"May nabanggit ba si Zeta...tungkol sa akin?" paninimula niyang makiusyoso kung ano ba ang napag-usapan nila ni Alfa. Pinagsarhan kasi siya ng pintuan ng ex kaya hindi niya narinig kung ano ang mga pinagsasabi nito patungkol sa kanya.
"A! Mahaba raw..." wala sa wisyo na sinagot ni Alfa habang inaayos ang mga pagkain at inumin na nasa refrigerator. "Wala na pala tayong hotdog..."
"Mahaba ang alin?" ninenerbiyos na naitanong niya habang pinagmamasdan ang dalaga na gumagawa ng listahan ng mga bibilhin.
"Mahaba ang pasensya mo..."
"OK. I see..." binulong niya habang kinukumbinsi pa rin ang sarili na wala sanang hindi kaaya-aya at kahiya-hiya na exposé na binuking sa kanya si Zeta.
"Meron pa ba?"
"Masarap daw...naku! Dalawa na lang po pala ang itlog natin, kailangan ko na talagang mamalengke.
"Ang ano?" mas nilapit niya ang sarili upang makuha ang buong atensyon ng kausap.
"Masarap ka raw magluto." Binuksan naman niya ang vegetable compartment upang usisain kung anong gulay pa ang kailangang bilhin. "Ay, nalanta na ang talong! Sayang! Mahaba at mataba pa naman!"
Napabuntong-hininga si Uno dahil tila ba iniiwasan siyang kausap nito. Inakala niya na may mga nasabi si Zeta na nakaka-turnoff. Tahimik siyang umalis sa kusina at nagtungo sa hardin upang magpahangin.
"Pwede mo ba akong samahan mamalengke?" pagtatanong ni Alfa. Nagtaka siya kung bakit walang sumagot. Paglingon niya ay wala na pala ang kausap. Sumilip siya sa may bintana at kaagad na napansin ang pagkabalisa ng binata.
"Siguro, nais lang niya ng kausap kanina, pagkatapos hindi ko pinansin..." nagsisisi niya na napagtanto. "Nahihiya rin kasi ako na kausapin muna siya. Makalaglag-panty at bra ang mga revelations sa akin ni Zeta, my gosh! Uno, isa ka bang regalo ng langit sa mga babae? Nasa iyo na ang lahat!"
Nagtimpla siya ng kape para sa kanilang dalawa at nagtungo sa hardin kung saan tahimik na nagbabasa ng mga mensahe mula sa kanyang FB Page si Uno. Napasimangot pa ito nang may makitang isang basher na nag-send pa ng throwback photo nila ni Zeta. May caption ito na, "Masama kasi ang ugali mo, Uno! Kaya pinagpalit ka ng ex mo kay Jarvis, may attitude ka!"
Napailing na lang siya dahil puro kasinungalingan ang nilabas ng media tungkol sa tunay na paghihiwalay nila ni Zeta. Ikinalat kasi ng mga sponsors ni Jarvis na pabayang boyfriend si Uno at isinalba lamang nito mula sa kanya ang dating nobya. Dahil sa likas na gentleman at ayaw na niyang mabahiran ng dumi ang reputasyon ng babae, pinili na lang niyang manahimik. Gayunpaman ay samu't-sari na "bashing" at paninira ang natanggap nita mula sa mga netizens.
"Coffee for your thoughts..." paggambala ni Alfa sa malalim na iniisip nito. Pagtingala niya ay nasilayan niya ang isang napakagandang nilalang na may matamis na ngiti sa mga labi. Kaagad na gumaan ang kanyang loob dahil tunay na nakakahawa ang positive vibes ng babaeng kaharap ngayon.
"Halika, sabayan mo ako." pag-aya niya rito.
Naupo si Alfa sa tabi nito at iniabot ang tasa ng kape. Masuyo niya itong tinanggap at ngumiti rin sa kanya. Nakahinga na siya ng maluwag dahil akala niya ay hindi na siya papansinin nito dahil sa mga naikuwento ng ex-girlfriend.
"Masarap talagang tumambay at magkuwentuhan dito sa may garden. Presko at maganda ang view." maligayang pinahayag ni Alfa. May mga lumipad na paru-paro sa paligid at dumapo sa mga puting rosas at lilang orchids. Ikinatuwa niya na makita ang mga iyon dahil makukulay ang mga pakpak ng mga insekto at extinct na ang mga ito sa planeta nila. Hanggang ngayon ay amazed pa rin siya sa mga hayop at halaman na mayroon sa Earth. Takang-taka nga lang siya kung bakit burado na ang mga dinosaurs samantalang sa pinanggalingan niya ay pagala-gala lamang ang mga t-rex at brachiosaurus na mga domesticated din.
"Alfa..." paninimula na ni Uno na mag-open up. "May mga naikuwento ba si Zeta noong kami pa?"
"Oo." namula ang pinsgi niya nang maalala ang mga kahiya-hiya ngunit katakam-takam na mga eksenang nabanggit sa kanya. "Three years pala na naging kayo...muntik na kayong naikasal...kaso, nagka-third party on her part."
"Matagal-tagal din na naging kami. I was really serious in our relationship. I had plans, big plans with her. I even prepared this house because I was ready to marry her and start a family. Kaya namahinga muna ako sa car racing kasi hinahanda ko na ang lahat." Medyo kumirot pa rin ang kanyang puso dahil sa mga pangarap na nawalang parang bula. Minahal talaga niya si Zeta at malaking dagok para sa kanya nang sila ay naghiwalay na. "Then, in a blink of an eye, all of my dreams went down the drain."
"Ang saklap naman." pagsang-ayon ni Alfa. "Masasabi ko nga na planado ang lahat sa bahay. May tatlong extra rooms nga e. May recreational area pa. Para sa mga future children niyo ba dapat 'yun?"
"Yes. Akala ko talaga, siya na."
"Maybe...this house belongs to another woman..." pabulong na sinabi ni Alfa.
"Hopefully, I could make it a home for you, Uno Emir*, my prince..." mataimtim na hiniling din niya.
(Sa wikang Arabic, ang kahulugan ng pangalang Emir ay "prince")
"Siguro nga..." pagsang-ayon ng binata.
"At sana ikaw na 'yun, Alfa...sana ikaw na ang matagal kong pinapanalangin sa Diyos..." tahimik niyang pinagdasal.
"Wala ka na bang naging girlfriends or flings man lang, pagkatapos ng relasyon mo sa kanya? pag-uusisa ng dalaga dahil curious talaga siya kung ano ang naging love life ni Uno after Zeta.
"Para akong nasa interview." pagbibiro niya kahit ang totoo ay nahihiya siya na malaman nito ang nakaraan niya. "Medyo personal na ang tanong mo pero sasagutin ko kasi malakas ka sa akin...wala."
"Wala? As in waley?" hindi makapaniwalang napabulalas siya.
"I tried to go on dinner dates but nothing more than that." nakangiti ngunit sa kaloob-looban niya ay stressed na stressed na siya sa pag-uusisa ng kausap sa kanya tungkol sa pribado niyang buhay. Pakiramdam kasi niya ay kinikilatis ang buong pagkatao niya. Napansin ni Alfa na naiilang na ito kaya sinubukan niyang bumawi.
"Huwag mo sanang masamain ang pagtatanong ko, ha. Hindi lang kasi ako makapaniwala na nagiging bakante ang love life ng isang Uno Emir Semira!"
"Ayos lang. Pinapagaan mo nga ang pakiramdam ko." pag-amin na niya dahil nakakapalagayan na niya ito ng loob. "Girlfriends come and go. I just thought that maybe, if I take a break, mas aayos ang buhay ko."
"Seryoso?" napaisip siya bigla "Sa tipo mo, ideal man at mala-Adonis ka nga, iniiwan ka ng mga girlfriends mo? May balat ka ba sa puwet o sinumpa ka ni Aphrodite*?"
(Sa Greek mythology, siya ang diyosa ng pag-ibig at mangingibig ni Adonis)
"Ideal man? Adonis?" hindi na napigilan ni Uno na mapahalakhak. Sa tanang buhay niya ay siya lamang ang tanging babae na nakapagpatawa sa kanya na tila ba wala ng bukas. "Kung mapuri mo ako, para akong anghel! Baka tamaan na ako ng kidlat niyan."
"Totoo naman e!" prankang pagpapaliwang ng dalaga ng walang bahid ng kaplastikan.
"Naniniwala ka ba sa sumpa?"
"Hmmm...medyo...it depends..." napaisip pa siya bigla dahil sa planeta nila ay kinukunsidera iyon na "taboo" at makalumang paniniwala.
"Sinumpa kasi ang angkan namin. Halos lahat kaming mga lalaki ay iniiwan at niloloko. O kaya naman ay nabibiyudo ng maaga. Si Wiz, isang araw lang naikasal. Kinabukasan, namatay na ang misis niya. Malas kami talaga pagdating sa pag-ibig."
Narinig nga niya ang mga sabi-sabi na hindi sinusuwerte ang kalalakihang Semira sa mga babaeng napupusuan. May pagka-tsismosa rin kasi si Alfa at magaling mag-research. Nahagilap pa niya ang old files ng ninuno ni Uno na si Kungfu na nagmula pa sa probinsya ng Miao-miao noong ikalabingwalong siglo pa. May mangilan-ngilan naman na tagumpay ang relasyon, makakapag-asawa, magkakaanak, at magkakaapo pa ngunit sa bandang huli, nauuna laging namamatay ang babae.
Napalunok siya ng malapot nang mapagtanto na nanganganib din pala siya kung ipagpapatuloy ang panliligaw sa iniibig.
Gayunpaman ay malakas ang alien radar niya na walang talab ang sumpa sa kanya at mas malaki ang pagmamahal niya para kay Uno. Nag-survive naman siya sa pagbiyahe mula Galaxy 100, 000, 007, muntikang pagkabangga sa asteroid, paglubog ng spaceship niya sa dagat at muntikang pagkakakain sa kanya ng mga pating kaya malamang, kakayanin pa niya ang lahat ng susubok sa kanya.
Lahat naman ng bagay may risk.
Parang sa stock market, the higher the earnings possible, the higher the risk.
And she's willing to take that risk for the man she trully loves. Kung nais niya na makuha ang pinaka precious na lalaki sa sanlibutan, kailangan niyang lakasan ang kanyang loob.
"People die, that's the harsh reality of life. We can't do anything about that kahit ano pa ang edad o estado mo sa buhay. Pero, kung iniwan ka ng exes mo at pinagpalit sa iba, hindi kaya choice na nila 'yun?" pag-analisa na niya. "O kaya, ibig sabihin, may mas nararapat na babae para sa iyo? Kasi, para sa akin, may sumpa man o wala, kung mahal mo talaga ang tao, mas mananaig ang dikta ng puso mo at hindi mo siya iiwan. Sumpa lang 'yan. Mas mananaig pa rin dapat ang pag-ibig."
Napahanga niya si Uno dahil sa paniniwala nito sa kapangyarihan ng pag-ibig. Lumakas tuloy ang loob niya na subuking mas mapalapit sa dalaga at simulan ng ligawan ito. Kapag kasama niya kasi ito ay daig pa niya ang nakainom ng sangkatutak na energy drink. Tila ba invincible sila at wala ngang sumpa o masamang elemento ang manganagahas na lumapit sa kanila.
"Sa lakas na taglay ni Alfa, siguradong pupulbusin niya sila." naisip niya. Bahagya siyang nakaramdam ng pangamba. "Hindi ko pala siya dapat galitin at baka maging vetsin ako."
"Sa palagay mo ba, may pag-asa pa ako sa pag-ibig? pagtatanong niya kay alien girl. Nakiramdam din siya kung may chance ba na papansinin siya nito sa oras na ituloy ang planong panliligaw.
"Oo naman. Ganito. Huwag ka kasing mahilig sa maganda! Mga supermodel yata at Miss Universe ang hinahanap mo e! Ayan, naloloko ka!" pagkantyaw na ni Alfa. "Humanap ka ng tipo ko na cute lang, pero matinding magmahal! Hahaha!" pagpaparamdam niya sa kakuwentuhan na "type" nga niya ito.
"Hindi naman lahat ng maganda, manloloko." pakiki-ride na ni Uno sa biro nito. Lihim din siyang nasiyahan dahil mukhang may pag-asa nga siya sa dalaga. "May kakilala ako na maganda na, mabuting tao pa."
"Talaga? Hmmm...bihira 'yun a! Sino 'yun? Patingin nga ng picture!"
"Ik-" natigilan siya dahil baka akalain ng kausap ay napakabilis niyang mag-damoves. Sa katunayan, ilang araw na niyang pinipigil ang sarili na sambitin ito sa tuwing sila ay nakikita. Natutuwa talaga siya sa kabutihan at masayahing pananaw sa buhay ng dalaga. Hindi niya namamalayan na unti-unti ng nahuhulog ang puso niya rito.
Nagdalawang-isip siya kung tamang panahon na bang sabihin ito sa kanya habang nakatitig sa maamong mukha nito. Siya ay maihahalintulad sa isang dyosa na naligaw lamang sa lupa ng mga mortal.
Kung ano ang ikinaganda ng pisikal niyang anyo ay siya rin ikinaganda ng kanyang pag-uugali.
Napahawak sa dibdib si Alfa, kung nasaan ang kanyang puso, nang marinig ang mga salitang nagmula sa pinakamamahal.
"Ikaw ang babaeng tinutukoy ko. Maganda na, mabait pa. Sa katunayan ay isa kang Miss Universe para sa akin. Masaya ako at nagpapasalamat dahil nakilala ko ang pinakamagandang nilalang sa buong sansinukob."