Sa kabila ng hindi magandang nangyari, hindi pa rin naiwasan ni Lovan na humarap kina Shavy at Zigfred upang magpaalam na itutuloy ang kanyang dayoff.
Pagkakita lang ni Shavy sa kanya sa sala, isang matalim na titig agad ang isinalubong nito.
Pero hindi nito sinulyapan man lang ang dalawa pa niyang kasamang nagpakatayo sa kanyang tabi.
"B-bumalik lang po ako k-kasi naiwan ko po ang w-wallet ko sa ilalim ng u-unan ko. P-pero aalis din po uli ako. B-bukas na po ako b-babalik," pautal niyang paalam.
Tila maamong tutang sumulyap siya sa dalawa ngunit nang makita ang mariing titig ni Zigfred na tila nanunuri ay agad siyang nagbaba ng tingin.
Hanggang ngayon, hindi pa rin mawala ang kanyang kaba sa tuwing nagtatama ang kanilang paningin. Pakiramdam niya, alam ng lalaki ang bawat galaw niya sa loob ng bahay. Paano? Bakit? Naghihinala ba ito sa kanya na isa siyang masamanng tao? O naghihinala na---
"Napagkasunduan namin ng asawa ko na kalimutan ang insidente kanina at isiping walang nangyari," taas-noong saad ni Shavy, sabay abrasete at hilig sa balikat ng lalaki. Ramdam man sa boses ng una ang pagkairita sa kanya, pinili nitong maging mahinahon sa harap ni Zigfred.
Napangiwi siya nang maramdaman ang tila karayum na tumusok sa kanyang dibdib.
'Asawa'
Sa lahat ng sinabi nito, parang iyon lang ang tumatak sa utak niya. Feel na feel nito ang salitang iyon na kung tutuusin ay siya dapat ang sumasambit.
Nakayuko pa rin siyang tumango, hindi na nag-angat ng mukha hanggang sa makalabas ng bahay ang dalawa.
-----------
"Why? What's wrong?"
Pukaw ni Reign kay Lovan nang mapansing tahimik lang siyang nakaupo sa back seat at panay ang sulyap sa labas ng kotse. Simula nang malaman nitong takot siyang sumakay sa kotse ay napilitan itong bumili ng convertible car, pwedeng mabuksan ang mga bintana at dingding upang kahit nasa loob siya'y para lang siyang nakasakay sa motor.
Ilang araw niyang pinilit kampantehin ang sarili habang nakasakay roon, pero heto't nakakaramdam pa rin siya ng kunting takot. Ayaw niya lang ipahalata sa pinsan, nakakahiya naman kung lagi na lang siya ang aalalahanin nito lalo na't alam niyang hindi rin ito sanay magmaneho ng motor.
"N-naisip ko lang si papa. Kung ano ang ginawa sa kanya ni Shavy nang magkausap sila noong nakaraang araw lang," nabubulol niyang sagot, pilit iwinaksi sa isip ang takot at nagkasyang yakapin na lang ang sarili.
"Malayo pa ba tayo?" ukilkil niya nang mapansing halos tatlumpong minuto na silang nasa main road at nagbibiyahe pero hindi pa rin nito inihihinto ang sasakyan.
"Don't worry. Malapit na tayo sa subdivision," kaswal na sagot ng lalaki habang nakatuon ang atensyon sa daan, pasulyap-sulyap lang sa kanya sa rear-view mirror.
Inayos niya ang pagkakatakip ng makapal na coat sa kanyang katawan nang maramdaman ang malamig na simoy ng hangin, saka pinagmasdan ang daang tinatahak nila. Puno ng mga nagtataasang punung-kahoy ang gilid ng kalsada, kaya pala malamig sa bandang iyon.
Pagkaraan ng sampu pang minuto, sa wakas ay huminto na rin ang sasakyan ni Reign sa harap ng isang maluwang na gate. Nasa kotse pa lang siya'y nakikita na niya ang mangilan-ngilang sasakyang naghahanap ng mapa-parking-an.
Inalalayan siya agad ni Reign pagkalabas lang niya sa kotse. Patingin-tingin siya sa mga mukha ng panauhin habang magka-abrasete silang naglalakad papasok sa loob ng malaking bahay na sa luwang ng bulwagan ay kasya yata ang ang trentang mahahabang bus. Nalula din siya sa taas ng limang palapag na bahay at ang una niyang napansin ay ang dalawang magkatabing elevator.
"Kanino bahay 'to? Ang yaman naman ata ng colleague mo." Hindi niya naiwasang mag-komento.
Makahulugang ngiti ang pinakawalan ni Reign nang bumaling sa kanya ngunit hindi siya sinagot.
"Lenmark! I'm here!"
Nasa gitna na sila ng bulwagan nang marinig ang malakas na tawag na 'yon sa kanilang likuran. Awtomatiko siyang napalingon sa pinagmulan ng boses at nagulat nang masilayan si Aeon na ngayon lang niya nakitang nagsuot ng simpleng strapless cocktail dress. Knee-length iyon, binagayan lang ng kulay puting Cinderella shoes at kulay puti ring pouch, Chanel ang tatak. Sa kabila ng kasimplehan ay lantad pa rin ang kagandahan nito.
Kunut-noong bumaling siya kay Reign, nagtatanong ang mga mata, pagkuwa'y kay Lenmark na alanganin ang ngiting lumapit sa tumawag ngunit nang mapadaan sa kanila ay tila takang napatitig sa kanya.
Iniiwas niya agad ang tingin, eksakto namang tinapik-tapik ni Reign ang kamay niyang nakahawak sa braso nito, sabay ngiti sa kanya at dahan-dahang inilapit ang bibig sa kanyang tenga.
"Just a bit of reminder. You're now Cindal Malate. Nobody must recognize you even the slightest thread of your past," paalala nito. Pagkasabi'y marahang ginulo ang nakalugay niyang buhok, saka kumindat sa kanya.
Namula bigla ang kanyang pisngi sa pagkapahiya. Tama ito. Iba na ang katauhan niya ngayon. Dapat lang na kumilos siya bilang si Cindal Malate na walang kilala kahit na sino sa mga naroon.
"Hello, Reign!"
Kapwa sila napaharap sa tumawag sa pinsan.
"Hi, Shawn! Long time no see. How are you?" Tila nagulat pa si Reign pagkakita sa lalaki ngunit nang makabawi'y nakipag-shake hands sa huli.
Siya nama'y mataman lang nakinig sa dalawa ngunit 'di niya maiwasang sipatin ang kaibigan ng pinsan. Para kasing pamilyar ang mukha nito sa kanya. Ngunit segurado siyang ngayon lang niya ito nakita.
"By the way, this is my woman, Cindal Malate," pakilala ng pinsan sa kanya.
"Cindal, this is Shawn, my colleague's brother."
Hindi siya nagpahalatang naasiwa si pakilala nito, tipid lang ang ngiting pinakawalan niya sabay lahad ng kamay sa estrangherong lalaki ngunit 'di inaalis ang isang kamay sa pagkaka-abrasete kay Reign.
"Kelan ang kasal? She's a good catch, huh?" pilyong saad ng lalaki sabay sulyap sa kanya, pagkuwa'y kumindat kay Reign.
Ang lakas ng tawang pinakawalan ng pinsan. Nakisabay din ang lalaki.
Siya nama'y ramdam ang pamumula ng pisngi. Nakakailang ma'y kailangan pa rin niyang ngumiti ngunit nang maramdamang naa-out of place siya sa usapan ng dalawa ay nagpaalam siyang pupunta sa CR. Itinuro naman ng kaibigan ni Reign ang daanan papunta roon.
Habang naglalakad, patingin-tingin siya sa paligid. Maliban kina Aeon at Lenmark ay wala na siyang nakitang pamilyar na mukha roon pero alam niyang lahat ng mga panauhin ay nasa alta-sosyedad.
"Lara!"
Paliko na siya sa pasilyo ng bahay nang marinig ang mahinang boses na 'yon. Hindi niya pinansin at nagtuluy-tuloy sa paglalakad papunta sa inituro ni Shawn na kinaroroonan ng CR. Subalit noong papasok na siya sa comfort room ay bigla na lang siyang napahiyaw nang may sumunggab sa kanya at hinawakan ang kanyang braso.
"Lara! It's really you!" Kumpirma ng ginoong humawak sa kanya, nanlalaki pa ang mga mata habang nakatitig sa kanya, 'di malaman kung matatawa o iiyak sa sobrang tuwa.
Kinilabutan siya bigla sa takot at mabilis na pumiglas nang makabawi sa pagkagulat.
"Sorry, Sir. Pero hindi ako si Lara." Pilit niyang pinatigas ang boses upang takpan ang kabang nararamdaman.
Tila walang narinig, tatangkain na uli nitong hawakan ang braso niya nang may matikas na katawang pumagitna sa kanila.
"Miss, you dropped your phone."
"Ha?" Taka siyang napatingin sa dala niyang sling bag, napansin niyang bukas nga iyon.
"Ayy, oo nga. Salamat, Mister---"
Subalit hindi lang basta nanindig ang kanyang balahibo sa nakitang mukha ng nag-aabot ng kanyang phone, pati yata buhok niya sa ulo ay nagsitindig din kasabay ng panlalaki ng kanyang mga mata.
'Zigfred?!' Hiyaw ng kanyang isip.