Chereads / The Stolen Identity / Chapter 86 - Ang Bagong Katauhan

Chapter 86 - Ang Bagong Katauhan

'Tama na!' Ahhh!' Tama na! ' paulit-ulit na hiyaw ng isip ni Lovan, subalit hanggang doon na lang umabot ang pagmamakaawa niya. Sa bawat daanan ng matalim na kutsilyo sa kanyang mukha, kulang ang salitang mahapdi at masakit upang ilarawan ang kanyang nararamdaman. Sa nanlalabo niyang paningin, dinig na dinig niya ang lagutok ng balat na hinihiwa nito habang umaagos papunta sa kanyang bibig ang sariwang dugo mula sa mga sugat.

"Sige pa, anak. Hiwain mo pa ang kanyang mukha nang walang kahit na sinong makakilala sa kanyang bangkay," sulsol ng kanyang madrasta sa sarili nitong anak, sa halip na marindi sa ginagawa ng huli ay tuwang tuwa pa.

Isang malutong na halakhak ang pinakawalan ni Shavy.

"Ayan, Mommy. Hindi na siya makikilala pa ni Zigfred kahit mabuhay pa siya...'yon ay kung mabubuhay siya sa tama ng bala sa kanyang katawan," anang babaeng para lang naglalaro habang bumubulusok mula sa bawat daaanan ng kutsilyo ang sariwang dugo mula sa kanyang mukha.

Pagkuwa'y sabay na naghalakhakan ang dalawa.

"Tama na! Ahhhh! Tama na!"

Heto na naman siya, ilang beses nang napabalikwas ng bangon at panay ang sigaw dahil sa isang malagim na bangungot na ayaw lumayo sa kanya.

"Doktor! Doktor!" natatarantang tawag ni Yaya Greta sa doktor pagkatapos siyang saklolohan at yakapin nang mahigpit.

"Mommy! Mommy!" parang bata niyang paghihiyaw dahil sa pagkagimbal. Half asleep, half awake, she wrapped her hands around her Yaya's body and buried her face on the latter's chest.

Hindi niya kontrolado ang panginginig ng sariling katawan dahil sa traumang natamo sa ginawa sa kanya ng mag-ina bago siya itapon sa dagat idagdag pa ang nangyari sa kanya mahigit sampung taon na ang nakararaan.

Humahagulhol na rin si Yaya Greta sa sobrang pag-aalala na halos wala nang tulog mabantayan lang siya.

Sa wakas ay dumating ang doktor na mahigit nang isang linggong nakabantay din sa kanya. Agad nitong itinusok sa hose ng IV fluid ang laman ng maliit na syringe na hawak.

Saka lang siya tila nahimasmasan at nanghihinang bumalik sa pagkakahiga sa kama.

May kung ano na namang malakas na pwersang humihila sa kanya pabalik sa kadiliman. Ayaw man niyang muling dumalaw roon, wala siyang lakas para labanan iyon.

-----------------

After two weeks...

"Senyorita Lovan, magtatakipsilim na. Mamayang gabi, tatanggalin na ni Doc. Reign ang bendahe mo sa mukha," pukaw ni Yaya Greta nang ilang oras na sila sa dalampasigan ay nanatili pa rin siyang tahimik na nakatanaw sa maalong dagat habang nakaupo sa wheelchair. Mula nang magising siya tatlong araw na ang nakararaan ay dito na siya nagpapahatid kay Yaya Greta at tahimik na pinagmamasdan ang bawat salpukan ng alon at mga bato sa baybayin subalit sa isip ay pinagpaplanuhan na ang gagawin sa mga taong pumatay at nagnakaw sa kanyang pagkatao.

Gaganti siya! Isinusumpa niyang sa muling paglitaw niya'y magbabayad ng triple ang mga taong gumawa sa kanya ng lahat ng kasamaan, maging sa kanyang mga magulang.

Isang buntonghininga ang kanyang pinakawalan bago inutusan ang yaya na dalhin na siya sa loob ng bahay na sa loob ng ilang linggo ay naging tahimik niyang tirahan, malayong isla sa bayan ng Magallanes, Sorsogon. Lihim iyong pag-aari ng kanyang mama na tanging ang mga magulang at ang yaya niya lang ang nakakaalam. Nang iligtas siya ng huli mula sa tuluyang pagkalunod matapos itapon ng mag-inang Alexandra at Shavy sa dagat ay dito na siya nito dinala kasama ng isang mapagkakatiwalaang bangkero at isang estrangherong doktor na ang sabi nito'y pinadala ng kaniyang papa mula sa Russia.

Pagkapasok lang sa loob ng kwarto'y inutusan na niya ang doktor na tanggalin ang kanyang bendahe sa mukha.

"From today onwards, you'll have your new identity. You're not a Claudio anymore. Are you ready for this?" pakaswal ngunit seryosong usisa ng doktor nang humarap sa kanya.

Bahagya siyang tumingala rito, pinagmasdan ang palagi na'y nakangiti nitong mga mata at voluptuous lips na mas maganda pa ata sa kanya.

Ito ang plano ng kanyang ama, ito rin ang kanyang gusto. Ihahanda na niya ang sarili. Simula ngayon, hindi na siya si Lovan Claudio.

Tumango siya saba'y pikit upang ihanda ang sarili. Subalit umagaw ng eksena ang dalawang butil ng luhang nagsipatak sa kanyang mga mata. Ipinapangako niyang ngayon na lang ang huling patak ng mga iyon.

Marahan niya uling idinilat ang mga mata pagkatapos na matanggal ang bendahe sa buong mukha.

"Wow, ang ganda mo na uli!" palatak ni Yaya Greta nang tumambad ang panibagong mukha sa paningin nito.

Nag-aalangan pa siyang tumingin sa whole body mirror sa kanyang harapan. Paano kung hindi niya magustuhan ang bagong mukha?

Huminga siya nang malalim upang payapain ang sarili. Higit na mahalaga ngayon ang goal niya kung bakit siya pumayag na baguhin ang buong pagkatao.

Kasinlamig pa sa yelo ang mukha nang tumingin siya sa salamin, pinagmasdang maiigi ang bawat anggulo ng panibagong personalidad.

Napangiti siya sa napagmasdan. Her new heart-shaped face was perfectly made, her bow-shaped lips were seductive and alluring and well matched with her upturned honey brown eyes and long and dark brown eye lashes. Ang ilong niyang katamtaman lang ang taas ay bumagay din sa kabuuan ng kanyang mukha. Hanggang balikat na lang ang bob cut niyang buhok at kinulayan ng mocha brown.

Nagsimulang magtagis ang kanyang mga ngipin at naningkit ang mga matang handa nang tumikim ng paghihiganti. Hindi siya papayag na mabalewala ang lahat ng sakripisyo nilang mag-ama. Malapit nang lasapin ng mag-ina ang pait ng kanyang paghihiganti.

Subalit ano't pumagitna sa kanyang balintataw ang mukha ng lalaking sa mahabang panahon ay ikinubli niya ang pangalan sa kaibuturan ng kanyang puso.

Kumabog bigla ang kanyang dibdib.

'Ziggy...' usal ng kanyang utak.

Kasama ba sa paghihigantihan niya ang lalaki? Sa anong dahilan? Dahil hindi siya nito hinanap sa loob ng sampung taon? At nang makita siya'y pinahirapan siya nito at ipinahiya sa ibang tao?

Ipinilig niya ang ulo, lumukob ang lungkot sa kanyang mukha.

'I'll just cross the bridge when I get there,' sagot niya sa sariling tanong.

"Gusto kong magpunta sa Sorsogon, bukas nang umaga," maya-maya'y untag niya sa dalawang natahimik bigla at nagkatinginan.

"Pero, Senyorita Lo--" sabad ni Yaya Greta.

"Cindal Malate," pagtatama niya sa yaya sa malamig na boses. "Mula ngayon, ako na si Cindal Malate."

Napalunok ang katulong, "C--indal. Hindi pa masyadong magaling ang balikat mo," paalala nito ngunit isang matalim na sulyap ang kanyang ipinukol dahilan upang agad itong matahimik at napayuko.

Si Doctor Reign na ang nagpresentang sumama sa kanya papuntang Sorsogon. Tanghali pa lang ay inililibot na siya ng doktor sa buong palengke kung saan ay madalas niyang puntahan noon kasama ang ina.

"You really missed Tita that much, huh?" pansin ng doktor pagkatapos niyang magpahinto sa harap ng luma nang grocery store na noong dalagita pa siya'y pinakamataong tindahan sa buong bayan ng Sorsogon.

Hindi siya umimik, sinuyod lang ng tingin ang buong paligid. Ni hindi niya pinansin ang paraan ng pagtawag ng kasama sa kanyang mama.

Dito madalas mamili ang ina noon. Sa mismong harap din niyon ito muntik nang mabundol ng sasakyan habang siya'y nasa likuran nito. Iyon din ang araw nang bigla itong nagkasakit at naospital. Pagkatapos ng tatlong araw ay namatay ito sa ospital.

Napahigpit ang kapit niya sa armrest ng wheelchair habang binabalikan sa alaala ang lahat. Ano ba'ng nangyari ng araw na 'yon? Bakit bigla na lang ay nagkasakit ang kanyang mama?

Pumikit siya at pilit binalikan sa alaala ang detalyadong nangyari saka muling nagdilat ng mga mata nang bigla ay may tumili sa gitna ng kalsada.

Gano'n din ang naging tili niya noon, matinis... nakabibingi...sa pag-aakalang mabubundol nga ang mama niya.

Wala sa sariling tinanaw niya ang batang tumili sa gitna ng kalsada nang muntik nang masagasaan ng isang kotse. May nakabandana nang babaeng lumapit dito't hinawakan ito sa kamay saka iginiya pabalik sa gilid ng kalsada.

Muli siyang pumikit, binalikan na naman sa isip ang nangyari sa kanilang mag-ina. Meron ding lumapit na babae noon, nakabandana rin at hinawakan siya sa kamay dahil akala'y siya ang muntik nang masagasaan ngunit tinapik iyon ng kanyang ina.

"Ako na po, salamat," naalala niyang wika ng kanyang mama noon sa babae saka siya hinila pabalik sa harap ng grocery.

"Lara!" narinig niyang tawag ng isang lalaki sa loob ng sasakyang muntik nang makasagasa sa kanila.

Naalala niyang nanginig ang kamay ng mama niya pagkarinig sa boses na 'yon at biglang humigpit ang kapit sa kanyang kamay kaya napatingala siya rito.

Sino 'yon? Bakit gano'n ang naging reaksyon ng kanyang mama?

"Lovan!"

Naging tila tambol ang kabog ng kanyang dibdib pagkarinig sa pamilyar na boses na 'yon kasabay ng pagdilat ng kanyang mga mata.

'Lenmark!?' sigaw ng kanyang utak, gulat na tinanaw ang binatang nakatayo sa 'di kalayuan sa kanya habang nakatitig sa babaeng nakabandana, dalawang metro ang layo sa kanila ni Reign, nakahawak sa batang muntik nang masagasaan kanina.

Umalingawngaw sa buong paligid ang dumadagundong na kulog mula sa kalangitan, kasabay niyon ang pag-ihip ng malakas na hangin dahilan upang matanggal ang bandanang nakatakip sa mukha ng babae.

"Cindal, shall we go?" pukaw ni Reign nang mahalatang kanina pa siya tahimik.

Nakaramdam siya ng lungkot nang makita ang mukha ng babaeng kahawig sa kanyang mukha noon. Kaya pala ito napagkamalan ni Lenmark na siya.

"Okay, let's go," aniya't kusa nang hinawakan ang gulong ng wheelchair makalayo lang sa lugar na 'yon.

Ayaw niyang aminin sa sariling nasaktan siya sa nakita. Bestfriend niya si Lenmark pero hindi man lang siya nito nakilala.

Sinaway niya ang sarili. Dapat siyang matuwa dahil hindi siya nito nakilala. Ibig sabihin, iba na nga ang kanyang katauhan, na kahit sino pa'ng pamilyar na mukha ang makasalamuha niya at makaharap, hindi na siya mapagkakamalang si Lovan Claudio. Magiging madali sa kanya ang paglapit sa mag-inang Alexandra at Shavy.

Pero iba ang nararamdaman niya ngayon. Sa gilid ng kanyang mga mata, kita niya kung paanong takbuhin ni Lenmark ang babae at yakapin.

"Get me out of here," matigas niyang utos kay Reign nang mapansing mahina lang ang pagtulak nito sa kinauupuan niyang wheelchair.

"Tulip..."

Kasabay ng panlalaki ng mga mata ay ang pagputla ng kanyang buong mukha.

Awang ang bibig na humigpit ang kapit niya sa armrest ng wheelchair pagkakita sa pamilyar na bulto ng lalaki sa kanyang harapan.

Halos tumalon ang kanyang puso sa kaba habang unti-unting nag-aangat ng mukha upang tingalain ang lalaking amoy pa lang ng gamit na pabango ay kilalang-kilala na niya.

Paano? Paano siya nitong nakilala?

Walang paalam na pumatak ang rumaragasang ulan. Wala ring paalam na lumuhod ang lalaki sa kanyang harapan.

Lalong humigpit ang hawak niya sa armrest ngunit pingsikapang huwag ipakita ditong apektado siya, na may nangyayaring hindi maganda sa kanyang katawan, na humahapdi ang tinamaan ng bala sa kanyang balikat...higit sa lahat... na sobra ang kanyang pagpipigil na huwag itong yakapin nang mahigpit.

Kung paano siya nitong nakilala, wala siyang ideya.