Chereads / The Stolen Identity / Chapter 99 - Zigfred To The Rescue

Chapter 99 - Zigfred To The Rescue

"Cindal, ano ba'ng nangyari? Hipon lang naman ang kinain mo kanina. Bakit panay ang suka mo ngayon?" nag-aalalang usisa ni Leila, sige sa paghagod sa likod niya habang siya'y nakaharap sa lababo at panay ang suka.

Umiling siya sabay baling rito.

"H-hindi ko rin alam, Ate. M-minsan lang kasi ako makakain ng ganuong putahe. N-nanibago lang seguro ang t'yan ko," pautal niyang tugon, pagkuwa'y humarap na uli sa lababo.

"O b-baka sa pagod ko lang 'to kanina nang mag-shopping tayo kasama si S-senyorito Zigfred," dugtong niya.

Siya namang tarantang pagpasok ni Aida dala ang gamot sa pagsusuka na hiningi sa among babae.

"O ito, inumin mo. Boscopan lang ang ibinigay ni Senyorita Lovan sa'kin. Ito lang daw ang gamot niya sa kahit anong uri ng sakit sa t'yan," anang babae, sabay abot kay Leila ng isang pirasong gamot.

"Para sa paghihilab naman 'to ng t'yan, Aida. Ala eh, nagsusuka si Cindal ayy," komento ni Leila, salubong ang kilay na bumaling sa kaharap.

"Aba'y mabisa daw 'yan kahit sa pagsusuka, sabi ni Senyorita Lovan," giit ni Aida, nkataas pa ang dalawang kilay habang nagpapaliwanag.

"Naku, Cindal. Kung hindi ko lang alam na dalaga ka pa at walang boyfriend, baka naniwala na akong buntis ka sa lagay mong 'yan," dugtong nito, sa kaniya nakatingin habang siya'y nakayuko at panay ang dura sa lababo.

Natigilan siya bigla, pagkuwa'y biglang namutla't natulala na parang tinuka ng ahas. Kelan ba siya nagkaroon ng monthly period? Ang tanda niya'y bago siya madakip ng mag-ina noon. Ilang linggo na ba ang lumipas? Isang buwan na ba 'yon, dalawang buwan? Bakit bigla siyang nalito at hindi na maalala kung kelan siya huling dinatnan?

Hinampas ni Leila sa braso ang nagsalita, habang ang isang kamay ay nakahagod pa rin sa likod niya.

"Ano ka ba! Sa kapapanood mo sa TV, kung ano-ano na lang ang naiisip mo," saway nito sa huli.

"O, siya't ipainom mo na 'yan kay Cindal nang matigil na ang pagsusuka niya," nakaingos namang utos ni Aida sa kausap.

Namumutla pa ring inayos niya ang tayo pagkatapos magmumog at pahiran ng palad ang bibig.

"Okay na ako," baling niya sa dalawa, pilit pinakawalan ang isang ngiti sa halos wala nang dugo niyang mga labi sa pagkaputla.

"Segurado ka ba?" sabay na tanong ng mga ito, bakas sa mga mata ang pag-aalala sa kanya.

Marahan siyang tumango at kinuha kay Leila ang gamot. "Iinumin ko na lang 'to mamaya."

"Sabagay, alas onse na nga naman ng gabi. Ilang oras na lang ang itutulog natin. Mauuna na akong pumasok sa kwarto," susog ni Aida pagkatapos magkibit-balikat.

"Segurado ka bang okey ka na?" Hindi pa rin mawala sa boses ni Leila ang pag-aalala.

Tumango na uli siya at muling humarap sa lababo.

Nag-aatubi namang sumunod ang babae kay Aida sa paglabas ng kusina.

Naiwan siyang natitigilan. Umaalingawngaw pa rin sa kaniyang pandinig ang sinabi ni Aida na buntis siya. Kahit hindi niya matandaan kung kelan siya huling dinatnan pero segurado siyang ilang linggo na niyang hinihintay ang kanyang buwang dalaw pero hindi pa rin dumarating.

Wala sa sariling napatingin siya sa kanyang pusong ilang araw na ring madalas may pumipitik bigla sa loob, at minsan ay napapasinghap siya sa sakit dahil doon.

Nanghihina siyang pumihit paharap sa dining table, marahang hinila ang isang silya at umupo paharap sa mesa, saka pinagmasdan ang hawak na gamot.

Baka kapag ininom niya iyon ay guminhawa ang kanyang pakiramdam. Sa totoo lang, hilong-hilo pa rin siya hanggang ngayon. Sa halos isang oras niyang pabalik-balik sa lababo para sumuka, halos lahat yata ng lakas niya ay nawala.

Tinanggal niya sa lagayan ang tableta ng gamot at akmang isusubo na sana nang bigla na lang may malakas na kamay ang humawak sa kanyang braso upang pigilan ang kaniyang gustong gawin.

Taka siyang nag-angat ng mukha.

'Zigfred?!'

Kasabay ng panlalaki ng kanyang mga mata sa pagkagulat ay ang lalo pa niyang pagkahilo pagkakita lang sa lalaking nakatukod ang ang kamay sa mesa at ang isa pang kamay ay nakahawak sa kanya.

Sa ilang segundong pagtatama ng kanilang paningin, hindi niya alam kung paano ipaliliwanag ang takot na nakadungaw sa mga mata ng lalaki. O galit ba sa kulang na lang ay mag-isang guhit na mga kilay nito sa pagsasalubong at ang mga labing nakatiim, dinig na dinig ang pagtatagisan ng mga ngipin.

At lalong hindi niya alam kung paano ipaliliwanag ang damdaming bumalot sa kaniya sa pagkakataong iyon. Ang tila bolta-boltaheng kuryente mula sa kamay nito'y bigla na lang rumagasa sa kaniyang buong kalamnan na kahit ang puson niya'y hindi niya napigilan ang pagkirot. Hindi rin niya mapigilan ang pagsasal ng tibok ng kaniyang dibdib na ewan kung bakit tila iyon na-excite at nakaramdam ng pangungulila para sa lalaki lalo na nang unti-unting magbago ng ekspresyon ng mukha nito at huminahon.

'Zigfred...'

Gusto niyang sambitin ang pangalan nito nang naging malamlam ang tingin sa kaniya, subalit nagpigil siya. Kapag ipinagtapat niyang siya ang tunay na Lovan Claudio, baka hindi ito maniwala dahil iba na ang kaniyang mukha, masira pa ang plano nilang mag-ama at mabalewala ang effort ni Reign para tulungan sila.

Isa pa'y wala sa kanya ang ibinigay nitong kuwintas bilang patunay na siya nga ang totoo nitong asawa.

Subalit bakit tila nangingilid ang mga luha nito sa mata?

"B-bakit po, S-senyorito?" taka niyang tanong. Huminga nang malalim at pilit ikinubli ang totoong nararamdaman para sa lalaki.

"This drug will just harm you. Take this instead," babala sa kanya sabay lahad ng isang pulang capsule.

Maang siyang napatitig lalo rito. Bakit bigla na lang itong lumapit sa kaniya, ni hindi niya nga namalayang pumasok ito sa kusina? Paano nito nasabing mapapahamak lang siya sa gamot na ibinigay ni Aida? Ano'ng klaseng gamot ba iyon? At bakit nito alam ang tammg gamot para sa nararamdaman niya? Alam ba ni Shavy na naroon ito at kasama niya?

Andaming katanungang umalingawngaw sa utak niya at gustong kumawala sa kaniyang mga labi, ngunit tila pinutulan siya ng dila na hindi man lang nakabigkas ng kahit isang salita, basta na lang bumuka ang bibig at hinayaan si Zigfred na ipasok roon ang hawak nitong kapsula ng gamot, saka niya nginuya.

Noon lang siya binitawan at nagmadaling kumuha ng isang basong tubig saka ibinigay sa kanya.

Para siyang batang naging sunod-sunuran sa gusto nitong mangyari kahit walang mga salitang namumutawi sa kanilang mga labi, tanging mga mata lang nila ang nag-uusap.

Hinila nito ang isang silya at tumabi sa kaniya sa pag-upo, tahimik na tumitig sa biglang naging mailap niyang mga mata.

Himala! Biglang nawala ang kaniyang pagkahilo. Hindi na rin niya maramdamang ginagalugad ang kaniyang t'yan dahilan para masuka siya.

Subalit hindi niya mapigilan ang bilis ng pintig ng kaniyang puso, para bang lagi siyang naghahabol ng hininga.

"Don't take any other drugs aside from those vitamins that I gave you. Understand?" mariing utos nito.

Walang anuman siyang tumango, ngunit sa isip ay patuloy pa ring naguguluhan.

Ngunit bigla siyang napaupo nang tuwid nang lamukusin nito ang mukha gamit ang kanang palad sabay pagalit na tumayo.

"Dammit...How long do you plan to keep it like this?" He muttered and angrily rushed to the door. He vanished in an instant, tulad nang kung paano ito biglang nakalapit sa kaniya.

Pero ang huling inusal nito ang lalong nakapagpagulo ng kaniyang utak at awang ang mga labing hinabol ito ng tingin.

Ano'ng ibig nitong sabihin?