Nawala sa isip niya ang pagpunta sana kay Reign at naisipang bumalik sa kanilang kwarto nina Aida at Leila nang mula sa kusina ay nagmamadaling lumabas ang kaniyang Mama Areta.
Bahagya lang siyang yumuko rito bilang paggalang nang mapansing palapit ito sa kaniya. Ayaw niya itong makaharap, baka madulas ang dila niya't matawag itong mama. Sa totoo lang, sabik na siyang mayakap ang ginang na itinuring niyang tunay na ina noong may amnesia pa siya.
"Lara."
Subalit natigilan rin siya't napahinto agad sa paglalakad nang marinig ang tawag nito sa kaniya.
Gulat siyang humarap sa ginang na halata rin sa namumutla nitong mukha ang matinding pagkalito at pagtataka.
"Lara, ikaw ba talaga 'yan?" mangiyak-ngiyak na pabulong nitong usisa sa kaniya, pagkuwa'y ilang beses na nagpalinga-linga upang masegurong walang ibang tao sa paligid.
Sandali siyang natahimik, nalilito ang isip kung ano'ng isasagot. Ni hindi niya alam kung bakit tinawag siya nito sa pangalang iyon, o kung ang tinutukoy nitong Lara ay ang kaniyang mommy. Pero tandang-tanda niya ang mukha ng tunay niyang ina, malaki ang pagkakaiba niyon sa mukha niya ngayon.
"Huwag mo akong tatawagin sa ganyang pangalan. Walang nakakaalam na andito ako. Cindal ang pangalan ko ngayon." Hindi niya alam kung bakit pinili niyang magkunwaring ang tinawag nitong Lara. Bigla kasing umalingawngaw sa kaniyang pandinig ang boses na iyon ng lalaking tumawag din sa kaniya sa ganoong pangalan sa birthday party na dinaluhan nila ni Reign.
Kung iisa lang ang Lara na tinutukoy ng dalawa, posible ba na galing din sa Sorsogon ang kaniyang Mama Areta? Na kilala rin nito ang tunay niyang ina? May alam kaya ito sa nangyari sa mommy niya?
Pumatak bigla ang sariwang luha mula sa mga mata ng madrasta. "Sabi ko na nga ba ikaw talaga 'yan. Hindi lang nagbago ang mukha mo dahil sa gamot na ginamit niya sa'yo," garalgal ang boses na usal nito, hindi mawari kung natutuwa o natatakot nang mga sandaling iyon dahil sa ramdam niyang panginginig ng kamay nito nang humawak sa kaniyang siko.
"Ang sabi ni Simon, nakatakas ka raw mula sa kan'ya. At hindi siya namatay. Pero ano'ng ginagawa mo rito? Hindi ba't isang FBI agent ang napangasawa mo? 'Yon ang sabi ni Ate Greta sa'kin," sunud-sunod na tanong nito, sabik na malaman kung ano ang isasagot niya.
Samantalang siya'y gusto nang sumabog ang dibdib sa mga pangalang binanggit nito. Kay daming tanong ang bigla na lang rumagasa at pumuno sa kaniyang utak. Sino ang tinatawag nitong Simon? Sino ang binanggit nitong Greta? Marami bang Greta sa Sorsogon at isa lang coincidence na Greta din ang pangalan ng kaniyang yaya?
Sa nakikita niya sa mukha ng madrasta, segurado na siyang galing ito sa Sorsogon.
"Ah, si Greta. Hindi ko na siya nakita pa simula nang magkapamilya ako." Sinikap niyang maging kaswal ang boses upang hindi nito mahalatang nagsisinungaling siya. Pero ang totoo, nahihilo na siya, pakiramdam niya palaki nang palaki ang kaniyang ulo sa sari-saring emosyon at nag-uumapaw na mga katanungan sa kaniyang utak.
"Ha? Pero bakit ang sabi sa'kin ni Ate Greta noon, nagtatrabaho raw siya sa'yo at sa asawa mong FBI agent sa America. Kaya lang kayo tumira sa Sorsogon ay dahil nalaman mong namatay na ang taong 'yon at malapit ka nang manganak?" litong wika nito dahilan upang hindi niya makontrol ang pagkahilong nararamdaman, sumabay pa ang panlalambot bigla ng kaniyang mga tuhod sa katotohanang tila bombang sumabog sa kaniyang harapan.
Napahawak siya sa dingding ng kanilang silid upang hindi siya matumba habang ang kaniyang Mama Areta ay napaatras, panay ang iling habang hindi inihihiwalay ang titig sa kaniyang mukha.
"Hindi! Hindi ikaw si Lara. Sino ka?" mahina ngunit matigas nitong tanong.
Eksakto namang kalalabas lang ni Leila mula sa kusina at nakita siyang muntik nang matumba. Inilang hakbang lang ng kusinera ang pagitan nilang dalawa at inalalayan na siya agad.
"Naku, sensya na po, Madam Areta. Masama po kasi ang pakiramdam ng kasama namin. Ihihiga ko lang siya sa kwarto. Sensya na po uli," ani Leila, hindi na hinintay na sumagot ang kausap na lalong namutla ang mukha nang malamang hindi si Lara ang kausap nito.
-----------
Pagkalabas lang ni Leila sa kwarto matapos siyang ihiga sa sarili niyang kama'y dinukot niya agad ang phone sa ilalim ng una at tinawagan ang number ni Ivory, ang nurse ng sariling ama. Subalit out of reach iyon. Ilang beses siyang nag-dial ngunit iyon pa rin ang sagot sa kaniya.
Naisipan niyang tawagan si Reign. Baka alam nito kung ano nang nangyari sa papa niya ngunit 'number not in use' ang narinig niya mula sa operator.
Gusto na niyang humagulhol ng iyak. Ano'ng nangyari? Ano pa'ng pangyayari ang hindi niya alam tulad sa buhay niya at ng kaniyang mga magulang?
Niyakap niya ang sarili at impit na umiyak habang nakaupo sa kama.
Malinaw na malinaw ang sinabi ng kaniyang madrasta. Ang tinawag nitong Ate Greta ay ang kaniya mismong Yaya Greta. At ang Lara ay ang kaniyang sariling ina. Ibig sabihin, ang FBI agent galing sa America na binanggit nito ay ang kaniyang papa.
Ibig sabihin, galing talaga sa Sorsogon ang kinilala niyang mga magulang na umampon sa kaniya sa Cavite. Ano ang kaugnayan ng mag-asawa sa kaniyang Yaya Greta? Bakit napunta siya sa mga ito pagkatapos niyang mahulog sa bangin? Sino ang nagligtas sa kaniya mula sa kamatayan at nagbigay sa kaniya sa dalawa para itago ang tunay niyang katauhan?
Napalakas ang kaniyang iyak.
Iisa lang ang umaalingawngaw sa kaniyang utak ngayon. Na marami ang nalalaman ni Yaya Greta sa sekreto ng buhay ng kaniyang pamilya. Naalala niya noong hinahabol siya ni Francis noon at aksidente siyang pumasok sa shuttle bus kung nasaan ito, alam na agad nitong siya ang tunay na Lovan Claudio ngunit itinago nito ang kaniyang kwintas upang walang makaalam na siya nga iyon.
Wala siyang maukilkil na ibang dahilan sa ginawa nito malibang ito ang nagligtas sa kaniya pagkatapos niyang mahulog sa bangin. Kung hindi, bakit alam nito ang tungkol sa kaniyang kwintas na sa pagkakatanda niya'y sila lang ni Zigfred ang nakakaalam?
At kaano-ano nito ang kaniyang madrasta at kaniyang papa Miguel na umampon sa kaniya noon?
Ang taong tinutukoy ng ginang, sino 'yon? Bakit tila iba pa 'yon sa binanggit nitong si Simon?