Chereads / Axisa's Playlist / Chapter 2 - Karlo Antonio - Fall

Chapter 2 - Karlo Antonio - Fall

"Sino nga 'yong hinihintay ni Renzo na dumating mamaya?" tanong ni Lorenzo sa akin.

Huwag kayong malilito sa pangalan nila. Hindi rin sila magkapatid, magkatunong lang ang Renzo at Lorenzo, naging nickname pa ni Lorenzo ang Enzo kaya mas nakakalito minsan.

"Girlfriend niya," sagot ko.

"Di nga, Karl? May girlfriend si Renzo?"

"Sabi niya girlfriend, eh. Mukha bang biro 'yon?"

Tumingin siya sa labas ng practice room. Basement nila Joaquin ang ginagamit namin na practice room. Sa resto-bar naman nila Renzo ang concert hall na tinuturing namin. Hindi kami naze-zero kapag 'yong parents na niya ang nag book ng event para sa amin. Si Joaquin 'tong tinaguriang Event Coordinator pero hindi kami magawan ng raket sa kung saan-saan.

Simula college nabuo ang banda namin. Ano ang banda? Nagsimula lang talaga 'to sa banda rito, banda roon. Walang seryoso sa pagtugtog. Tanging musika lang ang gusto namin gawin noon, tapos ngayon mayroon na kaming banda.

Na-adapt namin 'yong bandname na ginamit no'ng college. Axisa. Hindi ko rin alam kung sino ba sa aming apat ang naka-isip noon, wala naman babae sa banda.

"E, ikaw? Balita ko may hinihintay ka rin na dumating."

"Hindi 'yon pupunta," sagot ko.

"Oh, bakit naman nega ka agad. Sinabihan mo, 'di ba? Si Justine 'yon, 'di ba?"

"Ah, ewan ko. Bigyan mo na lang ako ng magandang background dyan, kanta tayo."

"Nako, Karl. Ayusin mo 'yan ha. Kung ibang babae ang pupunta mamaya rito, lagot ka kay Joaquin."

"Hindi pupunta si Justine. Wala siyang panahon sa mga ganitong bagay."

Busy siya sa trabaho. Busy siya sa lahat ng mga pwedeng pagkaabalahan maliban sa akin. Isang taon ko na siyang sinusuyo, pero olats pa rin. Halos haranahin ko na nga araw-araw sa labas ng bahay nila, walang epekto sa kanya.

Ako na nga 'tong nanliligaw sa nanay at tatay niya, hindi pa rin ako sinasagot.

"Pero sinabihan mo siya na pumunta?"

"Oo, birthday ko, 'di ba?"

"Ay, shit. Oo nga pala. Happy ang lahat, ikaw lang ang hindi. Ilang taon ka na nga?"

"Itono mo muna 'yang gitara mo bago ako sumagot."

At ginawa nga niya ang sinabi ko. Nagtono siya ng gitara, nagtitingin naman ako ng pwedeng kantahin habang hinihintay ang pagdating nung iba pa naming kasama.

Bokalista ng banda, ako 'yon. Maraming nagsasabi na maganda raw ang boses ko. Ni isang beses na tumugtog kami ng live, hindi pa napapanood ni Justine. Laging mga recorded video lang ang napapakita ko sa kanya. Hindi siya nakakarating kapag nag-iimbita ako sa gig namin.

Masyado siyang maraming ginagawa.

Nag tatrabaho sa umaga.

Nag-aaral sa gabi.

Gusto niyang maging doctor. Marami siyang pinag-aaralan. Marami siyang kailangan basahin at gawin. Hindi ako kasama sa listahan ng priorities ni Justine.

Schoolmates kami noong highschool. Magkapareho rin kami ng university na pinasukan noong college. Hindi gano'n kadali na maging malapit sa kanya. Hindi isang biro na mapansin at kausapin niya. Kaya nang bigyan niya ako ng pagkakataon na mas kilalanin pa siya, wala akong sinayang na oras.

Hindi ko lang alam kung gano'n pa rin ang tingin niya sa ginagawa namin. Marami na siyang ibang pinagtutuunan ng pansin maliban sa akin. Naiintindihan ko naman. Pinili ko ang banda. Pinili ko na mag trabaho na mas malayo sa kanya. Oras ang kalaban naming dalawa.

Oras din ang kailangan naming dalawa.

"Twenty-seven ka na ba?" tanong ni Enzo.

"Hulaan mo na lang," sagot ko.

"Sabi mo magpapakasal ka bago mag thirty. Ang tanong ko ngayon sa'yo, Karl, may bride ka na ba? Balita ko ready na 'yong suit mo."

"Hayop, mahanimik ka dyan, Enzo."

"Swerte ko pala kay Dominique. Mahal na mahal na mahal ako non," pagyayabang niya.

"Sino nga 'yon? Siya ba 'yong hinabol mo sa airport kasi muntik ka nang iwan?"

"Ano nga kakantahin mo?"

Pag-iiba niya sa usapan. Nanahimik na rin si Enzo. Dumating si Joaquin kasabay ni Renzo. Walang nabanggit 'yong dalawa sa oras ng tugtog mamaya. Palagay ko dating oras pa rin.

"Sino nag order ng dinner?" tanong ni Joaquin.

"Ikaw," sagot ni Renzo. "Late ka na naman, 'di ba?"

"Ako ba? Kailan ako na-late?"

"No'ng hinatid mo 'yong boss mo. Birthday ko kaya noon," sagot ni Renzo.

Naglalakad si Joaquin papunta sa drum set niya, malalim na nag-iisip. "Hoy, Renzo, sa October pa birthday mo. August pa lang ngayon. Si Karl may birthday ngayon."

"Ay, happy birthday, pareng Karl. Kailan kasal?"

"Nag order ako ng pasta at chicken," sabi ni Enzo. "Sino magbabayad nito?"

"Ako na," sabi ko. "Birthday ko naman. Huwag niyo lang akong tatanungin kung kailan ang kasalan, baka alisin ko mga pangalan niyo sa invitation."

"La-la-la. Set niyo na 'yan at gusto ko nang kumain," pagpaparinig ni Enzo.

Dumating 'yong order. Ako nagbayad. Kumain kami. Tumugtog ng isang set. Nag ready para sa gig ngayong gabi. Hindi nagkwentuhan habang nasa byahe. Kanya kanya ng kanta na pinapakinggan, si Joaquin ang nag drive papunta sa venue.

"Next pa raw tayo, labas lang ako," paalam ni Joaquin.

"Oh, saan na naman punta ni Martinez? May babae ba 'yon dito?" tanong ni Renzo sa amin ni Enzo.

"Hindi, may tatawagan lang 'yon. Ingay kaya rito sa loob."

"Ganon ba, hanapin ko lang si Max. Nandito na raw siya," sinundan ko lang ng tingin si Renzo.

"Sino si Max?" tanong ko kay Enzo.

"Akala ko ba girlfriend niya? Ba't 'di mo kilala?"

"Si Maxine? Max pala tawag niya ro'n," sabi ko.

Narinig ko na sinabi ni Enzo, "Hindi ko nga kilala girlfriend. Baka 'yon na si Max. Kevin naman pangalan nung may ari nitong resto-bar. Kapatid niya, 'no?"

Tumango na lang ako. Kapatid ni Renzo ang may-ari ng resto-bar na 'to. Pareho silang may share kaya kay Renzo na rin 'to kung iisipin. Nakapwesto kami sa may unahan. May banda na kumakanta ngayon. Babae 'yong bokalista nila. Maganda boses, maganda rin siya.

"Sabi na, e" puna ni Enzo.

"Ano?"

"Sabi na ganyan mga tipo mo," sabi niya pa.

Tinanggi ko naman. Sinabi ko na maganda 'yong boses at bagay sa napili niyang kanta.

"Totoo ba na si Justine lang ang gusto mo? Marami ka kayang chix dyan sa tabi-tabi."

"Mananahimik ka Enzo o gusto mo siraan kita kay Dominique?"

Pangiti-ngiti siya sa akin.

"Order lang ako ng drinks. Ano gusto mo? 'yon na lang ulit?"

Tumango ako. Pinanood na umalis si Enzo para mag order ng drinks. Hindi na bumalik si Joaquin at Renzo.

Maraming tao ngayon, 'di gaya dati na mabibilang kung ilan ang laman ng resto-bar.

Ganito na naman ang setup, may kanya-kanyang buhay kami kapag nandito na sa loob. Magkikita-kita lang kami kapag malapit na tumugtog.

Narinig kong kinakanta 'yong paboritong kanta ni Justine. Naalala ko siya. Tiningnan ko kung may text o tawag ba akong hindi nasagot galing sa kanya, wala. Nagtatanong lang 'yong nanay niya kung magkikita ba kami ngayon. Alam yata ni tita na birthday ko.

Hindi ko muna siya nireplyan. Wala rin kasi akong maisasagot na tama. Hindi ko alam kung magkikita kami o hindi siya sisipot. Palagi naman na 'yong pangalawang sagot ang patutunguhan ng tanong na 'to.

Move a little closer

So I can breathe you in

Wrapped in this enclosure

How long has it been?

And feels like we can stay forever

In each other's arm

So lay down on my shoulder

I keep you safe and warm

Nakikinig ako sa kanta na hindi masaya. Nakikinig ako sa kanta habang hinahanap ko ang boses niya. Kumakanta si Justine, kumakanta siya kapag magkasama kaming dalawa. Ako 'yong gagawin niyang gitarista, tapos pakikinggan ko siyang kumanta. Nagawa namin noon ang mga gano'ng bagay, kapag vacant niya pa sa college.

Pinapanood ko pa rin na kumanta 'yong banda na nasa stage. May napansin akong kakaiba sa pagkanta nila. Biglang tumigil 'yong babae na bokalista.

Tumahimik ang paligid.

Nakatingin sa akin 'yong mga myembro ng banda. Nawawala si Enzo, wala rin si Renzo at Joaquin.

So why don't we fall in love tonight

Cause everything else just feels all right

And now I just wanna hold you tight

Narinig ko na lang na may kumakanta. Ang boses ay nanggagaling sa likuran ko. Lumingon ako para tingnan kung sino 'to.

Nakangiti siya habang naglalakad papalapit sa akin.

Hindi ko na rin napigilan na mapangiti. Si Justine 'tong nakikita ko. Si Justine na ayaw kumakanta sa harap ng maraming tao pero nandito, kinakantahan ako. Kinakanta niya 'yong pinakapaborito niyang kanta.

Hearts are beating

The night is fleeting

Sparks are flying

There's no denying

Sinusubukan kong sabayan ang pagkanta niya sa utak ko. Hindi ko na rin maalis ang ngiti na nasa mukha ko ngayon. Hindi ako makapaniwala na si Justine 'tong nakikita ko ngayon. Kinakantahan niya ako. Isang bagay na hindi niya raw gagawin sa harap ng maraming tao, pero heto siya ngayon kumakanta para sa akin. Kumakanta sa birthday ko. Isang magandang regalo.

Ang saya-saya niyang tingnan.

Mas naging masaya siyang tingnan nang lapitan niya ako. Pareho kaming nakatayo, nakatingin sa isa't isa. Malapit sa pagtibok ng mga pusong nag-uumapaw sa saya.

Why don't we just fall in love tonight

Pagtatapos ng kanta niya. Lyrics na sa palagay ko ay hindi na lang isang kanta.

Binati ako ng banda na dapat ay tutugtog ng huling kanta. Kinuha ni Justine ang natirang oras nila. Nakita ko rin sa sulok na magkakasama 'yong tatlo, mga nagngigisian ang bawat isa.

"Happy Birthday, Karlo Antonio Suarez. Wala na akong utang sa'yo," sabi ni Justine.

"Hinarana mo ba ako?"

"Hindi, asa ka naman na gagawin ko sa'yo 'yon."

"Sayang, sasagutin na dapat kita."

"Oh, 'di ba dapat ako ang gagawa no'n?"

Natigilan ako sa sinabi niya. Hinihintay ko na may sabihin pa siya. Wala siyang sinabi, nakatingin lang siya sa akin. Maingay ang paligid. Nagsisimula na ang pag-aayos para sa pagtugtog namin.

"Ang tagal," pagpaparinig ko.

"Matagal nga. Dapat nandito na 'yon, e."

"Alin?" tanong ko.

"Yung cake mo. May binili akong cake sa'yo. Ayan ha, dami ko nang bayad sa utang ko. Nagpunta ako sa gig niyo tonight, kinantahan pa kita, nako masyado kang sinuswerte ngayong gabi, Karl."

"Aba dapat lang," sabi ko.

"Narinig ko 'yon."

May naghatid ng cake sa table namin, hindi ko na inalam kung ano ang pangalan niya.

"Wait lang," pagpigil ni Justine sa akin. Lalapitan ko na siya para gawin ang ritwal ng mga may birthday ang blow the candle on your cake.

"Bakit?"

"Ihanda mo muna 'yang sarili mo."

"Saan? Papatayin ko lang naman 'yang nag-iisang kandila. Dapat ba kainin ko na rin 'yang cake?"

"Baliw ka! Bahala ka na nga."

Nilapitan ko si Justine. Ginawa ang dapat kong gawin. Nakatingin siya sa akin na para bang may hinihintay na dapat ko talagang gawin. Tiningnan ko ulit 'yong kandila kung napatay ko ba. Wala naman na ang sindi.

"Bakit?" takang tanong ko. Nakatingin siya sa akin at hindi ko maipaliwanag kung bakit gano'n na lang niya ako tingnan.

"Marunong ka bang magbasa?"

"Oo naman, kumakanta nga ako, 'di ba? 'yong lyrics kailangan kong basahin."

"Oh, gano'n naman pala. Ba't di mo 'to binasa?"

Nakatingin siya sa dedication ng cake. "Happy Birthday, Karl lang naman ang nakalagay dyan bakit-shit!" natigilan ako nang mabasa ko ang nakalagay.

"SHIT, GUYS! MAY GIRLFRIEND NA AKO!" sinigaw ko kanilang tatlo. Alam kong nanonood sila ngayon mula sa sulok.

Kahit gaano kalakas 'yong naririnig kong tugtog, binalewala ko 'yon. Pinapanood ako ni Justine na nakangiti pa rin hanggang ngayon.

"Ang ingay mo," sabi niya sa akin. "Hindi ka naman nila maririnig."

"Totoo na 'yan, ah? Walang bawian? Dapat hindi icing 'yan, e. Teka, picturan ko nga."

Iniwas niya 'yong cake sa akin.

"Baliw ka, Karl. Totoo na 'yan. Hindi ko babawiin. Sayang 'yong kahihiyan ko ngayong gabi kung hindi ko pa 'yan gagawing totoo."

"Ganda kaya ng boses mo," sabi ko sa kanya. Yayakapin ko na dapat si Justine pero lumayo siya sa akin.

"Talaga ba? Mas maganda ron sa magandang babae na bokalista kanina?" tanong niya habang naglalakad palayo mula sa akin.

"Oy, teka lang naman. Wala akong sinabi na gano'n kanina."

"Gano'n 'yong mga tipo, 'di ba? Tama ba ako Enzo?"

Nakita ko na ulit 'yong tatlong bandmates ko na nagtago sa kadiliman kanina.

"Tamang tama, Justine, walang halong pagdududa. Gano'n ang tipo ni pareng Karl."

"Ipapaligo ko sa'yo 'tong cake, Enzo, kapag nakuha ko kay Justine."

"Baka break na kayo 'pag kinuha mo 'yan," pagpaparinig ni Renzo.

Tinatawanan naman ako ni Justine.

"Tama na muna 'yang mga pagka bagets niyo. Setup na, oy, mga itlog," sinita kami ni Joaquin.

"Wax, 'di mo ba nakitang nandito girlfriend ko," sabi ko sa kanya.

Tiningan niya si Justine. "May pumatol pala sa'yo?" tanong ni Wax sa akin.

"Grabe, Wax. Hindi lang ikaw 'yong marunong manligaw sa'ting apat," sabi ko.

Nag-uusap silang dalawa ni Justine, narinig ko na may sinabi siya kay Joaquin.

"Ginayuma ako, Wax," sabi niya.

"Patay tayo dyan. Wala akong alam na solusyon sa ganyan," tapos ay tiningnan niya ako. "Kantahan mo na lang din girlfriend mo, quits na kayong dalawa ngayon."

Tiningnan ko si Justine. Nakatingin din siya sa akin. Hawak niya pa rin 'yong cake.

Nilapitan ko siya para alalayan pabalik sa mesa na reserved para sa aming lahat.

"Upo ka muna rito. Mag-uusap tayong dalawa mamaya, Justine Nicole De Chavez."

"Aye, aye, Karlo Antonio."

"Huwag kang titingin sa ibang lalaki. Ako boyfriend mo," pabirong banta ko sa kanya.

Nilagyan niya lang ako ng icing sa pisngi bago pa ako makapag reklamo. "I Love You So, first song request ko sa inyo. Good luck, Karl!" sabi niya.

Iyon ang paborito kong kanta.

Isang kanta para sa akin.

Isang harana para sa kanya.

Ito ang kwento namin ni Justine.

~