Chereads / The Stolen Identity / Chapter 108 - Ang Ulirang Asawa

Chapter 108 - Ang Ulirang Asawa

Hindi niya alam kung ilang beses sumilip sa labas ng restroom ang kaniyang madrasta pero sa nararamdaman niyang panginginig ng kamay nito habang hawak ang kaniyang kamay at sa halos tumulo nang pawis sa mga noo ay segurado siyang matindi ang nadarama nitong takot, ngunit nakapagtatakang iba ang tapang na nakabakas sa mukha. Dahil ba sa alam nitong delikadong tao ang kung sinumang nagmamanman sa kanila ngunit umandar ang pagiging pusong ina nito upang protektahan siya kahit sabihin pang hindi siya totoong anak?

"Lovan, hindi ba't ang sabi mo kanina'y hindi ka tunay na anak ni Miguel at ang totoo mong ina ay si Lara?" pag-uulit nito sa kaniyang sinabi ilang minuto na ang nakararaan.

Tumango siya agad bilang tugon.

"Sino ang nakakaalam niyon?"

Sandali siyang nag-isip. Sino nga ba ang nakakaalam ng tunay niyang katauhan? Si Yaya Greta, si Reign, ang kaniyang Papa Marcus at si Zigfred.

Pero bago siya nakasagot ay muli nitong hinigpitan ang hawak sa kaniyang kamay at hinatak na uli siya palabas sa restroom. Dere-deretso sila palabas ng Robinson nang hindi man lang ito lumilingon. Kaya nagtataka siya kung sino ang nakita nito at bakit ganoon ang nadarama nitong takot.

Nang sinubukan niyang lumingon at iikot ang tingin sa buong paligid ay hindi sinasadyang mahagip ng tingin ang isang pamilyar na mukha.

'Simon Ignacio?' hiyaw ng kaniyang utak.

Sinusundan sila ng taong 'yon!?

Litong bumaling siya sa madrasta. Ang lalaking iyon ba ang nakita nito? Magkakilala ang dalawa?

"Ma, saan tayo pupunta?" usisa niya nang tuluyan na silang makalabas.

Sandali itong huminto at nagtawag ng tricycle sa may unahan ng parking lot, pagkuwa'y saka lang palihim na tumingin sa kanilang likuran. Gano'n din ang ginawa niya kaya't kapwa sila napasigaw nang bigla na lang may bumunggo sa kanila at bumagsak sa mismo nilang harapan.

Nang masino nila ang taong iyon ay halos lumuwa ang mga mata ng madrasta sa pagkagulat at muling napasigaw sabay hatak sa kaniya sa likuran nito sa kabila ng takot na nararamdaman.

"Areta, ako 'to. Si Simon. Ako ang totoong Simon. Buhay ako, Areta," mula sa nangangatal na mg labi ng lalaking maayos naman ang kasuotan subalit ewan kung bakit tila lango sa alak na halos hindi maiangat ang ulo upang tingalain ang kinakausap.

Ang ginang nama'y nagtataas-baba na ang dibdib sa nararamdamang takot ngunit ayaw pa rin bitiwan ang kaniyang kamay at muli sana siyang hahatakin palayo sa lalaki ngunit maagap ang huli, nahawakan nito ang kaniyang binti.

Sa magkahalong kaba at gulat sa ginawa ng ginoo ay nawalan siya ng balanse. Sa lakas ng tili na ginawa niya'y lahat yata ng mga nasa paligid ay napaharap bigla sa kanila. Kung kelan siya nasa alanganing kalagayan ay saka naman napilitang bumitaw ang kaniyang madrasta.

"Zigfreedd!" Hindi niya alam kung bakit iyon ang unang lumabas sa kaniyang bibig pagkatapos ng matinis na tili.

At sa lalo niyang pagkagulat ay bigla na lang may matigas na brasong pumupulot sa kaniyang tiyan at humatak sa kaniyang kamay upang pigilan siyang bumagsak.

Abot-abot ang kaniyang paghinga habang sa isip ay puno ng antisipasyon sa maaaring mangyari sa kaniya kung tuluyan siyang babagsak. Baka kung mapaano ang anak niya.

Ilang segundong tila huminto sa paglakad ang oras habang amoy niya ang pabangong tanging si Zigfred lang ata ang nagmamay-ari. At nang iangat niya ang mukha at ibaling sa lalaki'y nakita pa niya ang pagsasalubong ng mga kilay nito at pagtatagis ng bagang sa 'di maipaliwanag na galit.

"Z-zigfred..." kusang lumabas sa kaniyang bibig, bakas ang magkahalong pagkalito at tuwa nang makita ito.

Paano nito nalaman ang kinaroroonan niya? Ibig bang sabihin, kanina pa ito nakasunod sa kanila?

"Narito siya... Narito siya..."

Naagaw ng boses na iyon ang kaniyang atensyon, kunut-noong sumulyap sa nagpakilalang Simon. Bagsak na ang katawan nito sa semento at halos hindi na rin maiangat ang mukha sa panghihina subalit bakit tila malakas pa rin itong nakahawak sa kaniyang binti? Kung hindi dahil sa mabilis na pagresponde ni Zigfred at ngayon nga'y nakatukod pa rin ang mga paa sa semento upang protektahan siya mula sa pagbagsak ay baka tuluyan nang napahamak ang nasa kaniyang sinapupunan.

Subalit ang nagpakabog sa kaniyang dibdib ay ang sinabi ng ginoo.

Sino ang tinutukoy nito? Sino ang naroon? Ang kinatatakutan ng kaniyang madrasta ay siya din bang kinatatakutan ng ginoo?

Bumalik lang sa kasalukuyan ang kaniyang huwesyo nang iayos siya nang tayo ni Zigfred, pagkuwa'y niyakap.

"Never do this again, Lovan. Please..." usal nito sa likod ng kaniyang tenga ngunit hindi sa tonong nakikiusap, bagay na nagpakaba sa kaniya.

Pakiwari niya'y last warning na nito iyon, sa sunod na ulitin pa niyang hindi nagpapaalam kapag umaalis, baka nga seguro totoo nang magalit sa kaniya ang asawa.

"Sorry..." tangi niya lang nasambit at gumanti ng yakap rito. Ayaw na niyang magalit si Zigfred. Hindi man niya alam kung ano ang pingdaanan nito habang wala siya pero ramdam niya ngayong hindi ito nagtaksil sa kaniya, na tahimik siya nitong prinotektahan habang nagkukunwari siyang ibang babae sa harapan nito.

Ngayon niya lang naisip ang dahilan kung bakit bigla na lang itong sumulpot at ipinagtanggol siya noong ibinalibag siya ni Shavy sa may closet. Dahil noon pa ma'y alam na ng lalaking siya ang tunay nitong asawa. Hindi lang coincidence ang lahat, nakatutok ito sa lahat ng ginagawa niya.

"I love you..." Kasabay ng marahang pagpatak ng kaniyang masaganang luha ay ang pagbigkas ng mga katagang iyon, pagkuwa'y hinalikan niya ang leeg nito't isinubsob pa lalo doon ang mukha at napapikit.

Ito ang kaniyang Zigfred...

Pinaglayo man sila ng tadhana sa mahabang panahon subalit sinadya pa rin silang pagtagpuin. Hinding hindi niya makakalimutang ipinagtanggol siya nito kay Francis nang ilang beses at pumayag ngang pakasal sa kaniya kahit hindi pa siya nakikilala. Bakit ngayon niya lang na-realize na kahit lagi siya nitong inaaway ay madalas pa rin siyang ipagtanggol sa nagmamalupit sa kaniya noon? Dahil noon pa man ay mahal siya ng lalaki, ngayon niya lang napatunayan.

"I love you more, Lovan. I really do..." isang mahinang ungol ang pinakawalan nito sabay halik sa likod ng kaniyang tenga.

"Hindi ko hahayaang may mangyari sa inyo ng anak ko," dugtong pa.

Subalit ang romantikong tagpong iyon ay biglang naputol nang magdatingan ang limang armadong kapulisan at pinusasan si Simon Ignacio na noo'y nakabitaw na sa kaniyang binti bago pa man sila magyakapan ni Zigfred. Isinakay ng mga ito ang ginoo sa patrol car at mabilis ring nagsialisan pagkatapos lang magpaalam sa kaniyang asawa.

Umeksena rin ang kaniyang madrasta at impit ang iyak na lumapit sa kanila sabay hawak sa kaniyang braso, dahilan upang mapilitan siyang kumawala sa asawa at humarap sa ginang.

"Nasaktan ka ba? Mabuti na lang at narito pala si Zigfred. Kung hindi, baka kung ano na ang nangyari sa'yo," anito, nasa mukha ang sobrang pag-aalala.

Ito naman ang niyakap niya upang mapanatag ang kalooban. Ngunit bigla siyang kumawala nang maamoy ang pabango nito. Hindi niya alam kung bakit iba ang dating niyon sa kaniyang sikmura, bigla siyang naduwal kaya't umabrasete siya kay Zigfred sabay pasimpleng takip ng bibig.

Bakit kanina'y parang iba ang pabango nito? Naguguluhan siyang panakaw na sumulyap dito sabay hilig ng ulo sa balikat ng asawa.

Baka nalito lang siya kanina dahil sa daming iniisip.