Dinig ni Lovan ang palapit na mga yapak ng sapatos ng madrasta. Hindi niya akalaing magiging magkasabwat ito, si Francis at ang impostor na Lovan para pahirapan siya.
Napahikbi siya ngunit wala nang tumulong luha sa mata. Ano ba'ng naging kasalanan niya sa mundong ito upang danasin niya ang ganitong pighati? Pakiramdam niya, isa lang siyang ligaw na damong tumubo sa kung saan, walang nagmamay-ari, tinatapak-tapakan lang nang kung sino-sino. At ngayo'y kailangan na siyang bunutin at patayin, naantala nga lang, pero sa malao't madali ay kamatayan pa rin ang kanyang hantungan.
Narinig niyang sumigaw ang madrasta. "Bakit hindi mo pa rin itinatapon ang mga ganid na mga tulisang 'yan?" singhal nito kay Francis.
Mula sa pagkakahiga sa sahig ay dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata at bahagyang hinipan ang mga hibla ng buhok na tumabing sa kanyang mukha. Nakita niyang sa madrasta itinutok ni Francis ang baril habang nanlilisik ang mga mata.
"H'wag mo akong uutusan, tanda!" matigas nitong sagot, humaba ang nguso habang panay singhot na tila ba nakagawian na kapag lutang sa druga.
Napatili ang kanyang madrasta sa takot sabay atras pasandig sa dahon ng pinto habang nakaunat ang kamay sa lalaki para pakalmahin ito, pagkuwa'y mapaklang tumawa.
"Hindi. Walang nang-uutos sa'yo. Nakikiusap lang akong ibaba mo 'yang baril at baka tamaan ako. Sige ka, kapag namatay ako, magagalit sa'yo si Lovan at hinding hindi mo na makikita ang magiging anak mo sa kanya," anang ginang, parang batang nakipag-usap sa isang bata rin, inuuto kunti ang lalaki hanggang sa matahimik ang huli at binitiwan ang baril saka patakbong lumapit sa kausap na tumili na naman sa kaba.
"Hindi po. Mabait ako kay Lovan. Masunurin ako sa kanya. Basta, h'wag lang niyang ipapalaglag ang anak ko. Sinunod ko nga ang utos niya eh. Pinatay ko 'yang dalawa kasi sasaktan nila ang anak ko," parang bata ding nagsalita si Francis, pagkuwa'y itinuro ang dalawang naliligo sa sariling mga dugo.
Sinamantala niya ang pagkakataong busy ang mga ito sa pag-uusap. Ipinadyak niya ang paa sa sahig, nagpilit na bumangon at umusad papuntang gilid ng dingding, doon sinikap na kalagin ang tali sa kanyang mga kamay.
"Good boy. Mabait na manugang si Francis. Ngayon, ilabas mo naman ang impostor na nanggaya sa mukha ni Lovan at dalhin mo sa isang silid," utos ng kanyang madrasta.
Bumubungisngis pang tumalima si Francis at patakbo siyang nilapitan, pilit na pinatayo at itinulak palabas ng silid na 'yon.
Pagkalabas lang ay muli siyang itinulak ng lalaki pasubsob sa kamang naroon.
Saka lang lumapit ang kanyang madrasta, pagalit siyang pinatihaya habang ang kalahati ng katawan niya'y nasa kama at ang mga paa'y nakaapak sa sahig. Nang makitang kamukha nga talaga niya ang impostor na Lovan ay walang anuman siyang pinagsasampal.
"Walanghiya ka! Isa ka palamg impostor, punyeta ka! Mabuti na lang at matalino ang anak ko kaya hindi mo kami tuluyang napaikot sa mg kamay mo!" Gigil na gigil ito habang walang tigil sa pagsampal sa kanya.
Wala siyang magawa kunti mahinang tumili sa t'wing sinasampal siya hanggang mamanhid na ang kanyang mukha at ibang kapaligiran na ang kaniyang nakikita ngunit naroon pa rin ang madrasta, nakadagan sa kanya habang walang tigil sa ginagawa.
"Bwisit ka sa buhay ko! Katulad ka rin ng pangit mong ina! Dapat sa inyo ay pinagsasama sa hukay at inililibing ng buhay!" sigaw nito.
"Pinatay mo ang mama ko? Hindi siya nasagasaan ng sasakyan. Pinatay mo siya!" pagkondena niya, sa halip na makaramdam ng takot at sakit sa ginagawa nito ay buong tapang pa siyang sumigaw.
Pagkatapos ng munting alaalang iyon ay bigla siyang napasigaw sa sakit ng ulo ngunit tila naging musika iyon sa pandinig ng madrasta at lalo pa siyang pinanggigilan.
"Papatayin kitang impostor ka!" banta nito.
Segurado na siya sa sarili niya. Ang mga pangitaing nakikita niya ay ang nawala niyang alaala bago siya maaksidente, patunay lang na siya talaga si Lovan Claudio. At ang babaeng ito ang pumatay sa mama niya.
"Pinatay mo ang mama ko." Sa kabila ng pamamanhid ng halos dumudugo nang mukha ay mahina niyang sambit dahilan upang matigil sa ginagawa ang ginang at kunot-noong tumitig sa kanya.
Mariin niya itong tinitigan habang nagtatagis ang mga ngipin.
"Pinatay mo ang mama ko. Nilason mo si papa at pinutulan ng dila upang hindi siya makapagsumbong sa pagpatay mo sa'kin at kay mama!" sigaw niya, nasa boses ang kaseguraduhan sa ikinokondena rito.
Napanganga ang ginang, nagulat sa kanyang sinabi saka siya walang kurap na tinitigan. Mayamaya'y tila nakakita ng multo at biglang tumili sa pagkagimbal sabay atras palayo habang ang kamay ay nanginginig na nakaduro sa kanya, panay ang iling at ang mga mata'y halos lumuwa sa panlilisik hindi dahil sa galit, kundi sa takot.
"Hindi! Imposible 'yon. Patay ka na. Matagal ka nang patay," paulit-ulit na sambit hanggang sa mapasandig sa dingding at mapaupo.
"Imposibleng bahay ka pa. Sumabog ang kotse na 'yon. Patay ka na," tila nababaliw nang saad, pagkuwa'y bumaluktot at itinago ang mukha ngunit panay pa rin ang bulong ng--"Patay ka na... Pinatay na kita..."
Si Francis naman ay parang bata pa ring lumapit sa kanya, ilang beses siyang tinapik-tapik sa mukha, puno ng pagtataka sa mga mata.
"Patay ka na? Multo ka na ba? Huwag mo po akong sasaktan ha? Inutusan lang nila ako. Nagbago na ako eh. Pero papatayin nila ang anak ko kapag hindi ko sinunod ang asawa ko." Boses bata pa rin itong nagsalita ngunit pakiwari niya'y nauunawaan nito ang lumalabas sa sariling bibig. Ano'ng nangyari sa lalaki? Totoo bang buntis ang impostor na Lovan at ito ang ama? Ibig sabihin, ang babaeng iyon nga talaga ang nakidnap noon at pinakasalan ng lalaki.
"Hindi. Hindi kita sasaktan. Naaawa ako, sa'yo. Pero kalagan mo muna ako. Isasama kita sa pupuntahan ko para hindi nila mapatay ang anak mo," pang-uuto niya sa laki.
Na-excite ito agad at mabilis na tumalima habang hindi pa rin nahihimasmasan sa pagkagimbal ang kanyang madrasta. Tinulungan siya nitong makaupo sa gilid ng kama at sinubukang kalagin ang lubid sa kanyang mga kamay.
Subalit sa pagkamalas ay saka naman bumukas ang pinto ng kwartong iyon at iniluwa ang tila susugod sa gyera na babaeng impostor.
Biglang natigilan si Francis sa ginagawa.
Kumabog din agad ang kanyang dibdib sa kaba pagkakita lang sa mala-demonyitang mukha ng dumating.
"Mommy! Ano'ng ginagawa mo?" paasik na hiyaw ng babae sa inang noon lang nahimasmasan at agad na inayos ang mukha, saka lumapit sa anak sabay turo sa kanya, hindi itatangging takot pa rin.
"Siya---siya 'yan, anak. Siya si Lovan..." garalgal na sambit nito.