Chereads / Na-Isekai Ako / Chapter 2 - Ikawalang Kabanata: Ibang Mundo

Chapter 2 - Ikawalang Kabanata: Ibang Mundo

Namulat si Nora sa tunog ng pag-awit ng mga ibon sa bintana. Sinubukan niyang bumangon habang hinahagod ang ulo niya dahil nadadama niya ang kaunting pagkahilo.

Napatingin siya sa babaeng nakatitig sa kanya na mukhang nabigla sa pagkagising niya. Napatitig si Nora sa babae mukhang nasa edad na 30's na ngunit makikita pa rin ang taglay nitong karikitan. Maputi at malaporselana ang kutis nito na balingkinitan ang katawan.

Habang ina-appreciate ni Nora ang kagandahan ng babaeng nasa harapan niya ay napansin din niya ang kakaibang pananamit nito na parang galing Halloween party.

Agad niyang naalalang nabaril siya sa airport, "Ate, nasa langit na ba ako?"

Dahil kung nasa langit nga siya, maiintindihan na niya ang pananamit ng babae at ang magarbong kwarto na kinaroroonan niya.

"'Di ko alam mukhang bahay ni Queen Elizabeth ang langit..."

Nagpapikit-pikit ang babae sa mga katagang binitiwan ni Nora na tila nalilito sa sinabi niya. Biglang may pumasok na lalaki na may hawak na maliit na palangganang may tuwalya. Naka-navy blue na suits ang lalaki at mukhang waiter, pero maganda rin ang kutis ng lalaki at mukhang yayamanin. "Kuya, kayo po ba si San Pedro?"

Muli ay nabigla ang lalaki sa mga katagang binitiwan ni Nora.

"Pipi ba ang mga tao sa langit?" muling pagsasalita ni Nora dahil walang umiimik sa dalawa, "Or impyerno talaga ito?"

'Totoo ba ang langit at impyerno? O kathang-isip lamang?'

Isip niya.

"Katherine…" Sa wakas na sambit ng babae.

"Katherine?" Ulit ni Nora na patanong.

"Oo, Katherine, kamusta ka?" pag-ulit ng babae habang nakangiti kay Nora.

'Nagta-Tagalog si ate? Or nag-aadjust sila kasi Tagalog-speaker ako? Teka ako ba ang tinutukoy niyang Katherine? Wait, 'asan ba ako?'

"Pasensya na ho, ako ho ba ang Katherine?" Pagtatanong uli ni Nora na baka si Katherine.

"Oo, hija." Malumanay na sagot ng binibini habang napangiti.

"Kayo po ba?"

Ngumiti ang babae kay Nora na ngayon ay si Katherine saka sumagot, "Yevon. Tiya Yevon na lang ang itawag mo sa akin. At ang lalaking ito ay si Philemon."

"Wow Philemon, Philemon" napalintik si Katherine, "'Yung namasol sa kadagatan. Cebuano much."

"Cebuano?" Napaulit ang dalawang kasama ni Katherine.

Nakaramdam na ng kaunting hiya si Nora na si Katherine na ngayon sa pinagsasabi niya kaya sinabi niyang 'wag na lang siyang pansinin. Hindi na gaanong nagkomento ang Tiya Yevon at niyaya na lamang siyang kumain ng agahan.

***

Tahimik na kumakain si Katherine ng agahan kasama si Tiya Yevon. Hindi niya alam kung saang parte siya ng mundo napunta at hindi niya alam kung ayos lang bang manatili siya sa kinaroroonan niya. Kanina pa niya inoobserba ang paligid niya at pakiramdam niya ay siya'y nanaginip. Nakita niya ang kanyang sarili sa salamin at mukha nang ibang tao ang nakikita niya, iba rin ang kanyang pangalan at mukhang wala siya sa Pilipinas.

Isa lang ang naiisip niya na nailipat ang kaluluwa niya sa ibang tao.

'Ang hirap tanggapin parang si April Boy.'

Sa ngayon, sinusubukan ni Nora na makiramdam muna kahit naninibago siya sa kanyang hitsura.

Siya na ngayon si Katherine, isang teenager, na mukhang malaki ang isyu sa sarili. Nang sinilip niya ang sarili niya sa salamin kanina, ay hindi naman masama ang kanyang hitsura. Kung iisipin, magandang dalaga si Katherine. Mahaba ang pulang buhok nito na umaabot ng bewang, mahaba ang mga pilik mata at nakakabighani ang berdeng mga mata nito. Kung may hindi man siya nagustuhan, ito ay dahil hindi katangkaran si Katherine tulad ni Nora na 5'8.

Ngunit walang balak si Nora na intindihin iyon. Mas marami pa siyang dapat intindihin kaysa sa hitsura ng isang dalagang sinaniban ng isang matandang dalaga galing sa isang third world country.

Isa pa sa pinagtataka niya ay si Tiya Yevon at ang mga tao sa bahay na ito na parang tinanggap na ganun-ganon na lang ang amnesia situation ni Katherine. Hindi man lang nabigla ang tiya niya or mukhang na-stress nung napansing may aling-aling na ata si Katherine pagkagising.

Isa ring nalaman niya na isang binibining biskonde si Tiya Yevon dahil narinig niya na ang tawag sa kanya ay binibining biskonde. Kaya pala medyo magara ang bahay at may mga utusan pa na naka-cosplay ng maid outfit.

'Sosyalin viscountess 'yung title!'

Nararamdaman na naman niya ang pagsakit ng ulo niya, at nagdesisyong 'wag munang mag-isip ng kumplikado sa ngayon, o mas eksaktong sabihing 'wag muna siyang mag-isip ng kalokohan.

"Katherine." Banggit ni Tiya Yevon. "Kamusta na ang pakiramdam mo?"

"Ah… Ayos naman po Tiya. Mga ilang araw ba akong walang malay?" sagot ni Katherine.

"Mga isang linggo."

Isang Linggo? "Ano po ba ang nangyari, Tiya?"

"Nakita ka naming walang malay sa may bakuran. Bukod doon ay hindi naming alam ang nangyari..." sagot nito.

Papanong hindi niyo alam? Ang yaman niyo hindi niyo man lang sinubukang alamin? Wala ba kayong CCTV dito or magic camera?

Ang gusto niyang sabihin pero tumungo-tungo na lang siya at bumalik sa pagkain.