Chereads / To Capture a Flame / Chapter 14 - Chapter Fourteen

Chapter 14 - Chapter Fourteen

ANG sumunod na panauhin ni Rebel ay walang iba kundi si Joselito, ang kanyang 'fiance'.

Namimingwit siya sa deck nang may lumapit na matangkad na anino. Walang kaingay-ingay.

"Hello, Rebel."

Nagulat talaga siya. Hindi niya akalain magkakalakas ng loob ito na sumunod sa kanya.

Isa lang ang maaaring nagsabi kay Joselito ng kinaroroonan niya. Si Kuya Richie. Paano kung ang kuya na niya mismo ang magdesisyon na sunduin siya?

Kailangang makaalis na sila!

Hindi siya nagpahalata sa bisita.

"Ano ang kailangan mo?" ang matigas na tanong niya.

"Sinusundo ka. Hindi ka dapat umaalis nang di nagpapaalam sa iyong nobyo."

Naningkit ang mga mata ni Rebel. "At sino ang may sabi sa iyo na nobyo na kita? Ni hindi tayo nagkakausap."

"Sabi ni Richie, alam mo na. Ikakasal tayo sa isang buwan."

"Kayo kaya ni Kuya ang magpakasal!"

"Ipinagkasundo ka na sa akin." Mahinahon pa rin si Joselito. "Kaya magpapakasal tayo… kahit ayaw mo."

"Hindi mo ako mapipilit!"

Mabilis na kumilos ang lalaki. Sa isang iglap, nayapos siya nang mahigpit. Natakpan ng panyo ang bibig at ilong niya.

"In fact, may naghihintay na huwes sa atin. Pwede na tayong magpakasal ngayon. Pagkatapos, magiging akin na ang kayamanan mo!" Animo bulong ng isang ahas ang narinig ni Rebel bago tuluyang nawalan ng malay-tao.

Isang bahagi niya ang nagsisisi. Hindi niya dapat na-underestimate si Joselito…

Unti-unting nagkamalay si Rebel.

Inaasahan niya na si Joselito ang makikita.

Gayon na lang pagkabigla niya nang si Bullet ang lalaking nakatunghay sa kanya.

"Huh! Bakit--?" Paos ang boses niya.

"Hindi ka ba natutuwang ako ang nakita mo sa halip na 'yong hayop na nagpatulog sa 'yo?"

Dumiretso si Bullet. Humakbang patungo sa mesa. Nagsalin ng tubig sa baso.

"Tiyak na nauuhaw ka. Uminom ka muna."

Inalalayan siya ng lalaki na maupo. Hinayaan siyang makainom bago uli nagsalita.

"Kaanu-ano mo ba ang hayop na 'yon?"

"N-nobyo ko raw."

"Siya si Joselito?" Umiling si Bullet. "Ang tunay na pangalan niya ay Richard Rodrin. Wanted murderer. Tatlong asawa na ang napapatay niya."

"H-ha?"

Itinikom ni Bullet ang bibig niya. "Marami siyang tauhan. Nakakalat ngayon sa Cebu Port kaya dito kita dinala."

Saka pa lang namalayan ni Rebel ang kinaroroonan nila.

Isang maliit na barung-barong. Isang mesa, isang silya, isang kama, at isang bintanang maliit.

"Nasaan tayo?"

"Nasa gitna ng gubat."

"A-ang mga kasama ko?"

"Ligtas sila. Kasama sila ng mga tao ko. Naglalayag."

"P-pero…"

"Sumunod ako sa bayan. Inakala ko na 'sinundo' ka lang ni Richie pero isang corrupt na judge pala ang naghihintay sa inyo." Nagngalit ang bagang ni Bullet. "Binawi na kita."

"Nasaan si Joselito?"

"Nakatakas siya." Tumikhim ang lalaki bago nagpatuloy. "Ipinagbigay-alam ko na sa Papa at sa Kuya mo ang nangyari."

"Anong sabi nila?"

"Magtatapat na ang Kuya mo. Kung anuman iyon, saka mo na lang siguro malalaman. Sa ngayon, ligtas ka. Pero kung hanggang kelan, hindi natin alam."

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Malawak ang organisasyon na kinaaaniban ni Rodin. Hindi ko alam kung makakalabas tayo sa gubat na ito nang buhay."

Ibang-iba ang Bullet na nasa harapan niya ngayon. Business-like. Brusko.

Nakadama siya ng paggalang sa kakayahan nito. Maaari naman siyang iwan na lang. Pabayaan sa kamay ng buktot na si Joselito. Pero iniligtas siya.

Kahit buhay ang kapalit.

Anong klaseng lalaki si Bullet Sanchez?

Lumabas ng shanty si Bullet. Ilang sandali lang, may dalang mga kahoy nang bumalik.

Si Rebel ay nagdahan-dahan nang kumilos. Hilong-hilo pa rin siya.

"Hey, huwag ka munang magkikilos. Maupo ka lang diyan," puna ni Bullet.

"Ano ba pinaamoy sa akin ng hayop na iyon?" daing niya nang pabagsak na napaupo sa papag.

"Pampatulog. Gusto mo ng tsaa?"

Walang imik na tinanggap niya ang lumang mug.

Naupo si Bullet sa katapat na upuan. Walang sandalan at mababa kaya nakatalungko ito.

"Bukas ng umaga, magsisimula na tayong baybayin ang ilog. Nag-aabang sa bukana sina Kapitan."

"Si Juana?"

"Kapitan Ping."

Naghintay ng iba pang sasabihin ang lalaki ngunit tumahimik na ito.

"Kanino ang barung-barong na ito?"

"Nakita ko lang ito. Sa mga nangangaso marahil. Pahingahan nila."

Nagsimula na lumamig ang paligid. Kanina pa madilim. Wala siyang suot na relo. "Anong oras na kaya?"

"Alas sais na siguro." Tumindig ang lalaki. "Noodles lang ang nakita kong mailuluto dito."

"O-okay na 'yon." Nangaligkig si Rebel. Nanunuot ang ginaw sa gubat.

Idinagdag ng lalaki ang mga kahoy sa siga. Isang kalderong pulos uling ang isinalang.

Sa pinaglagyan ng tsaa, nagsalin ng noodles ang lalaki.

Kapwa sila walang imik habang humihigop ng sabaw. Palihim na tiningnan ni Rebel ang kasuotan ng lalaki.

Naka-jacket at t-shirt ito. Naka-jeans. Naka-rubber shoes. Pawang kulay itim.

Samantalang siya ay naka-capri at naka-sando shirt. Manipis na canvas shoes ang pamaa niya. Pulos pastel colors pa. Asul, pink, at orange.

Naunang matapos kumain si Bullet. Tumayo ito at hinubad ang jacket.

"Ikaw na ang gumamit nito. Lalabas ako. Maghanda ka na sa pagtulog."

Pinakiramdaman ni Rebel ang sarili. Medyo liyo pa siya kaya nahiga nang patagilid.

Alam niyang dito rin sa papag hihiga si Bullet. Doon sa paanan niya ang ulo nito. Pipilitin na lang niyang huwag bumago ng posisyon ang mga paa…

May talab pa ang pampatulog kaya hinila ng antok ang mga mata niya.

Naalimpungatan siyang nang balutin ng init ang buong katawan niya. She sighed her relief. Napahimbing uli siya.

Nang muling dumilat ang mga mata, gising na gising na siya. Humulas na siguro ang pampatulog.

Tinangka niyang bumangon ngunit hindi siya makakilos.

Nakayakap pala sa kanya si Bullet. Ang malapad na dibdib nito ay nakadikit sa likod niya. Ang mga bisig ay nakapulupot sa kanya.

Nagpumiglas siya. Nagising ang lalaki. Tiningnan ang relo at walang anuman na bumangon.

"We have fifteen minutes to get ready."

Lumabas uli ito. Naiwan si Rebel na nayayamot pero pinalis niya ang pakiramdam. Seryoso ang sitwasyon.

Kumuha ng ilang tabletang puti at dalawang pakete ng noodles ang lalaki. Kinuha rin ang isang maliit na pakuluan ng tubig.

Nakita ni Rebel ang baril na naka-holster sa beywang ni Bullet ngunit hindi siya kumibo.

Pagkatapos matiyak na patay na ang apoy, kinuha ng lalaki ang isang sanga na dala galing labas. Winalis-walis nito ang paligid at paatras na lumabas.

"Bakit—"

"Para malito ang kalaban. Hindi nila agad malalaman na galing tayo dito."

Huminto lang si Bullet sa pagbubura ang trail nila nung nasa ilang kilometro na.

Pawisan ito ngunit hindi hinihingal.

"Nagugutom ka na?"

Umiling siya bago nag-ingay ang bituka. Napangiti siya. "Medyo lang."

"Kakain tayo sa pagliko ng ilog."

Malayo ang lugar na sinabi ng lalaki. Lampas na alas tres nang huminto sila para magpahinga.

Matapos magsindi ng maliit na siga at magsalang tubig na hinaluan ng isang tableta, naglakad-lakad si Bullet sa paligid.

"Dito na tayo magpapalipas ng gabi," wika nito nang maluto na ang noodles. Walang mug kaya sa kaldero sila kumain. Isa lang ang kutsara.

"Malayo pa ba?" Paos ang boses niya. Maghapon kasing hinihingal at nauuhaw pa.

"Hindi ko alam." Tila napilitan lang ang lalaki sa pag-amin.

Kaysa magtanong, pinili ni Rebel na ibabad sa tubig ang kanyang mga labing nagkabitak-bitak. Unti-unti niyang iniinom.

Nilagay sa plastic pack ng noodles ang pinakulong tubig.

Pagkatapos, nagpunta sa likod ng halamanan si Rebel.

Nilipat ni Bullet sa lilim ng malaking puno ang siga. Maliit pa rin.

"Niyugyog ko na ang puno. Walang bumagsak na sawa."

Nanlaki ang mga mata ni Rebel.

"Kaya dito tayo matutulog."

Hindi siya nakatutol. Takot siya sa ahas bagama't hindi pinapakita.

Inilatag ng lalaki ang jacket sa damuhan at nahiga. Isinenyas na mahiga na siya sa tabi nito.

Nakatagilid siya paharap sa munting siga. Nakapatong ang ulo sa isang bisig. Nang yumakap ang lalaki, papahimbing na siya dahil sa matinding pagod.

Kinabukasan, maliwanag na nang magising si Rebel. Napapalibutan siya ng mga prutas. Papaya, saging, mangga, at isang buwig ng buko.

Napabalikwas siya ng bangon. Kinusut-kusot ang mga mata.

"Tutoo 'yan. Hinayaan kita matulog. Pagud na pagod ka kahapon."

Isang bao na may maligamgam na tubig ang iniabot sa kanya.

"Uminom ka muna. Ayan ang nilagang saging."

Binuksan ni Bullet ang buko sa pamamagitan ng matulis na kahoy.

"Heto ang buko. Panghimagas."

Tila maganda ang gising nito pero hindi nagkumento si Rebel. Sumimsim siya ng tubig at kumain ng nilagang saging.

"May good news ako. Nasa kabila ng mga punong ito ang bunganga ng ilog."

"Makakarating na tayo," she croaked in a raspy voice.

"Bad news. Medyo madawag ang dadaanan natin."

"Oh." Pero saglit lang ang disappointment niya. "Kahit na."

"Maahas at may mga gumagalang baboyramo."

Saka lang napagtanto ni Rebel na nagbibiro lang si Bullet. Seryoso ang mukha ngunit nangingislap ang mga mata.

Ngumiti ang mga mata niya. "I don't mind."

As long as I'm with you…

Ginawang bag ang jacket at nilagay ang mga prutas. Naglagay din sila sa bulsa hanggang sa mapuno.

Ang natira ay ikinalat ni Bullet sa mga punong kahoy.

"Kakainin ng mga unggoy 'yan pag-alis natin."

Hindi na hinintay ni Rebel ang lalaki. Binura ng mga paa niya ang bakas ng siga.

Lihim siyang natuwa nang makita ang kislap ng approval sa mga mata ng lalaki.