Chereads / To Capture a Flame / Chapter 15 - Chapter Fifteen

Chapter 15 - Chapter Fifteen

MAGTATAKIPSILIM nang marating nila ang bibig ng ilog. Bumuka iyon at iniluwa sa dagat.

Ngunit wala ni anino ng yate sa karagatan.

"Wala pa sila," wika ni Bullet matapos manggaling sa mababang burol.

Nanginginig na sa ginaw si Rebel. Binalot na ng dilim ang paligid.

Gumawa ng munting siga ang lalaki. Itinapat niya agad sa apoy ang kanyang mga kamay.

Inalis ni Bullet ang ilang prutas sa jacket upang isampay iyon sa mga balikat niya. Puno ng pagsuyo.

Malambot ang ekspresyon ng mga mata niya. Sinusundan ang bawat galaw ng lalaki.

Wala silang imikan nang maupo sa tabi ng siga. Nakaakbay sa kanya ang lalaki habang siya ay nakahilig dito.

"Gusto mong kumain?" tanong nito makalipas ang isang oras.

Umiling siya. "Ikaw?"

"Maghihintay ako sa kanila. Matulog ka muna."

"Oo…" Hindi na namalayan ni Rebel nang dumausdos siya sa kandungan ni Bullet. Hinahagod ang kanyang ulo at buhok.

*****

NANG masilip sa largabista ang ginawang pagpapatulog ng di-nakilalang lalaki kay Rebel, inakala ni Bullet na kumilos na si Richie.

May bumalot na lungkot sa dibdib niya dahil mawawala na ang babaeng nagpapabilis ng pintig sa mga ugat niya.

Matatapos na ang pambihirang kabanata.

Ngunit biglang kumislap sa memorya niya ang larawan ng kriminal, si Richard Rodin.

Nagkataon namang paalis na ang kapitan para mamili, kasama sina Andong at Leroy.

Sinundan nila ang sasakyan ni Richard Rodin alyas Joselito hanggang sa bahay ng huwes.

"Kilala ko ang huwes na 'yan. Nababayaran 'yan," wika ni Kapitan Ping.

"Ang hayop na si Rodin pala 'yan! Bibiktimahin si Rebel!"

Nagkakutob agad si Bullet. Pinabalik niya si Kapitan sa yate. Mahigpit na ibinilin ang yate ni Rebel.

Si Leroy naman ay pinatawag niya ng mga pulis. Si Andong ang isinama niya.

Pinasok nila ang bahay. Wala si Rodin. Ang huwes na lalaki ay nanonood sa natutulog na si Rebel.

Walang inaksayang sandali, pinangko niya ang babae.

"Pigilan mo siya, Andong! Hintayin mong makalayo kami."

Pinara niya ang isang taxi. Sa pier sana ang destinasyon niya nang mamataan si Rodin. Humahangos sa sasakyan. Pinaharurot patungong pier.

Sa kabilang direksiyon siya nagpahatid sa driver. Habang daan, kinontak niya sina Don Ramon at Richie.

"Richie, magtapat ka na sa papa mo. Napahamak na si Rebel kay Rodin alyas Joselito!"

Tinawagan rin niya si Kapitan Ping. Mission accomplished. Gamit ang 'Manlalakbai', tutulak patungong hangganan ng ilog.

"Maghihintay kami doon, Bullet," pangako ng kapitan. "Nandito na sina Andong at Leroy. Mag-iingat kayo. Maraming tauhan si Rodin!"

Pangko niya si Rebel nang pumasok sila sa kagubatan. Nang makarating sa barung-barong, natuklasan niyang 'low bat' na ang celfone.

Ibinaon na lang niya iyon sa lupa.

At ngayon nga, papatapos na ang pagkakataon niyang maalagaan ang babae.

Matiisin at matatag ang karakter ni Rebel. Kabaligtaran ng pagkakilala niya sa isang dalagang mayaman at laking kumbento.

Sa unang pagkikita pa lang, napahanga na siya sa kariktan ng babae. Nangungusap ang kapilyahan sa kislap ng mga mata nito.

Sa napakaikling panahon, napabilib pa siya lalo sa mga katangian nito. She was sturdy. Kahit wala sa hitsura ni Rebel, matiyaga at determinado.

Wala siyang narinig na reklamo habang naglalakad sila. Kahit na uhaw na uhaw na ito. At namumutok na ang mga labi sa panunuyo.

Kahit na siguradong nananakit na ang mga kalamnan nito, patuloy pa rin sa pagkilos. Nakikipagsabayan sa kanya.

"Napakasuwerte ng lalaking mamahalin mo, Rebel Tiangco," bulong niya habang hinahaplos ang noo at ang buhok ng natutulog na babae.

Napaidlip din marahil si Bullet. Napapitlag siya nang maulinigan ang mahinang busina sa di-kalayuan.

Ang yate!

Dahan-dahan niyang inilapag ang ulo ni Rebel mula sa kandungan.

Maingat siyang naglakad patungo sa bukana ng ilog. Nakadaong ang 'Manlalakbai' sa gitna ng dagat. May mga malalaking spotlight na nakatutok sa mga puno.

Maya-maya, nagpadala ng mensahe ang isang patay-sindi na ilaw. S.O.S.

'Dto kap ping. Ligtas. Huli klaban.'

Hindi pa rin kumbinsido si Bullet. May kulang sa mensahe.

Ilang sandali pa, namatay ang mga ilaw. Nagpakawala ng isang flare light.

Iyon ang huling senyas na hinihintay niya. Nagpaputok ng baril si Bullet. Nakatapat sa lupa.

Hinintay muna niyang bumaba sa tubig ang rubber boat at tiniyak na si Andong at Leroy ang nakasakay.

Binalikan niya si Rebel. Nagising ito sa tunog ng baril.

"Nandiyan na ang rescue. Halika na."

"Salamat sa Diyos!" Paos pa rin ang boses.

Tinapakan niya ang maliliit na baga ng siga bago inalalayan ang babae sa paghakbang.

Tahimik silang sinundo ng rubber boat at inihatid sa yate.

Pagdating sa yate, sumalubong ang tatlong babae. Inalalayan si Rebel.

Dinala sa cabin upang maglinis ng sarili at magpahinga.

Nag-shower si Bullet sa captain's cabin. Nagpalit ng damit at nagtungo sa deck. Nandoon si Kapitan Ping.

"Kumusta?" Isang tasa ng kape at sandwich ang naghihintay sa kanya.

"Nahuli si Rodin sa check point. Nagturo ng mga tauhan. Tama ang kutob mo. Kakutsaba rin ang Kapitan Juana nito. Damay lang ang binatilyo kaya pinauwi rin agad. Andiyan siya sa galley. Binabantayan ni Domeng."

"Anong papel ni Juana?"

"Ina siya ni Rodin."

"I see."

Natahimik sila pareho. Nang lumalim ang gabi, nagtungo siya sa cabin ni Rebel. Minasdan niya ang natutulog na dalaga.

Matagal. Nasasabik siya ngunit kailangang supilin iyon. Kailangan…

*****

MATAAS na ang araw nang magising si Rebel. Maayos na ang pakiramdam niya.

Nag-shower siya, nagsipilyo, at nagbihis. Kamisetang long sleeves at jeans ang pinili. Itinali ng goma ang basa-basang buhok. Lip balm lamang ang ipinahid niya sa mga labi.

Ninenerbiyos siya nang lumabas sa cabin.

Si Elsa ang nasalubong niya.

"Reb, gising ka na! Kumusta ang pakiramdam mo?"

"M-mabuti na." Her voice was still raspy. "Nasaan ang iba?"

���Halika sa galley. Mag-almusal ka muna." Tila paiwas ito.

Sumimsim siya ng kape at isang pirasong toast lang ang kinuha niya.

Pumunta siya sa deck para lumanghap ng sariwang hangin. Nakadaong uli ang yate sa pier.

Isang matandang lalaki ang namataan niya. Nagtaka siya.

"B-bakit ho kayo nandito? Nasaan si Juana?" tanong niya nang makalapit dito. Binitawan niya ang kape at tinapay sa isang tabi.

"Uhrm, hindi ako sasagot sa mga tanong mo. Este, nandito si Bullet."

Sabik na minasdan ni Rebel ang kabuuan ng lalaki. Gusto niyang yumakap dito ngunit parang ang layo na nito.

Enigmatiko ang mga mata. Sarado ang ekspresyon ng mukha.

"Ina ni Rodin si Juana. Magkasabwat sila."

"H-ha?" Nanlambot si Rebel sa narinig. Ang kaibigan niya sa loob ng maraming buwan ay isa palang traydor.

Inalalayan siya ng lalaki palapit sa bench na nasa gilid ng yate.

"Nakilala ko siya sa labas ng kumbento. Kinaibigan niya ako…" sambit niya, tila wala sa sarili.

"Pinauwi si Itoy dahil inosente siya. Gusto mong makausap bago siya umalis?"

Umiling si Rebel. "Pabibigyan ko na lang ng pamasahe at pera. Pwede na siyang bumalik sa tribo nila."

"Darating ang papa at kuya mo dito." Tumingin sa relo si Bullet. "Sinusundo sila ni Andong sa airport."

Tumango na lang siya. Wala na ang pangarap niya. Hindi na siya makapaglalakbay.

Nang dumating sina Don Ramon at Richie Tiangco, nawala si Bullet.

Niyapos siya nang mahigpit ng kanyang papa.

"Anak, patawarin mo ako. Masyado kitang hinigpitan. Natakot kasi ako na matulad ka sa iyong mama. Naaksidente."

"Patawarin n'yo rin. Rebelde ako. Pinahirapan ko kayo ni Kuya Richie."

"Please, forgive me, sis. Ipinakilala kita sa huwad na 'yon! Ako pa pala ang maghahatid sa 'yo sa kapahamakan!"

"Magmula ngayon, hindi na kita hihigpitan. Ang gusto ko lang, ipagbigay-alam mo sa amin."

"Oo nga, sis. Mag-aalala nang husto si Papa sa 'yo. Sabihin mo lang agad sa amin. Tutulong kami kung saan pupuwede. Basta huwag lang mag-alala si Papa."

"Kalimutan na natin ang lahat, papa, kuya. Magsimula uli tayo na nagkakaintindihan na," tugon ni Rebel.

"Er, meron pa ako sasabihin." Nagkakautal-utal si Kuya Richie. "Papa?"

"Sige, iho. Huwag ka mahiya."

"Baog ako, Rebel. Kaya hindi ako nag-aasawa dahil hindi na ako magkakaanak."

"Kaya ako ang pinag-aasawa mo. Gan'on ba?" salo ni Rebel. Bahagyang nakangiti. "Gan'on ba ang gusto ni Papa?"

"Hindi naman, mga anak. Magiging masaya ako kahit tayong tatlo lang."

"Hindi n'yo na ako ibabalik sa kumbento?" ang pabirong wika niya.

"Ayaw na ng mga butihing madre, iha. Sapat na raw ang labinlimang taon! Hahaha!" Humalakhak ang matandang don sa sariling biro.

Tumawa na rin sina Richie at Rebel.

Pagkatapos magkasundo ng mag-aama, naghain ng masaganang pananghalian ang tatlong crew niya.

"Nasaan ang iba pa?" Tinanong niya si Elsa.

"Nagsibabaan na. Kaninang nag-uusap kayong tatlo."

"Pati si—pati si Bullet?"

"Oo. Isinama si Itoy."

"O, sige, kain na tayo. Saluhan n'yo kami." Hindi niya pinahalata ang lungkot na nadarama.

Nagsalu-salo silang anim. Sina Richie at Elsa ay tila nagkakamabutihan, sa unang kita pa lang. Sina Ollie at Perlie ay masayang nakikipagkuwentuhan sa matandang don.

Panaka-naka, tumatanaw si Rebel sa gawi ng di-kalayuang dalampasigan. Isang matangkad na lalaki ang natanaw niya. Naghahagis ng bato sa tubig. Padaplis.

"Papa, may kakausapin lang po ako. Iwan ko muna kayo. Girls, kayo na ang bahala kina Papa at Kuya Richie!"

Iyon lang at tumakbo na siya pababa ng yate.