"Woww! You look bewitching, Lovan!" papuri ng ina ni Zigfred kay Lovan Claudio pagkakita lang sa kanya suot ang damit na iniregalo ng anak, kinuha pa niya sa mismomg suite ng lalaki, kaya pala pinapunta siya nito roon kanina.
Isa iyong gold halter neck high-low coctail dress, hanggang binti ang haba at gawa sa sequin, may mahabang slit sa gilid mula hita pababa dahilan upang malantad ang makinis at maputi niyang balat.
Hindi siya makapaniwalang alam na nito kung ano ang kanyang sukat at mga gusto niyang damit. Talaga ngang mahal na siya ng asawa.
Isang matinis na hagikhik ang kaniyang pinakawalan at abot-tenga ang ngiting niyakap ang byenang babae. Sa wakas, napasakanya na nang tuluyan ang anak nitong sinuyo niya at pinagtyagaan nang mahigit sampung taon. Mapapaikot na niya sa mga kamay ang pamilya nito at makukuha ang yaman ng mga Arunzado na matagal na nilang plano ng kaniyang mommy.
Matapos makipagbeso-beso sa ginang ay taas-noo pa siyang umikot sa harapan nito habang sumusunod sa kanyang galaw ang night gown na suot, binagayan niya ng gold chandelier earrings at ng kwintas na regalo ng kaharap.
Maya-maya'y niyaya na siya ng ginang sa rooftop upang makihalubilo sa mga bisita lalo na ang bukambibig nitong CEO ng subsidiary company sa Dubai.
Isang magarbong celebration ang kanilang nabungaran, mula sa mamahaling utensils na gamit, designs ng bawat lamesa sa paligid, talagang pinaghandaang maigi ang lahat. Sa mahigit sampung taong pagiging si Lovan Claudio, isa ang party na ito sa masasabing pinakamagarbong nadaluhan niya. Sadyang mayaman ang mga Arunzado para gumastos ng milyong pera para lang sa welcome party ng isang CEO sa hamak na subsidiary company lamang.
"Lovan!" Sa lakas ng malanyos na musikang pumapailanlang sa buong rooftop ay ano't nangibabaw pa rin ang matinis na boses na 'yon. Pero hindi niya 'yon pinansin lalo't 'di niya kilala ang boses nito.
"Halika, iha. Ipapakilala kita sa mga stockholder ng kompanya," yaya ng byenan.
Ngunit hindi pa man sila nakakalapit sa mga pakay ay sumalubong na ang isang babaeng ewan kung saang lupalop ng mundo nanggaling.
Napangiwi siya nang makita ang suot nitong bulaklaking dress, parang daster lang na binili sa ukay-ukay. At ang make-up nito, halatang mumurahin lang, ang lagkit tingnan.
Nagulat siya nang tapikin siya nito sa braso, parang magka-level lang sila.
"Don't touch me! Eww!" hindi niya mapigilang marindi sa babae, bagay na napansin agad ng byenan.
Napanganga ang pobreng babae sa naging reaksyon niya. Mabilis siyang kumapit sa braso ng kasama, pinalamlam pa ang mga mata at tila agrabyadong biktima sa ginawa ng estrangherang babae.
"Momshie, I'm sorry but she's a total stranger to me," sumbong niya rito.
Nagsalubong naman agad ang kilay ng ina ni Zigfred at bumaling sa empleyado.
"Behave yourself! Hindi porke't empleyado ka rito'y pwede mo nang lapitan at kausapin ang lahat ng narito!" singhal nito sa lumapit.
Biglang namutla ang magkabilang pisngi ng empleyado, mangiyak-ngiyak na humingi ng sorry sa kanila at patakbong lumayo.
Nagpatuloy sila sa paglalakad na parang walang nangyari hanggang sa salubungin sila ni Avril na tulad niya'y hindi rin patatalo ang suot na one shoulder fitted evening gown, kulay lavender, at may slit din sa gilid niyon tulad ng sa kanya. She rolled her eyes in total dismay. Hanggang ngayon ba naman, gaya-gaya pa rin ang feeling rich na 'to eh bastardang anak lang naman ng kapatid ng kanyang byenan.
"Tita, pwede ko bang mahiram saglit ang bestfriend ko?" matapos makipag-beso-beso sa kanila ay malambing nitong pakiusap sa tiyahin.
Rinding-rindi siya habang pinapasadahan ng tingin ang katawan nitong oo nga't sexy pero alam niyang plastic lang ang matambok nitong pwet.
Nang makaalis na ang ginang ay saka siya nito hinarap.
"Long time no see, my whore bestfriend," bati nito sa nang-uuyam na tinig ngunit kasintamis ng honey ang ngiti.
Isang nakakaadik ding ngiti ang kanyang iginanti upang hindi sila mapansin ng mga bisita sa palibot.
"Hello, Miss laspag. Buti naman napaayos mo pa 'yang boobs mong nilaspag na ng boyfriend mong shrek," ganti niyang tuya rito, lalo pang nilaparan ang ngiti na pati mga mata'y sumasabay din sa pang-uuyam niya.
Awtomatikong umasim ang mukha nito, tumikom ang bibig sa inis.
"Stop acting like you're a smart bitch," Sa wakas ay lumabas ang totoo nitong kulay at ipinakita ang galit sa kanya.
Tumawa siya nang mapakla sabay lapit ng bibig sa tenga nito habang hindi inaalis ang nakakapikong ngiti sa mga labi.
"Don't worry, gold-digger. I have my own ways of hiding my claws. Unlike yours, nakalabas agad ang pangil sa madla. Paano kang magugustuhan ng uto-uto mong boyfriend?" Sinabayan pa niya nang mahinang tawa ang sinabi at lalayo na sana pero hinawakan nito ang kanyang braso at bumulong din.
"Seguraduhin mong magaling kang magtago ng sekreto. Baka mamaya, biglang umalingasaw ang totoo mong baho...Shavy." Isang nakakalokang halakhak ang pinakawalan nito bago tumalikod sa kanya.
Naiwan siyang tulala, ni hindi maikilos ang mga paa sa pagkagimbal. Ilang beses siyang lumunok pero hindi mawala ang bara sa kanyang lalamunan.
Hindi! Imposible 'yon! Bakit gano'n ang tawag ng hampaslupang iyon sa kaniya? Siya si Lovan Claudio! Siya ang nag-iisang anak ni Marcus Claudio! Siya lang at wala nang iba!
Nangangatog ang mga tuhod na napakapit siya sa katabing silya. Isinumpa na niya noon pa man na papatayin ang sinumang hindi kikilala sa kanya bilang si Lovan Claudio, kesehodang anak pa ito ng presidente ng Pilipinas!
Bumigat ang kanyang dibdib. Hindi niya akalaing magiging gano'n ang epekto ng pangit na Avril na 'yon sa kaniya. Hindi siya papayag na hindi makaganti rito!
Muntik na siyang matapilok nang subukang humakbang pasulong.
"Gaga! Tatanga tanga ka na naman."
Sisinghalan na sana niya ang umalalay sa kaniyang makatayo nang maayos kung hindi niya naalalang nasa party siya at madami ang mga tao sa palibot. Isa pa'y nakahawak sa kanya ang may-ari ng boses na 'yon.
"Jildon?!" bulalas niya sabay tawa nang mapakla.
"At kelan pa natutong magsalita sa'kin ang hampaslupang katulad mo?" paasik niyang duro sa lalaki sabay piglas sa pagkakahawak nito dahilan upang makaagaw sila ng atensyon sa tatlong bisita sa likuran ng lalaki.
Hindi nakaligtas sa kanya ang pag-awang ng mga labi ng sipsip na kaibigan ni Zigfred. Ngunit agad itong nakabawi at hinampas siya sa braso.
"Nakakagulat ka naman. Feeling ko tuloy, bumalik na ang bampirang Lovan," pabiro nitong sambit.
"What!? You dreck!" Hindi niya napigilang mapasigaw sa galit rito. Bakit ba lahat ng nakakasalubong niya ngayon ay toxic sa buhay niya? Mga patay-gutom!
Sa halip na matakot ay siniko pa siya nito. "Ito naman, hindi mabiro," anitong alanganin ang ngiti. "Huwag kang ganyan kapag nasa harap ni Zigfred. Alalahanin mong ang kabaitan mo ang minahal niya at hindi ang mukha mong kahawig ng bruhang si Lovan," seryoso na nitong payo na ikinatameme niya.
Ngunit nang marealize kung ano'ng ibig nitong sabihin ay gusto niyang manampal sa galit.
'You damn impostor! Kasalanan mo ang lahat ng 'to! Talagang papatayin kita!' Sigaw ng nagpupuyos niyang dibdib.
"Zigfred!" Nasa gano'n siyang pag-iisip nang marinig ang pagtawag ni Jildon sa pangalan ng kanyang asawa.
Awtomatikong nag-iba ang ekspresyon ng kanyang mukha. Sinikap niyang huwag magpaapekto sa natamo niyang mga insulto ngayon at pinakawalan ang pinakamatamis na ngiting kaya niyang ibigay kay Zigfred
Nang makalapit ito'y agad niyang ipinulupot ang dalawang kamay sa batok nito sabay halik sana sa mga labi ng asawa ngunit pasimple nitong iniiwas ang mukha at pakaswal ding tinanggal ang pagkakapulupot ng kanyang kamay na lalo niyang ikinapagtaka.
"Dude, kanina ka pa hinahanap ni Lenmark. May gusto daw siyang ipaliwanag sa'yo," ani Jildon sa kaibigang naging malikot ang mga mata ngunit hindi man lang siya sulyapan samantalang nasa harap lang siya nito. Tiniis niya ang pasimpleng pang-iinsulto ng lalaki at sa braso naman ikinapit ang kanyang kamay saka inihilig ang ang ulo sa balikat nito.
"Honey, I missed you. Kanina pa kita hinahanap. Ang sabi ni Momshie, busy ka raw sa pag-entertain ng mga bisita," lambing niya pero hindi man lang ito sumagot.
Nagsimula na siyang mainis.
"Give me a bottle of Bacardi, Jildon. Dalhin mo sa office ko," utos nito sa kaibigan na natigilan sandali sa narinig.
"Hey, matapang na alak 'yon ah. Hindi mo kaya 'yon, dude," komento ni Jildon pagkuwan ngunit sa halip na sumagot si Zigfred ay pagalit nitong hinawakan ang braso niyang nakapulupot, halos bumaon ang mga daliri nito sa higpit ng hawak sa kanya.
"Ouch! Honey, nasasaktan ako," reklamo niya nang hindi na matiis ang sakit.
Sa wakas ay tumitig ito sa kanya, subalit nakapapaso naman ang mga iyon, para bang sobrang laki ng kasalanan niya ngayon. Ano'ng nangyari? Kanina lang ay ang lambing nito, niregalohan pa nga siya ng mamahaling gown. Pero bakit ngayon halos lunukin siya nang buhay sa galit sa kanya.
Napasigaw siya nang pabalibag siya nitong bitawan dahilan upang muntikan siyang mapasubsob sa sahig kung hindi maagap si Jildon at nahawakan siya agad sa beywang.
"Gaga ka kasi. Bakit mo hinubad ang kwintas na bigay niya sa'yo? Dapat 'yon ang isinuot mo ngayon," sermon ng bakla sa kaniya.
Gusto na niyang magwala sa sobrang galit lalo na nang makitang nakatingin sa kaniya ang mga bisita. Hindi niya matanggap ang kahihiyang ipinalasap ni Zigfred nang mga sandaling 'yon.
"Lovan? What happened?" takang usisa ng ina ng lalaki nang makalapit sa kaniya.
Dahil sa magkahalong pagkapahiya at galit ay patakbo siyang umalis sa lugar na iyon, sa isip ay isinisisi ang lahat sa impostor na nagpanggap na siya habang kasama niya ang inutil na Francis na 'yon.