Chereads / Queen and the Nine Tailed Fox / Chapter 5 - Chapter 5

Chapter 5 - Chapter 5

Chapter 5

Title: Skipbeat

Dalawang araw ang makalipas...

"May alikabok pa rito sa aking harapan." pagpaparinig ni Gani sa'kin habang nakalupagi ako ngayon sa sahig ng kwarto niya at madiin na pinupunasan 'yon ngayon gaya ng utos niya.

Siya naman ay nakahiga lang nang patagilid malapit sa'kin at pinapanood akong maghirap sa pinapagawa n'ya. Nanginginain din siya ng mansanas at ngiting-ngiti sa pagkaaliw sa pagdudusa ko na 'to.

Pangalawang araw na 'to ng pang-aalipin niya sa'kin at ang dami niyang pinagawang pagpapalinis ng bahay na hindi ko inakalang magagawa ko noon.

Nagtiklop ako ng mga damit, nagwalis sa garden at nagdilig doon ng mga halaman, naghugas ulit ng pinggan na hindi ko naman na nabasag ulit at iba pang gawaing bahay. Buti na lang, hindi niya ako pinaglalaba dahil hindi naman ako marunong n'on pero naiirita talaga ako dahil hindi ko man lang magawang hindi gawin ang mga 'yon.

Kundi dahil sa letseng singsing na 'to, hindi niya ako mapapasunod nang ganito! Pati mga servants niya na halatang inis sa'kin, binubully na rin ako at tinatambakan ako ng gawain kapag hindi siya nanonood sa'kin.

Kahapon, tinambakan nila ako ng mga tiklupin na alam ko namang nakatiklop na talaga. Ginulo lang nila para lang mapahirapan ako.

Mga b*tch! Gustong magsiganti sa'kin!

Pero mas b*tch ako. Ginunting ko lang naman ang mga uniform nilang pangservant at pinagbubutas ang mga 'yon kaya iba-iba ang suot nila ngayon.

Bago pa man sila makareact sa'kin, binlackmail ko na agad sila na kapag sinumbong nila ako kay Gani, isusumbong ko rin sila sa kamalditahang ginawa nila sa'kin sa pagtatambak sa'kin ng mga 'yon. Hindi naman sila nakalaban kaya walang kaalam-alam si Gani na may nangyari sa'ming ganoon. Pinagsabihan ko na rin sila na sa susunod na subukan nila akong i-bully, hindi lang 'yon ang mapapala nila sa'kin.

Kaya ngayon, si Gani na lang ulit ang nangbubully sa'kin dito.

"Ang galing-galing naman ng Fenea ko maglinis. Kishkishkish." pang-aasar niya kaya napabalik ako sa kasalukuyan at napatingin sa kaniya.

Ang isang 'to na alalay ko lang sa mortal world... pero kung utus-utusan ako rito, akala mo kung sino!

Sa inis ko, padabog na tumayo na ako at matalim na tiningnan siya kaya napatigil siya sa pagtawa saka napatikom ng bibig. "Bakit ba kailangang lagi mo akong binabantayan sa mga ginagawa ko?! Lumabas ka na nga! Saka pwede bang pagpahingahin mo naman ako?! Utos ka nang utos! Gumaganti ka ba?!" Sumakit lalamunan ko sa taas ng boses ko pero wala akong pakialam! Naiinis talaga ko nang sobra! Porket naapi-api ko siya noon no'ng P.A. ko pa siya, gaganituhin niya ako!

"Oo..." deretsahang sabi niya na halatang naaaliw pa rin. "...gumaganti ako. Ang sarap nga sa pakiramdam at nais din kitang palaging mapanood dahil nakakaaliw nang lubos ang napipikon mong reaksyon." Tumawa na naman siya nang weird at halos mapilas ko naman ang basahang hawak ko.

"Ang isip bata mo! Para lang makaganti ka, sinuotan mo ako nang gan'tong letseng singsing! Pati 'tong damit ko, hinding-hindi nababagay sa'kin 'to na pangservant lang! Alam na alam mo naman kung sino talaga ako kaya hindi mo dapat ako ginaganito!" dere-deretso kong pagbubunganga sa kaniya.

Nagkulikot lang siya ng tenga niya na pinapahalata sa'king naririndi siya sa ingay ko. "Huwag kang mag-alala. Pinasukatan na kita kanina kaya hintayin mo na lamang ang damit na ipinagawa ko para sa iyo. Iba na ang disenyo niyon kaya hindi ka na mahihiya na humalo sa ibang aking mga tagapagsilbi."

Totoo naman na pinasukatan niya ako kanina sa isang servant niya bago niya ako pag-uutusan ulit kaya medyo gumaan na ang loob ko. Aba! Dapat lang na customized ang ipasuot niya sa'kin nang hindi na isipin ng mga servants na 'yon na kapantay lang nila ako.

"Pinadesenyo ko iyon base sa iyong pagiging Fenea."

Natigilan ako sa sinabi niya at ngumiti naman siya na akala mo, isang pabor ang ginawa niya para sa'kin.

Nag-init ulit ang bunbunan ko. "How dare you!" Pinagawa niya nga ako ng damit pero mukha namang mas pangit 'yon sa sinusuot ng mga servants niya!

Ano pa bang inaasahan ko? Siya na ang nagsabi na gumaganti siya sa'kin. Nakakainis na talaga! Siguradong susubukan na naman akong i-bully ng mga servants na 'yon dahil lalo na akong magmumukhang mas mababa kumpara sa kanila. Kung iisipin ko rin. Sila, p'wede nilang gawin ang kahit anong gusto nila samantalang ako, may isang bagay ang nagbabind sa'kin para gawin ang mga utos nitong lalaking 'to kaya mas maswerte sila sa'kin.

Kung nakakamatay lang ang tingin, kanina pa siya duguan sa napakatalim kong tingin pero pinilit kong kalmahin ang sarili ko sa dahan-dahang paghinga nang malalim. "Wala na bang ibang paraan para makabalik na ako kaagad sa mundo ko?" Gusto ko nang umuwi talaga.

Napaisip siya saglit habang ngumunguya ng kinakain niyang apple pero umiling din. "Ang lagusan lamang talaga ng Sphynx ang daan patungo sa inyong mundo at iyon ang lagi kong ginagamit papunta roon. Kada kalahating taon iyon nagbubukas at swerte mo na isang buwan na lamang ang ating hihintayin upang makabalik sa inyong mundo."

Ibig sabihin, matagal na pala siyang pabalik-balik sa mundo namin.

Ngiting-ngiti pa rin siya kaya hindi ko maiwasang magduda sa mga sinasabi niya. "Baka naman sinasabi mo lang 'yan pero wala ka naman talagang balak na ibalik ako sa mundo ko."

Napatigil naman siya sa pagnguya. "Uhmmm..." kunwari, nag-iisip ulit siya sa pagtingin sa kisame. "P'wede rin."

Nanlaki naman ang mga mata ko. "Ano?!"

"Sa bagay, kapag nakabalik ka na, wala na akong napakamasunuring alipin." Aliw na aliw na nginisian niya pa ako.

Ako naman, tuluyan nang napuno. "Napakasama mo!" Binato ko sa kaniya ang basahang hawak ko at sumakto 'yon sa mukha niyang nakakapikon.

Padabog na lumabas na ako ng kwarto niya.

* * *

Nakatambay lang ako ngayon dito sa veranda ng bahay n'ong Gani na 'yon at kahit dito sa likuran ng bahay, may garden pa rin. Nakatuon lang ako sa kahoy na terrace na kalahati ng katawan ko ang taas at pinapanood ko lang dito ang dahan-dahang pagbaba ng araw na tanaw na tanaw sa lugar na 'to.

Dito ako nagmumukmok sa inis sa Gani na 'yon. Ang lakas niya kasing mang-inis! Nakakapikon!

Pero that aside, hindi ko inakalang totoo pala talagang may ganitong klase ng mundo. Noong bata pa ako, paniwalang-paniwala rin ako sa mga storybooks na may magic katulad ng ibang bata pero sa paglaki ko, naging kalokohan na lang ang mga 'yon.

Siguro, kung ikekwento ko sa iba sa mortal world ang mga naranasan ko sa lugar na 'to, baka dalhin lang nila ako sa mental hospital at isiping nababaliw na ako. Baka maisip pa nila na kaya nababaliw na ako ay dahil sa pagbagsak ng career ko.

Napahugot ako ng malalim na hininga.

Siguradong nag-aalala na sa'kin si Kuya Marco sa pagkawala ko—Ay, oo nga pala. Nag-iwan nga pala ako ng sulat sa kuwarto ko na magbabakasyon ako mag-isa. Baka isipin lang niya na may pinuntahan talaga ako. Mas okay na 'yon. Para hindi na siya mas mag-alala pa.

"Gusto ko nang umuwi." Napatungo ako dahil namimiss ko na talaga ang luxurious life ko noon sa pagiging Pop Singer ko na si Queen pero napahawak ako sa lalamunan ko. Muntik ko nang makalimutan. Hindi na nga pala ako makakabalik sa ganoong buhay dahil hindi na ulit ako makakanta.

Nakuyom ko ang mga kamao ko sa narealize ko na 'yon nang mapansin ko sa peripheral vision ko na may taong tumabi sa'kin kaya napatingin ako kung sino 'yon.

Tss. Si Gani at nakatingin lang din siya sa kalangitan na madilim na ngayon.

"Hmph!" pag-ismid ko sa kaniya at hindi na siya pinansin saka nagwalk-out na ako.

"Gusto mo na ba talagang bumalik sa inyong mundo?"

Napatigil naman ako sa paglalakad paalis at nilingon siya. "Bakit hindi? Doon ako nakatira." seryoso kong sabi.

"Hindi mo ba nais na ipagpahinga muna ang iyong isipan dito?" Tumingin na siya sa'kin na mayroong kalmadong expression. 

Nangunot naman ang noo ko at hinarap na siya nang maayos. "Anong ibig mong sabihin?"

"Laging masama ang loob mo sa inyong mundo dahil maraming nakakakilala sa iyo roon at nakakaalam kung ano ang nangyari sa iyo ngunit dito, makakaakto ka kung sino ka talaga nang walang manghuhusga sa iyo. Wala ring may paki sa nasira mong tinig dahil hindi naman nila batid iyon."

Ang mga sinabi niyang 'yon... ay unti-unting nanuot sa isipan at puso ko.

"Biro lamang naman na habangbuhay ka na rito. Isang buwan lamang talaga ang iyong hihintayin at magbubukas na ang lagusan na bantay ng Sphynx." Hindi na mapang-asar ang ngiti niya. "Sa loob ng buwan na iyon, aliwin mo muna ang iyong sarili sa pananatili rito sa bayan naming mga Gisune. Isang magandang ideya, hindi ba?"

Bigla siyang may inihagis sa'kin na isang bagay na nakabalot sa pulang tela at nagawa ko namang saluhin 'yon.

"Iyan na ang damit na ipinagawa ko para sa iyo."

Bigla namang bumalik ang inis ko sa kaniya dahil sa pangFenea na damit na 'to na nabanggit niya kanina. "Paano ko aaliwin ang sarili ko rito kung inaalipin mo 'ko masyado? Magagawa ko lang 'yon kapag tinanggal mo na 'tong singsing na 'to sa'kin." Ipinakita ko pa sa kaniya ang letseng singsing sa daliri ko.

"Kishkishkishkish. Iyan ang hindi maaari. Naaaliw pa ako na alipin kita katulad ng pagiging alipin ko sa iyo sa inyong mundo."

Nalukot naman ang mukha ko. "Napakasama mo talaga!" Ibabato ko sana sa kaniya 'tong nakabalot na damit...

"Tigil!" utos niya kaya napatigil ako sa gagawin ko.

"Kishkishkish. Huwag kang mag-alala dahil may pupuntahan ako ngayong gabi at baka bukas ng hapon na ako makakauwi kaya makakapagpahinga ka sa aking mga utos hanggang bukas. Gumalaw ka na."

Doon ay nakagalaw na ulit ako.

Hindi ko alam kung bakit pero naalarma ako sa sinabi niya na aalis siya kaya namilog nang kaunti ang mga mata ko. "Saan ka pupunta?"

"Sikreto." Kumindat pa siya.

Hindi niya ako pwedeng iwan dito! "S-sama ako."

Napakurap-kurap naman siya na halatang hindi inaasahan ang pagiging ganito ko.

Napaiwas naman ako ng tingin sa pagkahiya. "I-ikaw lang ang kakilala ko rito... kaya hindi mo ako p'wedeng iwan dito mag-isa."

Napahinga naman siya nang malalim. "Hindi maaari. Wala kang kakayahan upang protektahan ang iyong sarili at baka hindi rin kita maprotektahan nang lubusan mula sa mga Monstro na madadaanan natin sa labas ng bayan na ito. Mabango ka pa naman sa mga iyon at siguradong makakaakit ka lamang ng mga kapahamakan kaya dumito ka muna."

"Pero—"

"Ipipilit pa?" panggagaya niya sa linyahan ko kaya sinamaan ko siya ng tingin. Napatawa naman siya.

"Kasama mo naman dito ang aking mga tagapagsilbi."

Napaismid naman ako. "'Yung mga bully na 'yon katulad mo?" mahinang murmur ko na naiinis.

"Ano iyon?"

"Wala!" Pasalamat ang mga servants na 'yon at kahit nangangati ang dila ko na magsumbong ngayon dito kay Gani, hindi ko ginagawa dahil baka isumbong din nila ako sa ginawa ko sa damit nila.

Napatango-tango na lang siya. "Kung nais mo ay mag-ikot-ikot ka rito sa bayan bukas. Mababait ang mga Gisune rito at batid na nila na ikaw ay aking Fenea kaya hindi ka na nila susubuking ikulong muli."

Hindi na ako nagpumilit pa na sumama. Mas maganda nga siguro na wala siya bukas para naman wala munang mag-uutos nang mag-uutos sa'kin.

"Ginoong Gani, handa na po ang paliguan para sa inyong Fenea," sabi ng nakalapit na pala kay Gani na servant na hindi ko agad napansin ang pagdating.

"Sige at ihatid mo na siya patungo roon," utos niya ro'n kaya yumuko 'yon sa kaniya at lumapit sa'kin.

Hindi na ito nagsalita paglapit sa'kin dahil narinig ko naman ang sinabi ni Gani.

"Sumama ka na sa kaniya Queen. Nais ko na isukat mo ang damit na iyan at bago iyon ay maligo ka muna. Masyado kang maraming ginawa ngayong araw kaya siguradong ikaw ay nagpawis." Sininghot-singhot niya ako kunwari tapos tinakpan niya ang ilong niya ng sleeves niya para asarin ako.

"Tss." Sinamaan ko lang siya ng tingin at hindi na ako pumatol. Naglakad na ako paalis bitbit 'yung damit na inihagis niya sa'kin kanina at sumunod naman sa'kin 'yung servant.

* * *

Dahan-dahang nilagyan ng servant na kasama ko kanina ng isang napakagandang clip ang gilid ng buhok ko at inayos niya rin nang kaunti ang side bangs ko.

Nakatingin lang ako sa repleksyon ko sa makalumang human sized mirror na kaharap ko ngayon at sobra akong naamaze sa kagandahan ko ngayon.

Alam ko naman na maganda ako, noon pa pero bagay na bagay pala sa'kin ang ganitong traditional robe. Kulay pink ang mahabang paldang silk nito at at white naman ang top na may sobrang luwang na sleeves. May mga design 'yon na burda ng mga bulaklak na mas lalong nagpaelegante ro'n.

Sinuklayan din mabuti nitong servant ang buhok ko na straight na straight at hanggang bewang ang haba. Ang ganda ng clip na napili niya para sa'kin. Gold 'yon na may design na iba't-ibang kulay ng mga bulaklak.

"Waahh..." Namamangha ko pa ring sabi at dahan-dahang umikot habang pinapanood pa rin sa salamin ang sarili.

"Napakaganda n'yo." puri sa'kin ng servant kaya napatingin ako sa kaniya at napataas ang isang kilay ko.

Sa totoo lang, kanina pa ako nagtataka sa trato nito sa'kin na isa sa mga nakikipagchismisan noon tungkol sa'kin sa may garden.

"Anong nakain mo? Ba't parang ang bait mo sa'kin saka 'yung iba pa?" tanong ko.

Hindi naman siya nakaimik.

Pati kasi 'yung iba pang servants na nakaaway ko lang kahapon, biglang bait din sa'kin ngayon.

Kanina kasi nang maligo ako, siya at dalawa pang ibang servant ang nagpaligo sa'kin sa isang malaking kahoy na tub na may maligamgam na tubig at may mga petals pa ng roses. May pamassage pa 'yon ha.Tapos sila ang nagsuot sa'kin ng damit na 'to na hindi ko inakalang napakaganda at elegante.

Pati sila, namangha rin dito. Akala rin siguro nila, pangit 'to dahil nga dinesign ito para sa isang slave pero sobrang ganda talaga nito. Halatang mamahalin din ang materials na ginamit kaya pare-parehas kaming nabigla.

At ngayon naman, dito ako inayusan ng servant na 'to sa kwarto ko na biglang gumanda nang sobra dahil dinesignan ng mga magagandang paintings at flower vases. Dati, ang plain-plain nito pero ngayon, parang pang princess na ang dating sa biglang pag-elegante ng lugar.

Para talaga akong biglang naging Royalty ngayong gabi sa mga naging trato nila sa'kin kaya nagtataka talaga ako.

Napatingin siya sa'kin dahil napatagal ang titig ko sa kaniya at kumuway pa ang buntot niya nang isa kaya inalis ko na ang tingin ko.

Pero ngayong naisip ko 'yung tungkol sa buntot at nila. Bakit si Gani, wala n'on? Nagtanong na ako mismo kay Gani pero ayaw naman niya sabihin.

Dito ko na lang sa servant itatanong. "Matanong ko lang. 'Di ba, Gisune rin naman si Gani? Bakit wala siyang buntot katulad n'yo?"

Nanlaki naman nang kaunti ang mga mata niya."P-paumanhin ngunit hindi kami maaaring magsabi ng tungkol sa bagay na iyan." Napayuko pa siya.

Lalo namang nadagdagan ang curiousity ko sa pagkatao ng Isagani na 'yon.

Bakit kaya bawal ipagsabi?

Tss. Paki ko? Hindi naman ako chismosa katulad ng mga 'to na kahapon lang eh pinagchichismisan ako.

Mayamaya, may kumatok sa wooden sliding door at pumasok doon ang isa pang servant na isa sa nagpaligo sa'kin kanina. "Kung tapos na raw ayusan ang Fenea ay igiya na siya sa labas."

Tumango naman sa kaniya 'tong servant na katabi ko at humarap sa'kin saka tumungo. "Halina kayo sa labas binibining Fenea."

Nangunot naman ang noo ko. "Bakit?"

* * *

Lumabas na kami ng bahay gaya ng sabi n'ong isang servant at doon ay natanaw ko si Gani sa may garden na nakatalikod na parang may hinihintay.

Akala ko ba, aalis siya?

Teka. Baka naisipan niya na isama na ako!

Napangiti ako nang malawak sa naisip ko na 'yon. "Gani!" tawag ko sa kaniya kaya napalingon siya sa'kin.

Tumakbo ako papunta sa kaniya na ngayon ay nakatulala lang sa'kin nang bigla akong matalapid dahil sa haba ng suot ko. Paplakda na ako sa lupa nang biglang may humapit sa katawan ko at sa isang iglap, ang mukha niya ang bumungad sa'kin.

Namilog ang mga mata ko at ganoon din siya dahil sobrang lapit ng mukha namin sa isa't isa, lalo na ng katawan namin sa pagkakahapit niya sa'kin.

Bigla rin ay naging aware ako sa pag-abnormal ng pagtibok ng puso ko. Sobrang bilis n'on na dinig na dinig ko ang malakas na pagpintig n'on at baka naririnig na rin na niya 'yon ngayon sa ingay n'on.

Ilang sandali kaming magkatitigan nang gano'n pero nang makabawi na siya, bigla niyang hinipan ang mga mata ko kaya napapikit agad ako.

Humiwalay na siya sa'kin at narinig ko na naman ang wirdo niyang tawa. "Huwag ka kasing tumakbo para hindi ka madapa. Sasaktan mo pa ang sarili mo dahil lamang masayang-masaya kang makita ako."

Sinamaan ko naman siya ng tingin. "Asa ka naman." Balik na siya sa pang-aasar sa'kin kaya kumakalma na ang pagtibok ng puso ko.

Natawa ulit siya pero nang iangat niya ang kamay niya na parang may hahawakan sa mukha ko, napaliyad ako nang kaunti para iwasan 'yon at nagtatakang nakatingin lang sa kaniya.

Ngumiti lang siya at inalis na sa hairclip ko ang sumabit na buhok ko ro'n. "Iyan. Ayos na." Lumawak ang ngiti niya at napakurap-kurap naman ako.

Ewan ko pero may hindi kumportableng emosyon akong naramdaman sa loob ng dibdib ko at nagsimula ulit ang pagtambol sa dibdib ko. Inayos niya lang naman ang buhok ko.

Tumikhim ako para alisin na 'yon. "Akala ko ba, aalis ka?" Tinaasan ko siya ng isang kilay.

Tiningnan niya naman ako mula ulo hanggang paa. "Sinigurado ko lamang kung babagay ba sa iyo ang damit na aking ipinagawa." gumuhit ang malawak na ngiti sa mga labi niya. "Hindi naman ako nagkamali at napakaganda mo nga ngayon."

Napakurap-kurap ako at parang nagskipbeat pa ang puso ko sa bigla niyang pagbanat nang gano'n. Marami naman na ang nagsabi sa'kin noon na bagay sa'kin ang mga damit ko. Ewan ko ba sa puso ko at nagpapakaabnormal na kaagad dahil lang sa sinabi niya.

Nagcrossarms ako bilang defensive stance. "Tss. Wala naman talagang damit na hindi babagay sa'kin. Saka hindi lang ako ngayon maganda. Bulag ka ba dati at ngayon lang nakakita?" Gan'yan nga Queen! 'Wag kang magpapatalo sa kung ano 'yang uncomfortable feeling na naramdaman mo. Epekto lang 'yan sa'yo ng weird na mundong 'to.

Napailing-iling lang siya habang nakangiti pa rin. "Sige at ako'y aalis na. Bukas, aagahan ko na lamang ang pag-uwi at isasama kita sa bayan para ika'y igala." parang bata ako kung bilinan niya tapos tumingin siya sa may likuran ko kung nasaan 'yung dalawang servant na naghatid sa'kin dito sa labas. "Huwag n'yo na siyang palalabasin ng bahay ngayong gabi. "

"Masusunod po." sagot nila.

"Pumasok na rin kayo ng bahay."

Lumapit na 'yung dalawang servants sa'kin at kumaway na siya sa'min para magpaalam. Doon ay naglakad na siya paalis habang ako, pinapanood lang ang pag-alis niya.

Hindi ko maintindihan pero bakit ayokong nakikita na naglalakad siya paalis?

Alam ko naman na babalik din siya bukas pero...

"Halina kayo sa loob binibining Fenea."

Napabalik ako sa sarili ko dahil sa sinabi ng isang servant. "S-sige." Naglakad na kami papasok ng bahay pero nilingon ko ulit si Gani.

Wala na siya.

Napatingin na lang ulit ako sa nilalakaran ko habang napupuno ang dibdib ko ng isang hindi kumportableng emosyon.

Ipagpapatuloy...