"Sam, sigurado ka bang makikipag-date ka?" naniniguradong tanong niya sa kaibigan. Hindi niya alam kung bakit kinakabahan siya nang sabihin ni Sam na makikipag-date ito kaya sinamahan niya ang kaibigan upang alamin kung matino ba ang ka-date nito.
"One hundred one percent sure." Nilibot nito ang tingin sa kabuan ng restaurant. Hinahanap siguro nito ang ka-date. "Nandito na siya." Hinatak siya ng kaibigan patungo sa table kung saan naghihintay ang ka-date nito.
"Hi Mark!"
Nag-angat ng tingin ang binata. Abala ito sa pagtingin sa menu kaya hindi nito napansin ang pagdating nila.
"Hi Sam!" Ngumiti ito nang makita si Samantha at saka mabilis na tumayo upang ipaghila sila ng upuan. First name basis na pala ang tawagan ni Samantha at ng guwapo nitong boss. Kung alam niya lang na ito ang ka-date ng kaibigan ay hindi na sana siya sumama. "Sorry, hindi ko napansin na dumating kayo."
"It's okay," wika ni Sam.
Bumaling ang tingin ng binata sa kanya. "You must be Cindy."
Hindi niya mapigilang magtaas ng kilay. Paano siya nito nakilala? Ah, marahil naikuwento siya ni Samantha.
"By the way, I'm Mark Sandoval." Inilahad ng binata ang kanang kamay nito ngunit hindi niya iyon pinansin.
Natuon ang tingin niya sa binata. He wore a simple attire, a plain white shirt and ripped jeans but still, he looked handsome. Naka-tuck in ang shirt nito sa jeans kaya na emphasize ang mala Adonis na katawan nito. Tinubuan na ng stubble ang mukha ng binata pero imbes na magmukha itong marumi ay nakadagdag pa iyon sa sex appeal nito. Oh, boy! He was ruggedly handsome.
Natigil siya sa pag-e-examine sa binata nang maramdaman niya ang pagsiko sa kanya ni Samantha. Pinandilatan siya nito ng mga mata sabay nguso sa nakalahad na kamay ni Mark. Bigla siyang natauhan.
"I'm Cindy Arevallo." Tinanggap niya ang nakalahad na kamay ni Mark ngunit mabilis niyang binawi iyon nang may maramdamang kakaiba sa pagdaop ng mga palad nila. She felt exactly the same when she held the hand of the handsome stranger that she canoot forget.
***
Nagtaka si Mark nang bigla na lang bawiin ng dalaga ang kamay nito at saka mabilis na umupo. Umupo na lang din siya at saka tinawag ang waiter.
"Anong gusto niyong kainin?"
"Cindy, anong gusto mong kainin?" tanong ni Samantha.
"Ano ba sa 'yo?" balik tanong ni Cindy.
Tiningnan siya ni Samantha. "Mark, ikaw na ang bahalang mag-order, tutal, mukhang familiar ka sa mga pagkain dito."
"Okay." Sinabi niya sa waiter kung anong order nila.
"Cindy, you can thank him now. Siya ang nagbigay ng masasarap na pagkain sa 'tin," sabi ni Sam pag-alis ng waiter.
Napatingin sa kanya si Cindy. Habang pinagmamasdan niya ang mukha ng dalaga ay napagtanto niya na lalo itong gumanda. Morena ito ngunit makinis ang balat. Bumagay ang maliit na mga mata nito at maliit, pero matangos na ilong sa maliit nitong mukha. Bumagay rin sa mukha ng dalaga ang bago nitong hairstyle.
"Thanks!"
"You're welcome. By the way, nagkakilala na ba tayo?" kunwari ay curious na tanong niya. "Parang nakita na kasi kita noon." Gusto niyang malaman kung naaalala ba siya nito.
"No, ngayon lang kita nakita."
Tumaas ang sulok ng labi niya. Disappointed siya sa sinabi nito dahil nag-e-expect siya na naaalala siya ng dalaga. Siguro, sobrang nasaktan ito sa nangyari kaya hindi siya nito maalala.
"Alam ko na kung saan tayo nagkita." Umarte siyang biglang naalala ang una nilang pagkikita. Mataman siyang pinagmasdan ng dalawang dalagang kaharap, parehong naghihintay sa sasabihin niya. "Nagkabungguan tayo sa—"
Hindi niya natapos ang sasabihin dahil naramdaman niya na may sumipa sa kanya. Katapat niya si Cindy kaya malabong si Samantha ang gumawa no'n. Puno ng pagtatakang tinitigan niya ang dalaga.
"Tama! Naalala ko na. Nagkita na nga tayo kaya pala pamilyar ang mukha mo."
Hindi inaasahan ni Mark ang biglaang pag-amin nito.
"Saan kayo nagkita?" tanong ni Samantha.
Naramdaman niya ulit ang pagsipa sa kanya ni Cindy. Napatitig siya sa dalaga. Mataman itong nakatingin sa kanya. May mensaheng ipinaparating ang paraan ng pagtitig nito na, 'Huwag kang magsasalita, kundi lagot ka sa 'kin,' kaya hinayaan niyang ito ang sumagot sa tanong ni Samantha.
"Sa hallway ng condominium kung saan nakatira si Miguel."
"Anong ginawa mo roon?"
"Sinauli ko 'yong mga gamit na ibinigay niya sa 'kin. Don't worry hindi kami nagkita dahil iniwan ko sa guard ang box na pinaglagyan ko ng mga gamit," pagsisinuwaling nito.
Hindi iyon ang eksenang nakita niya nang magkrus ang landas nila. Bakit kaya ito nagsisinuwaling kay Sam?
"Okay." Napaniwala nito ang kaibigan. "Ikuwento niyo naman sa 'kin kung paano kayo unang nagkita," halata ang excitement sa boses ni Sam.
Muli niyang naramdaman ang pagsipa ni Cindy sa kanya. Pangatlong beses na nitong ginawa iyon. Ano bang problema ng babaeng kaharap niya?
"Papasok pa lang ako sa condo noon bitbit ang box nang hindi sinasadyang nabunggo niya ako."
Napatanga siya sa sinabi nito. Hindi siya makapaniwala na babaliktarin nito ang pangyayari. Siya ang nabunggo nito dahil hindi ito tumitingin sa dinaraanan habang naglalakad.
"Really? Parang eksena sa nobela ang una niyong pagkikita. Nakakatuwa."
Kung alam lang ni Samantha ang totoo, baka sabihin nito na dinaig pa ang eksena sa nobela ang totoong nangyari nang una silang magtagpo ni Cindy.
"Nagi-guilty ako dahil hindi ko natulungan si Cindy na ibalik sa box ang mga nagkalat na gamit sa sahig. Basta-basta ko na lang siyang iniwan." Binalingan niya si Cindy. "Sorry for not being a gentleman that time. Nagmamadali kasi ako dahil may hinahabol ako." Marunong din siyang magbaliktad ng kuwento.
Nakita niya ang palihim na pag-irap sa kanya ni Cindy. Hindi niya alam kung maiinis siya sa babae o hindi, pero aaminin niyang cute ito kapag umiirap.
"Excuse me, kailangan ko lang sagutin ang phone call. Maiwan ko muna kayo," paalam ni Samantha.
Good! Magkakaroon na siya ng pagkakataon na tanungin si Cindy.