Kulang ang salitang pagkalito at pagkagulat sa ekspresyong nakarehestro sa kanyang mukha habang wala sa sariling tinitigan si Zigfred na normal lang na nakatingin sa kanya, ni walang palatandaang mababanaag sa mukha na kilala siya nito.
Sa samo't saring katanungan sa isip, wala man lang bumukas na salita sa kanyang bibig matapos masino ang taong kaharap.
Bakit ito naroon? Of all places...of all people in that house, bakit ito ang kaharap niya ngayon? Kelan ito nagpunta roon? Bakit ngayon lang niya ito nakita? At bakit tila sinadya nitong pumagitna sa kanila nang mapansing hina-harass siya ng estrangherong ginoo? Pero kahit iluwa niya ang mga mata kakatitig dito, bakit wala siyang makitang palatandaan na kilala siya nito? Ni hindi makilalang siya ang katulong nito sa suite, nawalan lang siya ng pangil sa bibig?
"Here." Idinuldol sa kanya ang phone na kung paanong nalaglag at napulot nito ay hindi niya alam.
"Hi, Sir! Do I know you? You look familiar," usisa nito sa ginoong nakatayo pa rin at nakadungaw sa kanya.
Siya nama'y nagmadaling pumasok sa CR nang tuluyang makabawi pagkatapos na kunin kay Zigfred ang phone.
"No, it's my first time seeing you. You are--?" Dinig niyang turan ng ginoo.
Binagalan niya ang paglalakad at pinakinggan ang sasabihin ni Zigfred.
"I'm Zigfred Arunzado, one of the celebrant's guest. And you are--?" sagot nito.
"I'm also one of the guest here. Just call me, Simon," anang ginoo.
Katahimikan...
Nang wala na siyang marinig mula sa labas ay saka lang siya pumasok sa cubicle hanggang sa maramdaman niyang madami na ang nakapila sa labas upang gumamit ng CR.
Hanggang ngayon, hindi pa rin mawala sa kanyang isip kung paanong nalaglag ang kanyang phone at kung paanong bigla na lang pumagitna si Zigfred sa kanila ng ginoo. Huwag sabihing, sinusundan siya nito?
Inihilig niya ang ulo at itinapat ang dalawang kamay sa gripo ng lababo na kusang bumukas at tumulo ang tubig mula roon.
Imposible 'yon! Hindi siya kilala ni Zigfred. Hindi siya nakilalang siya rin ang katulong sa suite nito.
'Lara!'
Si Zigfred ang laman ng isip niya ngunit pilit ninanakaw ng boses na 'yon ang kanyang atensyon. Lutang ang isip niya habang itinatapat ang kamay sa hand dryer na nakadikit sa dingding malapit sa lababo.
"Lara?" bigla ay usal niya, saka lang tila natauhan at kunut-noong nag-isip.
Lara...Lara...
Iyon din ang pangalan ng kanyang mommy.
Sumasal na uli ang tibok ng kanyang dibdib, mas malakas at mas mabilis ngayon, sabay balik sa lababo at pinagmasdang mabuti ang mukha, tuloy ay sinipat ang suot na one shoulder chiffon dress, binili ni Reign kanina bago sila magpunta rito. Kulay peach iyon, lantad ang kanyang kaliwang balikat habang ang kanang balikat ay dinisenyuhan ng long flutter sleeve, eksaktong tumakip sa pasa niya kanina nang ibalibag ni Shavy sa closet nito. Floor-length iyon at nilagyan ng tullep hem design sa kaliwang hita, dahilan upang malantad ang makinis at maputing parte ng kanyang katawan.
Umakyat ang kanyang mga tingin sa sariling mukha sabay sulyap sa kanyang nakasukbit na sling bag, peach din ang kulay niyon.
Marami ba siyang kamukha para mapagkamalang isa sa mga ito? Umiling siya. Kathang-isip ni Reign ang mukhang ito. Imposibleng may kamukha siya.
Wala sa sariling muli siyang yumuko at naghugas ng kamay.
Bigla ay nag-flash back sa kanya ang nangyari sa Sorsogon kasama niya ang ina.
'Lara!'
Natameme siya, awang ang mga labing napabaling sa malapad na salamin, tinitigan ang sarili ngunit wala naman roon ang isip.
Iyon din ang paraan ng pagtawag ng lalaking muntik nang makasagasa sa kanila ng kanyang mommy noong bata pa siya. Iyon ang huling araw na nakasama niya ang sariling ina. Hanggang ngayon, ramdam pa rin niya kung paanong nanginig ang kamay ng huli habang mahigpig na nakahawak sa kanya.
Nanlalaki ang mga matang napatingin siya sa may pinto ng CR. Huwag sabihing, napagkamalan siya ng ginoo na ang sarili niyang mommy? Ang boses na iyon kanina, kahit medyo naging mature na, pero segurado siyang iyon ang boses na narinig niya bago isinugod sa ospital ang kanyang mommy at namatay.
Nagulat lahat ng mga nasa loob ng rest room pagkakita sa kanyang kumaripas ng takbo palabas doon deretso sa nag-uumpukang mga bisita sa bulwagan ng bahay, nagbabakasakaling makita uli ang ginoong iyon na sa tantiya niya ay nasa mid 50's na ang edad.
Ano'ng koneksyon nito sa kanyang ina? Bakit bigla na lang isinugod sa ospital ang huli pagkatapos itong makita at doon na namatay?
Sino ang taong 'yon? Bakit hula niya'y takot ang ina niya rito?
Nakaramdam siya ng pagkahilo matapos ang sampung minutong paikot-ikot sa loob ng bulwagan ngunit hindi pa rin niya mahanap ang estrangherong ginoo. Kaya napilitan siyang huminto sa paglalakad at nasapo ang noo.
Kinampante niya ang sarili. Hindi siya pwedeng mawalan ng pag-asa. Ramdam niyang may kinalaman ang lalaking iyon sa pagkamatay ng ina niya. Paano kung may koneksyon pala ito sa ina ni Shavy? Paano kung may kinalaman pala ito sa nangyayari sa kanila ngayon?
Kailangan niya itong mahanap.
Umayos siya ng tindig at huminga nang malalim saka lumunok ng dalawang beses hanggang maramdaman niyang gumaan ang kanyang pakiramdam.
Pumailanlang sa buong paligid ang lumang awitin ng The Carpenters, ang 'Yesterday's Once More'. Lalo lang tila napuno ng tao ang bulwagan, mas nahirapan siyang hanapin ang ginoo lalo na nang muli siyang makaramdam ng pagkahilo.