Chereads / The Stolen Identity / Chapter 109 - Ang Mapagpanggap Na Kalaban

Chapter 109 - Ang Mapagpanggap Na Kalaban

Hindi alam ni Lovan kung kelan nawala ang kaniyang phobia sa pagsakay ng kotse pero ngayon, habang nakalapat ang kamay niya sa hita ng asawa sa tabi niya at ito nama'y nakangiting nagmamaneho ng sasakyan, wala na siyang pakialam kung nakabukas ang mga bintana niyon o nakasara. Para sa kaniya, ang tiwalang meron siya ngayon at kapanatagan ng loob na narito sa tabi niya ang asawa ay sapat na upang mapalis ang lahat ng kaniyang takot.

Ilang beses silang nagpalitan ng malalagkit na titigan ng lalaki habang panakaw ang sulyapan sa isa't isa.

"Lovan, anak. Hindi ka ba sasama sa'kin, pauwi?" Matapos ang halos kalahating oras na palihim na paglilipat-lipat ng tingin ng madrasta sa kanilang dalawa sa unahang upuan habang ito nama'y nasa likuran nila, hindi ito nakatiis at nagsalita.

Namula agad ang magkabila niyang pisngi sa pagkpahiya nang mahuli itong nakatitig sa kaniya.

"Hindi na po muna, Mama. Saka na lang seguro," aniya lalo nang maalala si Madison na hanggang ngayon ay nakatira pa rin sa bahay nila.

"Anak, natatakot ako, baka makita ko na naman ang lalaking 'yon," muling wika ng madrasta, halata sa garalgal na boses ang nararamdaman.

Sandali silang nagkatinginan ni Zigfred at mayamaya'y pinahinto niya ang kotse upang makalipat siya sa likurang upuan katabi ng ginang.

Noon lang ito tila napanatag at inihilig ang ulo sa kaniyang balikat. Pasimple niyang inilayo ang mukha. Hindi talaga kayang tanggapin ng sikmura niya ang pabangong gamit nito. Amoy vanilla iyon na may halong musk. Alam niyang mahilig ang madrasta sa pabangong amoy vanilla, pero ang hahaluan iyon ng musk na ewan kung bakit nito ginawa ngayon, hindi niya magawang humarap dito nang matagal ngunit kailangan niyang magkunwaring ayos lang upang pumanatag na ito.

"Mama, bakit mo kilala si Simon Ignacio? At bakit mo kilala ang tunay kong ina, si Mommy Lara Fuentes?" Matapos ang ilang minutong katahimikan ay untag niya bigla dahilan upang mapaupo ito nang tuwid sabay baling sa kaniya, pagkuwa'y kay Zigfred na na-curipus din sa isasagot nito.

Huminga muna nang malalim ang ginang bago nagkwento.

"Isa akong nurse sa isang kilalang clinic sa Sorsogon at kaibigan ko si Lara. Siya ang fiancee ng may-ari ng clinic na pinagtatrabahuan ko," simula nitong magkwento.

Para siyang batang nakatunganga rito habang nagsasalita, walang kurap na nakikinig at hindi pinalalampas sa tenga ang bawat salitang lumalabas sa bibig nito. Ni ang paglunok nito ng laway ilang beses nang mabanggit ang pangalan ng mommy niya'y hindi nakaligtas sa kaniyang paningin.

Si Zigfred nama'y mataman lang ding nakikinig habang panakaw na nakasulyap sa rear-view mirror.

"Si Simon Ignacio ay ang fiançé ni Lara at siya rin ang amo ko. Siya ang may-ari ng clinic n pinagtatrabahuan ko," patuloy nito sa pagkukwento, dalawang beses na uling lumunok ng laway pagkabanggit sa pangalan ng ina niya.

Napansin pa niya ang paniningkit ng mga mata nito nang bigkasin ang pangalan ni Simon, wari bang malaking tinik sa lalamunan ang taong 'yon.

Kunut-noong napasulyap si Zigfred sa rearview mirror, makahulugang tumitig sa ginang.

Siya nama'y maang pa ring nakatitig sa madrasta, hinihintay ang sunod nitong sasabihin ngunit dumaan ang ilang segundo at hindi na ito nagsalita. Sa halip ay iniiwas ang tingin at tumingin sa bintana sa tabi nito.

"Pero Ma, bakit hindi si Simon ang naging asawa ni Mommy kung fiancéé na niya ang mommy ko?" Siya na ang kusang nag-usisa.

Nakita niya ang paghugot muli nito ng hininga sabay baling sa kaniya at hinawakan ang kaniyang kamay.

Awtomatiko siyang napatingin kay Zigfred sa rear-view mirror at nang makitang salubong ang mga kilay nito'y kinakabahang binawi niya ang kamay sa ginang lalo't pakiramdam niya'y iba ang paraan ng paghimas ng huli sa kaniyang balat.

"Lovan..." usal nito, muling namuo ang butil ng luha sa mga mata. "Patawarin mo ako pero ayuko nang maalala pa ang lahat ng iyon. Si Simon ang ama ni Madison. Ako ang una niyang nobya bago dumating si Lara sa buhay niya," garalgal na nitong pag-amin at walang anumang yumakap sa kaniya nang mahigpit na halos hindi na siya makahinga.

Kakawala na sana siya nang bigla na lang mag-preno si Zigfred ng sasakyan. Kung hindi pa siya naka-seatbelt ay malamang na bumalandra na ang kaniyang mukha sa headboard ng upun sa kaniyang harapan.

"Zigfred! Dahan-dahan naman. Baka kung mapaano ang anak natin!" Hindi niya naiwasang humiyaw sa asawang kuyom ang kamaong lumabas ng sasakyan.

"Buntis ka?!" hiyaw ng madrasta na lalo niyang ikinagulat.

Nang magtama ang paningin nila'y hindi niya alam kung bakit natakot siya bigla sa nakitang galit sa mga mata nito. Awtomatiko siyang napaatras palayo.

"Ayyy!" hiyaw niya nang nanlilisik na ang mga mata nitong tumitig sa kaniya.

"Sinasabi ko na nga ba't hindi ka talaga maaasahan! Kasing landi ka rin ng ina mo!" sigaw nito, hindi na napigilan ang totoong nararamdaman at akma siyang sasakalin nang biglang bumukas ang pinto at buong lakas itong hinila ni Zigfred palabas ng sasakyan sabay suntok rito nang ilang beses hanggang sa madapa ito sa semento.

Sa magkahalong takot at pagkalito'y hindi niya nagawang sumigaw, ni ang makapag-react sa ginawa ng asawa at sa biglang naging kilos ng madrasta na tila ba nagbago ito ng katauhan, taliwas sa pagkakaalam niya sa ugali nito noon.

Ilang minuto rin siyang tila tinuka ng ahas sa isang gilid at nagtataas-baba ang dibdib habang nakikita ang dalawang nagsusuntukan na sa labas ng sasakyan, bagay na nagpadagdag sa kaniyang takot.

Paano'ng naging kilos lalaki ang kaniyang mahal na madrasta? Hindi lang basta kilos lalaki. Nang gumanti ito ng suntok kay Zigfred, pumutok agad ang gilig ng labi ng asawa patunay na mas malakas ang una kesa sa huli.

Noon lang pumasok sa kaniyang utak na hindi ang madrasta ang kanilang kasama. Kung gayon, sino ito? Bakit kay bilis nitong nakapagkunwari bilang madrasta niya? Ito rin ba ang kasama niya kanina sa Robinson?

"Lovan! Lovan!" narinig niyang sigaw ng isang babae sa katapat na kalsada. Nang lingunin niya'y mukha ng kaniyang madrasta ang naroon at nakatayo, hawak-kamay ang umiiyak at panay kaway na si Yaya Greta, pagkuwa'y itinuro ang taong kasuntukan ni Zigfred na noo'y tila nananalo na sa laban. Nakita pa niya kung paano nitong ini-side kick ang asawa dahilan upang mapasubsob ang huli sa sasakyan ngunit agad ding nakabawi at ini-double punch ang kaaway. Ang impostor naman ang muntik nang mapasubsob sa semento.

Sandaling yumuko si Zigfred sa kaniya, inalam ang kalagayan niya ngunit sinamantala iyon ng kalaban at susunggaban sana uli ang huli.

"Zigfred! Sa likod mo!" sigaw niya, puno ng antisipasyon sa pwedeng mangyari sa lalaki, dahilan upang kumirot bigla ang kaniyang sinapupunan.

Kagat-labi niya iyong hinimas. Biglang umuga ang kotse sa lakas ng kapit ni Zigfred nang pakawalan nito ang isa ring side-kick para sa kalaban, doon lang natumba ang huli.

Siya nama'y napilitang buksan ang pinto ng kotse sa kaniyang tabi, saka lumabas, himas pa rin ang kaniyang puson.

Nasulyapan niya ang dalawang panay pa rin kaway at patakbong tumawid ng kalsada.

Si Zigfred nama'y natalo nang tuluyan ang nagpapanggap na madrasta niya at nanggagalaiti sa galit nitong itinulak ang huli at iningudngod ang mukha sa labas ng sasakyan, saka hinawakan ang braso nang hindi makatakas.

"Who are you? Ano'ng kaugnayan mo kay Areta at Simon Ignacio?" matigas na tanong ni Zigfred.

Isang halakhak lang ang isinagot ng huli sa kabila ng sakit na nararamdaman.

"You're a loser, Zigfred. Ni wala nga sa kalingkingan ni Marcus ang lakas mo. Paano mo ako malalabanan? Tulad ni Marcus, mapuputol ko rin 'yang dila mo!" pasarkastiko nitong turan sabay pakawala ng isa pang halakhak.

Napanganga siya sa sobrang gulat sa narinig. Ito ang taong hinahanap nila! Ito ang papa ni Shavy!

"Dream for it, asshole! But I don't think you still have time to do it, Doctor Bruso Yllavinci!"

pasarkastiko ring ganti ni Zigfred, sadya pang inilapit ang bibig sa tenga nito, bagay na ikinagulat ng huli.

Si Zigfred, naman ang tumawa nang malutong.

"Nakakagulat ba kung alam ko ang pangalan mo? I am Zigfred Arunzado! Kung nakaligtas ka man kay papa Marcus, seseguraduhin kong hindi ka makakaligtas sa'kin. Ako ang maglalagay ng bala sa bungo mo, baliw!" matigas at puno ng panggigigil na wika ng asawa niya habang nagtatagis ang mga bagang, sabay suntok sa mukha ng kaaway.

Napasubsob na uli ang huli sa semento.

"Zigfred!" Lalapitan na sana niya ito nang bigla na lang lumangitngit ang gulong ng rumaragasang sasakyan sa di-kalayuan. Sunod nilang narinig ay ang malakas na sigaw ng kaniyang mama Areta.

Sabay pa silang napaharap ni Zigfred sa kinaroroonan ng madrasta at kapwa sila nagulantang nang masaksihan pa kung paanong tumilapon ang katawan ng kaniyang Yaya Greta sa ere at malakas na bumagsak sa sementadong daan.

"Yaya!" Kasabay ng sigaw niyang iyon ay malakas na hagulhol at patakbong sinaklolohan ang kawawa niyang yaya.

Habang si Zigfred ay akmang lalapitan na uli ang nagpipilit na tumayong kalaban ngunit natigil ito nang biglang huminto ang sasakyan sa harap ng una.

"Sakay na!" ana'ng driver. Walang iba kundi si Shavy! Binuksan bigla ang pinto ng kotse at agad namang nakapasok sa loob si Bruso Yllavinci. Hindi pa man naisasara ang pinto niyon ay muli iyong humarurot palayo.

Walang nagawa si Zigfred kundi tumawag ng mga pulis na noo'y halos kasabay lang na dumating at patuloy na hinabol ang umalis na sasakyan.