Tion
"Tanga ka." Ang nasabi ko na lang kay Rio nang matapos siyang magkwento tungkol sa unrequited love niya kay Rea.
Hindi ko kilala si Rea na kinabaliwan niya, pero tanga rin siya para 'di mapansin si Rio. Pero mas tanga pa rin si Rio kasi imbes na mag-confess, tumunganga lang siya na parang tanga. Paano malalaman ni Rea na may feelings siya? Through telepathy?
Kung 'di sana constipated bunganga ni tanga, edi sana nalaman niya kung may pag-asa ba siya kay Rea o wala. Nagsayang lang siya ng oras, katangahan niya.
"Ba't ikaw ba Ti? May jowa ka na naman ba ngayon?" Tanong ni Rio bago lumagok sa lata ng beer na binili namin. Orange juice lang ang binili ko kasi libre niya at plano kong umuwi na nakikita pa ang daan, tapos kapag nalasing 'tong si Rio iiwan ko na lang dito sa beach para tangayin ng dagat.
"Wala, nakakatamad na mag-jowa." Sagot ko sa kanya bago uminom na rin sa bote ng orange juice.
Ang totoo meron akong jowa, pero ayaw ko lang sabihin kasi alam kong mangungulit siya na hanapan ko rin siya. Sinong tatanggap sa kanya? Constipated bunganga, kailangan niya munang matutong magsalita ng matino. Baka mamaya kapag nag-break sila nung magiging jowa niya ako pa ang sapakin niya.
"Bago 'yan Ti, wala kang jowa."
"Enjoy-in mo na lang 'yang pagiging single kasi masakit sa ulo mag-jowa lalo na kung katulad mong constipated bunganga tapos nagkaka-LBM lang kapag nalalasing." Payo ko sa kanya. Hindi siya sumagot at lumagok na lang uli ng alak. Partida naghahanap lang 'yan ng sasabihin kaya sa alak kumakapit.
"Paano ba kasi magkaroon ng communication skills?" Seryosong tanong niya bago humiga sa buhangin at tumitig sa langit.
Nailing na lang ako. "Practice lang, tanga. Wala rin kasing masama maging open sa feelings sa ibang tao--at huwag mo 'kong masasagot-sagot ng dahil gusto mo lang protektahan 'yung sarili mo." Nilingon ko siya bago sandaling ipinatong ang boteng hawak ko sa noo niya, binawi ko rin agad kasi baka bigla niyang itapon 'yung libre niyang orange juice.
"Hindi naman ako takot masaktan, takot akong maiwan tapos parang wala lang. Alam mo'yon? Matapos mong mag-invest ng oras biglang gano'n?"
"Edi parang gano'n din, ayaw mong maiwan; meaning ayaw mo rin masaktan nga. Daming palusot gano'n din naman 'yon." Napailing na lang ako bago humiga na lang din sa buhangin. "Isipin mo na lang walang permanente sa mundo, maraming sasayang sa oras mo."
"Pero natatakot nga akong masayangan ng oras tapos wala lang."
Napabuntong-hininga na lang ako. "Kaya pang friendship ka lang e. Matuto ka rin kasing sumugal at huwag mag-expect."
"Ikaw ba Ti? Hindi ka ba nanghihinayang sa mga naging girlfriend mo tapos biglang iniwan ka na lang? Sino nga 'yung mga 'yun? Lagi kang iniiwan 'di ba? Kung ako 'yan baka nagbigti na lang ako."
At pinaalala niya pa nga ang katangahan ko sa buhay.
Kung siya tanga kay Rea, ako laging natatanga. Lahat ng nakarelasyon ko lagi akong iniiwan. Nung una naiintindihan ko pa, kailangan ni Lee na sumama sa parents niya abroad para mag-aral. Sino ba naman ako para pigilan siya? Highschool lang kami no'n, wala pa nga akong bigote no'n at mas lalong wala akong perang pang-sustento sa kanya. Kung ako rin ang tatay niya baka paghilurin ko lang siya ng liha kapag pinili niya ang boyfriend niya. At alam kong pagsisisihan niyang hindi siya nakakita ng snow dahil gusto niya akong landiin.
Iyong pangalawa, si Jen. Nahuli kong may ibang kasama sa kwarto, pero dahil tanga ako, hindi ko pinansin kasi bestfriends lang daw sila e. S'yempre sino ba ako para kumwestiyon sa mag-bestfriend na magkatabi sa kama? Alam kong may feelings na si Jen sa bestfriend niya kaya hinintay ko na lang na siya ang tumapos sa relasyon namin, pero tanga rin si Jen at nakokonsensiya yata siya sa ginagawa niya sa'kin. Pero sa huli, nakumbinsi ko rin siyang hindi niya ako gusto at niloloko niya lang ang sarili niyang mahal niya 'ko.
Akala ko tapos na sa pangalawa, third time's the charm nga raw 'di ba? Edi asado ako na sa pangatlo, ito na talaga. Titigil na 'yung pag-iwan sa akin, baka this time ako naman ang mang-iwan para maiba naman. Lugeng-luge na ako e.
Pero itong si Lea, nakumbinsi akong hindi niya ako iiwan dahil alam niya raw ang feeling ng maiwanan. Kaya ayon, kahit anong chismis na may iba siya, hindi ako naniwala. Sa kanya lang ako nakikinig, tanga e. Hanggang sa umabot na sa puntong siya rin ang lumapit sa akin para mag-sorry at umamin sa lahat ng kasalanan niya. Kaya pala gano'n, balak na niyang mag madre. Pero sa palagay ko nando'n lang siya sa simbahan para sundan 'yung pari na pogi na ex niya at balak niyang demonyohin gumawa ng kasalanan.
Balak ko na talagang tumigil sa pangatlo. Sabi ko, hindi na ako papatol sa babaeng tatlo lang ang letra ng pangalan. Kaya naging kami ni Pat o Patrish. Sobrang saya namin akala ko mamamatay na akong maaga. Parati niya akong kasama sa lahat ng trip niya, mula volunteer work hanggang sa family dinner nila sa sementeryo dahil mag-isa na lang siya sa buhay. Balak ko na siyang pakasalan, pero ayon sumama naman siya agad kay Lord. At least ngayon hindi na siya matatakot mag-isa sa buhay kasi patay na siya.
At ngayon, ang bago kong girlfriend, three letters din ang pangalan. Hindi pa ako natatauhan e, laging three letters ang pangalan nila bukod kay Pat na Patrish ang buong pangalan.
"Hindi ako magbibigti dahil lang iniwan ako 'no." Sagot ko sa kanya.
Hindi pa naman umaabot sa gano'ng estado ng katangahan, pero baka ibigti niya ako kapag nalaman niya na may girlfriend ako ngayon at ang pangalan ng babaeng 'yon ay Rea.
--
exclamaTION point