Chereads / The Stolen Identity / Chapter 114 - Ang Sekretong Basement

Chapter 114 - Ang Sekretong Basement

Paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak ni Lovan ang sinabi ng kaniyang mama Areta habang sakay ng taxi papunta sa clinic ni Reign. Tuluyan nang nawala sa kaniyang isipan ang takot sa pagsakay ng kotse. Salamat sa tulong ng kaniyang asawa. Subalit sa mga sandaling iyon ay wala sa isip niya si Zigfred. Iisang pangalan lang ang nakatanim roon.

"Reign..."

Nakagat niya ang ibabang labi at pilit pinigilan ang luhang gustong kumawala sa mga mata. Hindi pwedeng hindi niya ito makita. Kailangan niyang marinig mismo sa bibig nito ang katotohanan.

Ngunit hindi rin niya napigilan ang pagkawala ng isang hikbi habang binabalikan sa isip ang mga magagandang bagay na ginawa ni Reign para sa kaniya at ang kabaitan nito. Hanggang ngayon, ayaw niyang maniwala sa narinig sa madrasta, na ito ang ex-finacé ng kaniyang mommy at ito din mismo ang pumatay sa huli.

May tiwala siya kay Reign. O baka naman nagkunwari na namang madrasta niya ang pyscho na si Bruso tulad ng ginawa nito noong isang araw lang?

"Ma'am, andito na po tayo sa Oasis hub A," anang driver pagkatapos ihinto ang sasakyan sa harap ng malaking gusali.

Maang pa siyang bumaling sa nagsalita. Pero nang makita ang clinic ni Reign sa ground floor ay saka lang siya tumalima at lumabas ng sasakyan nang hindi nagbabayad.

"Hoy! Bayad mo!" sigaw ng driver at lumabas ng sasakyan upang habulin siya. Mabuti na lang at naroon ang guard ng gusali, nakilala siya. Ito huli na ang lumapit sa driver upang kumausap at nagbayad ng pamasahe niya habang napapailing.

Siya nama'y dere-deretso sa clinic ng kinikilalang pinsan. Binuksan ang sliding door at pumasok sa loob. Walang lingon-likong tinungo niya ang isa pang pinto papasok sa laboratory nito.

"Reign!" tawag niya nang mapansing maliwanag ang laboratory ngunit wala naman duon ang lalaki. Ilang beses niyang iniikot ang tingin sa buong paligid, saka niya lang napansin ang bahagyang nakaawang na pinto ng private room nito.

"Reign!" muli niyang tawag habang papalapit sa pinto subalit nakaramdam siya ng kaba pagkapasok lang sa loob at tumambad sa kaniya ang madilim na silid. Awtomatiko niyang niyakap ang sarili nang may kung ano'ng malamig na hanging sumalubong sa kaniya mula sa kung saan dahilan upang manindig ang kaniyang mga balahibo.

Hindi siya pamilyar sa silid dahil iyon ang unang beses na pumasok siya roon. Gusto niyang tawagin uli ang pangalan ng pinsan pero ewan kung bakit may kung ano'ng pwersang pumipigil sa kaniya upang matameme at kapain na lang sa dingding ang switch ng ilaw, baka sakali makapa niya.

Iyon nga ang kaniyang ginawa. Takang ilang beses niyang nilibot ng tingin ang buong paligid nang magliwanag na iyon. Kung private room iyon ni Reign, bakit walang kama o kutson man lang. Ang tanging nakikita niya'y isang kwadradong silid lang, walang kahit ano'ng naroon sa loob.

Muli, may kung ano'ng kakaibang lamig ng hangin ang yumakap sa kaniyang magkabilang braso. Napapitlag pa siya sabay lingon sa kaniyang likuran kung may tao ba, pero wala...ni anino ay wala siyang nakita.

Tumingala siya sa kisame ng silid. Walang palatandaan na may nakalagay na aircon doon o sa taas ng dingding. Kaya saan nanggagaling ang malamig na hanging iyon?

Yakap ang sarili ay naglakad siya papunta sa gitna ng silid, pagkuwa'y muling pinagmasdan ang buong paligid kung may secret door ba roon pero wala siyang makita.

Kinapa na niya ang kwadratong dingding, sinalat ang bawat sulok kung may lagusan ba roon pero wala. Kaya't pabagsak siyang napasandig sa kanina lang ay kinakapang dingding subalit ano'ng gulat niya nang unti-unting gumalaw ang tiles na sahig ng silid.

Ilang segundo lang ay bumulaga sa kaniyang harapan ang isang hagdanan pababa na sa lalim niyon ay wala siyang makita kung ano'ng naroon sa pinakailalim malibang karimlan.

Lalo siyang nakaramdam ng takot nang marinig ang tila mahinang panaghoy ng isang nilalang. Sa sobrang hina ng boses na iyo'y hindi halos makapasok sa kaniyang pandinig. Pero segurado siyang boses iyon ng isang tao.

Awtomatikong naihimas niya ang palad sa nakaumbok nang tiyan at huminga nang malalim saka pumikit. Kung ano man ang makita niya sa basement na iyon, huwag sanang matakot ang kaniyang baby sa sinapupunan.

Ngunit hindi pa man siya natatapos sa maikling dasal ay bigla siyang napadilat nang marinig ang malakas na sigaw mula sa pinakababa ng hagdanang iyon.

"Papa?!" sambulat niya pagkatapos.

Hindi siya maaaring magkamali. Boses iyon ng kaniyang papa.

Hindi na siya nagdalawang-isip at mabilis na bumaba ng hagdanan hanggang sa bagalan niya ang paghakbang nang mapansin padilim nang padilim ang buong paligid hanggang sa maiapak niya ang mga paa sa pinakahuling baitang ng hagdanan.

Napapitlag pa siya nang bigla na lang ay bumukas ang ilaw sa mismong kisame kung saan siya nakatayo. Naguguluhan pa niyang tiningala ang kinalalagyan ng ilaw upang mapayuko lang uli sa nakasisilaw na liwanag na sumalubong sa kaniyang mga mata.

Tumingin siya sa paligid upang maseguro kung meron bang tao, bakit kung kelan siya nakababa ay saka naman biglang bumukas ang ilaw roon?

Bumilis bigla ang kabog ng kaniyang dibdib. Huwag sabihing may cctv ang buong paligid at nakikita ng may-ari ng lugar na iyon ang kaniyang kinaroroonan kaya bigla na lang bumukas ang ilaw sa taas ng kinatatayuan niya? Ibig sabihin, alam nitong narito siya?

"Reign!" tawag niya sa pangalan ng lalaki. Baka nga naroon si Reign at hinihintay talaga siya. Baka ito ang nagligtas sa papa niya.

Pilit niyang iwinawaksi sa isip ang narinig kanina mula sa madrasta. Hindi iyon magagawa ng kaniyang pinsan. Mabait ito at matulunging tao. Ni hindi nga ito humingi ng kapalit nang iligtas siya mula sa pagkakalunod sa dagat.

"Reign!" muli ay tawag niya habang sinasanay ang mga mata sa pagtingin sa buong paligid. May malawak na hallway sa baba lang ng hagdanan. Tila ba iyon abandonadong hospital na kinaligtaan na ng makabagong henerasyon.

Nagsimula siyang humakbang pakanan. Sa bawat daanan niya'y kusang bumubukas ang mga ilaw na nagpakalagay sa kisame upang magbigay liwanag sa buong paligid. Oo nga't halata na ang kalumaan niyon, patunay ang mga sirang pinto sa ilang mga silid. Apat na kwarto na yata ang kaniyang nalampasan hanggang sa huminto siya sa pinakadulo niyon. Nakadikit sa pinto ang karatulang. Restricted area.

Pinihit niya ang doorknob at dahan-dahang binuksan ang pinto ngunit napalingon din agad sa kabilang dereksyon ng hallway nang muling marinig ang makadurog pusong panaghoy ng isang boses lalaki.

"Papa?" Nagtataas-baba ang dibdib na sambit niya at iiwan sanang nakabukas ang pinto ng papasukang silid nang biglang bumukas ang ilaw niyon at hindi sinasadyang mahagip ng kaniyang tingin ang tila mukhang nakasabit sa dingding.

"Ahhhh!" sigaw niya.