Chereads / The Stolen Identity / Chapter 113 - Si Bruso at Reign Ay Iisa

Chapter 113 - Si Bruso at Reign Ay Iisa

Mula sa kadilimang kinaroroonan ay tila hinahatak si Lovan paitaas dahil sa ingay mula sa kung saan. At nang tuluyang magkamalay ay bumulaga agad sa kaniyang paningin ang kulay azure na dingding ng silid ni Zigfred sa bahay ng mga magulang nito.

Payak siyang napangiti nang iikot ang tingin sa buong paligid. Sa hilig ng lalaki sa kulay blue, halos lahat ata ng mga naroong kagamitan ay kulay azure, kahit ang kumot na gamit niya.

Subalit nawala ang ngiti sa mg labi nang maulinigan mula sa labas ang sigawan ng dalawang lalaking pamilyar sa kaniya ang mga boses.

"This is all your fault! Kung sinabi mo lang sana sa akin eleven years ago ang tungkol sa ibinigay kong kwintas kay Lovan, hindi sana nagkaganito ang buhay niya!"

Kinabahan siya agad. Boses iyon ng galit na si Zigfred.

"It was my fault, alright! Because I selfishly love her! Pero hindi mo ako mapipigilang mahalin siya at itago sa'kin ang katotohanang si Cindal at si Lovan ay iisa!"

Napahawak siya sa dibdib nang bigla iyong kumabog nang malakas.

Nagsasagutan sina Zigfred at Lenmark! Paano nalaman ni Lenmark na siya si Lovan kahit iba na ng mukha niya at pangalan?

"Tumigil na kayo!" saway ng kaniyang byenang babae.

Bumangon siya at mabilis na tumayo upang lumabas sa kwarto ng asawa.

"Sa halip na hanapin niyo ang sinasabi ni Areta na si Doc Reign, heto kayo, nagsisigawan! Paano kung pinatay na niya si Marcus? Dalawa kayong kamumuhian ni Lovan kapag nangyari 'yon!"

Hawak ang doorknob ng pinto ay pipihitin na sana iyon nang tila bombang sumabog sa kaniyang pandinig ang sinabi ng byenan. Pakiramdam niya, nanigas bigla ang buo niyang katawan na kahit ang mg paa ay hindi na niya maihakbang, ang palad ay wari bang nalagyan ng glue na dumikit na sa hawak na knob.

At ewan kung bakit kusang nag-unahang pumatak ang mga luha sa kaniyang mga mata.

Ano daw 'yon? Si Reign, balak patayin ang kaniyang papa Marcus?!

"Tama ang mama mo, Zigfred. Baliw na si Bruso Yllavinci. Nagpanggap siyang si Reign na pamangkin ni Lara at inilagay ang dating mukha ni Lara kay Lovan dahil sa laki ng pagmamahal niya sa una," sanaysay ng kaniyang madrasta.

Muntik na siyang mapaluhod sa sahig kung hindi nakahawak sa doorknob ng pinto nang mula sa paninigas ng katawan ay bigla na lang tila nawalan ng mga buto ang kaniyang mga tuhod sa pagkagimbal sa ibinunyag ng mama Areta niya.

Kagat-labi siyang impit na napaiyak. Ayaw maniwala ang kaniyang utak pero ang puso niya'y tila paulit-ulit na binabayo ng matigas na kamao sa sakit.

Mali ang kaniyang narinig! Hindi mukha ng sariling ina ang mukhang meron siya ngayon. Nakita niya ang mukha ng kaniyang mommy. Iba iyon sa mukha niya ngayon.

"Nang malaman ni Ate Greta ang lihim ni Reign, tatakas na sana siya para ipaalam kay Lovan ang totoong katauhan ng baliw na 'yon. Pero...pero pinutulan nito ng dila si ate upang hindi makapagsumbong kay Lovan."

Lalong nanlambot ang kaniyang mga tuhod sa sanaysay ng madrasta at tuluyan na siyang napaupo sa sahig, impit na umiyak, sa isip ay paulit-ulit na itinatanggi ang lahat ng mga narinig.

Naitakip niya ang isang palad sa bibig nang mapalakas ang kaniyang panaghoy, pilit na inaalis sa utak ang akusa ng madrasta kay Reign.

Subalit nang maalala ang sinapit ng kaniyang Yaya Greta at ang pwedeng mangyari sa kaniyang ama, wari bang sundalong nasugatan na bigla na lang siyang tumapang. Tikom ang bibig at naniningkit ang mga matang buong lakas siyang tumayo at marahang pinihit pabukas ang pinto upang palihim na lumabas ng kwarto.

------------------

Ang matatalim na titig ni Zigfred kay Lenmark ay patunay lang kung gaano kalalim ang galit niya rito. Bago niya ibinigay kay Lovan ang kwintas na binili ng ina galing sa Saudi ay ipinakita muna niya iyon kay Lenmark. Ito lang ang nakakaalam na para iyon kay Lovan. Subalit mahigit sampung taon nitong inilihim ang tunay na katauhan ng kaniyang asawa dahil lang sa pagmamahal nito sa huli. Ano'ng klaseng pagmamahal iyon? Puno ng kasakiman. Kung sinabi lang sana nito ang katauhan ni Lovan noon, posibleng hindi mangyari ang gano'n sa pamilya ng kaniyang asawa. Baka naagapan pa nila ang nangyari sa kaniyang mga byenan. Pero sakim si Lenmark. Itinago nito ang lihim na iyon mula sa kahit kanino.

Kaya hindi siya masisisi ni Lovan kung ganoon na lang ang galit niya sa sariling pinsan.

Hinawakan siya sa siko ng madrasta ni Lovan, marahan iyong niyugyog habang walang tigil sa pagpatak ang mga luha.

"Parang awa mo na, Zigfred. Bigyan mo ng hustisya ang nangyari kay Ate Greta. Hanapin mo si Reign at ipadakip sa mga pulis habang hindi pa huli ang lahat," pagmamakaawa nito.

Nagtataas-baba ang dibdib niya sa panggigigil kay Lenmark na kung hindi lang humarang sa gitna nila ang sarili niyang ina ay baka nasuntok na niya ang pinsan. Ngunit nang makita ang kawawang mukha ng nagmamakaawang ginang ay wari bang tinutusok ng kutsilyo ang kaniyang dibdib sa habag rito. Lumambot ang kaniyang mukha at kusa itong niyakap habang nakatingin kay Yaya Greta na humawak na rin sa isa niyang braso at patuloy sa pagbukas-sara ang bibig ngunit ungol lang ang lumalabas mula roon. Gayunpama'y ramdam niya ang gusto nitong sabihin. Na tulungan ang pamilya ni Lovan. Kaya niyakap niya rin ito.

"Pangako, hindi kami titigil ni papa hangga't hindi nahahanap si Papa Marcus at ang psycho na si Bruso Yllavinci o Reign... whatever his damnn alias!" matigas niyang turan.

Subalit naagaw ni Lenmark ang kaniyang atensyon nang tila gulat nitong tinawag ang pangalan ni Lovan.

Nang sundan niya ng tingin ang kinaroroonan nito'y salubong ang kilay na kumawala siya sa pagkakayakap mula sa dalawang ginang.

"Nasaan si Lovan?" litong baling sa kaniya ni Lenmark na pumuslit pala agad sa kwarto niya kung saan naroon ang hinahanap at ngayon nga'y kalalabas lang mula roon, namumutla ang mukha.

"What do you mean? She's sleeping inside!" pahiyaw niyang sagot.

"You fool! Nobody's there!" ganting sigaw ng pinsan.

Takang nilingon niya ang inang naguguluhan rin.

"I s-wear, tulog siya kanina nang lumabas ako," pautal na turan ng ina.

Kuyom ang mga kamaong patakbo siyang pumasok sa loob ng sariling silid at siya man ay namutla rin nang hindi makita kahit anino ni Lovan. Inilang-hakbang lang niya ang kinaroroonan ng banyo, baka naroon ito sa loob niyon ngunit wala.

Ilang beses niyang iniikot ang tingin sa buong paligid pero walang Lovan siyang nakita. Sa halip ay ang magkahalong takot at pagkataranta sa mga mukha ng tatlong ginang dahil sa nalamang nawawala ang kaniyang asawa.

"Lovan!" tawag ni Lenmark dito at patakbong tumakbo pababa sa hagdanan.

Tumalima siya't kumaripas ng takbo palabas ng silid, pababa rin sa hagdanan, dere-deretso sa labas ng bahay hanggang sa makapasok sa loob ng kaniyang sasakyan.

Hindi pa man niya napapaandar ang makina ay nakita na niyang nakapasok na sa loob ng kotse si Lenmark.

"I'll go with you,' mariing saad.

Galit man dito'y hindi siya tumanggi. Not this time. Wala siyang choice kundi tanggaping kailangan niya ito sa pagkakataong iyon.