Chereads / Nag-iisa Pa Rin / Chapter 3 - KABANATA 2

Chapter 3 - KABANATA 2

"CRUSH mo si Hayden?!"

Naramdaman niya ang pag-akyat nang dugo sa kanyang mukha. Alam niya, namumutla na siya dahil sa tanong nitong iyon. Pakiwari niya'y para na rin siyang tinakasan nang sarili niyang kaluluwa sa lagay na iyon. Halos ayaw na nga rin niya iangat ang kanyang mukha mula sa paglalagay ng libro na English textbook sa kanyang backpack.

Ikaw ba naman! Hindi ka kaya makaramdam ng pagkapahiya sa sarili mo dahil nalaman ng kaibigan mo o ng ibang tao na crush mo si ganito? Siya pa naman 'yung tipo ng tao na tahimik lang at hindi kayang magbahagi nang mga nararamdaman pagdating sa mga usaping crush. Alam din niya na siya ang tinatanong ni Leonora dahil hiniram nito ang notebook niya sa Science! Argh. Bakit ba naman kasi hindi na niya pinunit iyon kagabi?

"Talaga Reyshan, crush mo si Hayden?!" napalunok nang laway ang dalaga ng sunod naman niyang narinig na nagtanong sa kanya ay si Jane. Waaah! Narinig nito ang sinabi ni Leonora! Kahit kailan talaga may pagka-amplifier ang bibig nito--este ng dalawang ito dahil parehong naka-loud speaker! "Uy," sabay kalabit nito sa kaliwang balikat ni Reyshan dahil hindi na siya umiimik at animo ay na-estatwa pa mula sa kinauupuan. "Reyshan, ano?" anito na sabik malaman ang isasagot niya.

"O… oo eh," nahihiyang sabi niya.

"Talaga, crush mo si Hayden?!" halos umalingawngaw ang boses ng dalawang dalagang teener sa loob ng kanilang classroom sa pag-uulit nang tanong na iyon. Pangyayari na siyang nagpatigil kay Hayden sa pag-strum niya ng kanyang gitara; na nang mga sandaling iyon ay nasa labas lang ng kanilang room.

"Huwag nga kayo maingay!" Suway niya na nasa mababang tinig, kinakabahan. "At kailangan din bang ipagsigawan ninyo? Mamaya niyan 'and'yan pala siya marinig pa niya at malaman. Nakakahiya." pabulong na sabi niya.

"Ano ka ba? Crush lang naman 'yon eh! Wala naman masama roon 'no!" anito. "Leonora, what is crush?"

"Crush is paghanga."

"See, paghanga! Humahanga ka kasi sa kanya kaya mo siya crush!"

Pumihit paharap si Hayden mula sa kanyang likuran upang malaman kung sino sa mga kaklase niya na babae ang may lihim na paghanga sa kanya. Ang kaso'y hindi niya tuluyan makita ang mukha nito dahil natatakpan ito ng isa niyang kaklase na nakatalikod naman sa kanyang gawi.

"Akin na nga 'yan! Ibalik niyo na nga sa akin 'yan!" pinipilit nito agawin ang kuwaderno kay Leonora na siyang naging daan kung bakit tuluyan nang nakita ni Hayden ang mukha ng babaeng lihim na humahanga sa kanya.

"Si Reyshan?" ang wika ni Rick na prenteng nakaupo sa pasamano.

"Ayaw ko nga! 'Di ko pa nga nakokopya ang assignment mo eh!"

"Basta, ibalik mo na sa akin 'yan!"

"Sus! Nalaman na nga namin nahiya ka pa!" sabi ni Leonora na pilit pa ring iniiwas kay Reyshan ang notebook. Parehas din na tuwang-tuwa ang dalawa sa pang-aasar kay Reyshan sa ginagawang paglayo-layo ng kuwaderno nito mula mismo sa dalaga.

"Eeee, Leonora akin na 'yan!" Napapadyak siya ng mga paa na tipong maiiyak na siya. "Balik mo na sa 'kin 'yan!"

"Huwag kang mag-alala. Wala naman makakaalam na crush mo siya eh! Secret lang natin 'yon!" ang pangako ni Jane.

Hindi malaman ni Hayden kung saan niya ilalagay ang sobrang tuwa na nararamdaman dahil sa kanyang nalaman. Napangiti siya ng humarap siya muli sa tatlong kaibigan at kaklase na kasama niyang nakatambay sa labas ng kanilang room. Pigil din niya ang mapasigaw sa labis na katuwaang nararamdaman.

"Woohoo! Crush ka rin ng crush mo, dude! Congrats!" masayang pagbati ni Aven na inilahad pa ang isang kamay para makipag-shakehands sa kaibigan na siya namang tinanggap nito.

"Whew! That's nice." nakangiting komento naman ni Kurt na nakipag-fistbump kay Hayden.

"ANG suwerte-suwerte mo naman, Reyshan! Compatible 'yung mga name ninyo sa isa't isa. At malamang sa alamang, kayo rin ay magiging compatible hindi lang ang mga pangalan niyo! At letter L pa talaga ha! Siguro, magiging lovers kayo ni Hayden 'no? Ayieee! Kinikilig ako!" at nagtititili si Leonora.

"At siyempre, kung sinubukan niya ang flames, try naman natin si Hope!" suhestiyon ni Jane. "Halina't tignan natin kung maganda rin ang kalalabasan. O, 'eto ang ballpen." Sabay abot nito ng itim na ballpen kay Leonora.

"Let's do this! Operation… Hope? Hehe. Wala nang masabi eh."

"O, sige na pala ah. Simulan mo na kasi. Wala nang madami pang arte!" sabay ismid ni Jane.

"Oo na! Oo na!" naiinis na sabi ni Leonora. At ang kasunod naman ay pabulong na ang pagkakasabi. "Batukan kita r'yan eh."

"T-eka, a-ano ba 'yung hope?"

Nagkatinginan ang dalawang babae na tila natutuwa sa pagkainosente ni Reyshan sa mga ganoong bagay. Si Jane ang unang pumiyok.

"H for hindi. It means, hindi puwede o wala talagang tsansa na maging kayo!"

"O para naman sa oo! Ibig sabihin, puwede maging kayo!"

"P for puwede! It means, puwedeng-puwede kayo para sa isa't isa!"

"At E para naman sa ewan! Ibig sabihin, walang kasiguraduhan kung puwede ba kayo o hindi puwede para sa isa't isa!"

"At dahil d'yan…"

"Simulan na natin!" ang sabi ni Leonora. "Twenty ang nakuha mo. So… one, two, three…" itinuon na nito ang pag-alam sa kung ano ang kalalabasan ng lahat.

"O. As in," nagkatinginan ang dalawa at parehas na namimilog ang mga mata sa galak sa nalamang sagot. "Oo!" sabay na bigkas ng mga ito at parehas na nagtatatalon pa habang tumitili na magkahawak ang mga kamay.

Napapahiyaw pa rin sa hindi mapigilang kilig si Jane. "Grabe! May malaking chance kayo na maging lovers!" At humagikgik ito. "Nakaka-inggit naman!" napapangusong saad ni Jane subalit gayon pa man ay masaya ito para kay Reyshan. "Eh, sa lovers kaya? Okay kaya kayo?" Mayamaya ay suhestiyon nito.

"Lovers?" kunot ang noo na tanong ni Reyshan.

"Tignan na lang natin. Malalaman mo rin mamaya kapag nakuha na natin ang resulta." Ang sagot ni Jane sa kanya.

Si Leonora ulit ang nagsulat sa papel. Isinulat nito sa likod nang pahina nang pinagsulatan nila ng flames at hope ang salitang lovers naman. Matapos iyon ay nagsimula na silang magkuwenta.

"Eighty-five." Si Leonora ang nagsabi nang sagot.

"Not bad at all. Malaki pa rin ang tsansa niyo." ani naman ni Jane.

"Ano'ng ibig mong sabihin sa not bad at all, Jane?" tanong ni Reyshan.

"Okay na rin ang ibig sabihin niyon. Hindi na masama. Kapag eighty-seven pataas kasi, iyon ang mas may malaking tsansa. Pero, don't ya worry, okay pa rin kayo para sa isa't isa." at kumindat ito sa kanya.

"Hindi naman--"

"Totoo 'yan?" pagpapatuloy ni Jane sa sasabihin sana ni Reyshan. Nahihiya at mahinang tinanguan niya ang kaibigang si Jane.

"Totoo man ito o hindi, 'di ba masarap pa rin malaman kung ano ang magiging resulta ng lahat?" ani naman ni Leonora.

Napatango na nahihiyang ngumiti ulit si Reyshan sa dalawa. At biglang sugod naman ng malakas na pagtahip ng kanyang dibdib ng masulyapan niya si Hayden na nakatambay sa labas ng kanilang room. Hindi kaya…? Waaah! Nabuking na!