Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 77 - KABANATA 6

Chapter 77 - KABANATA 6

"SA tingin ninyo Mama, okay lang kaya kung hanapin ko ang Papa?" kinagabihan ay naitanong niya sa ina.

Matagal muna siyang pinagmasdan ng ina bago nito itinuloy ang pagpapadaan ng brush sa kulot niyang buhok. "I don't think it's a good idea anak" anito sa karaniwan ng mahinahon tinig.

"B-Bakit naman po?"

"I told you, mas mabuti siguro iyong mag-move on na tayong pareho. At isa pa, baka masaktan ka lang sa possible mong makita anak"

"Bakit naman ako masasaktan Ma?" walang muwang ang mga mata niyang tinitigan ang ina.

"Matagal na panahon na kasi iyon, hindi natin alam, b-baka may sarili na siyang pamilya kaya…" hindi man itinuloy ng ina ang iba pang gustong sabihin ay nakuha naman niya ang ibig sabihin at hindi siya nakapagsalita doon.

"Matulog kana, bukas gigisingin kita ng maaga. Sasamahan ka ni Raphael sa SJU para sa entrance exam mo, then tutuloy kayo sa magsusukat sayo ng pang-abay" tumango lang siya sa sinabing iyon ni Hilde. Siya kasi ang tatayong Maid of Honor at si Raphael naman ang Best Man. Wala sa loob siyang napangiti.

Wala siyang natandaang sandali na iniwan ng kaba ang kanyang dibdib kapag nasa paligid ang binata. Pero sa kabila niyon ay naroon parin ang kakaibang kilig na mula pa man nang una niya itong makita ay naramdaman na niya kahit matagal ng panahon ang lumipas. Napangiti nang maalala ang eksena sa CR na inabutan niya dalawang taon narin ang nakalipas.

Medyo nakakainggit iyong babaeng nakita niyang kahalikan ni Raphael pero dahil hindi pa siya ready sa ganoon hanggang pangarap nalang siguro. Sabagay, mabait naman ang binata sa kanya at gentleman. At kanina habang byahe nangako itong ipapasyal siya sa farm na pag-aari ng pamilya nito at maging sa palaisdaan. Naitanong kasi sa kanya kanina ng binata kung naranasan na niya ang mamingwit, umamin siyang hindi pa kaya sinabi sa kanya ni Raphael na bago magpasukan ay mamimingwit sila.

Masarap pangarapin si Raphael, dahil alam niyang mabuti itong inspirasyon. Pero kahit gaano pa katindi ang kilig na nararamdaman niya hindi niya maiwasang kabahan dahil sa isiping posibleng kahinatnan ng lahat ng nararamdaman niya para sa binata.

KINABUKASAN gaya ng sinabi ng kanyang Mama, maaga siya nitong ginising. Kasama si Raphael una nilang tinungo ang SJU para sa pagkuha niya ng college entrance exam. Nang araw na iyon din mismo lumabas ang resulta ng exam niya. Pumasa siya kaya naman nagtuloy sa siyang kumuha ng application form para sa pagpapa-enroll niya sa susunod na araw. Kulang isang buwan nalang at magbubukas ang klase. At gaya ng matagal na niyang pinapangarap, Nursing ang kukunin niyang kurso.

"Bakit Nursing?" tanong sa kanya ni Raphael.

Ngumiti siya. "I want to help saving lives" maikli niyang sagot saka ibinalik ang tingin sa hawak na form. "are you okay?" naitanong pa niya nang sa pakiwari niya'y biglang tumiim ang mukha nito.

Tumango-tango ito saka ngumiti. "Yeah, anyway baka gusto mong kumain muna?"

Umiling siya. "Magpasukat na tayo ng damit, para pag-uwi sa bahay na tayo kumain" suhestiyon niya.

"Okay" ayon ni Raphael.

PAGKATAPOS ng masayang pananghalian kasama sina Raphael at Hilde noon siya niyayang mamingwit ng binata. Nang payagan siya ng ina ay mabilis lang siya nag-shower. Sa garahe inabutan niya ang binata, nasa likuran na ng Ford Ranger ang mga kakailanganin nilang gamit sa pamimingwit. Habang ipinasok naman ni Mang Lito sa may backseat ang baon nilang ipinilit ni Hilde sakaling gutumin sila sa pamamasyal.

Simple lang naman ang suot niya noon, skinny jeans, cotton shirt at rubber shoes. Pero hindi niya napigilang pamulahan nang makita ang matinding paghanga sa mga mata ni Raphael na hinagod siya ng tingin mula ulo hanggang paa.

"Sigurado ka ayaw mong ipag-drive ko kayo?" si Mang Lito.

Parang natauhang kumilos agad ang binata. "Magpahinga nalang muna kayo at baka bigla kayong ipatawag ng Dad o kaya ni Lolo" anito sa matanda saka tinapik ng marahan ang balikat.

"O siya sige, mag-iingat kayo at huwag mong paliliparin itong sasakayan. Parang hindi kita kilalang mag-drive" natatawang paalala ng matanda.

"Sa ganda ba naman nitong kasama ko Mang Lito, kailangan doble ingat. Di ba Lovely Hair?" anitong hinarap siyang malapad ang pagkakangiti.

Hindi siya sumagot at namumula ang mukhang nagbaba ng tingin. Kahit sa titig lang ng binata talagang tinatablan siya. Pero in fairness sa kabila ng matinding kaba at tensyon masarap parin sa pakiramdam ang simpleng pagtatama lang ng kanilang mga mata.

"Let's go?" ang binatang nilapitan siya at hinawakan sa siko. Malakas siyang napasinghap dahil sa pagkabigla at mabilis na reaksyon ng katawan niya sa simpleng paglalapat ng kanilang mga balat. "Okay ka lang?"

Maingat niyang binawi ang braso saka na nagpatiuna sa sasakyan. Ikinabit niya ang seatbelt saka pinagsikapang kalamayin ang sarili. Ilang sandali pa nasa loob narin ang binata.

"R-Raphael?" nang hindi makatiis siya na ang unang nagsalita. Pakiwari kasi niya ay para siyang maso-suffocate sa tindi ng tensyong nararamdaman dahil sa presence ng binata. Pero sa kabilang banda talagang wala siyang lakas ng loob na tanggihan at layuan ito. Dahil kahit sabihing araw palang mula nang magkalapit sila, pakiramdam niya matagal na niya itong kasama.

"I know this may sound crazy, pero alam mo, anyone can call my name but only you can make it sound so damn special" nagtatanong ang mga mata niyang pinakatitigan ang binata. Nang hindi makatagal siya na mismo ang nagyuko ng ulo. Naramdaman niya ang mainit na kamay nitong ginagap ang kanya kaya muli siyang napatitig rito."Ano iyon?"

"M-May g-gusto sana akong itanong sayo?" itatanong sana niya ang plano niyang paghahanap kay Arthur kahit ang totoo ay nag-aalangan siya sa bagay na iyon.

"Ano?" umangat ang dalawang kilay ng binata.

Magkakasunod siyang napailing. "H-Hayaan mo na, next time nalang" pagkuwan ay bawi niya saka pasimpleng hinila ang kamay mula sa binata. Pero hindi iyon binitiwan ni Raphael. At sa halip ay mas humigpit pa ang pagkakahawak nito sa kamay niya.

"Pagbigyan mo na ako, ngayon lang ako naging ganito. Pakiramdam ko kasi pwede kang mawala kapag hindi ko ginawa ito, at ayokong mangyari iyon" anito sa nakikiusap na tinig.

Nanuyo ang lalamunan niya at sunod-sunod na napalunok. Pagkatapos ay minabuting ngumiti nalang. Dahil doon ay muling nagsalita ang binata.

"Kung saan-saan ko hinanap ang sarili ko, pero sayo lang pala ako matatahimik. I'm happy we met, and I will be forever grateful for that" makahulugan nitong turan.

Lalong naging abnormal ang tibok ng puso niya dahil sa sinabing iyon ni Raphael. Pero sa kabila ng kaba ay hindi parin niya napigilan ang mapangiti.

"Masaya rin ako, at nakilala kita" sa kabila ng pagiging dominante ay nakita niyang umaliwalas ang mukha ni Raphael nang lingunin siya nito.

Pagkatapos ay saka niya naramdaman ang marahang pagpisil nito sa kanyang palad na kahit hindi niya aminin, totoong nagustuhan niya.