Chereads / Finding Sehria / Chapter 25 - Chapter 24 - As If It Was Your Last

Chapter 25 - Chapter 24 - As If It Was Your Last

Third Person's POV

Few days ago

Mag-isang nakaupo si Glessy sa isang swing sa playground, ilang bloke ang layo mula sa bahay nila Lei, kung saan siya pansamantalang tumutuloy. Ala-sais pa lang ng umaga, mahimbing pa ang tulog nito kaya sinamantala na niya ang pagkakataong ito para makipagkita kay Janus. 

Hindi na niya mabilang kung ilang beses na ba siyang napapabuga ng malalalim na buntong hininga habang pinagmamasdan ang nilalamig niyang paa na nakasuot lamang ng rubber na tsinelas.

"Hey, what are you doing here alone?" Nag-angat siya ng tingin nang marinig niya ang boses ng lalaking hinihintay niya.

Pinagmasdan niya itong mabuti, halata sa mga mata nito na inaantok pa ito. Maya't maya pa ang paghikab nito nang umupo ito sa bakanteng swing sa tabi niya. Aminado siya sa sarili niya na gusto niya talaga ito. Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat kung bakit ganito ang nararamdaman niya para dito.

"What do you want to talk about?" tanong nito. Muling nagbuga ng isang malalim na buntong hininga ang dalaga bago niya ito lingunin.

"I'm going home," diretsong saad nito. Her voice was heavy with sadness and Janus could feel it. Confused, he met her gaze.

"What do you mean by home? Don't tell me you and your brothers are planning to go back in Sehira? Come on, that's suicide!" Naguguluhang saad ni Janus. Iling lamang ang tinugon sa kanya ng dalaga.

Ilang beses na niya itong pinag-isipan. Sa tingin niya, mas makakabuting may isa man lang sa mga kaibigan niya ang makakaalam sa mga nakatakdang mangyari. Tinipon ni Glessy ang lahat ng lakas ng loob na meron siya. Siniwalat niya kay Janus ang katotohanang nadiskubre niya noong narinig niya ang pag-uusap ng magulang ni Austin at ng nanay ni Janus.

Narinig niya ang lahat, lahat. Ang masakit na katotohanan patungkol sa kanya.

Napaawang ang bibig ni Janus. Hindi makapaniwala sa mga nalaman. Para siyang naestatwa sa kinauupuan. Nahihirapang i-proseso ng utak niya ang mga sinabi ni Glessy.

Bakit kailangang may isang mawala sa kanila para tuluyang magising ang kapangyarihan ni Sehria? Bakit kailangang may buhay na i-sakripisyo para sa magiging kaligtasan ng lahat. That's so cruel.

"Sana walang ibang makaalam nito," buong pusong pakiusap ni Glessy.

Hindi nila alam kung gaano sila katagal na binalot ng katahimikan. Hindi rin alam ni Janus kung anong mga tamang salita ang sasapat para maibsan ang mabigat na dinadala ni Glessy. Alam niyang napakahirap ng desisyon na gagawin niya. Sa kanilang lahat, siya ang higit na nasasaktan. Nakaramdam ng awa si Janus para sa dalaga. Masyadong mabigat ang pinagdadaanan nito, pero kinikimkim niya lang ito.

"Pwede ba akong humingi ng pabor sa'yo?" Lakas loob na binasag ng dalaga ang namayaning katahimikan sa pagitan nila.

"Anything, Sehria. Anything," he smiled sincerely.

"Gusto kita Janus. Alam mo na siguro ang rason, kung bakit ko nararamdaman sa'yo 'to. Sa Sabado, pwede bang samahan mo muna ako?"

Tumango si Janus bilang pagsang-ayon. Wala siyang ibang hangad kundi ang mapagaan ang kalooban nito. 

******

Present day

"Punta lang ako sa cr," paalam ni Lei sa mga kaibigan.

"Gusto mo bang samahan kita?"

"Huwag na, magpahinga ka pa diyan. Baka mamaya himatayin ka," sagot ni Lei kay Fina. Pansin niya na nahihilo-hilo pa ito dahil sa sinakyan nila kanina.

Kanina pa nila inaantay ang mga kaibigan nila. Hindi pa nakakabalik ang mga ito. Marahil ay mahaba ang pila sa roller coaster kaya natatagalan ang mga ito. Nagtungo na lamang sa c.r si Lei. Pagpasok niya ay may bumangga sa kanya. Muntik pa siyang matumba sa sahig, mabuti na lamang ay nahawakan siya ng bumangga sa kanya.

"Oh my God! Lei, okay ka lang?"

Nagulat si Lei nang makita niya si Cecilia. Hindi niya akalain na makakasalubong niya ito. Nakasuot ito ng pulang off shoulder dress, kasing pula ng lipstick niya.

"I'm glad you're here! Nandito din ba ang mga kaibigan mo?" tanong nito.

Tumango na lang si Lei bilang tugon. Ayaw naman din niyang maging bastos dito lalo pa't ito ang nagbigay ng ticket sa kanila.

"Thanks pala sa ticket."

"That's not free. You know, there's a price to pay for everything," ngumiti ito. Tila nang-aasar na ngiti. Bahagyang umangat ang isang kilay ni Lei dahil sa sinabi nito.

"Just kidding!" bawi nito. "Enjoy the day as if it was your last." Bigla itong ngumisi bago siya iwan nito. Sa hindi malamang dahilan, hindi niya nagustuhan ang pagngisi nito. 

Pumasok sa c.r si Lei upang maghilamos ng mukha niya. Humarap siya sa salamin para pagmasdan ang repleksyon niya. Medyo malabo ito kaya kumuha siya ng tissue para punasan ang salamin. Kinusot-kusot niya ang mata niya, hindi niya maipaliwanag kung bakit siya ang nakikita niya sa salamin at hindi ang sarili niyang repleksyon.

Malungkot itong nakangiti sa kanya. Mariin siyang pumikit. Mahinang tinapik-tapik niya rin ang magkabilang pisngi niya. Marahil ay pinaglalaruan na naman siya ng mata niya. Nang magdilat siya, nakahinga siya nang maluwag nang makita na niya ang sarili niyang repleksyon.

Pagbalik ni Lei sa kanilang upuan, nadatnan niya ang mga kaibigan niya na mukhang kararating lang. May hawak hawak pang cotton candy si Glessy at masayang kumakain. Napansin niya ang suot-suot na cat-ears headband nito.

"Saan galing yang headband mo, bulinggit?" tanong ni Lei. 

"Binili ni Janus nung napadaan kami sa souvenir shop malapit sa roller coaster," sagot naman nito.

"If you want, I'll buy one for you too," mabilis na depensa naman ng binata nang mapatingin sa kanya ang kasintahan. Napalunok siya dahil ramdam niyang hindi nagugustuhan ni Lei ang ginagawa niya.

"Ayos lang. Hindi naman ako nagsusuot ng headband," matabang na wika ni Lei.

'Wala lang yan, Lei. Huwag kang magselos. Headband lang yan,' pagkumbinsi pa niya sa sarili.

Kaibigan niya si Glessy. Ayaw niyang makaramdam muli ng selos dito. Pero kahit anong gawin niya, hindi niya pa rin mapigilan ito.

"Bakit pala ang tagal mo sa c.r? Akala ko na-flush ka na sa inidoro," tanong ni Fina sa kanya.

"Nakasalubong ko kasi si Cecilia. Dinaldal ako saglit," tipid na sagot niya.

"Alam niyo, may raramdaman talaga akong kakaiba sa babaeng yan," bulalas bigla ni Elliot kaya napatingin sa kanya ang mga kaibigan.

"Oo na, Elliot. Sige na, alam na naming crush mo siya."

"Hindi ko yun, crush!" Mariing tanggi ng binata. Ramdam niya talaga na may kakaiba dito, hindi pa nga lang niya matukoy kung ano.

"O, ano? Saan na next? Wala namang thrill yung roller coaster," wika naman ni Austin na tila wala ring kapaguran.

Sabay sabay siyang pinandilatan ng mga kasama. 

"Ang hangin talaga," pasaring pa ni Lei sa kababata.

"Pwede bang kumain na muna tayo? Gutom na ko eh," pag-aaya ni Andrea. Nakaramdam na rin ng gutom ang iba kaya naghanap na sila ng makakainan.

*****

"Huwag mo masyadong damdamin. Mahal ka nun," bulong ni Fina na pilit pinapanatag ang kalooban ni Lei.

Magkasama na naman sina Janus at Glessy na bumili ng milk tea sa di kalayuan. 

"Ano bang meron at laging magkasama yung dalawa? May LQ ba kayo ng boyfriend mo?" usisa pa ni Elliot. Pansin niya din na laging magkadikit ang mga ito. Pinasakan na lang ni Lei ng pizza sa bunganga si Elliot para hindi na ito magtanong pa.

"Baka chinicheer up lang ni Janus si Glessy. Huwag ka magselos, Lei." Austin said reassuringly.

"Hindi naman ako nagseselos. Ayos lang talaga sa akin."

"Talaga ba? Eh hindi ka nga naimik diyan. Huwag kami, Lei. Kilala ka namin."

"Hindi ba ko pwedeng manahimik? Napagod kaya ko sa sinakyan natin," Lei retorted but Fina just looked at her with disbelief. Napabuntong hininga na lang siya. Alam niyang wala siyang maitatago sa kaibigan niya. Basang basa siya nito.

"Guys, ako lang ba o parang may makapal na hamog sa paligid?" 

Napukaw ni Andrea ang atensyon ng mga kaibigan. Nilibot ng kanilang paningin ang buong paligid. Unti-unti na nga itong nababalutan ng makakapal na hamog na hindi nila alam kung saan nanggaling.

Ginapangan ng kaba ang buong sistema  ni Lei nang makaramdam siya ng kakaibang presensya sa paligid. Galur? May aatake na naman bang Galur sa kanila?

"Shit! Nasaan na ba sina Janus at Glessy? Baka hindi na nila tayo mahanap sa kapal ng hamog sa paligid!" There's a fear and panic in Elliot voice pero sinikap ng iba na maging alerto at huwag magpadala sa takot.

"Guys? Where are you?" Napalingon si Lei at hinanap ang pinanggagalingan ng boses ni Janus. Nararamdaman niya na malapit lang ito ngunit hindi sila magkakitaan dahil sa kapal ng hamog.

"Janus! Subukan mong gumawa ng ilaw gamit ang kidlat mo!" Sigaw ni Austin. Janus obeyed and in an instant there was a light. Naging madali sa kanila na makita ang isa't isa dahil sa liwanag na nagmumula sa kamay nito.

"Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah!"

Malalakas na sigawan ang pumuno sa kanilang pandinig. Tumakbo sila sa pinanggagalingan nito. Nahigit ni Lei ang kanyang paghinga at natutop ang kanyang bibig dahil sa eksenang tumambad sa paningin nila.

Ang lahat ng mga tao na narito sa amusement park, lahat sila naging bato na. Nag-iiba na rin ang itsura ng paligid. Naglaho ang mga rides na kanina lang ay nasakyan pa nila. Napalitan ito ng mga naglalakihang puno. Para silang nasa gitna ng isang masukal na gubat.

"Hissssssssssssssssss."

Nakakarinig sila ng tunog ng ahas.  Palakas nang palakas ang tunog nito, tila nanggagaling lang ito sa malapit. Parang tinatambol ang puso ni Lei.  Wala na namang pagsidlan ang takot niya. Sa pagkawala ng makapal na hamog, tumambad sa harap nila si Cecilia.

Suot pa rin nito ang pulang damit niya, ngunit kakaiba na ang itsura nito. Mapupula ang mga mata nito. May matalas na pangil at mahabang dila na gaya ng sa ahas. Nababalutan din ng kaliskis ang buong braso, binti at mukha nito.

"Sinasabi ko na nga ba! Kaya iba talaga ang pakiramdam ko sa babaeng yan!" Naikuyom na lamang ni Elliot ang kamao niya. Kita ni Lei ang panginginig nito.

Hindi sila nakapaghanda. Hindi nila alam kung anong gagawin. Parang nasa hukay ang isang paa nila.

Dapat ay mas naging maingat sila.

Hindi nila akalain na mahuhulog sila sa patibong ni Afea, ang babaeng ahas.

"Kamusta mga hangal? Nagulat ba kayo?" Parang nanggagaling sa lupa ang boses nito dahil sa lamig. Bahagyang napaatras si Lei. Humarang si Janus sa harap niya upang itago siya sa likuran nito. Ganun din ang ginawa nila Austin at Elliot, itinago nila sa likod nila ang mga kaibigan at ikinulong ang mga ito sa loob ng barrier.

"Fina, humingi ka ng tulong kina Azval at Azure!" maotoridad na utos ni Austin.

"Sa tingin niyo hahayaan kong gawin niyo yan?" May isang lalaking lumitaw sa tabi ni Afea.

"Kael," nanlalaki ang mga matang sambit ni Andrea. Ngayon niya lang ulit nakita ito sa loob ng mahabang panahon.

Malakas na napahiyaw si Fina, hawak hawak niya ang ulo niya na parang namimilipit sa sakit. May malakas na pwersang pumipigil sa kanya para makahingi ng tulong. Pakiramdam niya sasabog na ang ulo niya sa tindi ng kirot na nararamdaman  niya.

"Anong nangyayari?" Hindi malaman ni Lei ang gagawin. Bakas sa mukha ng kaibigan ang paghihirap nito.

"Salamat sa ilusyon na ginawa mo, Kael. Mga uto-uto. Akala talaga ng mga hangal na mortal nasa amusement park sila. Wala silang kamalay malay na hinihigop ko na ang mga lakas nila," nakangising sambit ni Afea.

"Huwag na natin itong patagalin, ibigay niyo na sa amin si Sehria," dumako ang mata ni Kael sa direksyon nila Lei.

Kasing bilis ng kidlat na sumugod si Janus kay Kael at pinatamaan ito ng kanyang kidlat ngunit tumagos lamang ito sa katawan ng kalaban.

"Masyado kang sabik na mapadali ang buhay mo bata. Pero wala akong panahon para makipaglaro sa inyo," matigas na sambit ni Kael. Sa isang iglap ay naglaho ito sa paningin nila. At nang sumulpot ito ay nasa harapan na ito nila Lei.

"Fuck! Don't touch them!" Mabilis na rumesponde si Janus sa direksyon nila Lei pero hindi nito nagawang makalapit nang tuluyan nang may pumulupot sa katawan niya.

"Janus!" Nahihindik na sigaw ni Lei.

Gimbal na gimbal silang lahat sa nasasaksihan. Tuluyan nang nag-iba ang anyo ni Afea, ang ibabang bahagi ng katawan nito ay naging mahaba at malaking buntot ng ahas, samantalang katawan ng babae naman ang itaas na bahagi ng katawan nito.

Mahigpit ang pagkakalingkis ng buntot nito kay Janus. Hindi magawang makawala ng binata dito. Pahigpit ito nang pahigpit. Pakiramdam niya mababali na ang mga buto niya anumang oras.

Magkasabay na sumugod sina Austin at Elliot kay Afea. Gamit ang espadang yelo niya, sinubukan ni Austin na hiwain ang buntot nito upang makawala si Janus, ngunit masyadong matigas ang kaliskis na pumapalibot dito.

"Tangina! Pakawalan mo siya!" Hindi rin tumigil si Elliot sa pagsuntok dito kahit pa dumudugo na ang mga kamao niya.

Aliw na aliw lang si Afea na pinapanuod ang mga ito. Sa isang malakas na paghampas niya kanyang buntot, tumilapon ang mga ito.

Natagpuan na lamang ni Austin ang kanyang sarili na nagpapagulong gulong sa lupa. Malakas na humampas naman si Elliot sa katawan ng malaking puno, dahilan para mawalan siya ng malay. Samantalang si Janus naman ay kinakapos na ng hininga dahil hindi pa rin siya pinapakawalan ni Afea mula sa pagkakalingkis nito.

"Lei," mahinang sambit ng binata sa pangalan ng kasintahan habang nakikita niya itong walang tigil na kinakalampag ang barrier.

******

Tila naubos ang pasensya ni Kael. Malakas niyang pinagsisisipa ang barrier ngunit hindi niya ito magawang basagin. Hindi rin umuubra ang kapangyarihan niya, masyadong mataas ang uri ng kapangyarihan na ginamit dito.

"Hindi mo sila masasaktan," matapang na sambit ni Andrea. Nakahiga sa kandungan niya ang walang malay na si Fina. Habang nasa tabi niya si Glessy, nanginginig na ito sa takot.

Matalim na tinignan lang siya ni Kael. "Huwag kang masyadong kampante, Zerin. Dahil sinisiguro kong walang makakarating na tulong sa inyo. Sulitin mo na ang mga nalalabi niyong oras, baka ito na ang huli, mahal kong kapatid."

"Itigil mo na 'to, kuya." Alam ni Andrea na walang saysay ang pagmamakaawa niya dito. Tuluyan na din nitong kinalimutan na iisang dugo lang ang nananalaytay sa kanila. Hindi na siya nito papakinggan pa at alam niya ding hindi ito mag-aalinlangan na wakasan ang buhay niya.

Binalik na lamang ni Kael ang tingin niya kay Afea na abala sa pakikipaglaban. Mukhang hindi man lamang ito pinagpapawisan. Kayang kaya niyang patayin ang mga ito kung gugustuhin niya, ngunit tulad niya mahilig din makipaglaro si Afea. Mukhang giliw na giliw ito sa mga laruan niya.

"Huwag niyo silang sasaktan," pagsusumamo ni Lei habang kinakalampag ang barrier. Parang dinudurog ang puso niya nang paulit-ulit habang nakikita niyang hirap na hirap na ang mga kaibigan.

Nilingon siya ni Kael, tila narinig nito ang pagmamakaawa niya.

"Hindi sila masasaktan, kung ibibigay niyo na sa akin si Sehria."

Marahas na napailing si Lei. Mamamatay muna siya bago nila makuha si Sehria.

"Kung ganun, magpaalam ka na sa mga kaibigan mo." Malakas na humalakhak si Kael. Niyayanig ng tawa nito ang mundo ni Lei.

Napaluhod na lamang siya nang makitang wala nang malay na nakahiga sa lupa ang mga kaibigan niya. Nagtama ang tingin nila ni Janus, parang kinapos ng hangin ang baga niya. Pulang pula na ang mukha nito tanda nang kakapusan ng hangin. Ipit na ipit na ang katawan nito mula sa pagkakalingkis ng buntot ni Afea.

"Tama na!" Paulit-ulit na kinakalampag ni Lei ang barrier. Gustong gusto niyang tulungan ang mga kaibigan. Kanina niya pa gustong lumabas ngunit pinipigilan siya ng kapangyarihan ni Andrea.

"Lei," nababasa niya ang galaw ng labi ni Janus.

Hindi na niya kaya ang tagpong nasasaksihan. Halos ikamatay na niya nang lumapit si Afea kay Elliot habang bihag pa rin si Janus sa buntot nito. Hawak ang leeg ni Elliot, itinaas niya ito sa ere.

"Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaah!"

Para na silang mabibingi sa lakas ng pagdaing ni Elliot. Sigaw lang ito ng sigaw. Napapatakip na lamang si Lei sa mga tainga niya. Masakit. Damang dama niya sa bawat sigaw nito ang sakit na ipinaparanas ni Afea sa kanya. Hindi na niya kaya.

Tuluyang nanlambot ang mga tuhod ni Lei nang tumigil sa pagsigaw si Elliot at unti-unting naging bato ito.