Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Four Seasons @ Esplanade

🇵🇭Jubeliya
--
chs / week
--
NOT RATINGS
7.9k
Views
Synopsis
Habang naglalakad sa magandang riverside ng Esplanade sa ilalim ng initan na umaabot hanggang 40°C heat index, ay ang panlalamig ng aking puso. Sumisibol ang aking pag-ibig at handa itong malagas at mahulog para sayo habang ika'y lumalayo.

Table of contents

Latest Update2
Fall5 years ago
VIEW MORE

Chapter 1 - Summer

Napakatipikal ng buhay kung titingnan mo nang maigi ang bawat ganap sa mga nakalipas na araw. Wala namang pinagbago ang paggising mo sa alas syete y medya ng umaga, ang pilit mong almusal, o kahit na ang paghilata mo sa sofa upang magfacebook at kulitin ang ilang kaibigan—kabilang siya. Ngunit hindi mo ito mapapansing nakasasawa, madalas pa'y magiging paborito mo ito hanggang sa mainis ka sa paulit-ulit na ulam, sa mainit na panahon, o sa pagkakita mo ng 'Active 2h ago' sa kanyang chathead. Hindi mo mamamalayan ang bilis nang pagtatapos ng buwan, hanggang sa maalala mong papaikli na rin ang panahon ninyong dalawa. Aalis na siya, hindi siya magtatagal o kahit ang inyong pag-uusap, at magsisimula ang pagbabago sa iyong araw-araw; o maaaring sa iyong damdamin sa araw-araw.

Ting! Marahan kong idinilat ang mata sa pagkakaidlip nang marinig ang messenger ko, tiningnan ko kung sino ang nagchat at napabalikwas ako sa nabasa.

Zue: Baka hindi na tayo makapag-usap ng madalas.

Napakunot-noo ako sa nabasa. Bakit naman? Mabilis na nagtipa ang mga daliri ko sa cellphone upang gantihan ang mensahe niya. Matagal lumabas ang salitang 'delivered' kaya medyo naurat at nabanas ako, masyadong nakayayamot ang signal dito sa Pilipinas. Kung sana'y katulad ng ibang bansa na kahit saang dako ay may free wifi access, e di sana'y hayahay ang buhay. Maya-maya pa ay tiningnan ko ang messenger at nakita ko ang tatlong tuldok, ibig sabihi'y may isasagot siya sa akin.

Zue: Tapos na ang bakasyon.

Apat na salita. Paulit-ulit kong binasa ang apat na salitang sinagot niya sa akin. Pinilit na iproseso ng utak ko ang kanyang mga kataga at matapos ang ilang minuto ay namalayan ko ang sarili kong nakatulala sa kalendaryo sa gilid ng aparador. May kakaibang pitik akong naramdaman sa aking dibdib, medyo masakit ang pitik na iyon upang mapagtanto na may namumuong pwersa sa aking lalamunan.

Ika-19 ng Mayo, 2019.

Bumalik ang aking ulirat ng tinawag ako ni Papa mula sa kusina. Nagmamadali kong ibinaon ang cellphone sa sofa at patakbong nagtungo sa kinaroroonan ni Papa. Marahil ay mag-uutos na naman na bigyan siya ng malamig na tubig o kaya'y himayin ang karne ng manok na isasahog sa munggo at malunggay.

"Pakuluan mo na ang munggo at bumili ka na rin ng yelo kay Aling Sitang. Nauuhaw na ako, napakainit ng umagang ito," pag-uutos ni Papa habang patuloy sa kanyang ginagawang lamesita.

"Opo," sagot ko.

Kumuha ako ng iilang kahoy at kawayan na panggatong. Maya-maya pa'y nagpakulo na ako ng tubig. Habang hinihintay ang mainit na tubig ay napapaisip ako sa aking nabasa kanina.

Baka hindi na tayo makapag-usap ng madalas. Tapos na ang bakasyon.

Bakit naman? Bawal ba sa kanila ang cellphone? Wala bang signal sa kanila? Imposible, magandang lugar ang Canada hindi ba? O baka magiging abala sa pag-aaral?

Iwinaksi ko ang aking mga tanong at binuksan ang kaldero at inilagay ang munggo. Marahan ko itong hinalo ng sandok at tinakpan ulit. Inayos ko ang gatong at pinunasan ang pawis sa aking noo ng likod ng aking palad. Bumalik ako ng sala, kumuha ng barya sa ibabaw ng aparador at lumabas. Tirik ang sikat ng araw, at medyo mahapdi ang dampi nito sa aking balat. Kung bakit ba namang hindi ko naalala ang payong. Limang bahay ang daraanan bago makarating sa tindahan ni Aling Sitang, nakasalubong na aking kilay habang tumutulo ang pawis sa aking noo.

"Aling Sitang, pabili ho!" sabi ko.

Agad namang pinagbuksan ako ng matanda. Matandang dalaga itong si Aling Sitang, ngunit hindi talaga angkop sa kanya ang salitang 'dalaga'. Nalalapit na ito sa kwarenta y singko, at kapansin-pansin na ang mga pasalit-salit na uban. Mag-isa lamang siya sa kanyang mumunting bahay at tindahan, na madalas ay tambayan ng mga tsismosa sa aming baryo. Napatikhim siya at natigil ako sa pag-iisip.

"Yelo po, isa," sabi ko.

"Mukhang malalim ang iniisip mo, bata," puna niya.

"Hindi naman po, medyo nahilo lang sa init," kunwa'y sabad ko.

Marahan niyang iniabot ang yelo sa akin at inilagay ko sa estante ang tatlong piso na bayad. Nagmamadali akong naglakad sapagkat mabilis matunaw ang yelo kapag nagbagal-bagal ako at paniguradong manggagalaiti na si Papa kapag nagtagal pa ako. Nakita ko ang lantang gumamela sa gilid ng kalsada, ngunit hindi ko rin ito pinagtuunan ng pansin. Nahahapo akong pumasok sa bahay at agad na dumiretso sa kusina.

"Hindi ka man lang nagdala ng payong? Napakapasaway mo talagang bata ka," sermon ni Papa.

"Nagmamadali po kasi e," giit ko.

"Kaya sumasakit ang ulo mo, tapos tututok ka na naman sa electric fan, magpupuyat ka pa sa gabi kakacellphone. Sige, kawawain mo pa ang sarili mo, anak," litaniya nito.

"Sorry naman Pa. Okay lang naman ako," sagot ko.

Salamat naman at natigil na si Papa sa kanyang panenermon. Naalala ko ang nilalagang munggo, kaya kinuha ko ang karne ng manok sa basket at hinimay. Nang matapos ay naghiwa na rin ako ng sibuyas at bawang at hinimay ang malunggay. Teritoryo ko ang kusina, ang pinakamalayang parte ng bahay. Maya-maya ay hinalukay ko ang munggo at nalaga na ito. Tagaktak pa rin ang pawis ko, ngunit pinabayaan ko lang. Ginisa ko ang sibuyas at bawang pati na rin ang manok. Natatakam ako sa amoy nito, mumunting bagay na nagpapaligaya sa akin. Unti-unti kong isinahog ang munggo at inihalo sa kaldero. Inayos ko ang gatong at naupo saglit sa silya.

Nangingiti ako habang tinitingnan ang larawan ni Zue, masyado siyang maganda. Bagay na bagay sa kanya ang mala-rosas na pisngi at mala-kapeng buhok na hanggang baywang. Matangos ang kaniyang ilong at mapupula ang mga labi, kung tititigan ay parang napakatamis nito. Idagdag pa ang mga nangungusap niyang mata, ang may kahabaang pilikmata at ang perpektong kurba ng kilay. Dyosa. Bato ang hindi mahuhumaling sa babaeng ito, at tao ako.

Natigilan ako sa pagkakatulala ng may kumalabog. Napakurap-kurap ako at nakita ko si Papa na inilapag ang bagong gawa na lamesita. Nabalik sa isip ko ang niluluto at mabilis ko itong tiningnan. Tinimpla ko ito at ng sumakto ay inilagay ko na ang malunggay. Kinurot ko ang kaliwang tainga ko nang mariin. Nalulutang ako! Zue, pwede bang lumayas ka muna sa utak ko?

"Pa, nakaluto na ako," tawag ko kay Papa.

"O siya, maghain ka na. Gutom na rin ako, anong oras na ba?" tanong niya habang nagpupunas ng pawis.

Tiningnan ko ang orasan sa dingding, alas onse. Sinabi ko ito kay Papa at nag-atubili nang maghain. Kumuha ako ng dalawang plato at inilapag ito sa magkabilang dulo ng lamesa. Nag-iisang anak ako, at pitong taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw si Mama sa sakit na cancer. Sampung taong gulang pa lamang ako noon, ngunit naging maayos naman ang paglipas ng mga taon. Yun nga lang, medyo mahirap ang buhay sa bahay kapag walang ilaw ng tahanan. Walang nag-aasikaso ng mga gawain, kaya kahit na hirapan akong tanggapin ang mga gawaing-bahay, wala naman akong pagpipilian, alangan namang si Papa pa ang utusan ko.

Naupo ako sa isang dulo ng lamesa habang hinihintay si Papa na makatapos sa pagbibihis. Wala siyang trabaho ngayon kaya inaabala niya ang sarili sa mga mumunting gawain. Ilang minuto ay sinamahan na ako ni Papa sa kusina, matapos kaming mag-usal ng panalangin ay lagatik na lamang ng kutsara at tinidor ang maririnig.

"Hindi ka ba babalik sa San Ag?" pagbasag ni Papa sa katahimikan.

"Sa Miyerkules na po. Magpapaenroll," sagot ko.

"Mabuti naman. Aba'y mag-aral ka nang mabuti at 'yon lang ang bawian natin," sabi niya.

"Opo,"sagot ko.

Napatingin ako sa orasan, 11:15, naligaw na naman ang gunita ko at natagpuan itong nag-iisip kung ano ang maaaring ginagawa ngayon ni Zue. Kumain na ba sya? Sinong kasama niya ngayon? Marahil ay pagkatapos nito, makakausap ko siya. Bumalik ako sa pagtapos ng aking pagkain ngunit mas naunang matapos si Papa. Naglakad-lakad ito at nagsindi ng sigarilyo sa labas. Nilinis ko naman ang pinagkainan at agad na hinugasan ang mga plato. Minadali ko ang mga gawain at nangangati na ang aking mga daliri na tingnan kung makakausap ko ba siya. Tumatakbo ang oras, ayaw kong pinaghihintay si Zue.

Iwinisik ko ang mga kamay pagkatapos kong maisalansan ang mga platong hinugasan. Agad akong lumabas sa kusina at nakita si Papa na nanunuod ng TV. Napapahagalpak ito ng tawa habang wiling-wili sa pagpapaudat ng artista. Inaasar nito ang kalahok sa isang segment dahil sa suot nitong bistida. Naglakbay na naman ang utak ko sa kung anong itsura niya kung magbibistida siya. Siguro'y makalaglag panga, paano pa kaya kung may kaunting kolorete sa mukha? Nakikiliti ang kalamnan ko sa isipin, at bago pa man ako mahuli ni Papa na nangingiti sa kawalan ay dinampot ko na ang nakabaong cellphone sa sofa at tumakbo sa aking kwarto.

Agad kong binuksan ang cellphone at tiningnan ang messenger. 'Active Now' ang nakalagay sa chathead niya. Hindi pala ako nakasagot sa mensahe niya kanina at nasapok ko ang noo sa isiping baka kanina pa siya naghihintay. Nagtipa ang mga daliri ko.

Hi, Z!

Zue: Hello, Lex.

Kanina ka pa online?

Zue: Not really, busy ka?

Hindi naman, nagpaka-chef lang.

Zue: Maybe you can cook for me, kung sakaling makasama kita.

Natigilan ako ng ilang segundo. Napatda rin ang paghinga ko sa nabasa, gusto niya akong makasama? Nabablangko ang utak ko kung ano ang susunod na sasabihin, sa loob ay humihiyaw ang aking mga kalamnan.

Bakit kung sakali lang?

Mali! Alam kong mali ang naichat ko. Nakaramdam ako ng kaunting kaba sa maaari niyang isagot. Umiling-iling ako at tumunog ang messenger.

Zue: Kasi mukhang malabo. Hello, ang layo mo kaya.

Oo nga naman.

Zue: Pero gusto ko sana.

Ibinaon ko ang mukha sa unan, habang ramdam ko ang biglang ragasa ng dugo sa aking mga ugat at ang pagdagundong ng aking dibdib. Bakit ba ganito katindi ang epekto ng mga salita niya sa akin?

"Nak! Tinatawag ka ng mga kaibigan mo sa labas!" si Papa.

Brb. Laters.

Nagmamadali kong pinindot ang 'send' at pagkalabas ng salitang 'delivered' ay pinabayaan ko ang cellphone at tumakbo palabas. Nakita ko ang mga kaibigan kong naghihintay sa akin. Inayos ko ang aking suot na t-shirt at lumapit sa kanila.

"Tara magvolleyball, may dayo daw diyan sa plasa," yaya ni Nat.

"Oo nga, at saka sulitin mo naman ang bakasyon," sabad pa ni Toni.

"Sige tara," sagot ko para matigil sila.

Dalawang kanto para makarating sa plasa, tinanong ko sila kung anong oras, ang sabi naman ay 1:30. Medyo kumulimlim, maganda na ngang maglaro. Volleyball din ang isa sa mga libangan ko kung wala akong maisulat. Madalas ay ginugugol ko ang oras sa pagsusulat at paglalaro lalo na kapag hindi ko siya kausap.

May mangilan-ngilang tao sa plasa, maliban sa mga dayo. Inaayos ng ilang mga kalaro ang net at ang iba naman ay nilalaro na ang bola. Nagyaya sila ng pustahan, panigurado iyon basta may dumadayo. Pumusta ako ng isang daan, baka sakali, palarin. Kinondisyon ko ang katawan, pati ang sarili. Tumalon-talon ako at inunat-unat ang braso. Noong nakaraang linggo ang huli kong laro. Ibig sabihin pala'y ilang araw na akong lulong sa kaniya. Sa mga usapan namin. Iniling ko na naman ang ulo. Mamaya ka na pumasok sa utak ko Zue.

"First six, dumiretso na sa court," sabi ng announcer.

Sumunod naman ang mga manlalaro at pumito na ang referee. Maya-maya'y lumapit ang team captain ng magkabilang grupo para sa toss coin. Kami ang server, ikatlong manlalaro ako sa harap at kasabay ng pagpito ng referee at pagtawid ng bola sa net ay ang pagsunod ng aking tingin. Nag-abang ako, ipinuwesto ko ang dalawang braso sa harap at bahagyang ibinaluktot ang tuhod upang mag-abang sa sakaling pagpunta ng bola sa akin.

Tipikal na proseso ng laro, paparito't paparoon ang bola, lamang kami ng anim na puntos sa ikalawang set, napanalo na namin ang una at ako ang magseserve ng bola. Isang puntos na lang at match point na kami, naligaw na naman ang isip ko. Paano kaya kung makita niya akong naglalaro? Bibilib kaya siya sa'kin? Papalakpak kaya siya kagaya ng ginagawa ng iba? Bumalik ako sa sarili nang marinig ang pito ng referee. Maayos ang naging serve ko, at nakuha namin ang puntos. Sumunod ay ako pa rin hanggang sa naipanalo namin ang laro. Maliwanag na isang daan!

"Anong oras na Sean?" tanong ko.

"Alas tres na pre," sagot niya.

"Gotta go home. May mga gagawin pa ko e," sabi ko sa kanila.

"Napakaatat naman nito umuwi. Kaya ka single e," pangangantyaw ni Nat.

"Si Aling Sitang nga pachill-chill lang. Hayaan nyo na si Alex," sabad ni Toni.

"Bahala na kayo diyan, basta I seriously need to go home. I have stuffs to do, plus someone might be waiting," pangungumbinsi ko.

"O? Someone? Who's the one?" tanong ni Nat.

"None of you're business, dude. Besides, I don't want to share what's mine," sabi ko.

"Yours? Alam niya ba?" pang-aasar pa ni Nat.

Hindi na ako sumagot. Naglakad na ako palayo bago pa nila ako makulit at pigilan. Minadali ko ang paglalakad, gusto ko nang hawakan ang cellphone ko at tingnan kung may mensahe ba siya. Ano na kayang ginagawa niya ngayon? Hinihintay niya kaya ako?

Narinig ko ang paghataw ni Papa ng palakol sa kahoy sa likod-bahay. Panigurado mamaya ay makakarinig na naman ako sa kanya, wala akong masyadong nagawa sa bahay. Bago pa man niya ako makita ay tumakbo na ko papuntang kwarto. Agad kong dinampot ang cellphone ko at nahiga, tiningnan kung online ba siya.

Zue: You're too busy.

Natunganga ako sa mensahe niya na may kasamang malungkot na emoticon. Naalala kong nagpaalam lang ako kanina na aalis at hindi ko na hinintay ang sagot niya. Galit ba siya sa'kin? Nagtatampo? Gusto niya siguro sana akong makausap ng matagal. Gusto niya sana! At hindi ko lang naman pinagbigyan, bakit hindi ko agad naisip 'yon bago lumabas? Nagtipa ang mga daliri ko.

Hi, Z!

Zue: O?

Nablangko ang utak ko. Hindi ko alam kung ano ang susunod na sasabihin sa sagot niya. Kung sabagay, kasalanan ko rin. Kailangan kong makabawi.

You don't sound like you're mad at me, do you?

Zue: Do I?

Galit nga siya. Hindi pa siya naging ganitong magchat sa'kin mula nang makilala ko siya. Nagkakilala kami sa isang group chat. Madaldal siya doon, natutuwa ako sa mga pambubuska niya sa mga kasama namin, hanggang sa natagpuan ko ang sarili ko na nagtitipa ng personal na mensahe para sa kaniya. Mabait si Zue, pinansin niya naman ako hanggang heto na ngayon.

Sorry na. Nagyaya silang magvolleyball.

Zue: Kamusta naman?

Panalo kami syempre. Service ace ako.

Zue: I want to see you play

Nakakahiya, I'm not really good.

Zue: Oh, you're not really good because you're great. When will you be proud of yourself, Lex?

Napawi ang ngiti sa labi ko nang mabasa ang sagot niya. When will you be proud of yourself, Lex? Kailan nga ba ako huling naging proud sa sarili ko? Hindi pa kahit minsan. Wala naman sigurong maipagmamalaki sa mga bagay na nagawa ko dahil parang tipikal lang naman lahat. Mag-aaral ka nang mabuti, makakakuha ka ng mataas na marka, maglalaro ng volleyball, mananalo o matatalo paminsan-minsan, mananalo sa ilang paligsahan na sinasalihan; masyadong tipikal. Hindi ba't yun naman dapat ang mangyari? Ang paniniwala ko'y ang lahat ng ginagawa natin ay inaasahan na. May kaakibat ng resulta at hindi mo na mababali ang tadhana. Walang bago, o hindi na ito mababago, bagkus magpapaulit-ulit na lamang.

Zue: Busy?

Hindi, humina lang ang signal.

Zue: Now, you sound mad.

I'm not.

Zue: Lex, malapit na kaming bumalik.

Kailan?

Zue: Basta malapit na. And we will be in opposite poles, we might not talk as often as this. But I know we'll be sharing the same sky, pointing the same stars. Connecting the same constellation.

Natigilan ako. Hindi ko na alam kung sasagot pa ba ako o hindi na. Nanginig bigla ang mga kamay ko at namalayan kong nangingilid na ang mainit-init na luha sa aking pisngi. Nabitawan ko na lang ang cellphone at napayakap sa unan habang dahan-dahang pinikit ang aking mga talukap. Hinayaan kong mawala ang aking gunita, pinatangay ko ito sa agos hanggang sa kumalma ang aking paghinga.

Nagising ako sa mga kalabog ng yapak sa sala. Kinapa ko ang cellphone at tiningnan ang oras, alas otso ng gabi. Agad akong bumangon at lumabas ng kwarto, nakita ko si Papa na nakasalubong ang kilay na humarap sa akin.

"O, anong balak mo sa buhay mo dito sa bahay?" pagsusungit nito.

"Sorry po, nakatulog ako e. Magluluto na lang po ako," sagot ko.

"Hindi na. Nagawa ko na. Ano bang nangyayari sayo Alex?" pangungusisa ni Papa.

"Wala po. Napagod lang sa laro kanina," sagot ko.

"Kumain ka na," utos nito.

"Opo," sagot ko at tumalikod.

Nagtungo ako ng kusina at agad na kumuha ng baso. Nilagyan ko ito ng malamig na tubig mula sa pitsel at kumuha ng plato. Tinanong ko si Papa kung nakakain na siya, at sinabing tapos na daw siya. Lutang ang isip ko habang kumakain, iniisip kung bakit napakabagal ng pitik ng mga kamay ng orasan habang hindi ko na gusto ang nararamdaman ko. Gusto ko nang lumalim ang gabi, matulog ulit, at magbaka sakaling wala na ito kinabukasan.