Binabalot ng aroma ng nilulutong nilagang baka ang kusina kung saan makikita ang isang binata at isang sabik na bata. Sa mga mata ng batang si Lila, para bang isang professional chef ang pinsan nitong naka tayo lang naman talaga, nakabantay, at naghihintay rin sa pagkaluto ng baka.
Sa tapat ng kahoy na lamesa, naka upo sa kahoy na upuan, mapapansin na paduyan-duyan ang mga paa ni Lila habang nakatitig sa likod ng pinsan niya, hinihintay ang mga salitang "luto na".
Kung bakit si Mau, na pinsan ni Lila ang tagapagluto nila, at hindi ang talagang chef ng pamilyang Mausisa, ay dahil sa kaganapang nagsimula ilang buwang nakaraan na. Ang biglang pagbabago ng estado sa syudad nila at panganib na dulot nito ay naging simula nang paglisan ng mga tauhan nila. Ngayon, apat na lamang sila ang nakatira sa malaking tahanan ng pamilyang Mausisa.
Matapos tikman nang konti ang sabaw, nilingon nito ang batang pinsan sabay sabing, "konting hintay na lang, Lila. Maluluto na.", sabay ngiti sa kanya.
Pagkalapag sa hapag-kainan ng kanin at bakang kakainin, nagmamadaling bumaba mula sa kina-uupuan si Lila upang tawagin ang mga magulang niya. Simula nang maging apat na lang sa malaking bahay nila, ang malaking hapag-kainan ay hindi na masyadong nagamit at sa halip, sa kahoy na lamesa sa kusina na rin sila kumakain.
Binabalot naman ng amoy ng usok mula sa sigarilyo ang silid kung nasaan ang mga magulang ni Lila. Nakagawian na ng mama at papa niya na manood ng balita habang naghihintay sa pagkain na pang-gabihan nila.
<
Sabay sa pag patay sa tv ni Patricia, pinatay na rin ni Ver ang sigarilyo na papa-ubos na rin talaga, sa ashtray na nakapatong lang sa armrest ng upuan niya. Napansin nilang papalapit si Lila, at tumatakbo pa.
"Hindi ba sa kabilang syudad lang yun, Ver? Hindi na talaga ligtas dito".
Tinignan lamang ni Verde ang asawa nitong si Patricia, sabay buhat sa anak nilang si Lila, patungo sa hapag-kainan. Sumunod na rin naman ang asawa nito, na kung papansin ay labis na mas bata kumpara sa kanya.
Likas na tahimik na tao si Verde Mausisa. Kahit sa kanilang pamilya, hindi ito palasalita. Malamang ay isa rin ito sa kanyang karisma at isa sa mga naging dahilan upang mahulog ang dating estudyante, na ngayo'y asawa na niya.
Tahimik silang kumakain maliban sa isa, si Lila. Rinig sa bawat higop ng sabaw ang galak na nadarama. Katabi niya ang pinsan niyang parte na din ng kanilang pamilya. "Paabot ng kanin, kuya", "dagdag pa po, kuya" at iba pang mga kahilingan habang kumakain sila. Pagkatapos nilang kumain, tinulungan pang bumaba ni Mauricio ang kanyang pinsan mula sa pinagkakaupuan.
Gabi-gabi, pagkatapos kumain ay sasamahan niya ang pinsang si Lila na mag lakad, at higit sa lahat ay maghatid ng pagkain sa itim na pusang gala na pinangalanan niya. Snow.
Si Verde ay aakyat sa kanyang silid kung saan siya'y magbabasa habang naman si Patricia ay maiiwan at magliligpit ng mga pinagkainan nila.
Naghahanda sa paglabas, suot ang paboritong sapatos niya, nilapitan niya si Mauricio na naghihintay sa may pintuan nila. Kumaway ito sa kanyang nanay nang papalabas na upang magpaalam.
Labag sa kalooban ng Mama niya ang paglalakad ni Lila tuwing gabi. Kung siya lang ang masusunod ay hindi niya ito papayagan at mananatili lang sa bahay nila hanggang sa oras na nang pagtulog.
Gayun pa man, kahit si Patricia ay nagulat nang isang gabi ay hinayaan ni Ver ang kanilang anak na lumabas, kasama ni Mauricio.
"Wag makulit, Lila. Delikado sa labas." sagot ng mama niya noong paulit-ulit na magpaalam si Lila na maglakad nang saglit sa labas.
Tinignan ni Ver ang nagmamakaawang si Lila sabay sabing, "hayaan mo na siyang lumabas Tricia, sasamahan naman siya ng pinsan niya."
"Ehhh?!"
Madilim sa syudad kung saan sila naka tira. Ang natatanging ilaw ay galing lamang sa compound nila. Lampas sa gate nila, tila'y lugar na iniwan na ng mga tao ang natatanaw nila. Mga bakanteng matataas na gusali, madilim na liwasan, at kalsadang walang laman. Pero hindi naman tuluyang abandunado ng tao ang lugar nila, dahil sa nasabing lugar, nandoon pa rin sila. May apat pa rin na tao sa syudad nila.
Sa madilim na liwasan malapit sa compound ang sadya nila. Ang nasabing liwasan ay ang parang tahanan ng pusang kaibigan niya, na doon niya din nakilala.
Gaya ni Verde, ang kuya Mau ni Lila ay hindi rin palasalita. Gayun paman, ramdam niya ang bait at seguridad sa tuwing hawak niya ang kamay ng pinsan niya. Gustong gusto niya na nakakapit sa kamay ng kuya niya maliban sa ilang pagkakataon na nakikita niyang galit ang mukha at tila'y gagawa ng masama. Agad naman din itong ngumingiti pabalik kay Lila kapag bumitaw siya sa pagkakahawak niya.
Ganito na ang routine nila simula nang isang beses ay payagang makalabas si Lila. Gabi-gabi, naglalakad at namamasyal sila, sa lugar na wala namang maganda, habang papunta sa nagiisang kaibigan ni Lila.
"Snoooooooooow? Snooooooooow? Swswswsws", pag tawag niya sa kaibigang pusa.
Ilang metro ang layo ni Mauricio kay Lila. Noon pa ma'y alam na nila na hindi gusto ni Snow ang pinsan ni Lila.
Nang lumabas si Snow mula sa kasukalan, inilapag ni Lila ang pagkain na dala niya. Nilagang baka. Dahan-dahang lumakad palapit ang pusa.
Maya-maya pa ay nagulat si Lila nang biglang tumakbo ang pusa na para bang aatakihin siya. Tumalon si Snow sa direksyon ni Lila. Sa hindi maipalawinag na dahilan, nagawang matulak ng pusa si Lila. Bumagsak si Snow na nakatalikod kay Lila. Ang bata naman ay napa-upo sa lakas ng pagkakatulak sa kanya, gulat sa pagtulak na naganap. Tanaw ang likod ni Snow, taas ang buntot at nakatayo ang mga balahibo, na para bang handa sa pakikipag gulo. Maya-maya pa ay naging mas malinaw na ang anino ng kung anong mukhang tao sa harap ng pusang mukhang hindi papatalo.
Isang lalaking labas na ang isang mata at para bang nabubulok na. Punit punit ang suot niya at mukhang bali na ang kaliwang braso niya.
Halimaw.
Isang bagong uri ng nilalang dala ng bagong sistema ng mundo.
Lumingon si Lila sa likod upang hanapin ang kuya nitong si Mauricio. Mabilis si Mau dahil halos na sa tabi na agad ito ni Lila. Dalidaliang bumangon si Lila upang sagipin ang kaibigang pusa niya. Pagkatayo'y agad niya itong nilapitan, dinampot, at tumakbo sa direksyon kung saan galing ang kuya niya, habang si Mau naman ay diretsyo sa kung ano mang halimaw na na sa harapan nila.
Mabilis ang pangyayari para sa mga mata ng batang si Lila. Hindi na nga niya nakita kung saan galing ang patalim na ginamit ng kuya niya.
Taas ang kanang kamay habang hawak ang kutsilyo na galing sa kusina nila, na para bang may hinati sa harap niya.
Nakita na lamang ni Lila ang ulo ng halimaw na bumagsak sa may paahan ng kuya niya. Gising at parang buhay pa.
Lumuhod si Mauricio upang ibaon ang kutsilyo sa nasabing ulo na agad namang naging abo, kasama ng katawan niyang nakahiwalay dito. Hindi na pinulot ni Mau ang kutsilyo na itinusok sa ulo na ngayon ay abo na. Pagkatayo, nilapitan niya sa Lila at binuhat ito.
"Tara na. Padating na ang iba pa".
At mabilis niyang tinakbo ang daan pauwi, buhat si Lila, na buhat din ang kaibigang pusa.
Makikita ang malalaking letra sa gate ng compound nila: MAUSISA
Iniwang bukas ni Mau ang nasabing gate at mabilisang pumasok sa bahay nila.
Inakyat nina Mau at Lila sa ikalawang palapag sina Ver at Patricia.
"Hindi na tayo pwede tumagal dito, uncle".
"Tricia", pagtawag ng tatay ni Lila sa kanyang asawa. Sabay agad namang kumilos si Patricia. Nagmamadali pero kalmado, hinahanda ang mga gamit para sa nalalapit na pag-alis.
Alam na ni Mau ang gagawin niya. Agad itong bumaba sa garahe upang paandarin na ang sasakyan nila.
Sumindi naman ng sigarilyo si Ver, nag-iisip, habang si Lila naman ay naka tayo, naka silip sa bintana, buhat pa din ang pusang kaibigan niya.
Kita sa labas ang kagulohang nagaganap. Mga taong parang asong ulol, mga halimaw na tila'y di namamatay, at kamatayang di maiiwasan.
"Ver!". Ito'y hudyat na handa na sila sa paglisan nila.
Binuhat ni Ver ang kanyang anak at dali-dalian na silang bumaba papunta sa garahe kung saan naghihintay si Mau at ang sasakyan na gagamitin sa pag takas nila.
Agad namang lumabas si Mau mula sa driver's seat upang magbigay daan kay Ver. Katabi nito, sa harap si Patricia, at si Lila naman ay na sa likod kasama ng pusang sinagip niya kanina.
Pagkapasok ni Mau sa likuran, agad namang tinapakan ni Ver ang gas, saktong pag bwelo bilang paghahanda sa pambabangga sa mga dating tao na naka-harang sa kanila.
"Kumapit kayo ng maigi!" sabi ng padre de pamilya.
....
Ito ay ang kung paano naaalala ni Lila ang pag-alis nila sa dating tahanan nila. Ilang taon na ang lumipas at kung totoo man ito o hindi ay hindi na mahalaga sa kanya. Ang dating payat na si Snow ay mataba na at ang pinsan niya- ang kuya Mau niya ay nawawala na. Ngayon, na sa lugar sila kung saan protektado daw ng kung anong nilalang at ligtas sila mula sa kung ano mang nakakatakot na nilalang.
"Tulala ka nanaman, Lee. Nag ring na ang bell at uwian na." wika ng kaklase niya.
"Wala kang pakialam, X". sagot nito sa kaklase niyang bumulabog sa pag mumuni-muni niya.
Ngayon, ang dating bata ay dalaga na.