagong kwento na naman ba kayo?" Pangungulit ni Marco na apo ko sa una kong anak
"Ay naku apo wala munang maikukwento si Lolo ngayon. Naubos na lahat ang pantasya kong kwento" Mahinang pagkakasabi ko sa apo ko at uminom ng kape na umuusok pa sa init
"Sige na Lolo...." Pangungulit na naman ni Marco at hinila ang aking kanang braso
Napatawa na lang ako sa kakulitan ng aking apo, hindi talaga ito titigil kapag wala man lang akong naikukwento sa kanya
"Sige na nga, dahil sa makulit kang bata ka. Pipilitin ni Lolo na magkuwento" At umayos ako ng upo
YEAR 1947
Nakatira ako sa tabing dagat kasama ang aking tatay at kaming dalawa ay naghahanap buhay bilang mangingisda. Huminto na ako sa pag-aaral dahil hindi na kaya ng aking tatay ang mga babayarin sa paaralan-idagdag mo pa ang pambayad sa upa ng dorm kada buwan.
"Edzel, 'wag mong ilalayo ang bangka. Ako'y sisisid lamang sa ilalim para mamana ng malalaking isda na puwede nating iulam" Bilin ni tatay at nagsuot ng salaming de kolor
"Opo tay" Sagot ko naman at ihinanda ang malaking lambat
"Paki-abot nga ng sibat" Paunlak ni tatay
Nang maibigay ko na sa kanya ang sibat ay nagbilin na naman ito
"Talasan mo ang iyong mga mata. Magmatiyag ka, naiintindihan mo ba ako?" Naguguluhan ma'y umoo na lang ako sa mahigpit na bilin ni itay
Makalipas ang isang oras na kakahintay sa bangka ay naisipan kong ihulog ang lambat sa dagat para naman sa pagbalik ni tatay ay may makuha na akong isda para pangbenta
Tirik na tirik ang araw na naghintay ako sa aking tatay kung kailan siya babalik.
"Nagugutom na ako" Hindi ko maiwasang masabi ng marinig kong nag aalburuto na ang aking walang lamang tiyan sa gutom
"Edzel, Edzel...." Napalingon ako sa aking likuran ng may tumawag sa aking pangalan
Kay gandang tinig!
"Edzel, dito...." Tawag ulit sa'kin ng misteryosong magandang tinig na kaagad kong hinanap
Sinundan ko boses kong saan ko iyon narinig at natunton ko iyon sa gilid ng bangka sa ilalim ng tubig dagat
Napakurap ako ng dalawang beses sa aking nakita-isang babaeng napakaganda na may maitim na buhok at may buntot ng isda...
"Kay gandang nilalang..." Parang nahipnotismo kong usal at hahawakan na sana ang babae ng magising ako sa reyalidad
"Edzel anak, ano bang ginagawa mo!" Pukaw sa akin ni tatay
"Tay, nandito na pala kayo-kanina pa po ba kayo diyan?" Parang wala sa sarili kong usal
"Oo, at kanina pa kita tinatawag.... Hindi mo ba ako naririnig? Balak mo pa yata akong sundan sa ilalim ng tubig" Bulalas ni itay na ikinanganga ko
"P-po?"
"At ano ang iyong sinasabi kanina? Kay gandang-ano?" Naniningkit ang mga matang tinanong ako ni itay
'Kay gandang babae po tay'
Sasabihin ko sana kay tatay pero pinili ko na lang ilihim ang tagpong iyon. Nagdadalawang isip kasi ako baka hindi niya papaniwalaan ang aking sasabihin
• • •
"Sabihin mo nga sa'kin, may problema ka ba Edzel? Kanina ka pa tulala diyan" Pangdidisturbo ni tatay sa aking malalim na pag-iisip
"Wala po tay" Pagdadahilan ko
"Alam kong may bumabagabag sa iyo, sige na sabihin mo na sa'kin" Pamimilit ni tatay
Sasabihin ko ba? Paano kong hindi ako paniwalaan ni tatay, magmumukha akong baliw sa kanya
"Mangako ka muna sa'kin tay na paniniwalaan mo aking sasabihin-" Pakikitungo ko sa kanya
"Para saan pa kung hindi! Anak kita, kaya maniniwala ako sa'yo." Napapailing na sagot naman ni tatay
Sasabihin ko na
"May nakita po akong babae-"
"Oh tapos,"
"Hindi siya pangkaraniwan at ordinaryo. May buntot siya" Pagsasabi ko ng totoo kay tatay na ikinatigil niya sa pagbibilad ng tuyo
"Anong sabi mo?"
"Babaeng maganda na may buntot po" Narinig kong napamura si itay sa aking sinabi
"Anak-Edzel, makinig ka. Hindi imahinasyon ang babaeng binanggit mo sa'kin, totoo siya kaya mag-ingat ka" Sabi ni itay na hindi nagpatulog sa akin ng dalawang araw
Kung gayon ay anong klaseng nilalang siya?
Makalipas ang isang linggong hindi ako sinama ni tatay sa pangingisda ay narinig ko na namang tinawag ako ng boses na aking hinahanap hanap.
"Edzel.... dito, halika dito" Parang isang musika sa aking tenga ang boses na kay tagal ko ng hindi naririnig
Dali-dali kong pinuntahan kung saan ko iyon narinig, nakakagumon ang kanyang boses-parang hinihili ako.
Napangiti ako ng sa wakas ay makita ko ang babaeng may buntot, nakaupo siya sa bato at nakangiti sa akin para bang hinihintay niya ako sa aking pagdating.
"Maligayang pagdating Edzel, kay tagal kitang hinintay..." Masayang bungad ng babaeng may buntot sa akin
"Nilalang, nais kung makilala ka. Ano ang iyong ngalan?" Marespeto kong tinanong ang babaeng may buntot na kaagad naman nitong sinagot
"Ako si Skylar, tagapangalaga at tagabantay ng dagat-" Sagot naman nito
Ilang araw, linggo, at buwan ay palaging nagkikita kami ni Skylar.
Bawat oras ay hindi ko iyon pinalampas hanggang sa dumating ang araw na nahuli ako ni tatay na palagi akong pumupunta sa dalampasigan para tagpuin si Skylar
"Ano na ba ang nangyayari sa'yo Edzel! Diba sinabi ko sa'yo na iwas-iwasan mo ng magpunta sa tabing dagat? Hindi ka naman ganyan dati!" Sabi ni tatay na ikinayuko ko
"Hindi ko po kasi maiwasan tay eh. Parang may sariling buhay ang aking mga paa at kusa akong dinadala doon-" Sagot ko naman
"Dahil kagagawan iyan ng Skylar na sinasabi mo! Hindi siya tao Edzel, sirena siya! At malabo kayong magsama dahil hindi puwede ang tao sa sirena naiintindihan mo ba ako?!" Pagpapaintindi sa akin ni tatay
Hindi ko na lang siya sinagot sa halip ay sinuway ko na naman siya, nagtungo ako sa dalampasigan. Lagpas alas dose na ng gabi. Gusto kong makasama ng mahabang panahon si Skylar
"Skylar! Nasaan ka, nandito na ako!" Tawag ko sa sirenang bumihag sa aking puso
"Skylar!" Nakailang tawag ako ng pangalan niya ngunit hindi siya dumating-iniwan na niya ako
Tama nga ang narinig ko na madami na ngang nabibiktina si Skylar at kasama na doon si tatay
Hindi siya tumatanda, kaya hindi kumukupas ang kanyang angking ganda
Napaiyak na lang akong napaupo sa malaking bato habang nanlalabo ang mga matang tinitingnan ang tubig dagat na humahampas sa aking kinauupuan
"Ang tanga ko! Ang tanga tanga ko!" Sinabunutan ko ang aking sariling buhok sa kamaliang aking nagawa
Sana pala nakinig ako kay tatay, dapat sa una pa lang itinigil ko na ang pagkikipagkita sa kanya
Wala na, ako ang talunan dahil sa kapabayaan at katangahan ko ay nabihag ni Skylar ang puso ko na kailanman ay hinding hindi na niya maibabalik pa sa dati.....
Napataas na lang aking dalawang kilay sa hindi ko inaasahang sagot ni Marco
"Tapos Lo, hindi na ulit kayo nagkita? Ang sad naman masyado Lolo...." Palatak ng aking apo na ikinailing ko
"Hindi na, matapos ang pangyayaring iyon ay hindi ko na narinig ang pangalan niya sa iba-" Sagot ko naman
At iyon ang aking natutunan. Dapat hindi ka umasa, unahin mo ang iyong sarili dapat alam mo kung ano ang tama sa mali at h'wag kang magpadalosdalos sa iyong nararamdaman. Kasi alam ko na ang pagtingin mo sa isang tao ay hindi tunay-mawawala din iyan....