Tuluyan nang bumigay ang katawan ko, manhid at wala nang maramdaman. Sa mga oras na 'to, alam kong hindi na magtatagal ang buhay ko. Sabi-sabi noon, ang buong buhay mo raw mula sa simula, ay iyong mapapanood na para bang isang pelikula sa huling sandali na natitira sa buhay mong pawala.
Pero paano kung hindi na tulad ng dati ang sistema ng mundo ngayon? Paano kung wala nang anghel na susundo sa iyong kaluluwa mula sa katawan mong lupa na tiyak na mawawala? O 'di kaya naman ay sarado na ang pintuang daan sa kalangitan? Paano kung wala nang daan tungo sa lugar na walang hanggan at maiiwan kang bilanggo sa sarili mong katawan.
Ito ay ilan lamang sa mga "paano" at mga bagay-bagay, o katanungan, na naglalaro sa aking isipan ngayon, sa mismong sandaling sa tingin ko ay pagtatapos ng aking normal na buhay.
Ipinikit ko ang aking mga mata bilang paghanda sa katapusang hindi matatakasan, umaasang ilang sandali na lamang ay magsisimula na ang pelikula na aking pagbibidahan. Pelikula ng aking buhay.
Pero wala.
Wala..
Napuno ng pagsisisi, pagkataranta, at pinag halu-halong masasamang pakiramdam ang kung ano mang natitira sa aking katawan. Muli kong iminulat ang aking mga mata; hindi para manuod ng isang pelikula, kundi ay masaksihan ang katotohanan na hindi ko matanggap.
"Sorry, X. Sobrang sorry- sorry talaga." Sabi ng pamilyar na boses, na kailanman ay hindi ko kinalimutan at kailanman ay hindi ko makakalimutan.
Habang pinag pipyestahan nila tita at tito ang aking pagkatao, inaalala ko ang mga kaganapang nagdala sa akin sa sitwasyong ito. Mga bagay na sana'y hindi ko ginawa. Landas na sana'y hindi ko tinahak.
Kung hindi lang sana ako naging tanga kanina..
Oh, ayaw kong gumising na gaya nila..
Habang papawala na ang aking kakaunting kamalayan, sa hindi malaman na dahilan, naisip ko ang aming sekretarya.
Tariya...