Chapter 6 - 03

My Twelve Girls In Christmas 03

December 02

Mayroon nakahigang pigura nang isang lalaki sa ilalim ng isang double-deck na kama at ito ay mahimbing pa rin na natutulog. Ang lalaking ito ay si Nicholas.

Pamaya-maya ay nagmulat na ito ng mga mata, palatandaang gising na ito.

Bahagya lamang inalis ni Nicholas ang pagkakasapin nang kumot sa katawan nito. Mataman nakatitig lamang ito sa ibabaw na bahagi ng double-deck na yari sa bakal at tila may malalim na iniisip ito. Pamaya-maya ay napahawak ito sa kanan pisngi nito at kinapa-kapa ang panga nito.

Te--teka lang? Bakit parang hindi na masakit ang panga ko? Ang alam ko, dapat masakit pa rin ito hanggang ngayon dahil sa natamo kong suntok mula sa lalaking iyon.

"Panaginip lang ba iyon?" mahinang sambit ni Nicholas at kalaunan ay bumangon na mula sa pagkakahiga sa kama.

Humikab sabay buntong-hininga si Nicholas at magkasabay na inunat paitaas ang mga bisig habang nananatiling nakaupo sa kama. Ang puting kumot ay nakasapin pa rin hanggang sa may bandang baywang nito. Nakalaylay ang ibang parte ng kumot sa sahig.

Teka? Bakit dito ako natulog?

Napakamot na lamang sa ulo si Nicholas nang mapansin nitong hindi pala ito sa itaas ng double-deck humiga kagabi para matulog.

Siguro dahil napagod ako ng sobra kahapon, dito na ako sa baba ng double-deck inabutan ng antok.

Si Nicholas na rin ang sumagot sa sarili nitong mga tanong habang kinapa-kapa ng mga paa nito ang sahig upang suotin ang isang pares ng tsinelas.

Tumayo na si Nicholas mula sa kama ngunit napatingin ito sa itaas ng double-deck nang may marinig itong ingit at nakita nga ni Nicholas ang isang lalaking nakahiga at nakapatalikod ito habang natutulog sa may itaas ng double-deck na kama.

"Ahhh!" napasigaw ng malakas si Nicholas nang makita ang lalaki na mahimbing na natutulog sa kama nito.

"Bakit? Ano iyon Kuya? May sunog ba? May magnanakaw ba?" taranta at sunod-sunod na tanong ng lalaki habang napabalikwas ito ng bangon at nagising dahil sa sigaw ni Nicholas.

"Teka anong Kuya? Sino ka ba? At saka anong ginagawa mo sa puwesto ko?" pabulyaw na tanong ngunit may kalituhan sa tono ng mga pananalita ni Nicholas habang kinuha nito ang isang stick na kawayan sa may tabi ng aparador at akmang hahampasin ang lalaking nasa itaas ng double-deck.

"Te..., teka lang Kuya! Bitiwan mo nga iyan! Hindi mo ba ako nakikilala? Kapatid mo ako, si Inigo!" paliwanag ng lalaki habang nanlalaki ang mga matang nakatingin kay Nicholas.

Hawak ng lalaki ang isang unan para ipangsasalag kung sakaling hampasin ni Nicholas ng hawak na stick.

"Anong Kuya ka diyan? Wala akong kapatid na ganyan ang hitsura, kaya hindi kita kilala! At saka sinong Inigo?" sagot ni Nicholas habang papalapit sa kinaroroonan ng lalaking nagngangalang Inigo.

"Teka wala namang ganyanan Kuya!"

"Aalis na nga ako. Grabe ka talaga sa akin! Alam ko namang ayaw mo talaga sa akin eh." tugon ni Inigo habang dali-daling bumababa sa itaas ng double-deck at nagtungo malapit sa may pintuan habang si Nicholas ay nakatitig ng masama kay Inigo at hawak pa rin ang pamalong stick na kawayan.

"Paano ka nakapasok sa apartment room ko?" pahiyaw na tanong o usisa ni Nicholas kay Inigo habang nakatayo pa rin si Inigo malapit sa may pinto at matamang tinititigan ito ni Nicholas.

"Siyempre dito na kasi ako manunuluyan simula ngayon, sabi ni Nanay. Mas mabuti na raw na dito ako manuluyan, para na rin magkasama tayong dalawa. Kaya pagkatapos ng klase ko sa school na pinapasukan ko, dito sa apartment mo ang diretso ko kapag umuwi."

"Bakit ka ba nagkakaganyan Kuya? Ang aga-aga ang sungit mo." tapang-tapangan na pagpapaliwanag ni Inigo sa nakakatandang kapatid habang nakapanguso ngunit hindi maiwasang mapalunok ng laway si Inigo dahil sa kabang nararamdaman nito.

"Anong sinabi mo? Pati ang ina ko dinadamay mo sa mga palusot mo! Alam kong gimik mo lang iyan para isahan ako." tiim-bagang na saad ni Nicholas at nakaalerto kung sakaling may gagawin masama ang nasabing intruder.

"Paano na lang kung may dala kang patalim at bigla mo na lang kaming saktan pagkatapos mong magnakaw dito? Uso ang ganyan ngayon kaya naman lumabas ka na bago pa ako tumawag ng pulis!" pasigaw na sambit ni Nicholas at akmang ihahampas ang hawak na stick na kawayan kay Inigo.

"Ewan ko sa iyo Kuya! Alam ko, bata pa lang tayo mainit na ang dugo mo sa akin! Sana pala hindi na kita iniligtas noong muntik ka nang malunod sa dagat noong nasa Zambales pa tayo!" pasigaw na tugon ni Inigo at dali-daling binuksan ang pinto ng kuwarto para lumabas.

Teka? Paanong nalaman ng lalaki na iyon na muntik na akong malunod sa dagat?

Nakakahiya man aminin pero binatilyo na ako noong mangyari iyon at sa pagkakatanda ko ang sumagip sa akin ay ang kababata ko na si Paulo.

Napahinto sa akmang paghabol si Nicholas ng maalala ang tungkol sa sinabi ng intruder.

Best-friend slash kababata ni Nicholas si Paulo Tiongco kaya super close ang dalawa na halos hindi mapaghiwalay. Parang magkapatid na nga ang turingan sa isa't-isa ng magkaibigan.

Bumalik ang huwisyo ni Nicholas ng maalala ang nakitang lalaki na nasa loob ng kuwarto nito kani-kanina lang kaya dali-dali itong lumabas ng kuwarto para habulin o tingnan kung nasa loob pa ng apartment room ang lalaki. Hawak pa rin ni Nicholas ang stick na kawayan at nagmasid sa buong apartment room nito.

Napansin ni Nicholas na bukas ang pinto ng apartment room pero wala na ang lalaki at maging ang ina nito ay hindi rin nito nakita sa loob maging sa labas man ng apartment room ay hindi nito nasilayan ang ina.

Hindi alam ni Nicholas kung nasaan ang ina o kung saan ito nagpunta. Kinakabahan ito sapagkat hindi nito alam kung ano ang ginawa ng intruder sa ina at sa loob ng apartment room, pero mas pinili ni Nicholas ang huminahon at huwag mag-panic.

Tatawag sana si Nicholas sa Security Office nang apartment para magtanong-tanong kung may kahina-hinala bang tao ang umaaligid-aligid sa buong paligid nang apartment building ngunit sa kasamaan-palad naubusan na pala ng load ang cellphone nito.

Gustuhin man ni Nicholas na magtungo sa Security Office upang magreport at tingnan ang Cctv Camera ngunit matatagalan pa ito bago makarating doon dahil sa First floor pa nakapuwesto ang Security Office. Bukod doon kailangan na nitong maghanda sa pagpasok sa trabaho.

Tiningnan na lang ni Nicholas ang lahat ng bahagi ng apartment room kung may nawala bang mga gamit at nang masiguradong walang nawala, nakahinga ng maluwag si Nicholas at bahagyang nabawasan ang kabog sa dibdib.

Ngunit sino ang lalaking iyon?

Nananaginip pa rin ba ako hanggang ngayon?

Mahinang tinatampal ni Nicholas ang magkabilang-pisngi at nagbabaka-sakaling matatauhan na ito mula sa hindi matukoy kung panaginip lang ba o hindi?

Nagpasyang bumalik muli sa silid-tulugan si Nicholas. Ibinalik din ni Nicholas sa dating puwesto ang stick na kawayan. Kumuha ng mga damit na pamasok doon sa aparador para sa trabaho nito at takang-taka pa rin na lumabas na ulit ng kuwarto nito.

"Hay! Pambihira naman ang araw na ito! Noong isang araw si Inay ang biglang sumulpot ng walang pasabi. Tapos heto na naman, may panibagong sorpresa, baka naman may kasunod pa ito?" sarkastikong saad ni Nicholas na para bang may kausap itong ibang tao na nasa harapan nito.

Ano na bang nangyayari?

Napakamot sa ulo si Nicholas habang nakatayo sa labas ng kuwarto na kinaroroonan nito.

"Makaligo na nga at kakain pa ako ng almusal. Baka ma-late ako nito sa trabaho ko kapag pinakaisip-isip ko pa iyon." sambit ni Nicholas at tinungo ang papuntang banyo na malapit sa kusina ng apartment na iyon.

Pero bago pumasok sa loob ng banyo si Nicholas, nagtungo muna ito sa harapan ng lababo na nakapuwesto malapit sa may kusina para magmumog at maghilamos ng mukha.

Ang wirdo ng panaginip ko kagabi.

Hindi ko maipaliwanag, pero para siyang totoo.

Hindi mawaglit sa isipan ni Nicholas ang tungkol sa napanaginipan nito kagabi lamang, maging ang lalaking nagsasabing kapatid ito ni Nicholas. Nakatayo si Nicholas sa harapan ng lababo na tila malalim ang iniisip. Nakahawak lang ito sa gripo sa halip na buksan ito.

Mayroon nakababatang kapatid na lalaki si Nicholas, kapatid ito sa ina ni Nicholas at nagngangalang Sebastian Inggo Apolonio.

Si Nicholas ang nagpapaaral sa nakababatang kapatid nito na nasa kolehiyo na ngayon ngunit magkaiba ang dalawa ng tinitirahan o tinutuluyan kahit parehong nasa Maynila ang magkapatid.

Hindi nakikipagkita si Nicholas sa kapatid nito kahit parehong nasa Maynila. Kahit noong bagong dating pa lang sa Maynila ang kapatid ni Nicholas ay hindi man lang nagkita ang magkapatid.

Ang tanging alam ni Nicholas ay nasa Malabon ang kapatid dahil malapit ang school nito sa tinitirahan o tinutuluyan nito.

Sa isang sulok ng lababo ay mayroon isang tila maliit na kabinet kung saan nakalagay ang mga personal hygienic products na ginagamit ni Nicholas.

Habang naghihilamos ng mukha si Nicholas, may lumabas na isang babae mula sa banyo na nakatapis sa katawan ang isang berdeng malaking tuwalya at ganoon din sa ulo nito ay may nakabalot na tuwalya.

Sa una hindi ito napansin ni Nicholas, napansin na lang ito ng gamitin na ang salamin hawak nito para tingnan ang mukha sa harap ng salamin. Nang mapatingin ito sa salamin, natanawan nito ang pigura ng isang babae na nakatingin din kay Nicholas.

"Ahhh!" gulat na napasigaw sa isa't-isa nang magkatinginan sina Nicholas at ang babae.

"Bastos ka talaga Nico!" hiyaw na tugon ng babae habang napayakap ito sa katawan nito upang takpan ang dibdib bagamat may tuwalya naman nakabalot dito samantalang si Nicholas ay parang estatwa pa rin habang nakasandal sa lababo at nanlalaki ang mga matang nakapaharap sa babae.

Ang mga mata ni Nicholas ay may kalikutan, hindi malaman kung saan titingin o kung tatakpan ang mga mata nito.

"Jusmiyo! Ang mga mata ko, sana naman po ay huwag kayong magalit sa akin Lord".

"Aksidente lang iyon Lord, hindi ko po sinadya na masilayan iyon kanyang---" saad ni Nicholas na tila may ibang kausap habang hindi maiwasang mapatingin sa mukha ng babae at sa pigura nito.

"Hoy! Nico, ano ang ibig mong sabihin?"

"Bakit ganyan ka makatingin? Siguro may balak kang masama sa akin ano?" tugon naman ng babae na namumula pa ang mga pisngi.

"Hoy! Miss, teka nga lang! Anong pinagsasasabi mo diyan? Miss, ikaw itong pinasok ang apartment room ko ng hindi ko alam at diyan ka pa sa banyo ko naliligo ng walang paalam."

"Bakit dito ka naliligo sa banyo ko? Wala bang tubig sa banyo ng apartment room mo at banyo ng iba ang pinapasok mo? At saka hindi kita kilala, sino ka ba?" pag-uusisa ni Nicholas sa babaeng kaharap habang kulang na lang duruin ito at ipagtabuyan palabas kung hindi lang naiilang si Nicholas sa nasa harapan nito.

"Alam ko na! Siguro ikaw ang kasabwat ng lalaking nagpakilala sa akin kanina bilang si Inigo." pahabol pang saad ni Nicholas sa kaharap habang magkasalubong ang mga kilay na nakatitig sa mga mata ng babae.

"Anong kasabwat ang pinagsasasabi mo diyan, Nico? Naririnig mo ba ang sarili mo?"

"Ako ito! Hindi mo ba ako naaalala?"

"Iyon sinasabi mong lalaki na nagngangalang Inigo, kapatid mo iyon. Pangalan ng kapatid mo nakalimutan mo? Pati ako nakalimutan mo na rin, nakarating ka lang ng Maynila."

"Alam mo, kanina ka pa Nico, una kapatid mo ang pinagbibintangan mo ng kung ano-ano, tapos heto ka ngayon, ako naman ang pinagbibintangan mo. Pakinig na pakinig ko ang sigawan at sagutan ninyong magkapatid." nakapangusong tugon ng babae kay Nicholas habang pinapahid ng daliri ang nangingilid nitong mga luha sa mga mata.

"Bakit, hindi nga ba? Wala nga ba talaga kayong balak na masama? Hindi ako pumapatol sa babae ngunit maganda ka man, hindi ako mahuhulog sa mga bitag mo o ninyo ng kasabwat mo."

"Para sa iyong kaalaman wala akong kapatid na nagngangalang Inigo, kaya puwede ba sabihin mo na kung sino kayo at ano ang ginagawa ninyo sa loob ng apartment room ko?" tiim-bagang na saad ni Nicholas, halata sa tono ng pananalita nito ang iritasyon.

"Hay! Diyos ko! Nasilayan mo lang ang alindog ko, nagka-amnesia ka na agad. Ang weird mo talaga." dagdag na saad pa ng babae at pinaikutan si Nicholas ng mga mata nito at saka tinungo ang isa pang maliit na kuwarto na malapit sa salas.

Sumunod naman si Nicholas sa babae, nang akmang bubuksan na ng babae ang pinto ng kuwarto para pumasok sa loob, hinarangan agad ito ni Nicholas ng katawan nito.

"Hoy! Nico, ano na naman itong balak mo?"

"Oh! My God! Huwag mong sabihin—?"

"Hay! Naku, Nico! huwag ka na kasing mahiya! Aminin mo na!" saad naman ng dalaga habang nakataas ang isang kilay nito at nakatitig kay Nicholas.

"Aminin mo! Type mo ako ano?"

"Alam mo okay lang naman sa akin iyon." malambing na saad ng babae habang kumurap-kurap pa ang mga mata nito at pasimpleng sinusundot si Nicholas sa tagiliran kung kaya't napapaigtad si Nicholas dahil nakikiliti ito sa ginagawa ng babaeng nasa harapan nito.

"Te..., teka anong type ka diyan? Hindi nga kita kilala, ni hindi ko nga alam ang pangalan mo." nauutal na sagot ni Nicholas sa babae. Bahagyang pinamulahan ang mga pisngi ni Nicholas at iniiwasan nitong makipagtitigan sa babaeng nasa harapan nito.

"Kung ganoon, bakit ka humaharang diyan sa pintuan?" tanong ng babae kay Nicholas na may halong pagdududa at pagkadismaya sa tinig nito habang nakasimangot ang mukha at nakapameywang.

"Kasi, Miss! sa pagkakaalam ko kuwarto ko ito o apartment room ko ito kaya kung ako, ikaw, lalabas ka dito at babalik kung saan ka man nagmula. Hindi ko maintindihan kung papaano kayo nakapasok sa apartment room ko." sarkastikong saad ni Nicholas sa babaeng kaharap habang nakapahalukipkip.

"Wow! Grabe ka talaga Nico!" tugon ng babae habang napasimangot na lamang ang mukha.

"Teka nga lang, Stalker ka ano? Alam na alam mo ang nickname ko eh." tanong sa babae na may halong pamimintang sa tono ng pananalita ni Nicholas habang matamang nakatingin sa mga mata nito.

"Stalker agad? Hindi ba puwedeng kilala talaga kita kaya alam na alam ko ang nickname mo? O baka gusto mo rin banggitin ko pa ang mga sikreto mong pinakatatago-tago?" depensang sagot ng babae habang nag-aabang sa magiging reaksiyon ni Nicholas tungkol sa mga sinabi nito.

"Anong mga sikreto? Wala akong mga sikretong binabanggit sa iyo dahil hindi naman kita kilala." tugon naman ni Nicholas sa babaeng kaharap. Para kay Nicholas hindi ito magpapadala sa kahit anong sabihin ng dalaga.

"Ugh! Bakit ba ayaw mong maniwala sa sinasabi ko? Kakilala nga kasi kita dahil magkababata tayo." pagpapaliwanag ng dalaga at pinaikutan nito nang mata si Nicholas.

"Anong kababata ka diyan? Saan naman? Sa Zambales din ba?" interisadong tanong ni Nicholas sa kaharap.

"Oo, sa Zambales nga! Mga bata pa lang tayo grabe ang pagiging close natin noon. Hindi mo ba natatandaan? Sabay tayong pumapasok sa eskuwelahan, tapos sabay pa nga tayong naliligo noon sa bahay ninyo." pagkukuwento ng dalaga kay Nicholas habang nakangiti.

"Te..., teka nga lang, sabay tayong naliligo? You mean nagkakakitaan tayo ng ano?" nanlalaki ang mga mata na tanong ni Nicholas sa dalaga habang ang expression ng mukha ay hindi maipinta.

"Ano ka ba? Hindi sa banyo! Sira talaga ito! Ang dumi ng isip mo talaga!" tugon naman ng dalaga habang nakataas ang mga kilay nito. Namumula din ang mga pisngi nito.

"Ikaw kasi, linawin mo kaya! Malay ko ba." depensang sagot ni Nicholas sa babaeng kausap.

"Pero hindi talaga ako maniniwala sa mga sinasabi mo. Bakit ikaw ang magiging kababata ko kung si Paulo ang kilala kong naging kababata ko?" pagpapaliwanag ni Nicholas sa dalaga na may pagdududa pa rin sa tono ng boses.

"Ano bang pinagsasasabi mo diyan Nico? Ewan ko sa iyo! Alam mo baka gutom lang iyan. Sige sabay na tayong kumain ng almusal. May nakahain na sa lamesa. Magbibihis lang ako saglit at nang sabay na rin tayong pumasok sa trabaho." pagpapaliwanag naman ng dalaga kay Nicholas at papasok na sana sa loob ng kuwarto para magbihis.

"Teka nga lang, sabi nang hindi nga kita kilala!" sigaw ni Nicholas sabay hablot sa braso ng babae.

"Nico! bitiwan mo nga si Lovelle!" malakas na bulyaw na nagmula sa boses ng isang nagsalitang babae na nakatayo sa pintuan ng apartment room ang narinig ng dalawa na nagpalingon sa mga ito.

Ang nagsalita ay ang ina ni Nicholas na nakakunot ang noo habang nakatingin kay Nicholas at sa dalagang katabi ni Nicholas.

Sa likuran ng ina nito ay naroroon at nakatayo habang gulat na gulat ang expression ng mukha ang isang binata na may mga bitbit na pinamili, ang binata ay ang lalaking nagpakilala kay Nicholas bilang si Inigo.

"Kakagaling ko lang sa palengke at ito ang madadatnan ko?" saad ng ina ni Nicholas na naiiling habang bitbit nito ang mga nakasupot na gulay at iba pang pinamili.

"Kanina pa po iyan si Kuya, Nanay. Pinagdududahan ako at pinagbibintangan na magnanakaw po ako. Pagkatapos ay hahampasin niya pa po sana ako ng stick na kawayan." pagsusumbong ng lalaki sa ina ni Nicholas.

"Nico, ano bang nangyayari sa iyo Anak?" pagtatanong ng ina ni Nicholas at pumasok na sa loob ng apartment room ito at sumunod naman ang kapatid ni Nico at nagdiretso ang mga ito sa may kusina para ilagay ang mga pinamili.

"Baka sa pagod lang po iyan sa work niya, Tita. Sige po magbibihis na ako sa loob ng kuwarto." tugon ng dalaga sa ina ni Nicholas.

"Sige iha!" sagot naman ni Aling Merly.

"Ako nga ang dapat magtanong kung ano bang nangyayari? Hindi ko naman po kasi sila kilala talaga Inay." pagpapaliwanag ni Nicholas sa ina nito.

"Hay! Anak! Ano na ba talagang nangyayari sa iyo?"

"Ang Inay naman! Kaya nga po ako nagtatanong sa inyo, kasi wala akong maintindihan sa nangyayari."

"Bakit ba ayaw mong maniwala sa sinasabi nila?" sagot naman ni Aling Merly.

"Bakit naman po ako maniniwala sa kanila?" tugon ni Nicholas na binalingan ng masamang tingin si Inigo.

"Naku, Nanay oh! Si Kuya, ang samang makatingin." nakangusong sumbong ni Inigo sa ina sabay turo sa kinaroroonan ng kuya nito.

"Tumigil nga kayong dalawa." pagsasaway ni Aling Merly sa dalawang anak at napabuntong-hininga na lamang ito.

Humila ng isang upuan si Aling Merly at naupo dito at sinenyasan ang dalawang anak para lumapit ang mga ito sa ina.

"Nico, Anak makinig ka. Itong binatang kasama ko na pinagbibintangan mong magnanakaw ay ang kapatid mong si Inggo."

"Ikaw naman kasi Inggo, magpapakilala ka rin lang sa kuya mo, hindi pa tunay na pangalan mo ang sinabi mo sa kuya mo." saad ni Aling Merly habang nakatingin kay Inigo. Naiiling na lamang si Aling Merly dahil sa inaasal ng dalawa nitong anak.

"Ang Nanay naman, sa guwapo kong ito tapos Inggo ang itatawag sa akin, naku huwag na lang."

"Ahh! aray! Nanay naman! ang sakit ng kurit ninyo." sambit ni Inigo habang nangingiwi at hinihimas ang tagiliran na kinurit ng ina.

"Umayos ka!" Si Aling Merly habang pinandidilatan ng mga mata si Inigo.

Bahagyang napamaang si Nicholas.

"Ikaw na ba iyan, Inggo?" may halong pagdududa sa mga titig at pagtatanong ni Nicholas kaya para makasiguro sabay lapit nito sa kapatid at hinawakan ang mukha nito para titigang mabuti ang kapatid.

"Kuya Nico, hindi tayo talo!"

"Tsk!, Anong nangyari sa iyo at bakit nagkaganyan ang hitsura mo?"

"Sinasayang mo lang yata ang pinang-papaaral ko sa iyo?" matalim at may halong sarkasmo ang mga binitawang salita ni Nico sa harap ng kapatid, kung kaya napalingon ang ina nito sa tinuran ni Nicholas.

Tinapunan naman si Nicholas ni Inigo ng matalim na tingin. Mababanaag sa mga mata ni Inigo ang sakit dahil sa mga sinabi ni Nicholas.

Napamaang na lang si Aling Merly dahil sa sinabi ni Nicholas. Masakit para kay Aling Merly ang makitang hindi magkasundo ang dalawa nitong mga anak.

"Nico, Anak! Ano ka ba?"

"Bakit ka ba nagkakaganyan, Anak?"

"Ngayon na nga lang kayo nagkita tapos hindi pa kayo magkasundo." saad ni Aling Merly na tumingin kay Nicholas. Umiwas naman ng tingin si Nicholas at ibinaling sa ibang direksiyon ang tingin.

"Sinabi ko naman sa inyo Nanay, mali ang desisyon ninyong pagsamahin kami ni Kuya, kasi hanggang ngayon hindi niya ako matanggap bilang kapatid."

"Kailan ko po ba siya huling nakita? Hindi ba po Grade 3 pa ako noon, akalain mo iyon ganoon na pala katagal na hindi niya ako gustong makita."

"Hayaan mo Kuya, aalis din kaagad ako, babalik ako sa dati kong inuupahan. Pangako ko din na kapag nakatapos na ako sa pag-aaral ko at nakahanap na ako ng trabaho, mababayaran ko na rin ang mga pinang-paaral mo sa akin." mapaklang saad ni Inigo habang nakatingin kay Nicholas.

"Hindi Inggo! Hindi ka aalis sa poder ng Kuya mo! Napag-usapan na natin ito. Sa ayaw ninyo at sa gusto, ako ang masusunod." maawtoridad na bigkas ni Aling Merly dahilan upang magpalitan ng tingin ang magkapatid at napatingin din kay Aling Merly ang dalawang anak.

"Alam mo Nico, Anak! Hindi na kita maintindihan?"

"Pati itong si Lovelle na kababata mo. Sinasabi mong hindi mo siya kilala."

"Anak, ganyan ba katindi ang pagkadis-gusto mo sa kapatid mo kung kaya kulang na lang ay burahin mo siya sa ala-ala mo?" tanong ng ina ni Nicholas habang mataman nakatingin sa anak.

"Maiintindihan ko kung hindi mo na matandaan si Lovelle dahil sa tagal ng panahon na hindi kayo nagkita, pero ang kapatid mo? Bakit ganyan ka makitungo sa kapatid mo?"

"Diyos ko naman! Anak! Kapatid mo naman itong makakasama mo. Bakit ba ayaw na ayaw mong magkalapit kayo?" muling tanong ni Aling Merly kay Nicholas habang may nangingilid ng luha sa mga mata nito.

"Inay! Hindi po dahil sa ayaw ko sa kanya. Sadyang hindi ko po gustong may kasama ako sa apartment room ko." tugon ni Nicholas sa ina.

"Isa pa po, ni hindi ninyo muna ikinunsulta sa akin kung papayag ba ako o hindi sa plano ninyo. Basta na lang sila sumulpot ng walang pasabi at hindi ako nakahanda. Sino bang matutuwa sa ganoon?" sagot na lamang ni Nicholas habang ipinapaliwanag ang panig nito sa ina.

"Pasensiya ka na Anak, kung hindi ko kaagad nasabi sa iyo kagabi. Pero nakita ko kasing pagod na pagod ka galing mula sa iyong trabaho, ni hindi mo na nga nagawang maghapunan kaya hinayaan na kitang magpahinga sa iyong kuwarto." sagot ni Aling Merly sabay hawak sa mga kamay ni Nicholas at pinisil-pisil pa ito.

"Pero kung ayaw mo talagang nandito kami ng kapatid mo, sige aalis na lang kami." sabi ng ina ni Nicholas na napayuko na lamang.

"Teka lang po Inay! Huwag naman pong ganyan. Sige! Pumapayag na po akong dito si Inggo manunuluyan sa apartment room ko ngunit sisiguraduhin mo lang na wala akong malalaman o maririnig mula sa iba na may ginagawa kang kalokohan." sagot ni Nicholas sa ina nito at tinapunan ng mapang-hamon na titig si Inigo.

"Mukhang labag naman sa kalooban mo Kuya Nico ang pagpayag. Baka sinasabi mo lang iyan Kuya para hindi umalis si Nanay, pero deep inside gusto mo na ako lang ang umalis." sagot naman ni Inigo kay Nicholas. Mababakas sa boses nito ang inis at pagdaramdam.

"Anong sinabi mo?" sagot ni Nicholas kay Inigo.

"Tama na nga ang pag-aaway ninyong dalawa!"

"Kailan ba matatapos ang awayan ninyo?" napasigaw na lang si Aling Merly habang inaawat ang patutsadahan ng magkapatid.

"Sorry po Nanay! Sige po lalabas na muna ako." sabi ni Inigo sabay tayo mula sa inuupuan at nagtungo malapit sa pinto.

"Babalik din po ako mamaya!"

"Inggo, Anak! Saan ka pupunta?"

"Pabayaan ninyo na po muna siya Inay, malaki na iyon at kaya na noon pangalagaan ang sarili niya."

"Pero Nico—"

"Maliligo na po ako! Mauna na po kayong mag-almusal. Mamaya na lang po ulit natin pag-usapan ang tungkol diyan." tugon ni Nicholas sabay tayo mula sa kinauupuan nito at nagtungo na sa banyo para maligo.

"Huwag na po kayong mag-alala sa dalawang iyon Tita. Ako na lang po ang bahalang kumausap kay Nico. Kaya ko na po siyang i-handle kapag nagkakatopak po siya. Sa tagal ko na pong kilala iyang si Nico ay kabisado ko na po ang mood niya." pagpapaliwanag ni Lovelle nang lumabas ito mula sa kuwartong malapit sa salas. Kanina pa ito nakabihis, hindi lang lumabas agad dahil hinayaan muna nitong mag-usap-usap ang mag-iina.

"Sige iha! Ikaw na ang bahala muna kay Nico. Pasensiya ka na rin kung pati ikaw ay nadadamay sa away ng magkapatid."

"Ayos lang po iyon Tita! Ako nga po ang dapat mag-sorry at mahiya kasi dumagdag pa ako sa proproblemahin ni Nico. Pero huwag po kayong mag-alala, ngayon lang po ito, pamaya-maya paalis na rin po ako. Tumawag na po kasi iyon pinsan ko na nandito rin sa Maynila at sinabing puwede akong manuluyan sa kanila." mahabang paliwanag ni Lovelle sa ina ni Nicholas habang nakangiti naman ang Ginang sa dalaga.

"Mabuti kung ganoon na may matutuluyan ka dito sa Maynila. Hindi mo na proproblemahin ang bayad sa upa."

"Oo nga po!" pagsang-ayon na tugon naman ni Lovelle.

"Mag-almusal ka na pala iha. Hindi ba ito ang unang araw ng pagpasok mo sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Nico?" tanong ng ina ni Nicholas kay Lovelle habang inaayos ang mga pinamili mula sa palengke.

"Ahh! Opo Tita! Makikisabay rin po ako ngayon sa kanya sa pagpasok sa kumpanyang iyon." tugon naman ni Lovelle habang naupo na sa isang upuan at nag-umpisa ng kumain.

Habang kumakain si Lovelle at nagluluto naman si Aling Merly, tahimik na lumabas si Nicholas mula sa banyo.

Humigop lang ito ng isang tasang kape pero maligamgam na dahil nawala na ang init nito na nakahain sa lamesa. Kumuha na lang ito nang dalawang pirasong chicken-salad with mayonaise spread sandwiches at inilagay ito sa loob nang isang plastic-labo na inilagay naman ni Nicholas sa loob nang isang Black Leather sling bag na dala-dala nito palagi sa trabaho.

Maaga pa naman para pumasok ito sa trabaho nito pero dahil gusto ni Nicholas na maliwanagan ang isipan at makalayo muna sa apartment room kaya dinedma nito ang ina at si Lovelle kahit parehong tinatawagan nang mga ito si Nicholas.

**********

Sa First floor ng apartment na iyon, sa pinakadulo o malapit sa ika-limang mga apartment rooms ay may hagdanan patungo sa Second floor. Mayroon nang mga mangilan-ngilan tenants ang akyat-panaog sa hagdanan. Ang iba ay mga tahimik lamang habang akyat-panaog. Ang iba naman ay may kaingayan o minsan ay nagtatakbuhan pa sa hagdanan. Malapad-lapad kasi ang tapakan nang hagdanan at kasya ang dalawa o tatlong katao kung aakyat dito. Ang iba naman ay mga naglalakad paroo't-parito sa hallway.

Tahimik lang na nakaupo si Nicholas sa ibabang baitang at malapit ito sa gilid nang hagdanan habang iniisip ang mga naganap kani-kanina lang. May mga napapatingin kay Nicholas at mayroon din naman mga dedma lamang o walang pakialam.

Ano ba kasing nangyayari sa buhay ko? Ganito ba ang epekto ng paghiling sa shooting star na iyon? Ayaw ko na! Binabawi ko na ito! Gusto kong mamuhay ng tahimik!

"Pasensiya na kaibigan, pero touch move na iyon. Once nasambit mo na ang wish sa star na iyon. Hindi na ito refundable." biglang sulpot na sabi ni Duwelfino sa harapan ni Nicholas na ikinagulat ng binata.

"Ikaw ulit?" hiyaw na tanong ni Nicholas habang kaharap ang isang elf. Nanlalaki ang mga mata nito habang nakatitig ito sa isang nilalang na nasa harapan nito na tila hindi makapaniwala sa nakikita. Napansin din ni Nicholas na tila tumigil ang ikot ng mundo sapagkat hindi man lang gumagalaw o kumikilos ang ilan taong nakapaligid kay Nicholas.

Ibig bang sabihin panaginip lang ito? Tama! Panaginip lang ito. Hindi ito totoo, kagaya ito ng napanaginipan ko kagabi.

"Hindi ka totoo! Tama! Ilusyon ka lang. Malamang nananaginip pa rin ako. Oo, tama! Ganoon lang iyon." saad ni Nicholas habang pinagtatawanan ang sarili at kinusot-kusot ang mga mata, nagbabaka-sakaling magigising na ito mula sa itinuturing nito na isang panaginip.

"Bahala ka kung ano ang isipin mo! Natural lang din na makita mo akong muli. Alangan namang iba ang dumating dito na elf. Hindi ba ako nga ang naatasan na tuparin ang wish mo na magkabuhay ang Love life mo." pagpapaliwanag ni Duwelfino kay Nicholas habang umiiling-iling ito.

"Tama ka nga na partner sa buhay ang hinihingi ko! Pero kung ganito naman ang kapalit, ang magulo ang tahimik kong buhay, binabawi ko na. Kahit hindi na siya matupad." sagot ni Nicholas sa kaharap na elf.

Kinakabahan si Nicholas sa puwedeng gawin nang elf ngunit hindi nito maiwasan hindi titigan ito ng masama dahil sa inis na nararamdaman.

"Hindi ka maka-gets. Bahala ka na nga diyan, basta nasabi ko na sa iyo noong una pa lamang nating pagtatagpo, aking kaibigan. Malapit na." sagot na lamang ni Duwelfino kay Nicholas.

"Ano ang malapit na? Ano iyon? Sagutin mo naman ako!" pagmamakaawa na sabi ni Nicholas.

"At saka hindi ba sabi ko ayaw ko na kaya binabawi ko na ang hiniling ko!"

"Basta malalaman mo din sa tamang panahon kaibigan. Sa ngayon ay makisabay ka lang sa agos ng iyong kapalaran." sabi ni Duwelfino at nawala na lamang ito na parang bula.

"Teka ano iyon? Hoy! Duwelfino!" sigaw ni Nicholas.

"Nico...!" malakas na tawag ni Lovelle habang papalapit ito kay Nicholas sabay hawak sa balikat na ikinagulat ni Nicholas.

"Huh?... Lo... Lovelle?"

"I... ikaw pala Lovelle!" gulat na tugon ni Nicholas na napalingon sa likuran at nasilayan nito ang sinasabing kababata habang nakangiti ito kay Nicholas.

"Tama ba iyong naririnig ko?"

"Ang alin?" kunot-noo na tugon naman ni Nicholas.

"Tinawag mo na ako sa pangalan ko. Ibig sabihin natatandaan mo na ako? Wow! Ang saya." saad ni Lovelle habang napapatili at patalon-talon pa ito.

"Pero ayos ka lang ba?" biglang tanong ni Lovelle sabay umupo sa tabi ni Nicholas.

"Bakit mo naman naitanong iyan?" tugon naman ni Nicholas na kunwari ay hindi alam ang sinasabi ng kababata.

"Wala lang, kasi naman para kang may kausap na kung sino diyan." sagot ni Lovelle.

"Ahh! Iyon ba? Wala iyon, huwag mo na lang pansinin iyon." sabi na lang ni Nicholas na nakangiting tumingin kay Lovelle.

"Sige, kung iyon ang gusto mo." sagot ni Lovelle na napangiti rin.

"Puwede ba kitang tanungin?"

"Oo naman, kahit ano. Ayos lang sa akin. Gusto mo tanungin mo pa ako kung puwede na maging tayo? Oo agad ang isasagot ko sa iyo." pabirong sagot ni Lovelle.

"Talagang ikaw pa ang magpriprisentang maging tayo. Pero hindi ba magkababata lang tayo?" tugon naman ni Nicholas sa biro ni Lovelle. Hindi nito kasi alam kung papaano sasakyan ang biro ng kababata, ganoon hanggang ngayon ay hindi pa rin nito maalala kung sino ba talaga si Lovelle sa buhay nito?

"Oo naman, magkababata nga tayo, pero hindi ibig sabihin noon na hindi puwedeng maging tayo. Hindi ba?" tugon ni Lovelle sa tanong ni Nicholas na nakangiti pa rin at mataman nakatingin sa binata.

"Hhmm? Ahh? Oo, siguro puwede naman, kaso parang ang bilis naman at ikaw pa ang nagsasabi niyan sa akin." sabi ni Nicholas habang bahagyang namumula ang mga pisngi nito at lumakas ang kabog ng puso nito.

"Ano ka ba? Joke lang iyon! Masyado ka kasing serious, Nico. Sige itanong mo na sa akin ang gusto mong itanong." nakangiti pa rin na sagot ni Lovelle.

"Ahh!... Oo nga! Bale, paano pala tayo naging close dati? I mean nagkakilala?" nagtanong muli si Nicholas.

"Bakit ganyan ang tanong mo? Akala ko pa naman naaalala mo na ang lahat ng tungkol sa akin." saad ni Lovelle na may halong kalungkutan at pagkadismaya na mahihimigan sa tono ng pananalita.

"Ano bang nangyari sa iyo at nakalimutan mo na ang pagtatagpo natin noon sa Zambales?" tanong ni Lovelle habang mataman nakatitig sa mga mata ni Nicholas.

"Ano kasi? Bale ang tagal na noon kaya nakalimutan ko na ito." may pag-aalinlangan na sagot ni Nicholas.

"Ang labo mo! Ako nga hindi ko nakalimutan kung paano kita nakilala. Baka naman naumpog ang ulo mo at nagka-amnesia ka." nakasimangot na tugon ni Lovelle.

"Sagutin mo na lang kung paano nga? Gusto ko din malaman ang mga ginagawa natin noon." may halong kuryosidad sa tanong ni Nicholas kay Lovelle.

Nagbabaka-sakaling may maaalala si Nicholas kapag narinig nito kung paano nito nakilala si Lovelle.

"Hayy, Nico! mahabang kuwento. Kapag sinabi ko sa iyo ngayon baka ma-late na tayo sa pagpasok sa mga trabaho natin." tugon ni Lovelle at napabuntong-hininga nang maalala nito na ngayon ang unang araw ng pagpasok nito sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Nicholas.

"Natin? Bakit natin ang tinutukoy mo?" naguguluhang tanong ni Nicholas habang nakakunot ang noo at nakatitig kay Lovelle.

"Ganito kasi iyan, Nico!"

"Hindi ba nagkanya-kanya na tayo nang mga landas pagkatapos natin grumaduate ng Grade Six. Sa Cebu ako nag-aral ng High School hanggang College at ikaw naman, nalaman ko kay Tita na matagal ka nang nasa Maynila simula pa noon Grumaduate ka ng Grade Six. Samantalang ako naman ay bumalik ulit sa Zambales at naging isang Human Resource Assistant ako sa isang kumpanya pagkatapos kong maka-graduate ng College. Sa isang Amusement Park ako nagtra-trabaho under ng kumpanyang tinutukoy ko at nasa Zambales nga ang lokasyon nito." mahabang paliwanag ni Lovelle kay Nicholas na mataman nakikinig sa mga sinasabi nito.

"Ahh!... Teka kung Amusement Park ang pinagtatrabahuhan mo, mayroon Sister Company sa Zambales iyon kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Summerfield Entertainment Company ang name ng kumpanya. Summerfield Amusement Park naman ang name ng Amusement Park nila! Doon ka ba sa kumpanyang iyon nagtatrabaho?" manghang tugon naman ni Nicholas.

"Tama ka Nico! Iyon nga ang pinapasukan ko na Company sa Zambales. Human Resource Assistant ako doon pero inilipat na nila ako dito sa Maynila. Nandito kasi sa Maynila ang lokasyon nang Parent Company nila na ang name ay Hurghines Entertainment Corporation na matatagpuan naman sa Quezon, City. Iyong Happy WorldLandia Amusement Park ay isa sa pagmamay-ari nila." saad ni Lovelle habang sumasang-ayon sa mga sinabi ni Nicholas.

"Talaga? Ibig sabihin magiging magkatrabaho na tayo niyan?" pag-uusisa ni Nicholas.

"Tama! Ganoon na nga Nico. Noon isang araw pa ako nasabihan nang tungkol sa paglilipat nga sa akin dito sa Maynila at binigyan nila ako nang dalawang araw para makapaghanda. Pero bago ako lumuwas papuntang Maynila, naisipan kung kumustahin ka kay Tita at muling hingin ang number mo pero nalaman ko na noon isang araw pa pala nasa Maynila si Tita at kasama mo na nga siya. Matagal ko na kasing hinihingi kay Tita ang number at address mo sa Maynila kaso nangako si Tita sa iyo na hindi sasabihin ni Tita sa kahit sino kung saan ka naninirahan sa Maynila." mahabang paliwanag ni Lovelle kay Nicholas.

"Kaya napagdesisyunan ko na sopresahin na lang kayo. Kagabi lang din ako nakarating dito, pero hindi ko naman akalain na ganyan ang magiging reaksiyon mo noon makita mo ako na para bang hindi man lang ako nag-exist sa buhay mo." saad ni Lovelle na ilang beses bumuntong-hininga. Mababakas sa tinig nito ang pagdaramdam.

"Madalas ko rin tanungin si Inigo kung alam nito ang number at address mo sa Maynila pero ang palaging sagot nito sa akin ay, "Hindi ko alam at wala akong balak alamin." saad ni Lovelle habang nagmumustra ito sa harapan ni Nicholas. Nakatitig lamang si Nicholas kay Lovelle habang nagkukuwento ito. Alam din ni Lovelle na matagal nang nasa Maynila si Inigo dahil sa Maynila ito nag-aaral nang College.

"At kahapon nga nagulat ako noon tawagan ako ni Inigo at sabihin kung saan ka nakatira dito sa Maynila. Sinabi rin nito sa akin na sa tinitirahan mo na rin ito manunuluyan. Sakto naman na paluwas ako nang Maynila kahapon kaya sinabi ko kay Inigo na hintayin ako at magsabay na kami nang pagpunta sa apartment na tinutuluyan mo dito sa Maynila." dagdag pang impormasyon ni Lovelle kay Nicholas.

"Ganoon ba! Pasensiya ka na. Nabigla lang din siguro ako at naninibago. Nakakagulat naman kasi ang biglaan ninyong pagsulpot nang walang pasabi. Teka nga pala, kailan ka ba mag-uumpisang pumasok sa kumpanyang pinapasukan ko?" pag-uusisa ni Nicholas kay Lovelle

"Actually, ngayon araw na ito. Makikisabay din sana ako sa iyo sa pagpasok sa kumpanyang pinagtatrabahuhan mo. Gusto ko din makita ang lugar na pinagtatrabahuhan mo. Huwag kang mag-alala Nico, ngayon lang naman ako makikisabay sa iyo, kaya sana mapagbigyan mo ako. Aalis din naman agad ako sa apartment mo dahil may matutuluyan na akong bahay kapag nag-umpisa na ako sa trabaho ko sa kumpanyang pinapasukan mo." pagsusumamong saad ni Lovelle habang nakatitig sa mga mata ni Nicholas. Hinawakan pa nito ang mga palad ni Nicholas.

"Okay, Wala naman problema sa akin na magsabay tayo sa pagpasok sa trabaho."

"Talaga, Nico? Pumapayag ka? Yes! Ang saya." nakangiting tugon ni Lovelle.

"Pero okay lang ba na ikaw muna ang bahala sa akin? Hindi pa kasi ako sanay dito sa Maynila. Kahit hanggang ngayon lamang araw na ito. Mabilis naman akong matuto." nakangising tugon ni Lovelle habang nakapulupot pa ang mga bisig sa kaliwang braso ni Nicholas dahilan para bahagyang mamula ang mga pisngi ni Nicholas.

"Ahh!... O--okay!"

"Huwag kang mag-alala, mababait ang mga nagtatrabaho o empleyado nang kumpanya."

"Sige, sinabi mo e! May tiwala kaya ako sa iyo."

"Oo nga pala, makakasabay nga pala natin ang Best friend ko na si Jacob." saad ni Nicholas.

"Jacob?" kunot-noong tugon ni Lovelle habang nakatitig kay Nicholas.

"Kasamahan ko rin sa trabaho. Mabait naman siya at mapagkakatiwalaan, maaasahan din kaibigan. Bolero nga lang at may taglay din kalokohan. Pero sigurado naman akong magkakasundo kayong dalawa."

"Ohh! Talaga! Hindi bale kung magkaibigan naman kayo at mukhang matagal na ang inyong pinagsamahan ay magtitiwala naman ako sa kanya. Alam ko naman na hindi mo ako ipapahamak."

"At mukhang magkakasundo naman kami ni Jacob." sabi ni Lovelle na namimilog pa ang mga mata.

"Ahh, Oo naman. Tayo na! Sa Lobby area na lang natin hintayin si Jacob." pagyayakag ni Nicholas sa kasamang babae.

Mas marami na ang mga tenants na naglalabasan sa mga apartment rooms ng mga ito. Mga paroo't-parito sa hallway. Akyat-panaog sa hagdanan. At dahil busy sa pag-uusap ang dalawa. Hindi alintana ng dalawa ang ibang mga tao na paminsan-minsan ay napapagawi ang tingin sa kinaroroonan ng dalawa.

**********

"Nico? Aba, Sino iyang kasama mo na magandang binibini?" saad ni Jacob habang mataman nakatitig sa babaeng kasama ni Nicholas. Nakanganga pa ito na tila hindi makapaniwala sa nakikita nang mga mata nito. Nagpalipat-lipat ang mga tingin ni Jacob sa pagitan ni Nicholas at sa babaeng kasama nito. Nasa Lobby area ang tatlo.

"Si Lovelle nga pala, Kababata ko! Lovelle si Jacob, ang matalik kong kaibigan at katrabaho." pagpapakilala ni Nicholas sa dalawa.

Nakangiting tumingin si Lovelle kay Jacob sabay iniabot ang kanang palad nito para makipag-kamay kay Jacob.

"Wow! May kababata ka palang babae. Akala ko wala kang friends man lang na babae noon. Ang daya mo Pare! Wala ka man lang binabanggit sa akin. Hindi na tayo magkabati." nakapangusong tugon ni Jacob. Halos paikutin naman ni Nicholas ang mga mata samantalang nagpipigil naman si Lovelle na hindi mapangiti nang dahil sa ginagawa ni Jacob.

"Hindi joke lang Pare! Hindi lang talaga ako makapaniwala. Naku! Pasensiya na sa pang-iistorbo pero mauna ka na Pare at hindi ako sasabay muna ngayon sa inyo. Hinihintay na kasi ako ni Bella sa lugar kung saan kami magkikita." sabi ni Jacob kay Nicholas at kinindatan pa ito. Nasa himig nang pananalita nito ang panunukso dahilan para bahagyang mamula ang mga pisngi noon dalawa.

"Sige ayos lang iyon Pare!" tugon ni Nicholas dito.

"Sige, paano Miss Lovelle at Pareng Nicholas! mauuna na ako sa inyo!" saad ni Jacob habang tumango si Nicholas at nagkanya-kanya na nang direksiyon nang pupuntahan ang tatlo.