Chereads / The Stolen Identity / Chapter 100 - Nanganganib Si Zigfred

Chapter 100 - Nanganganib Si Zigfred

"Ano?!" Pumailanlang sa buong silid ang matinis na boses ni Lovan matapos marinig ang sinabi ni Reign.

"You heard it right! Na-hack ang computer ko!" halos pasigaw na kompirma ng lalaki na labis niyang ikinagulat.

"Paano'ng na-hack? Sino ang gagawa niyon? Imposibleng alam agad nina Shavy ang tungkol sa'yo?" sunod-sunod niyang tanong, hindi pa rin makapaniwala sa narinig.

"Bullshit! This is Marcus' fault! I knew it was him!"

"Ha? Sino'ng Marcus?" maang niyang usisa.

"Loka ka talaga, Leila! Kung kelan naroon na sa climax ang pinapanood ko ay saka ka naman umeksena. Hindi mo muna pinatapos maghalikan sina Senyorito Zigfred at Senyorita Lovan!" Sa lakas ng boses ni Aida habang papasok sa loob ng kwarto nila, pati siya'y napatingin rito, tarantang pinatay agad ang tawag at inilagay sa ilalim ng sariling unan ang phone.

Nakita niyang hinampas ni Leila sa balikat ang kasama. "Bruha! Kung hindi kita kinalabit habang namboboso sa mga amo natin sa nakabukas na pinto ay baka nakita ka na ni Senyorita Lovan sa lakas ng hagikhik mo!" ganti namang pigil na hiyaw ni Leila sabay irap sa kausap.

Isinara muna ni Aida ang pinto ng silid bago kinikilig na tumili saka patakbong lumapit sa kanya, hinawakan siya sa braso.

"Cindal, may tsismis ako sa'yo!" tumitili pang wika sa kaniya.

"Alam mo ba'ng nakita ko sina Senyorita Lovan at Senyorito Zigfred na umiinom sa loob ng mini-library? Tapos lumapit si Senyorito kay Senyorita Lovan at nagyakapan sila!" tumitili pang kwento nito sa sobrang kilig.

Siya nama'y namula bigla ang magkabilang pisngi. Pakiwari niya, lahat yata ng buhok niya sa ulo ay nagtaasan. Pati dugo niya ay nagsimulang mag-init, ilang segundo na lang ay kukulo na, halata iyon sa bigla'y nagsalubong niyang mga kilay.

"Alas dyes na nang gabi ah. Bakit umiinom pa sila?" iritado niyang turan.

Isa na uling tili mula kay Aida. "Cindal, kung nakita mo lang gaano sila ka-sweet sa isa't isa! Napaka-romantic nila tingnan kanina habang magkayakap!"

Naikuyom niya ang mga kamao sa pagpipigil ng galit. Isipin pa lang na magkasama sa isang kwarto ang dalawa at naglalambingan, gusto na niyang manapak ng tao sa inis. Ano pa kaya kung higit pa sa sinabi ni Aida ang nangyari na sa dalawa? Lalaki si Zigfred. May pangangailangan ito bilang lalaki at dahil si Shavy ang nasa kanyang posisyon ay ang babae lang ang makapagbibigay niyon sa una.

Napalitan ng panlulumo ang inis kanina at tila binagsakan ng langit at lupa siyang napaupo sa gilid ng kama habang ang mga mata'y nakatingin sa kawalan.

"Cindal? Okey ka lang?" litong usisa ni Aida, nawala rin ang kilig na nararamdaman.

"O-oo. Inaantok na kasi ako, mauuna na akong matulog." Tipid siyang ngumiti at sinulyapan lang si Aida saka siya umakyat sa kama, walang anumang nahiga at nagtalukbong ng kumot.

Sa loob ng ilang araw hanggang kanina, si Zigfred lagi ang laman ng kaniyang isip. Ang ginawa nito noong isang gabi sa kusina. Puno ng katanungan ang kaniyang utak kung may alam ba ito sa totoo niyang pagkatao, na siya ang tunay na Lovan Claudio o talagang nagki-care lang ito sa kaniya bilang katulong nito. Minsan iniisip niyang kahit hindi siya nito kilala, puso mismo nito ang nagsasabing siya iyon, ang asawa nito at hindi ang impostor na Shavy na nagnakaw ng kanyang katauhan. Paano kung totoo siyang buntis? Paano kung alam pala nitong buntis siya kaya siya dinala sa ospital kasama nito at binigyan ng vitamins?

Subalit ang lahat ng agam-agam na iyon ay biglang naglaho dahil sa tsismis ni Aida. Umaasa lang siya sa mga bagay na imposibleng mangyari. Hindi siya ganoon kamahal ni Zigfred para maramdaman nitong siya si Lovan Claudio, ang totoo nitong asawa. Buntis man siya o hindi, walang kinalaman roon ang pagpunta nila sa ospital.

Heto nga, nagsi-celebrate pa ang dalawa sa library ng lalaki, patunay na naniniwala itong ang kasama nga ay siya. Hindi ba nga't nagalit pa ito kay Lenmark nang sabihin ng kaibigan na hindi siya ang kasama nitong babae?

Hindi niya napigilan ang pagkawala ng masaganang luha sa mga mata, sabay singhot.

Sa halos dalawang oras na naghahagikhikan ang dalawa habang nagkukwentuhan, siya nama'y walang tigil sa pagpatak ang mga luha. Kahit kailan seguro, hindi siya mananalo kay Shavy. Mula noon hanggang ngayon, matagumpay nito naaagaw mula sa kanya ang lahat ng mga mahal niya sa buhay pati ang pagmamahal ng mga ito sa kaniya.

----------

Sa sobrang tahimik ng paligid, kahit ang tik-tak ng orasan sa taas ng kaniyang bed ay hindi nakaligtas sa kaniyang pandinig at bilang ng kaniyang gising na diwa ang bawat segundong lumilipas. Hanggang sa hindi na niya matiis at napilitang bumangon upang uminom ng gatas, baka sakaling makatulong upang makatulog na siya.

Pagkalabas sa kwarto, hindi niya napigilang mapatingin sa nakasarang pinto ng silid nina Zigfred at Shavy. Inihilig niya ang ulo nang may kung ano'ng pumasok na lang bigla sa kaniyang isip.

Binilisan niya ang pagtitimpla ng gatas at mabilis ring nakalabas sa kusina, walang lingon-likong papasok na sana sa kwarto nila nang marinig ang malutong na halakhak ni Shavy.

Napahinto siya sa paglalakad at taas ang kilay na bumaling sa pinanggalingan ng boses nito. Noon lang niya napansing nakaawang pala ang pinto ng silid ng dalawa.

Hawak ang isang basong gatas, ingat siyang lumapit sa may pinto.

"Yes, Mommy. Ganyan kagaling ang anak mo. Walang kahirap-hirap kong napapirma ng blank document si Zigfred." Sinabayan nito ng isa pang malutong na halakhak ang sinabi.

Kunut-noo siyang napatigil sa paghakbang at litong inilapit ang tenga sa dahon ng nakabukas na pinto ng silid. Ano'ng ibig sabihin ng babae?

"Well, pinainom ko lang maman siya ng druga upang makontrol ko ang utak niya at mapapirma ng blank document. At magigising na lamang siya bukas na wala na ang pinakamamahal na kompanya ng kaniyang pamilya at nasa pangalan na ni Daddy!"

Halos tumigil sa pagpintig ang kaniyang puso sa narinig, kasabay ng panlalaki ng kaniyang mga mata. Kung meron lang lamok sa paligid, baka napasukan na ang bibig niya sa laki ng awang niyon. Ilang beses niyang ini-rewind sa utak ang sinabi ni Shavy bago niya na-realize na nanganganib si Zigfred lalo na ang kompanya. Subalit, mas nakakalungkot isiping wala siyang magawa kundi ang pakinggan lang ang mga halakhak nito. Kung papasok siya at ibubulgar ang ginawa nito, baka lalo silang mapahamak ni Zigfred.

Sandaling katahimikan...

Pinakinggan niyang mabuti ang bawat galaw ng babae sa loob ng kwarto, kung lalapit ba ito at isasara ang pinto, pero hindi. Marahil ay hindi nito alam na nakabukas iyon.

Ilang minuto siyang nakatayo sa may pinto, pinag-iisipan kung ano ang sunod na gagawin.

Subalit muntik na siyang mapasigaw sa pagkagulat nang bigla na lang humiyaw ang babae malapit sa kaniyang kinatatayuan. Mabuti na lang at naitakip niya agad ang palad sa sariling bibig.

"What?! You've been tracked down by the NBI because of that FBI agent?!"

'FBI? NBI?' pag-uulit ng isip niya sa narinig. Kung tama ang narinig niya, malapit nang mahuli ang pamilya ni Shavy sa laki ng kreming ginawa nito sa kaniyang pamilya at ngayo'y sa kompanya nina Zigfred. Pero sino ang FBI agent na tinutukoy nito?

"Yes, I'll be there. Saka na tayo mag-usap kapag nand'yan na ako, Daddy," anang babae.

Kumaripas siya ng takbo pabalik sa kanilang kwarto pagkarinig niya sa huli nitong sinabi, pero ingat pa ring hindi makagawa ng ingay.