Mark
Marami akong tanong pero parating panget ang sagot na gusto kong marinig kaya hindi na lang ako nagtatanong sa iba. Ako na lang ang humahanap ng sagot at madalas nakikita ko naman 'yung gusto kong sagot sa tanong ko.
Tulad na lang ng, 'How handsome are you?' Na ang tagal mag-load ng sagot, parang nahihiya yata ibigay sa 'kin 'yung test result. O baka sumobra.
You're 23% handsome!
"Anong--" Magmumura sana ako nang may maramdaman akong tumapik sa likod ko. Matalas agad ang lingon ko sa gumawa no'n.
Si Rio at Tion lang pala.
"Ano na namang quiz yan?" Usisa ni Tion sa'kin bago tumingin sa screen ng hawak kong phone. "Tangena wala ba kayong salamin sa bahay kaya kailangan mo pang mag-quiz? Sayang lang data mo tanga ka."
Napasimangot na lang ako. "Nakita ko lang naman 'yung quiz sa fatebook."
Tumabi silang dalawa sa akin sa bench na nasa tapat ng bahay nila Lola. Balak ko sana maki-connect sa wifi ng kapitbahay kaso pinalitan naman 'yung password kaya ubos ang load ko ngayong araw. Tsaka, crush ko kasi 'yung anak nung may-ari nung bahay kahit ang sungit-sungit niya.
Minsan nga naiisip ko baka alam niyang nakiki-wifi ako sa kanila kaya laging masama 'yung tingin niya kapag nakikita niya akong nag-c-cellphone sa tapat ng bahay nila lola.
"Pustahan nakikisagap ka na naman ng signal nila Gigi kaya ka nandito?" Tukso sa'kin ni Rio bago ako tinulak kaya nasagi ko si Tion.
"Bakit sumasagap ka kila Gigi meron naman sila Rio'ng wifi?"
"Mas malakas kasi 'yung net nila e. Tsaka lakas makapulubi kapag kila Rio ako pumunta." Palusot ko. Wala naman kasi akong makikitang iba kila Rio bukod sa kanya tapos madalas niya pa akong sinisisi kapag naglalaro siya tapos biglang nag-lag.
"Hindi malakas 'yung net nila, makapal lang talaga mukha mo." Komento ni Rio uli tapos hinampas na naman ako sa braso kaya ginantihan ko na siya ng hampas kaya nalaglag siya sa sementadong daan.
"POTEK KA MARCUS!" Hiyaw niya bago tumayo. "GIGI OH!" Biglang sigaw niya nang makita si Gigi sa harap ng tindahan nila.
Inirapan niya si Rio. Buti nga. Ako naman ang ngumiti kay Gigi pero bigla siyang umalis sa tindahan nila. Kumuha lang yata siya ng shampoo. Nilingon ko si Rio at sinamaan ng tingin, panira kasi siya ng hapon, imbes na walang clue si Gigi na nakki-wifi ako sa kanila at wala akong crush sa kanya--"Shit ka talaga, Rio wala kang kwentang kaibigan."
"Kung binibilhan mo sila imbes na para kang tanga rito kakahintay sa kanya?" Payo naman ni Tion bago ako inabutan ng limang piso. "Bilhan mo kami ng kendi, mag-ambag ka naman sa internet bill nila."
Kinuha ko ang limang piso ni Tion, pero walang kasamang lakas ng loob 'yon kaya bigla akong pinagpawisan sa kaba. Hanggang tingin lang ako kay Gigi at pakiramdam ko naiinis na siyang makita akong laging nakaupo sa tapat ng bahay nila lola.
Naramdaman yata ni Tion na kinakabahan ako kaya tumapik siya sa likod ko. "Customer ka kaya pagbibilhan ka niya."
Tumango na lang ako at kahit gusto kong tumakbo pauwi ay lumakad ako papuntang tindahan nila Gigi. Mas mahinhin pa ako kay Marie Claire na tumawag ng, "Pabili po!"
Lumabas naman agad si Gigi at taas ang kilay na tinanong ako. "Ano 'yon?"
"Pabileng snowbear." Sabi ko bago nag-iwas ng tingin sa matalas niyang mata. "Lima." Tinaas ko pa ang kanan kong kamay na parang makikipag-apir.
Mabilis naman kumuha si Gigi ng kendi sa container at inabot sa kamay ko. Inabot ko rin naman sa kanya 'yung bayad bago nagpasalamat. Tatalikod na sana ako nang bigla siyang tumawag sa 'kin.
"Teka lang." Tawag niya kaya mabilis akong lumingon sa kanya.
"Anong pangalan mo at bakit lagi kang nakaupo r'yan sa tapat nila Aling Vi?" Tanong niya.
Kabadong napatawa ako. "Ah.." Napahawak ako sa batok. "Marcus ang pangalan ko. Lola ko si Aling Vi."
"Ah gano'n ba?" Napatango-tango siya. Hindi na siya tunog galit ngayon. "Halos dalawang linggo ka na kasing nand'yan parati kaya nagtataka ako bakit. Nakakatakot kaya."
Nakakatakot nga 'yon.
Ang panget na galawan nga no'n. Tapos nakiki-connect pa ako sa kanila.
"May ipapadala raw kasing package si Lola Vi, sinabihan akong maghintay dito." Palusot ko sa kanya.
Mukhang napapaniwala ko naman siya. Mukhang wala na rin siyang tanong kaya magpapaalam na sana ako para bumalik kila Rio. Naririndi kasi ako sa kabog ng dibdib ko ngayon, baka kasi itanong na niya kung alam ko 'yung wifi password nila.
"Ay teka uli."
Natigil uli ako at napalingon. "Ano 'yon?"
"Anong pangalan no'ng mukhang amerikanong hilaw?" Tukoy niya kay Rio. Siya lang naman ang mukhang hilaw at amerikano sa aming tatlo. Simula no'ng bumalik sa pagkalabanos 'yung kulay ng balat niya, panay na ang tingin sa kanya ng mga tao. Si Tion naman mukhang hindi gagawa ng maganda, mukha niya palang kailangan na ilagay sa wanted list. Parati pa siyang naka-itim kaya mas lalong maraming natatakot sa kanya.
Sa aming tatlo si Rio ang laging pinagtitinginan pero puro Rea ang bukambibig kaya hindi niya makita 'yung mga nakakapansin sa pagkahilaw niya.
"Ah si Rio ba?" Tumuro pa ako sa tukmol kong kaibigan na nakikipagusap kay Tion.
"Oh Rio pala name niya."
Wala na.
Wala na 'yung pag-asang sinasabi ni Tion. Mukhang hanggang customer at apo ni Aling Vi na lang ang level ko dahil parati namang si Rio ang napapansin. Okay lang naman, sanay naman na ako. Hindi ko na rin siya crush.
"Eh iyong katabi niya?" Tumuro siya kay Tion. "Kaibigan mo rin?"
Bumuntong-hininga ako bago tumango. "Huwag ka r'yan, mas malakas 'yang magmura kaysa kay Rio."
"Eh ikaw?" Tanong niya, nakangiti na siya. Hindi na siya 'yung laging masama ang tingin. Gusto kong umasa sa ngiting 'yon na may mapupuntahan 'tong usapan namin pero alam ko naman na hahantong din sa pagtatanong ng fb account ni Rio ang lahat.
"Wala, tao lang." Biro ko habang pinapakalma ang puso ko. Effective naman, tulad din si Gigi ng iba na sa mukha at tangkad unang tumitingin. Naiintindihan ko naman 'yon. Kahit ako magiging babae, malamang si Rio ang una kong mapapansin, papansin kasi 'yon e.
"May girlfriend ka na?" Tanong niya bigla.
"S'yempre." Sinadya kong tumigil ng matagal at tumingin sa kanya. Hindi ko alam kung totoo ba 'yung nakikita kong lungkot o naghahanap lang ang utak ko ng dahilan para umasa. "Wala." Tapos ko.
"Weh?"
At bumalik na nga ang pag-asa ko nang bigla siyang ngumiti.
"Bakit mo natanong?" Tanong ko pabalik.
"Wala lang. Baka sakali lang na may pag-asa."