"Nasaan ba kasi?"
Tumakbo kami ng aking kaibigan paakyat sa third floor ng aming school main building.
Dinig lamang ang mabibilis naming mga yapak sa sahig at ang aming paghinga.
"Alam kong dito lang iyon naiwan."
Sa aming pagdating sa hallway ng mga klase, inilabas ko ang aking cellular phone mula sa aking bulsa ng short, sinubukang tawagin ang phone niya upang marinig ang ring nito at mahanap kung saan ito nakalagay.
At isang malakas na tunog ang narinig namin na nagmumula sa isa sa mga classroom. Isang tunog na pamilyar sa'kin.
Ring around the rosie~
"Ringtone ng cellphone ko iyon!"
Napasigaw siya nang malakas at tumakbo para sundan ang tunog, habang ako'y nakabuntot sa kaniya.
"Bakit ganyan ang ringtone ng phone mo?!"
Tugon ko sa kaniya habang ang aking mga balahibo'y tumatayo dahil sa takot.
Napatingin ako sa bintana ng building at tinitigan ang maliwanag na bilog ng buwan.
Kailanma'y nababawasan ang aking takot kapag tinitignan ko ang buwan. Mapalad ako at walang ulap ang humarang sa bighani ng buwan.
Pockets full of posies~
"Dito ka lang sa labas. Ako na lang papasok sa classroom para kunin ang phone ko."
Sa aking paghinto sa paglakad, mabilis siyang pumasok sa loob ng classroom namin.
Tinitigan ko lamang ang dalawang dulo ng hallway at ako'y napasandal sa maruming pader ng building.
Wala pang ilang segundo ay kaagad akong nakaramdam ng takot sa aking katawan. Bakit ba kasi sa gabi kami pumunta dito?
Ashes~
"Bes?"
Sinubukan ko siyang tawagin sa loob ng classroom nang ako ay dumungaw mula sa bintana ng silid.
Wala akong makitang anino ng katawan niya. Napakatagal niyang kumuha ng kaniyang cellphone. Hindi ba niya alam kung nasaan niya inilapag?
Sa aking pagkainip, pumasok ako sa loob ng classroom upang tulungan siya sa paghanap.
Ashes~
Pagtapak ko sa loob ng silid ay naramdaman ko ang pag-ihip ng isang mainit na hangin sa aking katawan. Napalingon ako sa aking likod gawa ng aking instincts.
Isang babae na aking naaninag ang nakatayo sa hallway. Mabilis na tumibok ang aking puso at nagsimulang manginig ang aking mga tuhod.
"Te! Anong ginagawa mo rito sa gabi?"
Bigkas ko habang nanginginig ang aking bibig. Mabagal akong umatras papasok sa silid. Sa sobrang takot ko'y agad na nakaramdam ako ng hilo sa aking ulo.
We all fall down~
Sa isang iglap ay biglang tumakbo ang babae patungo sa akin, hinawakan ang aking mga balikat ng kaniyang malalamig na kamay at itinulak patungo sa bintana ng silid.
"T-teka! Tinatakot mo ako, ano bang ginagawa mo?!"
Nauntog ang aking ulo sa glass pane dahil sa kaniyang mabilis at malakas na pagtulak. Kulang na lang at magdugo ang aking buong ulo sa sakit.
Ginawa ko ang aking makakaya para pigilan siya sa pag-ipit sa akin sa bintana, pero hindi ko alam kung bakit ang lakas niya.
Napapapikit na rin ako't nanghihina gawa ng alak na ininom ko kanina.
"Sorry, but we all fall down."
Narinig ko ang kaniyang bulong sa aking tenga na nagpatayo ng aking mga balahibo at sabay kong naramdaman ang pagbukas ng bintana sa aking harap.
Binuksan niya ang bintana dahilan para maramdaman ko ang lamig ng hangin mula sa labas ng building. Muli kong naramdaman ang kaniyang malalamig na kamay at napapikit sa kaba.
Dahan-dahan niya akong itinulak palabas sa bintana hanggang sa dumilat na lang ang aking mga mata sa mga kumikislap na bituin sa langit.
Hindi ko alam kung bakit ito ang sitwasyon na napala ko.
Wala akong alam kung anong nangyari sa kaniya. Wala akong alam tungkol sa kaniya, ngunit ako ang nadamay dito. Bakit?
Napapikit muli ang aking mga mata habang iniisip na iyon na lamang ang aking huling tanaw sa mundo.