Maingay ang pagtilaok ng mga tandang sa bakuran ng kapitbahay. Umunat-unat ako bago tiningnan ang oras sa cellphone, alas sais pa lang. Bumangon ako at nagtungo sa banyo para maligo. Mga tatlumpung minuto din ako sa loob at pagkalabas ko ay kasabay na tumunog ang aking cellphone. Si Z.
Z: Good morning.
Tiningnan ko ang mensahe nya na may kasamang emoticon na puso. Napabuntong-hininga na lang ako, napapaisip kung magchachat rin ba ako o hindi. Pinabayaan ko ang cellphone at lumabas ng kwarto. Dumiretso ako sa kusina at nag-isip ng kung anong pwedeng lutuin sa almusal. Maya-maya'y kumuha ako ng itlog at tuyo. Sakto pwede rin akong magluto ng sinangag. Natatakam ako sa naiisip habang naghihiwa ng bawang.
Kumalabog ang pinto ng kwarto ni Papa, baka may trabaho siya ngayon at naghahanda nang umalis. Pinagpatuloy ko ang pagluluto hanggang sa narinig ko na ang boses niya
"Nak, may trabaho ako ngayon. Ikaw na ang bahala dito, tutal bakasyon pa naman," sabi niya.
"Opo, Pa. Hintayin mo na po ang almusal," sagot ko.
"Naku, hindi na. May kasamang almusal at tanghalian naman sa trabaho kaya doon na ako kakain," sabi niya.
"Ay gano'n po pala. Sige po, ingat," sabi ko.
"O sige, kumain ka ha at tsaka yung panggatong, hakutin mo dito sa loob," utos niya.
"Opo, ako na'ng bahala," sagot ko.
Gutom na ako sa amoy ng sinangag at tuyo, umalis na rin si Papa. Tahimik ang bahay, naiisip ko kung nandito si Mama, siguro hayahay ang buhay ko. Pero hindi rin naman siguro. Umupo ako at kumain, parang kanina ang sarap ng niluluto ko pero biglang tumabang. Nakakawalang gana, ang hirap ng mag-isa.
Pagkatapos ko ay unti-unti kong hinakot ang mga panggatong at nag-igib na rin ng tubig. Pinagod ko ang sarili, gusto kong pagpawisan para makatulog ako ng diretso. 'Yon nga ba? Hindi. Ang totoo nyan, gusto kong mapagod para di ko maalala si Z. Ayaw kong maalala siya lagi, lalo na't paalis na siya sa Pinas. Mahirap naman kung habang papalayo siya ay nahuhulog rin ako sa kaniya.