Sa ilang oras na pagdadalawang-isip kung tatawagan ba o hindi ang kaniyang Mama Areta, sa huli'y natagpuan na lang niya ang sariling nagda-dial ng numero ng phone nito gamit ang landline sa suite.
Isang oras na ang dumaan nang lumabas ito kasama sina Madison at Lenmark sa suite. Pagkatapos ay sumunod si Shavy dala ang bago na uli nitong Louis Vuitton na shoulder bag. Si Zigfred nama'y ilang oras na rin sa mini-library nito kaya't malaya niyang nagamit ang landline roon habang naroon sa loob ng kusina sina Aida at Leila.
"Mama...ako ito, si Lovan," pakilala niya sa garalgal na boses.
"Lovan?" gulat na bulalas ng nasa kabilang linya. "Bakit napatawag ka? Hindi ba't sabi mo kanina'y nakalimutan mo ang number ko kaya ka hindi makatawag sa'kin?" takang turan nito.
Napahikbi siya, hindi dahil sa sinabi nito, kundi sa nag-uumapaw na katanungan sa kaniyang utak.
"Mama, pwede ba tayong magkita sa Robinson, Imus?" Panay ang tulo ng luha niya habang sinisikap na maging kaswal lang ang sariling boses sa pandinig ng madrasta.
"Sige, ngayon na ba? magpapahatid na lang ako kay Lenmark kasi andito pa kami sa daan, pauwi pa lang dahil sobrang traffic sa Edsa," anang ginang.
"Huwag!" mabilis niyang tutol. Ayukong malaman ni Lenmark na makikipagkita ka sa'kin."
Sandaling natahimik ang kausap bago ito pumayag at pinatay ang tawag.
Siya nama'y nagbihis lang ng bagong damit na binili ni Zigfred noong nakaraang araw at hindi na nagpaalam pa sa lalaki't lumabas na lang agad ng suite.
Wala pa'ng isang oras ay naroon na siya sa loob ng Robinson Imus, palapit sa madrastang kanina pa marahil nakaabang sa labas ng Tom's World kung saan maraming mga bata at mga magulang ang naglalabas-pasok roon.
Nang makita siya ng ginang ay sandali itong natigilan, pagkuwa'y kunut-noo siyang tinitigan nang tuluyan na siyang makalapit.
"Ikaw ang babaeng naroon sa suite ni Zigfred kanina! Bakit ka nandito?" mabalasik nitong tanong, pumalag pa nang akma niyang hahawakan ang braso nito.
"Ma, ako ito...si Lovan," pakilala niya sa garalgal na uling boses.
Awang ang labing lalong tumiim ang mga titig ng ginang sa kaniya ngunit nang yakapin niya'y hindi na ito nakapalag.
"Ano'ng nangyari sa'yo? Bakit iba na ang mukha mo?" lito pa ring usisa nito.
Kumawala siya sa pagkakayakap sabay hawak sa kamay nito.
"Mahabang kwento, Ma. Pero ipapaliwanag ko sa'yo mamaya," aniya't hinatak niya ito papunta sa food court malapit lang din sa Tom's World at inukupa ang isang bakanteng mesa roon.
"Lovan, ikaw ba talaga 'yan?" paneneguro ng madrasta, tumabi sa kaniya sa pagkakaupo at marahang hinimas ang kaniyang mukha, sa mga mata ay naroon ang magkahalong pagkalito at pananabik sa kaniya.
"Ma, pasensya na kung hindi agad ako nagpakilala sa inyo kanina sa suite ni Zigfred," saad niya, hinawakan ang palad nitong humahaplos sa kaniyang pisngi, sabay pakawala ng isang malamlam na ngiti.
"Pero sino ang Lovan na nakaharap namin at kasama ni Zigfred kanina?" Mabilis nitong
inagaw ang palad mula sa kaniya, nagsimula na namang magduda sa kaniyang katauhan.
"Siya si Shavy, ang kinakapatid ko. Siya ang nagnakaw ng katauhan ko." Awtomatikong tumigas ang kaniyang boses, patunay na galit sa nabanggit na pangalan.
Lalong nalito ang kausap, maang na bumaling uli sa kaniya, inarok kung nagsasabi siya ng totoo.
Muli niyang hinawakan ang kamay nito, pinisil-pisil iyon at mangiyak-ngiyak na gumanti ng titig sa madrasta.
"Mama, hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag sa'yo ang lahat tungkol sa tunay kong pagkatao." Humugot siya ng isang malalim na hininga habang hindi inaalis ang mga matang nakikipagtitigan sa ginang, inaarok din ang laman ng utak nito.
"Sino po ba ang Lara na tinutukoy niyo kanina sa suite ni Zigfred?" usisa niya.
Naging malikot ang mga mata nito, ngunit maya-maya'y sumagot din.
"Dati ko siyang kaibigan. Matagal na kaming hindi nagkikita pero tandang-tanda ko pa rin ang mukha niya," mahinang tugon.
"Si Lara Fuentes po ba?"
Natigagal ito, sa mukha ay naghuhumiyaw ang isang katanungan kung bakit niya alam ang pangalang iyon. Pagkuwa'y naging malikot ang mg mata't tiningnan ang mga tao sa paligid, nang walang pamilyar na makita'y saka lang ibinalik ang tingin ng nanlalaking mga mata sa kaniya.
"P-paano mo siyang nakilala?" pautal nitong usisa.
"Ako ang anak nila at ng sinasabi mong FBI agent. At ang Greta na nabanggit mo, hindi ko alam kung siya rin ang Yaya Greta ko. Pero bakit mo sila kilala? Paano mo nasabing FBI agent ang papa ko? Maliban na lang kung galing ka sa Sorsogon," pagtatapat niya, nasa mukha rin ang kyuryusidad.
Napatayo sa pagkagulat ang ginang, halos mapasukan ng dumaang langaw ang bibig sa laki ng buka niyon, maya-maya'y ilang beses na umiling.
Tumayo na rin siya't humarap dito.
"Ma, hindi si Papa Miguel ang tunay kong ama. Dalagita ako noong maaksidente ang sasakyang kinalululanan ko at nahulog s bangin. Paggising ko, siya na at ang asawa niya ang nasilayan ng mga mata ko. Noong time na 'yon, may amnesia na ako kaya wala akong matandaan sa tunay kong pagkatao," kwento niya sa naguguluhan pa ring madrasta.
Sa pagtataka niya, biglang pumatak ang isang butil ng sariwang luha mula sa mata nito ngunit nang may masulyapan sa likuran niya'y hinila siya nito patabi sa kaniya. Hindi niya alam kung bakit biglang nanlamig ang mg kamay nito habang muling sinulyapan ang nakita.
Kunut-noo siyang napalingon, sinundan ng tingin ang tila hinahanap nitong mukha at nang hindi makita ay muli siyang bumaling dito.
"Ma, gusto kong malaman kung bakit mo kilala ang mga magulang ko. Ano ang kaugnayan mo sa kanila?" sunod-sunod niyang tanong. Pakiwari niya, hindi siya mapapanatag hangga't hindi niya nalalaman kung ano ang relasyon ng madrasta sa kaniyang pamilya.
Sa halip na sumagot ay hinatak nito ang kaniyang kamay palayo sa food court.
"May nakamasid sa'tin," anitong mababanaag sa boses ang takot.
"Ha?"
Taka siyang nagpalinga-linga sa palibot kung may kilala ba siya sa mga naroon pero wala naman.
Sa kabila ng pagtataka sa ikinikilos ng ginang, tahimik pa rin siyang sumunod dito hanggang sa makababa sila sa ground floor at pumasok sa pambabaeng restroom. Eksakto namang walang tao sa loob maliban sa kanilang dalawa.