Third Person's POV
"ELLIOT!"
Tila tinakasan sila ng lakas nang makitang ang dating kaibigan nila na kanina lang ay puno ng buhay, ngayon ay isa na lamang estatwang bato. Tama nga ang magulang ni Austin, mapanganib si Afea. Hindi nila alam kung paano lalabanan ito. Isang hawak lang nito sa kanila ay magiging bato din sila gaya ng iba.
Naikuyom ni Andrea ang kanyang kamao. Hindi dapat nangyayari ang bagay na ito. Siya ang dapat pumoprotekta sa mga ito. Mariin niyang ipinikit ang kanyang mata, malalim na bumuntong hininga bago bumunot ng punyal na nakatago sa hita niya.
Buo na ang loob niya. Kailangan may gawin siya. Wala siyang kakayahan na makipaglaban, alam niyang susugal lang siya sa wala ngunit hindi siya maaring maupo at manuod na lang.
"Ikaw na muna ang bahala sa kanya," binilin ni Andrea si Fina kay Glessy. Naguguluhan man ay napatango na lamang si Glessy.
"Protektahan niyo ang isa't isa," masuyo niyang hinaplos ang buhok nito. Sa isang iglap ay naglaho sa paningin ni Glessy si Andrea. Nilibot niya ang paligid ngunit hindi niya ito makita. Hindi rin niya alam kung ano ang pinaplano nito.
"Ngayon sinong isusunod ko?" Mabilis na tinapunan ng tingin ni Afea ang nanghihinang si Austin. Dahan dahan siyang gumapang palapit dito. Sabik na sabik na siyang matikman ang enerhiya nito.
Gamit ang kapangyarihan na maglaho, madaling nakalapit si Andrea kay Afea. Wala siyang sinayang na pagkakataon, buong lakas niyang sinaksak gamit ng kanyang matalim na punyal ang buntot nito para pakawalan si Janus. Ngunit parang walang epekto ang mga saksak na binibigay niya kay Afea, dahil sa makakapal ang kaliskis nito. Hindi niya ito magawan sugatan.
"Pakelamera," bumulong sa tainga niya si Kael. Hindi niya namalayan ang paglapit nito. Matigas at galit na galit ang tono ng boses nito.
Malakas siyang sinampal ng kapatid, tumilapon siya sa ere at nagpagulong gulong sa lupa. Napaubo na lamang siya ng dugo dahil sa lakas ng hagupit ng sampal nito.
"Kung pumanig ka na lang sa akin, hindi sana mangyayari ito! Wala ka talagang kwenta!"
Napasigaw na lamang si Andrea dahil sa labis na sakit. Walang awang pinagsisisipa siya ni Kael. Para na siyang malalagutan ng hininga sa bawat sipang tumatama sa katawan niya. Wala man lang siyang kalaban laban nang mahigpit na hinawakan nito ang kanyang paa at itinaas siya sa ere nang patiwarik.
"T-Tama na kuya," iyak na lamang niya. Wala siyang makita sa mga mata nito kundi kadiliman. Tila kinalimutan na nito kung sino siya. Wala na ang mapagmahal na kapatid niya.
"Paalam, Zerin," nakangising sambit ni Kael. Naramdaman niya ang pagtagos ng kamay nito mula sa kanyang dibdib hanggang sa likuran niya, lumikha iyon ng malaking butas. Dumanak ang masagana niyang dugo, walang tigil na pumapatak iyon at kumukulay sa lupa. Literal na pinipiga nito ang puso niya. Nanlalabo ang mga mata niyang napatingin sa direksyon ni Lei. Nakaluhod ito, nagmamakaawa. Gamit ang natitira niya pang kapangyarihan, pinagtibay niya ang barrier na nagkukulong sa mga ito. Kailangan nilang manatiling ligtas, at sisiguraduhin niyang kahit sa huling hininga niya, magagawa niya ang misyon na ito; ang protektahan si Sehria.
******
Bumalatay ang takot sa mukha ni Austin nang makalapit sa kanya si Afea. Hindi niya magawang igalaw ang katawan. Parang nabalian siya ng buto mula sa pagkakatapon niya kanina. Nanghihinang napatingin siya kina Elliot at Andrea. Sigurado siya na ito rin ang kahahantungan niya, kamatayan.
"Huwag! Tama na! Layuan mo si Austin!" Malakas na pagtangis ni Lei. Pinilit niyang ngumiti sa harap ng kanyang kababata, pinapatatag ang kalooban nito. Kahit pa madalas niyang inaaway ito, ayaw niyang nakikitang umiiyak at nasasaktan ito.
"Close your eyes," utos niya sa dalaga. Ayaw niyang masaksihan pa nito ang malagim na sasapitin niya. Marahas na umiling lamang sa Lei, muli itong nagpatuloy sa pagkalampag ng barrier.
"Palabasin niyo ko dito!" desperadong sigaw pa ng dalaga.
"Paalam na bata," muling humalakhak si Afea. Gamit ang kanang kamay, mahigpit niyang sinakal sa leeg si Austin.
"Huwag! Please, bitawan mo siya!" Nangibabaw ang tili ni Lei. Napasabunot na lamang siya sa kanyang sarili. Wala siyang tigil sa pag-iyak habang pinapanuod niya ang kababata na ngayon ay unti-unting tinatakasan na ng lakas.
"Austin!" Paulit ulit niyang sinisigaw ang pangalan nito. Sa huling pagkakataon, isang matamis na ngiti lamang ang tinugon nito. Huling sinulyapan ng binata si Fina na walang malay na nakahiga sa kandungan ni Glessy. Hindi man lang siya makakapag-paalam l dito. Rumagasa na parang ilog ang luha sa mga mata ni Austin bago ito tuluyang maging bato.
Kung isa mang bangungot ito, gustong gusto nang magising ni Lei, ngunit kahit anong gawin niyang paggising sa sarili, alam niyang totoong nangyayari ito. Totoo ang sakit na paulit-ulit na pumipiga sa puso niya. Sa isang iglap tatlo na sa mga kaibigan niya ang nawala at gaya ng dati wala na naman siyang magawa. Hindi niya napigilan ang mga nangyari.
"Ibigay niyo na lang sa amin si Sehria, kundi mamatay ang isa niyo pang kaibigan," pagbababala ni Kael.
Muling nagmatigas si Lei. "Patayin niyo na lang ako! Hinding hindi niyo siya makukuha!" Nagtatangis ang kanyang mga ngipin. Hindi niya hahayaang magtagumpay ang mga ito.
"Kung ganun, matutupad ang iyong kahilingan," nagdilim ang ekspresyon ng mukha ni Kael bago binigyan ng hudyat si Afea.
Mas lalong hinigpitan ni Afea ang pagkakalingkis niya kay Janus dahilan para mas lalo itong mapahiyaw sa sakit. Rinig na rinig niya ang paglagutok ng buto nito, mas lalo siyang nasiyahan sa ginagawa dito.
"Fuck! Stop! Aaaaaaaaaaaaaaah!"
Tuluyang gumuho ang mundo ni Lei. Pinupuno ang pandinig niya ng malalakas na palahaw ni Janus. Gusto niyang tumakbo palapit sa kasintahan ngunit kahit anong gawin niya ay hindi siya makalabas sa barrier. Parang nauulit ang nangyayari dati. Wala na naman siyang kakayahan para tulungan ito. Para na siyang mababaliw. Gusto na lang din niyang mamatay dahil hindi na niya kaya ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang dibdib habang nakikitang nanghihingalo na ang kasintahan.
Nang makuntento na si Afea sa kanyang ginagawa, dahan dahan niyang niluwagan ang pagkakalingkis nito. Lupaypay na bumagsak sa lupa ang walang malay na katawan ni Janus. Mabilis na naging bato ito nang hawakan niya iyon.
Naiwang tulala na lamang si Lei. Walang tigil sa pagtakas ang mga luha niya habang isa isang pinagmamasdan ang mga estatwang bato sa harapan niya.
Pinipiga ang puso niya, para siyang pinapatay ng paulit-ulit.
Wala na ang mga kaibigan niya.
Napahawak na lang si Lei sa naninikip niyang dibdib habang kumakawala ang malalakas na hikbi niya.
Wala na rin si Janus.
Wala na ang lalaking mahal niya.
Palakas nang palakas ang mga palahaw ni Lei, ngunit kahit anong iyak niya ay hindi maibsan nito ang sakit na nararamdaman niya.
"Ibalik niyo sila!" Tila batang nagsusumamo sa langit si Lei. Sigaw siya ng sigaw. Nagbabaka sakali na mabawasan ang sakit sa pagsigaw niya.
"Ibalik niyo sila....ibalik niyo silaaaaaaaaaaa!"
Yumanig ang lupa dahil sa malakas na pagsigaw ni Lei. Tila nagalit din ang kalangitan dahil sa pagdadalamhati nito. Kumawala ang malalakas na kulog at kidlat. Tumama ang kidlat sa isang puno at mabilis na nagliyab iyon.
Binalot ng kakaibang liwanag si Lei. Nagliwanag din ang hugis pakpak na marka sa pulsuhan ni Glessy. Nakakasilaw ang liwanag na nagmumula sa katawan nila. Napatakip na lamang sa kanilang mga mata sina Kael at Afea, masyadong masakit sa mata ang liwanag na iyon, hindi nila magawang dumilat.
Lumapit si Glessy sa tulalang si Lei. Awang awa na siya sa kalagayan nito. Masuyo niyang hinaplos ang pisngi nito at pinunasan ang luhang patuloy na naagos sa mga mata nito.
"Lei, makinig ka sa akin," matamis na pagtawag niya dito. Tila wala sa sariling napatingin sa mukha niya ang dalaga.
"Simula ngayon magkasama na nating haharapin ang lahat. Ikaw at ako ay magiging isa. Poprotektahan natin sila," sambit niya.
Naguguluhang napatitig si Lei sa kulay kastanyas na mata nito. Alam niyang kulay itim ang mata ni Glessy ngunit tila nagbago ang kulay nito sa mga sandaling ito. Napakapamilyar din sa kanya ng mga mata nito, parang nakikita niya ang kanyang sarili habang nakatitig dito.
Inilahad ni Glessy ang kanyang kamay. Nagdadalawang isip na inabot ito ni Lei.
Unti-unting lumalabo sa paningin niya si Glessy, parang nagiging transparent iyon gaya nang nasaksihan niya sa rooftop ilang araw na ang nakakaraan. Mas hinawakan niya nang mahigpit ang kamay nito. Natatakot siya na mawala rin ito.
"Masaya ako na nakilala ko kayo."
"A-Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ni Lei. Malawak na ngumiti si Glessy.
"In order to regain your power, I must come back to where I belong. I must come back to you," huling sambit nito bago ito tuluyang naglaho.
Sumabog ang liwanag na nagmumula kay Lei. Kumalat ang nakakasilaw na liwanag na ito sa buong lungsod at tila isang himala at bagong pag-asa ang hatid ng liwanag na iyon.
Napahiyaw sa sakit sina Afea at Kael. Masakit sa balat ang tumatamang liwanag sa kanila. Gulat na napatingin si Kael kay Afea, para itong goma na unti-unting nalulusaw dahil sa pagtama ng kakaibang liwanag sa katawan nito, hanggang sa wala nang matira dito. Naiwan na lang sa lupa ang tuyong balat ng ahas.
Napatingin siya sa paligid, ang mga estatwang bato ay unti-unting bumabalik sa normal at nagkakaroon ng buhay.
"Imposible," mahinang sambit niya. Naramdaman ni Kael na para rin siyang nasusunog dahil sa liwanag na tumatama sa balat niya. Hindi niya maintindihan ang nangyayari, ngunit alam niyang hindi na siya maaaring magtagal pa sa lugar na ito. Sa isang kumpas ng kamay niya ay para siyang bulang naglaho. Kailangan makarating kay Daphvil ang pangyayaring ito.
Alam na niya ang totoong katauhan ni Sehria.
******
Lei
Nagising ako na parang napakabigat ng ulo ko. Bumungad sa akin ang puting kisame. Hindi ko maaninag kung nasaan ako dahil sa nanlalabo ang paningin ko. Mariin akong pumikit ulit bago ako dahan dahan na magmulat.
"Kamusta na ang pakiramdam mo?" sabi ng nag-aalalang tinig. Kusang bumuhos ang luha sa mata ko nang maaninag ko ang mukha niya.
"M-Ma...ma," napakahina ng tunog na nabuo ko. Pakiramdam ko wala akong kakayahang bumuo ng salita, hinang hina ako, parang tumakas ang lahat ng lakas ko sa katawan at hindi pa ito nakakabalik.
"N-Nasaan ako?" muli kong sinubukan na magsalita. Puro puti ang nakikita ko sa paligid, mula sa kisame hanggang sa dingding. Sigurado akong wala ako sa kwarto.
"Nasa ospital, tatlong araw ka nang walang malay. Alam mo bang alalang alala na ko sa'yo?" Naging basag ang boses ni mama, tulad ko ay umiiyak na rin siya.
Muling nadurog ang puso ko nang maalala ko ang nangyari. Sinubukan kong umupo ngunit parang umikot ang paligid ko. Hilong hilo ako na napahigang muli.
"Anak, magpahinga ka muna. Huwag mong piliting gumalaw."
Nagpumilit pa rin akong umupo. Agad akong inalalayan ni mama. Labis ang pag-aalala sa luhaang mata niya.
"N-Nasaan sila? Si Janus? Sina Austin at Fina? Sina Elliot at Andrea? Si Glessy? Ma, nasaan sila?"
Ang sakit sakit ng puso. Sana isang masamang panaginip lang ang lahat ng nangyari.
"Maayos lang sila Lei. Ligtas sila dahil sa'yo." Napalingon ako sa may pintuan. Nakahinga ako nang maluwag dahil sa binalita ng mama ni Janus.
"Salamat sa'yo, ligtas ang anak ko. Niligtas mo silang lahat," maluha-luhang saad niya nang makalapit siya sa akin at umupo sa tabi ko. Mahigpit niya akong niyakap kaya mas lalo lang akong napaiyak sa bisig niya.
"Bibili na lang muna ko ng makakain," paalam ni mama. Tila naramdaman niya na kailangan naming mapag-isa.
Nagkaroon kami ng pagkakataon na makapag-usap ng mama ni Janus nang lumabas si mama sa kwarto ko.
"Ano pong nangyari?"
"There's a light that erupted and shined throughout the city. And that light helped us find where you are. Hindi lang yun, dahil sa liwanag na yun ang lahat ng mga nabiktima ni Afea ay bumalik sa normal na parang walang nangyari. It all thanks to you, Lei. You saved all of them."
Naguguluhang napatingin ako sa kanya. Naalala ko ang pagbalot sa akin ng kakaibang liwanag. Kaming dalawa ni Glessy, kakaiba din ang liwanag na nagmumula sa katawan niya nung sandaling iyon.
"It was Sehria. She saved them," bulalas ko. "Si Glessy, gusto ko siyang makita. Ayos lang naman siya di ba?"
Mabilis na nag-iwas ng tingin sa akin ang mama ni Janus. Hindi nakawala sa paningin ko pagkabahala na gumuhit sa mukha niya. Binuka niya ang bibig niya pero agad niya ring tinitikom ito, tila nagdadalawang isip siya. Marahas siyang napabuntong hininga, muli niyang sinalubong ang tingin ko.
"Lei, Glessy is gone."
Natutop ko ang bibig ko. Para na namang napupunit ang puso ko. Panaginip lang ulit 'to di ba?
"Wala na siya dahil bumalik na siya kung saan talaga siya nararapat," pagpapatuloy nito. Marahas akong napailing. Ayokong tanggapin kung anuman ang sasabihin niya. Gusto ko siyang pahintuin sa pagsasalita.
Hinawakan niya ang kanang kamay ko at inangat yun. Nahigit ko ang paghinga ko nang makita ang pamilyar na marka sa pulso ko. Ang marka na hugis pakpak kagaya kay Glessy.
Anong ibig sabihin nito? Bakit may ganito ako? Gulong gulo na ako, at mas lalo lamang akong nalita dahil sa mga salitang binitawan niya.
"Lei, Glessy is you. She's a part of you. She's just a fraction of your true powers. Lei, you are the real Sehria."