Chereads / Axisa's Playlist / Chapter 4 - Lorenzo - Sunrise

Chapter 4 - Lorenzo - Sunrise

"Nakita niyo ba cellphone ko?" tanong ko sa kanilang tatlo.

Naglalaro ng cellphone games si Karl.

Nagtotono ng gitara si Renzo.

Hinahampas naman ni Joaquin 'yong bagong drum set niya.

"Wala akong nakitang pangit na cellphone," sagot ni Karl sa akin.

"Nako, bakit takot na takot ka? May 'di magandang laman 'yon, 'no?" tanong ni Renzo.

"Tigilan mo nga 'ko, Renzo. Ikaw 'tong puro kalibugan ang alam sa'ting tatlo."

"Ano po 'yong libog, Tito Enzo?"

Pinagtawanan nila ako. Hinanap ko sa couch, sa loob ng bag ko, pati na rin sa ilalim ng lamesa, wala talaga 'yong cellphone ko. Hawak ko pa 'yon kanina pagbaba ko ng sasakyan. No'ng nag park ako, nasa bulsa ko 'yon.

Bakit nawawala na ngayon?

Kung kailan kailangan ko pa naman tumawag. Nakakainis.

"Ano ba gagawin mo? Pahiram ko muna sa'yo 'tong phone ko," alok ni Joaquin.

Tumigil silang tatlo sa ginagawa. Tiningnan nila ako. "Kailangan kong tawagan si Dominique; magkikita kami mamaya."

"Si Dominique lang pala. Text ko si Max, sabihin ko na i-text pinsan niya," offer ni Renzo.

"Tae ka, Renzo. Baka urgent 'yon," sabi ni Karl.

"Ano meron?" tanong ni Wax sa akin.

"Mag didinner lang kami. Paalis na siya next week, 'di ba? May scholarship siyang nakuha abroad."

"Tawagan ko number mo. Hanapin natin 'yang phone na nawawala," sabi ni Wax.

Hinahanap naming tatlo 'yong cellphone ko. Nag riring pero wala kaming marinig na ring sa malapit. Binalikan ko 'yong kotse ko na naka park sa labas ng bahay nina Wax. Doon ko nakuha 'yong nawawalang cellphone, naiwan kong nakapatong sa passenger's seat.

Shit.

Bakit ko nakalimutan 'yon dito?

May text si Dominique, one hour ago, tinanong niya kung ano 'yong final na oras at kung saan kami magkikita. Nasa labas daw lang sila ng parents niya, namimili ng mga dadalhin niya abroad.

Nakakuha siya ng scholarship sa Belguim. Three years siya mag stay sa abroad para tapusin ang Master's Degree niya, tapos 'yong natitirang isang taon magbabakasyon lang siya abroad. Maglilibot. Maghahanap ng mga pwedeng pagkaabalahan. Gano'n siya ka-adeventurous na tao. Kahit siya lang mag-isa, kaya niyang libutin ang mundo.

Girlfriend ko si Dominique no'ng highschool. Nag break kami no'ng mag college. Siya 'yong nakipaghiwalay dahil magkaiba na kami ng university na pinasukan. Pero kahit hindi na niya ako boyfriend, pinupuntahan ko siya paminsan minsan sa university nila para ayain na kumain sa labas.

Sinubukan ko siyang kausapin no'ng nasa second year college na kami. Pareho kaming maraming pangarap sa buhay, maraming gustong marating, pero gusto ko na kasama ko pa rin siya sa lahat ng 'yon. Wala naman akong ibang babae na niyayang makipag date no'ng naghiwalay kaming dalawa. Nag focus ako sa nabuong banda. Sa practice. Sa pag-aaral. Sa pag shishift ng course. Sa architecture.

Highschool bestfriends kami ni Dominique. Sabay kaming nag entrance exam. Sabay kaming nakatapos ng highschool. Nagkakilala kami no'ng first day of enrollment. Kasama niya pa noon ang Mama niya. Binilin ako sa kanya ng Mama ko dahil mahilig daw akong bumarkada no'ng highschool. Kinuha ni Mama 'yong number niya para maitext siya at makibalita kung ano ba ang mga ginagawa ko sa klase.

Palagi kaming magkasama ni Dominique no'ng highschool. Kapag wala 'yong mga lalaki na barkada ko, siya ang kasama ko sa lahat at kung saan. Tinuruan niya akong mag piano. Prelude No. 1 in C Major ang pinakagusto niyang tugtugin. Tinuruan ko siyang mag gitara. Kahit sinasabi niya magaling akong tumugtog kahit mukha akong bored sa ginagawa ko. Si Dominique lang ang nakapagsabi sa akin ng ganyan.

Nagkagusto ako sa kanya bago niya ako magustuhan. Third year kami no'ng tanungin ko siya kung pwedeng maging kami. Patapos na ang semester sa third year nang sagutin niya ako. Natapos ang highschool at natapos din ang aming kwento.

Natuwa siya no'ng nalaman niya na nakabuo kami ng banda noong nasa college. Sinuyo ko siya habang pareho kaming nag-aaral. Kahit magkalayo kami ng school, pinupuntahan ko siya. Dinadalaw ko rin siya sa bahay nila kung minsan.

"Kung aalis na si Dominique next week. Paano kayo? Nakipag break na naman sa'yo?" tanong ni Karl sa akin.

Naging kami ulit dalawang taon pagkatapos naming maghiwalay.

"Hindi ko rin alam. 'yon ata gusto niyang pag-usapan namin mamaya."

Nakataas ang mga paa ni Renzo sa couch. "Ang hirap niyan. Dapat ba talaga kayong maghiwalay sa tuwing lalayo siya sa'yo?"

"Huwag ka ng sakit sa ulo. Mag order ka ng lunch, si Karl magbabayad," utos ni Joaquin sa kanya.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit gano'n siya mag-isip. Wala naman mag chi-cheat kung pareho kaming committed sa relasyon. Kahit na long distance pa 'yan, may tiwala naman kami sa isa't isa. Pero hindi ako si Dominique para maintindihan ang sitwasyon naming dalawa.

Gusto niya ba ng freedom kapag malayo ako sa kanya? Mas makabubuti ba 'yon kung maghihiwalay na naman kami?

Nakasandal ako sa couch. Nakapikit ang mga mata. Hinihintay na magtawag sila para kumain ng tanghalian.

Tumunog ang cellphone ko. Ringtone ni Dominique ang naririnig ko.

"Labas lang ako," paalam ko sa kanila.

Nasa labas ako ng basement nang sagutin ko tawag niya.

"Hi. Kumakain ba kayo?" tanong niya.

"Hindi pa. Pauwi na kayo?"

"After lunch pa. Nandyan ka ba kina Joaquin?" sumagot ako ng oo sa tanong niya.

"Pwede kitang puntahan mamaya? Magpapahatid na lang ako kay Mama. Sabay na tayong pumunta sa place for dinner. Okay lang sa'yo?"

"Parang ang bait mo sa'kin ngayon. May bad announcement ka ba mamaya?"

Naririnig ko na nag-uusap 'yong parents niya sa background. Nasa mall pa rin silang tatlo. Walang mga kapatid si Dominique. Nag-iisang anak. Nag-iisang babae na gagawin lahat para sa kanya.

"May trauma ka ba sa announcements ko, Lorenzo?"

"Medyo. Lalo na ngayon na paalis ka na," sinadya ko talagang iparinig sa kanya.

"Next Saturday pa naman flight ko. Gusto mong mag stargazing sa Zambales?"

Nagustuhan ko ang ideya. "Stargazing ba talaga o gusto mo lang makakita ng sunrise? Bakit sa Zambales pa? Sa rooftop na lang namin."

"Sus. Tinatamad ka lang mag drive."

"Okay. Payag na ako. Sa Zambales tayo this Sunday?"

Pumayag agad siya sa alok ko. "Nasaan na 'yong Canon Rock cover niyo? Nag request ako sa'yo ah. I-play mo naman bago ako umalis."

"Ginagawan na namin ng paraaan, Madam. Tawagan kita 'pag pwede na kaming tumugtog."

Nag request siya na tumugtog kami ng Canon D rock version sa susunod naming na live performance sa resto-bar nina Renzo. Last week ko pa 'yon pinaalam sa grupo, at nakukuha naman na namin sa practice 'yong tono. Napanood niya raw sa Kdrama 'yong version ng isang banda, kaya gusto niya na gawin din namin.

Pinaalala niya rin 'yong anime na gusto niyang mapanood ko rin. Her Blue Sky daw ang title. Gusto niya na turuan ko siyang tumugtog ng bass guitar para masubukan niyang tugtugin 'yong Gandara. Sinabi ko na dapat kay Renzo siya nagpapaturo at hindi sa akin.

"I'll see you later, Enzo. Ingat!"

Sabay sa pagtapos ng tawag namin na dumating 'yong order na pagkain para sa lunch.

Napag-usapan naming habang kumakain 'yong Canon in D.

"Bakit kaya gustong gusto ni Dominique 'yong rock version non?" tanong sa akin ni Renzo.

"Baka may balak na rin siyang sumali sa banda. Marunong siyang mag piano, 'di ba?" tanong ni Wax.

"Mahilig lang 'yon makinig sa kung anu-anong kanta. Hindi niya raw talent ang piano."

"Ano napag-usapan niyo kanina? Hindi pa kayo break?" mapang-asar na tanong ni Karl sa akin.

"Kung si Justine kaya makipaghiwalay sa'yo?" sabi ko.

"Hindi pa sila, uy. Huwag kang ganyan, Enzo. Nasasaktan 'yan," natatawang paalala ni Renzo sa akin. Natahimik bigla si Karl.

Hindi pa pala sila ni Justine. Akala ko naman matagal nang naging sila.

"Nagustuhan ko rin na rock version 'yong gustong ipagawa ni Dominique sa atin. Parang gusto ko na tuloy mag switch sa rock music," sabi ni Joaquin.

"Bakit ka ngumingiti dyan, Enzo?" tanong ni Joaquin.

Hindi ko na napansin 'yong usapan nilang tatlo. Nagtext si Dominique, nagpadala siya ng picture sa akin kasama 'yong parents niya. Gusto lang daw mag hi sa akin ng mga kasama niya.

"Kumain na lang kayo nang makapagsimula na ulit sa practice," sagot ko.

Matagal kaming kumain. May kasama pa kasing kulitan at asaran 'yon. Kapag naisip pa ni Renzo na mag order ng desserts at kung anu-ano, mas tumatagal ang oras namin sa pagkain.

Nag practice kami ng dalawang oras. Walang na kaming sinayang na oras dahil may mga pupuntahan daw sila sa mga susunod na araw. Itong mga 'to kung makaasta akala mo may mga girlfriend, si Renzo pa lang naman ang meron. Si Joaquin? Nako, single 'yan. Napakahina 'pag dating sa pormahan. Si Karl? Nako, 'yang Antonio na 'yan hindi mapasagot si Justine, hindi ko alam kung ano ba nangyayari sa kanilang dalawa.

Mabuti na lang mahal ako ni Dominique para balikan niya ako. Hindi na mauulit 'yong paghabol ko sa kanya sa airport kasi akala ko iiwan na naman niya ako. Ihahatid lang pala niya 'yong parents niya para sa bakasyon sa ibang bansa.

Dumating si Dominique nang matapos kaming mag practice. Hinintay niya ako sa labas ng bahay nina Joaquin. Nakita siya nung tatlo. Nagkumustahan sila bago kami dumerecho sa paborito niyang resto.

May isang oras pa kami bago ang dinner. "Saan mo gustong pumunta pagkatapos natin dito?" tanong niya sa akin.

"Hindi pa ba kita ihahatid sa inyo?"

Umiling siya. "Pwede akong mag stay kahit anong oras ko gusto. Nagsabi na ako kina Mama."

"Pumayag sila?" gulat kong tanong.

"Oo, pwede nga 'kong matulog sa inyo mamaya."

"Kahit gusto ko 'yang naiisip mo, alam mong hindi pwede 'yan sa nanay ko."

Tumawa siya. "Edi mag stay tayo sa iba."

"Seryoso ka ba sa sinasabi mo, Dominique?"

"Joke lang. Mag coffee na lang tayo. May bagong bukas na coffee shop malapit do'n sa book store na lagi kong pinupuntahan. Punta tayo ah? Tapos, maglakad tayo sa malapit na park. Gusto ko lang na mag kwentuhan tayong dalawa hanggang kahit anong oras."

"Hanggang sunrise?" tanong ko.

Palagi niya akong sinasama sa walking niya sa village nila. Naglalakad kami hanggang sa maabutan namin ang sunrise. Tapos sasabayan ko ulit siya maglakad pabalik sa bahay niya. Pero joke lang din sa akin ang walking na 'yon, kasi nakasasakyan naman ako pagbalik ko sa bahay.

Pumayag ako sa gusto niya. Kumain kami hanggang seven thirty. Tapos nag kwentuhan kami bago umalis do'n sa resto. Kung anu-ano lang ang napag-usapan namin. Mga lugar na gusto niyang puntahan sa Belgium at mga bansa na gusto niya rin puntahan pagkatapos ng scholarship niya.

"Lagi kitang itatanong kina Wax," sabi niya.

"Bakit kina Wax pa? Tawagan mo na lang ako lagi. Magtext ka. Mag video call tayo."

"Ayaw ko nga. Gusto ko may nag rereport sa akin. Huwag mo silang babayaran para lokohin ako ah. Hindi kita babalikan."

Inakbayan ko siya habang naglalakad kami papunta sa parking area. "Makikipagbalikan pa rin ako sa'yo kapag iniwan mo ulit ako."

"Gano'n ka kabaliw, Enzo?"

"Sa'yo? Oo."

"Sira. Hindi na ako kinikilig sa'yo," pagtanggi niya.

Hindi na raw siya kinikilig pero hindi niya rin ako matingnan ng derecho sa mata kapag ganito kami kalapit sa isa't isa.

"Mamimiss kaya kita," sabi ko.

"Hindi pa naman ako umaalis kaya pwede pa tayong mag bonding. Simulan natin ngayong gabi."

Nagpunta kami sa coffee shop na sinabi niya. Medyo maraming tao pero nakabili naman kami ng hindi pumipila na halos thirty minutes. Niyaya niya ako sa park na sinasabi niya. Kahit pala medyo late na marami pa rin tao. May mga naglalakad kasama ang alaga na aso, mayroon naman na nag kukwentuhan lang habang nasa komportableng upuan. Parang gano'n na lang din gusto kong gawin namin ngayon. Mag kwentuhan lang kahit hanggang anong oras hindi nakakasawa kung si Dominique ang kasama.

"Saan tayo?" tanong ko.

"Iikot. Maglalakad lakad lang dito. Ubusin muna natin 'tong kape tapos pwede na tayong maglakad."

"Ano plans mo kapag umalis ako?" tanong niya sa akin.

"Sa banda lang ako. Sa school? Siguro mag-aaral na rin ako ng master's, kumuha na kasi 'yong tatlo. Nag-iisip din akong bumili ng bagong kotse. Sa work naman, siguro magtatagal ako ngayon sa company na 'yon. Maganda sweldo ko, nakakapag-ipon na ako para sa future."

"Dahan-dahan sa pagpapasakay ng mga babae ha," biro niya.

"Gusto mo i-lock ko pa para walang ibang makasakay, e."

Magkatabi kaming umiinom ng kape, pinapanood lahat ng naglalakad ngayong gabi. Masarap pa palang tumambay sa labas kapag ganitong oras. No'ng highschool ko lang 'to nagagawa. Nakakalusot pa ako sa curfew kay Mama.

"Ikaw? Ano gagawin mo kapag nasa Belgium ka na?"

"Ako?" sagot niya, tiningnan niya ako saglit bago ibaling ang tingin sa iba. "Mag-aaral nang mabuti. Makikipagkaibigan sa marami. Mamamasyal para makakuha ako ng maraming pictures, tapos isesend ko sa'yo."

"Kapag may nanligaw sa'yo, sabihin mo agad may boyfriend ka na."

"Hindi nila ako lalapitan kasi kakausapin ko sila ng Tagalog. Ayos ba?"

Proud ako sa lahat ng ginagawa ni Dominique. Sa lahat ng gusto niyang maabot, sa lahat ng mga gusto niya pang gawin habang bata pa siya. Hindi ko man laging nasasabi sa kanya, pero nandito lang ako para hintayin siya sa lahat ng oras na kailangan niya akong iwan para mag grow bilang isang Dominique.

"Tara?" pagyaya niya.

Nauna niyang tumayo. Tinapon sa kalapit na basurahan 'yong walang laman na lagayan ng kape. Bumalik siya para lapitan ako. Inilahad niya ang kanyang kamay.

"Bakit?" sabi ko.

"Hahawakan ko kamay mo. Mamimiss ko 'to. 'yong pwede tayong magkita kahit anong oras. 'yong pagsama mo sa akin tuwing umaga kapag gusto kong mag walking. Kapag gusto kong magkape nandyan ka."

Tumayo ako para hawakan din ang kamay niya. Nagsimula kaming maglakad.

"Tapos? Ano pa ang mamimiss mo kapag umalis ka?"

"Ikaw. Ikaw lang mismo. Mamimiss ko 'yong mga yakap mo kapag sobrang pagod na ako sa lahat. 'yong advices mo na kahit minsan napapatawa lang ako. 'yong mga gano'ng bagay. Pati 'yong pagkanta mo ng Shawn Mendes' songs! Kapag tumawag ka, kantahan mo ako ah?"

"Yon lang mamimiss mo sa akin? Grabe, parang ang konti naman ng mga mamimiss mo."

Tiningnan niya ako. Ngumiti siya. "Baliw! Ayusin mo 'yang nasa isip mo. Nababasa ko mula rito, Enzo."

"Ano nakikita mo?"

"Ayaw kong sabihin. Masyadong malaswa," pagbibiro niya.

"Grabe. Parang nag cross na tayo ng line, hindi pa naman."

"Umaasa ka talaga na ma-cross 'yong line?"

Pinanlalakihan na niya ako ng mata. Nakakatakot na si Dominique kapag ganyan na siya tumingin, kaya niya akong kainin ng buhay. "Sa future," sabi ko.

"Sa future ka dyan! Kapag may nabalitaan akong may nilandi kang babae rito habang wala ako, tingnan mo hindi ka magkakaanak," pagbabanta niya.

"Bakit parang ayos lang sa atin na mawawala ka for three years? Gano'n tayo ka-ready para sa gano'ng bagay?" tanong ko.

"Gano'n ka ka-understanding. Nag mature ka na kaya since highschool. Hindi na gano'n kabilis uminit ulo mo, tapos lagi ka na ngayon nakangiti."

"Lagi ba akong nakasimangot?"

"Di ba nga, 'pag tumutugtog kayo, para kang bored sa ginagawa mo."

"Huwag mo akong tawanan. Halikan kita, e."

Tinakpan niya agad 'yong bibig niya. "Amoy kape ako," sabi niya tapos tinakpan niya ulit.

Naglakad lang kami sa park na 'yon. Isang oras din kaming nag stay bago umalis para pumunta sa mas tahimik na lugar. Nag park lang ako sa lugar na may magandang view kapag nagpakita na ang sunrise. Naupo kami ro'n sa likod ng pick-up habang walang sawa na nagkukwentuhan.

Nag save rin siya ng maraming pictures. Maraming picture na pwede niya raw tingnan kapag umalis na siya.

"Hindi pa ba ngayon 'yong sasabihin mo na break na tayo kasi matagal kang mawawala at iiwan mo na ako?"

Nakasandal siya sa'kin habang nakatingin lang kami pareho sa kawalan. Sa mga makinang na bituin. Naghihintay ng oras na lumipas at magkaroon ng panibagong araw.

"Sa tingin mo 'yon talaga gusto kong mangyari kaya nagyaya akong lumabas ngayon?"

"Oo."

"Hindi na ako gano'n. Baka kapag nakipag break pa ako sa'yo ngayon wala na akong balikan. Ang precious mo kaya, Enzo. Thank you for staying with me."

"Thank you for choosing me."

Naramdaman ko na hinalikan niya ako sa pisngi. "You will wait for me, right?"

"Will always wait for you, Dominique."

"I love you," sabi niya.

"I have loved you first."

Sabay kaming naghintay sa pagdating ng sunrise. Sabay kaming naghintay na hindi natutulog. Nag kwentuhan kami ng mga pwedeng pag-usapan, kahit paulit-ulit na usapan lang din naman. Mga lugar na balak naming puntahan kapag nakabalik na siya. Pati ang pagpunta namin sa Zambales ay napag-usapan na rin namin.

Hindi nagpahatid sa akin si Dominique sa airport. Ayaw niya raw na pigilan ko pa siyang umalis kasi magbabago pa ang isip niya. Hinintay ko siyang bumalik.

Nag-uusap kaming kapag may free time siya. Pinakilala niya 'yong mga kasama niya sa bahay. Pati mga lugar na pinupuntahan niya, nakikita ko na rin at parang napuntahan ko na. Hindi gano'n kabilis ang tatlong taon. Hindi gano'n kabilis maghintay kung araw-araw kang naiinip.

Naka graduate si Dominique. Natupad na niya 'yong gusto niyang makuha na course abroad. Naipon na rin lahat ng regalo ko para sa kanya. Birthday, graduation gift, anniversary gifts, pati Christmas gifts ko. Siya na lang ang hinihintay ko para makasama ko na ulit sa pag-inom ng kape hanggang pagsikat ng araw.

Nag alarm ang cellphone ko. Nag alarm pero nakatulog ulit ako. Nagising ako na may forty fives minutes na lang para mahabol ko ang oras ng arrival ni Dominique sa airport. Pabalik na siya ngayon.

Tiningnan ko ang oras sa cellphone. Nakahand na ang sasakyan ko at mga regalo ko sa kanya. 4:30 AM. May thirty-five minutes ako para mag byahe papunta sa kanila. Pinili ko na hintayin na lang siya sa bahay nila. Hindi na rin ako aabot sa airport kung susubukan ko na humabol. Nagtext na ako sa parents niya na papunta na ako sa bahay nila. Maghihintay na lang ako sa tapat.

Nagkatanggap ako ng text galing kay Dominique. Nandito na raw siya ulit. Gusto na raw niya akong makita.

Pero wala ako sa airport. Hindi ako siya nireplyan. Hindi niya rin ako tinext ulit.

Nakapark na 'yong kotse sa tapat ng bahay nila, nakatayo ako sa labas, hinihintay na dumating sina Dominique. May dala akong boquet ng assorted flowers. Wala talaga siyang paboritong bulaklak, pero gusto niya lahat; kahit santan lang 'to at sampaguita, gusto niya pa rin.

Nang dumating ang kotse nila, nakita ko na agad siya. Dali-dali siyang bumababa para lapitan ako.

"Oh my gosh! Akala ko nakalimutan mo!" sabi niya habang naglalakad papalapit sa'kin.

"Welcome back, Dominique," nakangiting pagbati ko sa kanya.

Sinalubong niya ako ng mahigpit na yakap. Hindi niya na pinansin 'yong dala kong bulaklak. Bumaba na rin sa kotse 'yong mga magulang niya. Nakangiti silang pinanood ang muli naming pagkikita.

"I missed you so much, so, so much, Lorenzo."

Hinalikan niya ang magkabilang pisngi ko. Na-miss ko rin siya ng sobra.

"It's you and sunrise again," sabi ko.

"Ha?"

"Good morning, Dominique. You're my ray of sunshine," bati ko.

Tiningnan niya ang paligid.

Bukangliwayway.

Panibagong simula para amin ni Dominique.

Bumalik siya.

Binalikan niya ako.

~