"FLAMES? Ano'ng ibig sabihin niyan?" inosenteng tanong ni Reyshan sa isinulat ni Leonora sa puting papel.
"Flames," ulit-sabi nito. "F for friends, L for lovers, A for angry, M for marriage, E for engage and S… for sweet!" matamis ang mga ngiti na pinakawalan nito sa mga labi bago muling itinuon ang atensyon sa puting papel. Sunod naman na isinulat nito ang buong pangalan at ng crush nito na isang third year high school student.
"Alam talaga? Stalker?" sabad ni Jane na nakaupo sa tabi ni Leonora sa kanan. Pinagitnaan kasi nito at ni Reyshan ang naturang dalaga.
"Kapag may crush ka, dapat alam mo kung ano ang pangalan!" tila proud pa na wika nito.
"Weh? Ang sabihin mo, stalker ka lang talaga 'kamo!"
"Hindi 'no!" depensa ni Leonora.
"Mas tama 'ata na sabihin mo, kapag may crush ka dapat alam mo kung saan siya nakatira, ano ang oras ng uwi niya sa tanghali o kaya sa hapon. Kung ano ang huling subject niya, kung ano ang paborito niyang pagkain at kulay. 'Di ba nga marunong siya mag-basketball? Favorite sport nga niya iyon 'di ba? At kung anu-ano pa na bagay na gusto mo malaman sa kanya ay dapat mong alamin! 'Di ba gano'n dapat kapag may crush ka? O mas tamang sabihin na… gano'n ang galawan ng isang stalker? Ang lupit mo bek, nalaman mo lahat nang iyon—este, nalaman ko lahat nang 'yon?" eksaheradang wika nito na ang isa pang kamay ay nasa tapat nang dibdib na kunwa'y nagulat sa mga nalaman nang 'di sadya.
"T-teka, p-paano mo nalaman lahat nang iyon?" napapatanga na sabi ni Leonora sa kaibigan at kaklase rin.
Ngumisi si Jane sa kaibigan. Bakas din ang pang-aasar sa mukha nito. "Siyempre, ako pa!" Pagmamalaki nito. "Binasa ko kaya 'yung diary mo noong isang araw! Burara ka kasi eh."
Labis na napangangang muli si Leonora sa kanyang nalaman buhat kay Jane. "J-Jane!" Tinawanan lang naman siya ng kaibigan matapos ang ginawa nitong rebelasyon. "Pakialamera ka talaga! Nakakainis ka!" asar-talo na sabi nito.
"Blehhh!"
"Para saan ba kasi iyan? At ano ba ang meron diyan? Bakit kailangan mo rin isulat ang pangalan mo at ng crush mo?" naguguluhan, sunod-sunod na tanong ni Reyshan sa dalawa na siya namang nagpaaliwalas ng mukha ni Leonora mula sa pagka-badtrip kay Jane. Napalingon ito sa kanya.
"Ganito 'yan," pa-snob na muna niyang tinignan si Jane bago muling itinuon ang paningin at atensyon sa puting papel.
"Sige nga tignan natin kung okay nga ba kayo ng crush mo!" ang sabi ni Jane na nakasilip sa ginagawa ni Leonora, nang-aasar ang tinig.
"One, two, three…" panimulang bilang nito mula sa letrang F papunta sa letrang S pabalik upang malaman sa huli kung okay nga ba sila o may tsansa ba sa pagitan nito at ng crush nitong isang third year high school student. At sa bandang huli ay tila ayaw na nito ilapag ang nguso nang hawak na itim na ballpen sa letrang babagsakan nito. Na para bang ayaw nitong tanggapin ang naging resulta. "F? F-friends?" natutulalang sabi nito na siya namang labis na ikinahagalpak sa tawa ni Jane. "Friends lang kami? Ibig sabihin…" malungkot na sabi nito, "…hanggang doon lang kami?" laglag ang balikat na ani nito.
"Pasalamat ka nga at 'di pumatak sa letrang A eh! A as in Angry!" At binuntutan na naman nito iyon nang tawa. "Kahit paano, s'werte ka pa rin!"
"Ang sama mo 'kamo!" sinamaan niya nang tingin ang kaibigan nang lingunin niya ito.
"Well, at least, maganda naman!" sabay flip nito nang hair at umirap pa sa ere.
"O oo na lang ako kahit pangit ka!" pinandilatan nito si Jane.
"Insecure!" at tumawa na naman ito.
"Kapal nang mukha mo! Tse!" sabay irap dito ni Leonora.
"Huwag na nga kayo mag-away para 'yan lang." Awat ni Reyshan sa nagtatalo nang mga kaibigan dahil lang sa larong flames. Kaibigan at kaklase na niya ang mga ito simula pa noong mga grade school students pa lang sila. Hindi nga niya alam kung paano niya naging kaibigan ang dalawang ito na extrovert at samantalang siya naman ay isang introvert. "Ano ba kasi 'yan para pag-awayan niyo? Bakit kailangan mo malungkot? Totoo ba naman kasi 'yan?"
"Ay, 'di naniwala? Pero mamaya gagawin na rin niya 'yan!" Sabay tawa uli ni Jane.
"Alam mo Reyshan, 'yang mga ganyang klase ng bruha na nakawala sa mental hospital hindi na dapat natin pinapansin!" inis na sabi nito na bigla ring nalungkot at nanamlay nang muling mapatingin sa naging resulta nang ginawa. "Oo, totoo 'to 'no. Kasi 'yung pinsan ko sinubukan din niya ito noong college siya. In-flames din niya 'yung pangalan niya at ng boyfriend niya. Lumabas M! As in Marriage! At alam mo ba, ikinasal na sila two years ago. O 'di ba, totoo."
"Malay mo, tsumamba lang?"
"Oo nga naman. Malay mo tsumamba lang." Sabat na naman ni Jane na um-agree sa sinabi ni Reyshan. "Ikaw naman kasi sobra ka nagpapaniwala sa mga ganyan. Utu-uto."
Gigil na nilingon at ibinagsak ni Leonora ang kamay na may hawak na ballpen sa armchair ng inuupan nito, na siya namang bahagyang ikinagulat ng kaibigan. Pinandilatan niya uli si Jane. "Hindi 'no! Totoo 'to!" pagpupumilit ni Leonora.
Kibit-balikat na lang ang naging tugon ni Reyshan sa paniniwala na iyon ng kaibigan. At katulad niya'y nakalabing kumibit-balikat na lang din si Jane. "Edi, totoo! Sabi mo, eh." Sabay ismid nito kay Leonora na nandidilat din ang mga mata.
INILILIGPIT na ni Reyshan kinagabihan ang kanyang mga gamit matapos niya gawin ang kanyang mga homework nang may maalala siya. Awtomatikong dinampot niya ang notebook niya sa Science at isinulat ang salitang Flames sa isa sa mga pahina sa gitnang bahagi ng kuwaderno. Gusto rin niya subukan 'yung ginawa ni Leonora kaninang umaga. Gusto niyang malaman kung ano ang makukuha niyang resulta matapos ang gagawin niya.
Una niyang isinulat ang FLAMES na naka-capital letters tapos ay ang kanyang pangalan sa ilalim ng salitang iyon.
Reyshan Alonzo.
Matapos isulat ang sariling pangalan sa baba nang salitang flames ay nakangiti naman na isinulat niya ang pangalan ng kanyang crush sa ibaba naman ng kanyang pangalan.
Hayden Suarez.
Matapos iyon ay sinimulan na niya alamin kung ilan ang letra sa kanilang mga pangalan ang magkakapareho. "Twenty," ang sabi niya bago nagsimulang magbilang sa flames.
Wala sa sariling napatulala siya sa kawalan bago pinakawalan ang isang matamis na ngiti.
Ang resulta: L. Lovers.