Chereads / Prinsesa dela Luna / Chapter 1 - Prologue

Prinsesa dela Luna

🇵🇭Yuniekhorn
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 14.3k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Prologue

Prinsesa Dela Luna - The moon princess

(Ang prinsesa ng buwan)

------

Tayo'y maglakbay sa nakaraan kung saan hindi pa naimbento ang teknolohiya at ang salitang 'internet' at 'social media' ay wala pang halaga. Tayo maglakbay sa panahon na ang mundo ay sagana pa sa mga kwentong- bayan, Alamat at mitolohiya. Tayo ay humayo sa panahong 791 kung saan ang mahika ay makatotohanan at ang mga kakaibang nilalang ay hindi lamang sa kwentong-bayan matatagpuan. Tayo ay bumalik-tanaw kung saan ang mundo ay nakasalalay pa sa isang babaeng nakatadhana upang lumupig sa kasamaan.

----

Taong 683, Ang mundo ay tila isang perpektong paraiso. Isang paraiso na pinamumunuan ni Haring Levanos. Ang immortal na hari ng buong Lupain ng mga Bato (Stoneland). Sinikap niyang palaganapin ang pagmamahalan sa lahat ng kaniyang nasasakupan at hindi inaasahan ang isang kahindik-hindik na pangyayari na babawi sa kanyang immortalidad.

Si Levanos, Bagaman isang immortal ay may puso rin ito kaya't umibig sa Diyosa ng kalangitan na si Aertha. Bawal man ang pag-iibigan na namamagitan sa isang immortal at sa isang Diyosa, Sinikap nilang ipaglaban ang kanilang pagmamahalan.

Ipinatalsik sa pagiging punong tagapamahala ng Stoneland si Haring Levanos at siya, Kasama ang pinakamamahal na asawa ay namuhay ng palihim sa isang isla na ginawa nilang kanilang palasyo. Ang Emerald.

Di kalaunan ay biniyayaan sila ng pitong magagandang anak. Ang pitong makapangyarihang prinsesa ng Emerald. Bawat isa sa pitong prinsesa ay may tungkulin na dapat gampanan dahil kapag hindi ito nagampanan ng maayos ay hindi magiging balanse ang ayos ng mundo.

Si Meticia, Ang ika-limang prinsesa. Ang prinsesa ng digmaan at may kapangyarihan na kontrolin ang mga bagay na gawa sa metal ay hindi nagampanan ng maayos ang tungkulin na bantayan at pahintuin ang nagbabadyang digmaan kaya't ang buong Stoneland ay rumanas ng nakagigimbal na digmaan, Kasamaan, Pagkatalo.

Ang mga tao ay nakaramdam ng sakim at kagustuhan na maghiganti kaya't dito na nagsimula ang digmaan na walang nakakaalam kung matatapos ba o mananatili hanggang sa susunod na henerasyon.

Si Methik, Ang Hari ng digmaan. Nagagalak siya habang nakikita ang pag-aaway-away ng mga tao sa lupa. Labis ang kaniyang kasiyahan habang nakakaranas ng hinagpis ang mga mamamayan. Maging siya ay naghihiganti rin lang sa kaniyang kapatid na si Levanos, Dahil inagaw nito ang babaeng pinakamamahal niya, Si Aertha. At gusto niya itong paghigantihan sa pamamagitan ng pag-angkin sa buong Stoneland at Pagpapalaganap ng sakim sa kalupaan.

Sumapit ang unang digmaan, Kung saan napaslang ni Methik ang ama ng pitong prinsesa sa mismong harap ng mga ito. Nawala ang immortalidad ng kaniyang kapatid sapagkat ginamit ni Methik ang espada ng kamatayan na kahit ang isang immortal ay hindi ito kayang takasan.

Labis na naghinagpis ang pitong prinsesa sa pagkamatay ng kanilang ama, Dinakip at pwersahan pa nitong kinuha ang kanilang pinakamamahal na Ina. Dahil sa puot, galit at hinanakit na nararamdaman ng mga bata sa kanilang tiyo ay naisipan nilang maghiganti ngunit ito ang naging dahilan kung bakit nasunog at tinupok ng apoy ang palasyo nila.

-----

Taong 811,

Sa isang malayong lupain na hindi makikita sa mapa, May isang lupain na masagana sa kultura at tradisyon. Ang Lupain ng mga bato (Stoneland). Malaki ang nasasakupan nito at kagaya ng bansang Pilipinas ay magkakahiwalay rin ang mga isla na nasasakupan nito.

Mayroong limang nakahahalina at magkakahiwalay na isla na sakop rin ng lupaing bato. Magkakahiwalay man, Makikita mo naman ang pagkakaisa ng mga Tao At Ibang mga nilalang na nabubuhay rito lalo na pagkasapit  ng buwan ng Hunyo.

Ang Sapphire na kilala dahil sa mga malalawak na estruktura na pinagdadausan ng mga pagsasanay sa mga laban. Dito rin matatagpuan ang pinakaprestihiyosing paaralan sa buong Stoneland ang Luna Academia. Ang paaralang ito ay nagtuturo ng mga mahika, Mas pinalalawak ang kakayahan ng mga batang nakakapasok rito.

Ang Jade naman na kilala dahil sa mga mahihiwaga at maliliit na nilalang na namamahay dito. Ang mga Fairies. Kilala din ang Jade bilang Lupa ng Engkanto sapagkat walang hanggang kaligayahan na may kapalit na pait ang maaari mong maramdaman sa lugar na ito.

Ang Ruby. Lupain ng mga mangkukulam, Sa lugar na ito karaniwang ginagawa ang mga gayuma na ginagamit upang mapaibig ang taong nais at iba pang mga kagamitan na ginagamit sa kasamaan. Mayroong mababait na mangkukulam at may iilan na hindi parin nilulubayan ng kadiliman.

Ang Rocky Mountain o ang bundok kasakiman. Dito nakatira ang hari ng kadiliman na si Methik At lahat ng kaniyang mga taga-sunod na pawang masama rin. Si Methik ang pinakamasamang nilalang sa mundo, Kinukuha niya ang buhay ng isang tao upang idagdag sa kapangyarihan niya. Tinutuldukan ang buhay ng iba upang dugtungan ang buhay niya.

At..

Ang Emerald o ang kaharian ng pitong prinsesa. Ito ang pinakatahimik, pinakamalayo at nakatagong isla sa lahat. Dito nakatira ang pitong prinsesa na tagapangalaga ng kalikasan. Sakanila nakasalalay ang kinabukasan ng buong Lupain ng mga Bato.

Pagsapit ng ika-limang buwan (Mayo) kada taon ay hindi magkahumayaw ang mga tao. Ito ang buwan kung kailan nagsisimulang kumayod ang lahat. Tinatapos ang lahat ng mga gawain. Napakagulo at napakabilis ng mga tao kung kumilos upang matapos na ang kani-kanilang mga trabaho bago pa dumating ang buwan ng kanilang hinihintay.

Ang buwan ng Hunyo o ang ika-anim na buwan sa kalendaryo. Ito ang buwan na pinakahihintay ng lahat, Puro kasiyahan lamang ang nagaganap at nagtitipon-tipon ang lahat ng mga tao sa Sapphires na siyang pinakamalaking isla upang tumanghal at magpakitang gilas. Ngunit, Ang pinakahihintay ng lahat ay ang laro kung saan ang kabayaran ay ang kalayaan ng anak ng punong tagapamahala ng buong lupain ng mga bato. Mga binata ang madalas na natutuwa dahil ang kung sino mang manalo sa laro na iyon ay pakakasalan ang sino mang gustuhin nito sa mga anak ni Señor Adelande, Ang punong tagapamahala sa panahong 811.

-----

Tahimik na nakamasid mula sa ikatlong palapag ng palasyo ang isang babaeng may angking kaibahan kung ikukumpara sa ibang mga dalaga na nasa kalupaan. Normal lamang ang itsura nito. Mahaba at maalon ang kulay itim nitong buhok na hanggang sa kanyang pwetan at napapamulatian ng mga bulaklak na makikita sa kanilang hardin. Mapupungay ang kaniyang mga mata. Maging ang mga ito ay kakaiba at misteryosa. Mahaba at makapal ang kanyang pilik-mata. Matangos ang ilong at mapulang labi.

Kasalukuyan siyang nakamasid sa ibaba ng kanilang palasyo. Kitang-kita ang mga magigiting na tagapagbantay na may dala pang espada at nakasuot ng body armor na gawa sa steel. Nasiyahan siya habang nakatingin sa mga ito, May sumilay pang isang matamis na ngiti sa labi ng dalaga.

Bumalik kasi sa kaniyang ala-ala ang isang pangyayari na kung saan unang beses siyang tinuruan ng kaniyang Ina Meticia na humawak ng espada. Mabigat ito at hindi niya mabuhat sapagkat siya'y paslit lamang at wala pang kamuwang-muwang sa mundo.

"Paglaki ko, Nais kong maging kagaya niyo, Ina. Magiging malakas ako at kapag nangyari iyon, Yayayain kita sa isang dwelo."

Bata pa lamang ay nakikitaan na ng kakaibang katapangan ang dalaga, Noong matutunan niya nga ang maayos na paghawak ng espada, sibat at pana ay hinamon nito ang lahat ng kaniyang mga kalaro sa isang laban ngunit sa huli siya rin ang umuwing talunan.

Magaling lang siyang humawak, Ngunit hindi siya ganoon kagaling sa paggamit nito.

Natawa ang dalaga habang nagbabalik-tanaw sa kabobohan niya noong bata pa siya. Hindi niya alam kung saan niya nakukuha ang nag-uumapaw na katapangan. Bagaman tapang lang naman ang maipagmamalaki niya dahil kung susuyurin, Siya ang pinakakulilat pagdating sa pakikipaglaban kahit pa sabihing isa siyang prinsesa.

"Prinsesa, Nakahanda na po ang karwahe."

Lumingon siya kay Lira. Isa sa kaniyang masugid na kakampi. Magkasundo sila nito at kahit pa sabihing si Lira ay isa lamang sa mga alalay niya ay hindi ito inisip ng dalaga. Kaibigan ang turing niya rito lalo na at bata pa lang ay magkasama na sila. Ito lamang ang kaniyang kalaro, Noong lumalaki siya ay isa narin ito sa mga nagpahayag ng katapatan at nangako buhay sa kaniya.

"Ang mga Ina?"

"Nasa ibaba at nagpupulong, Aalis po ba talaga kayo? Bakit?"

Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga. Pilit niyang nginingitian ang nakasimangot na si Lira ngunit hindi siya nito tinablan. Mas lalo lamang nalungkot si Lira habang iniisip na ito na ang huling pagkakataon na makikita niya ang ngiti ng prinsesang inialayan niya ng buhay.

"Kailangan e,"

Tipid na sagot nito at bumalik sa pagtanaw sa labas ng bintana. Mas lalong nalaglag ang balikat ni Lira. Gusto man niyang pigilan ang kaibigan sa pag-alis. Alam niyang wala itong magagawa dahil mismong mga prinsesa na ng emerald ang nagdesisyon na ipasok ang dalaga sa Luna Academia. Ang kilalang paaralan sa Sapphire.

Muling nagmasid sa labas ng bintana ang prinsesa, Nalulungkot rin siya habang iniisip na mawawalay siya sa mga kaibigan na labis ng napamahal sakanya. Lalo na ang isang taong ayaw niyang iwan.

Namilog ang mga mata ng dalaga ng mapansin ang isang pamilyar na lalaki na nakatayo sa gilid ng karwahe, Iyon marahil ang sasakyan niya. Mas lalong nagulat ang dalaga ng tumingin sa gawi niya ang lalaki at pinakitaan siya ng isang nakakalokong ngisi. Iyong ngisi na iyon ang palatandaan na may binabalak na namang masama ang binata.

"Anong ginagawa ng kumag na'to rito?"

Nasapo niya na lang ang mukha habang iniisip kung ano na namang kahihiyan ang nais gawin ng lalaking 'to. Napaawang ang kaniyang labi ng mapansin ang kasuotan ng binata, Ito yata ang kasuotan ng kaninang lalaki na alam niyang magdadala sakanya sa Luna Academia. Marahil ay may ginawa na namang masama ang loko-loko niyang kaibigan sa taong iyon.

"Kawawang matanda."

naibulong niya sa hangin. Bumukas bigla ang pinto ng kaniyang silid dahilan upang mapalingon sila ni Lira rito upang tingnan kung sino ang pumasok. Agad namang yumuko si Lira upang magbigay galang sa isa sa pitong prinsesa.

"Lira, Maaari mo ba muna kaming iwan ni Stella?"

Tumango lamang si Lira at sumunod sa gustong mangyari ni Prinsesa Leviana. Bago tuluyang lumabas ay nilingon niya ang kaibigan ng may lungkot sa kaniyang mata. Nabasa naman agad ito ni Stella at maging siya ay nakaramdam rin ng lungkot at pangungulila sa maiiwan niyang kaibigan.

"Alam kong galit ka, Alam kong hindi mo nauunawaan kung bakit namin ito ginagawa. ---"

"Mali kayo Ina, Nauunawaan ko. Naiintindihan ko."

Lumapit sakanya si Leviana at mahigpit na hinawakan ang dalawa nitong kamay. Taliwas sa sinabi ni Stella ay hindi niya talaga maunawaan ang nais na iparating ng kaniyang mga Ina. Bakit nagdesisyon silang ipalayo si Stella sakanila? Bakit ganoon na lamang kabilis kung makapagdesisyon sila na ipasok si Stella sa isang paaralan na hindi niya naman gustong pasukan.

"Kung gayon, Mag-iingat ka, Anak. Mahal na mahal kita, Para lamang ito sa ikabubuti mo."

Nais magtanong ni Stella. Nag-uumapaw sa katanungan ang isip niya ngunit kahit isang salita ay walang lumabas sakanyang mga labi. Para baga itong mga bula na agad pumutok ng oras na niya itong ilabas.

"Palagi mong tatandaan na lahat gagawin namin para sa ikabubuti mo. Ikaw ang nag-iisa naming prinsesa, Stella."

Nais namnamin ni Stella ang mainit na palad ng kaniyang Ina Leviana sa kanyang pisngi. Gusto niyang maglambing. Sa lahat ng kanyang Ina ay si Leviana ang pinakamalapit sakanya, Marahil ay ito lamang ang pumapayag kapag nagpapaalam siya na pupunta sa Kago, Ang lugar ng mga magnanakaw kung saan rin nakatira ang kaibigang matalik na si Asi.

Aso't pusa man ang dalawa, Ramdam naman ni Stella na kaibigan parin ang tingin ni Aswell sakanya. Ang magnanakaw na nagbalak pang nakawin siya at ibenta noong pitong taong gulang pa lang siya.

Si Aswell lang rin naman ang pilyong binata na nasa labas at naghihintay sakanya. Ang lalaki sa gilid ng karwahe. Kaya nga bumibilis ang tibok ng puso ni Stella dahil sa kaba dahil alam niyang may hindi magandang mangyayari kapag nasa malapit si Asi.

"O siya, Hinihintay ka na ng karwahe. Mabuti ng umalis ka na ngayon ng sa gayon ay hindi ka abutin ng dilim."

Hinalikan pa ni Leviana ang noo ng anak bago sila magkasabay na lumabas sa palasyo. Nauna ng isinakay ng mga katulong ang mga gamit ni Stella at siya na lang talaga ang hinihintay upang makaalis pero base sa ngisi ni Asi, Mukhang hindi sa Luna Academia ang destinasyon nila.

"Mag-iingat ka, Stella. Ingatan mo ang iyong sarili, Wag kang gagawa ng gulo. Palagi mong tatandaan na nasa malapit lamang kami at darating kami kung kailangan mo."

Nakangiting turan ni Leviana na sa huling pagkakataon ay niyakap si Stella. Agad namang tumikhim si Meticia, Ang Ina niyang bihasa sa paggamit ng espada at kagamitan pandigma. Nakangiti niya itong nilapitan.

"Katapangan lamang ang maipapabaon ko sa iyo, Anak. Ang aking kayamanan."

Hinalikan siya nito sa pisngi at hinaplos ito ng marahan pagkatapos ay bumaling ang tingin ni Stella kay Deviana. Ang prinsesa ng Yelo (Ice Princess) Kagaya ng kapangyarihang taglay ay wala rin itong pinapakitang emosyon sa kahit na kanino kaya nga at gulat si Stella habang nakikita ang pag-aalala sa mga mata ni Deviana.

"Pag-ibig ang kahinaan ng tao, Ito rin ang nagbibigay ng lakas sa isang indibidwal. Mag-iingat sa desisyong iyong tatahakin dahil walang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan."

Yayakapin niya sana ito ngunit mabilis itong umatras at tinalikuran siya. Nalungkot lalo si Stella habang nakikita ang papalayong likuran ng Ina. Ramdam niya ang pagmamahal ni Deviana sakanya ngunit hindi sapat ang nararamdaman niya kung iba naman ang pinapakita nito. Taliwas sakanyang emosyon ang kaniyang binibitawang mga salita at kilos.

"Labis na mapanganib ang daang tinatahak ng lahat ng tao. Kaya't piliin mo yung gusto at nais ng iyong puso."

Hinalikan rin ni Jeviana ang kanyang noo, Ang Prinsesa na komokontrol ng tubig. Tagapangalaga ng karagatan, Mga sapa, Lawa at iba pang anyong tubig.  Nag-aalinlangang lumipat ang tingin ni Stella sa taas kilay na si Leticia. Sa lahat ng kaniyang Ina ito ang hindi niya makasundo. Mainitin kasi ang ulo ng prinsesang ito kagaya ng kanyang kapangyarihan na apoy (Fire Princess). Tila wala itong pakialam sakanya. Hindi niya rin ito madalas makausap, Maliban na lang kung pagsasabihan siya nito o pangangaralan.

"Ano pang tinitingin-tingin mo? Humayo ka na at tiyak na niinip na ang maghahatid sa iyo."

Nakagat ni Stella ang kanyang labi upang pigilan ang hikbi pero bago pa niya iyon gawin ay hinila na siya ni Adelta. Ang Ina niyang komokontrol ng hangin at teritoryo nito ang himpapawid. Ito rin ang pinakamatalino at nagkakasundo sila pagdating sa mga libro.

"Pakiramdaman ang hangin, Nalulungkot ang palasyo sa pag-aalis mo. Stella. Mag-iingat ka."

Hinila siya nito at mahigpit na niyakap. Gulat na namilog ang mga mata ni Stella ng may ibulong si Adelta sa kaniyang tenga. Pagkatapos niya itong ibulong ay sumilay ang isang matamis na ngiti sa labi ng kanyang Ina.

"Sundin mo ang tinitibok ng puso mo, Ikaw ang magpasya ng daang tatahakin mo. Mag-iingat ka, Ingatan mo ang Libro. Stella, Ang aking prinsesa."

Saka lamang bumalik sa alaala ni Stella ang librong kakaiba sa lahat ngunit normal lang naman pagdating sakanya. Hindi ito nababasa ng kahit na sino sa palasyo maliban sakanya, Kahit ang Inang Adelta. Sa tuwing ihaharap at pinapabasa niya ang libro sa iba ay tanging blankong papel lang nakikita ng mga ito. Samantalang siya ay nababasa niya ang bawag pahina, Ng maayos at naiintindihan niya ang mga salitang nakaimprinta rito.

Agad na sumagi sa kanyang isip ang pamagat ng libro na iyon,

Prinsesa Dela Luna.