Chereads / The Stolen Identity / Chapter 75 - Ang Pagtatagpo ng Dalawang Lovan Claudio

Chapter 75 - Ang Pagtatagpo ng Dalawang Lovan Claudio

Lovan's trembling knees suddenly softened while her horrified eyes were fixed at the woman. Naisandig niya bigla ang katawan sa dahon ng nakapinid na pinto habang ang nakaawang na bibig ay hindi maisara sa kanyang gulat, idagdag pang nagsimulang kumabog nang malakas ang kanyang dibdib.

"L-lovan..." Hindi iyon halos lumabas sa kanyang bibig habang walang kurap na nakatitig sa babaeng katabi ng ina ni Zigfred. Kahit saang anggulo tingnan, walang pinagkaiba ang kanilang itsura. Ilang beses siyang napalunok upang pakalmahin ang sarili ngunit tila lalo pa siyang natuyuan ng laway.

"Siya nga, Mommy! Siya ang kasabwat ng lalaking kumidnap sa'kin."

Lalong nanlambot ang kanyang mga tuhod nang marinig ang boses nito na sinabayan ng isang hikbi, saka tila rumaragasang ulang nagsipatak ang mga luha sabay yakap sa byenan nitong halos lunukin siya nang buhay sa talim ng titig sa kanya.

"Siya ang nag-utos kay Francis na dalhin ako sa isla upang ipapatay para wala nang sagabal sa plano niyang pagpapanggap na ako, makuha lang ang yaman ng pamilya niyo," sumbong ng babae sa pagitan ng iyak.

Nag-init ang kanyang magkabilang pisngi, noon lang nahimasmasan sa pagkagulat sabay iling nang ilang beses.

"Hindi po totoo 'yon! Hindi ko po alam ang sinasabi niya," pagtatanggol niya sa sarili, sa ina ni Zigfred nakatingin.

Humagulhol na ang totoong Lovan, bagay na lalong ikinagalit ng ginang.

"Mamamatay tao! Hindi ako papayag na magtagumpay ka sa masama mong balak! Kriminal!" akusa ni Mrs. Arunzado, kung hindi lang nakayakap dito ang babae ay baka sinunggaban na siya at ginulpi sa tila nag-aapoy na mga mata nito sa galit.

Bigla na lang pumatak ang masaganang luha sa mga mata niya, hindi dahil sa takot sa sinabi ng ginang, kundi dahil alam niyang kahit ano'ng paliwanag ay hindi siya nito paniniwalaan.

"Huwag kang mag-alala, iha. Hindi ako papayag na manatili siya sa lugar na ito. Seseguraduhin kong mabubulok siya sa kulungan sa krimeng ginawa niya!" mariing sambit ng huli habang hagod ang likod ng humahagulhol pa ring si Lovan Claudio.

Noon lang gumana ang kanyang utak at palihim na sinubukang buksan ang pinto upang tumakas sa lugar na 'yon ngunit bago pa niya nagawa ay pabalibag iyong bumukas dahilan upang maitulak siya palapit sa magbyenan.

Pumasok ang dalawang pulis na sa tikas ng mga katawan at sa de-kalibreng baril na nakasukbit sa mga beywang ay tila totoong kriminal ang huhulihin.

Noon lang kumawala sa pagkakayakap ang babae at namumugto ang mga matang bumaling sa kanya, panay pa rin ang pagpatak ng mga luha.

"Hindi ko alam kung bakit mo ginawa sa'kin 'to pero pasalamat pa rin ako kay Francis kasi hindi niya ako pinatay tulad ng iniutos mo sa kanya." Her cracked voice when she spoke were undeniably convincing.

Sino ba'ng maniniwalang hindi totoo ang sinasabi nito?

Ngunit hindi siya papayag na makulong na lang basta kaya kahit nanginginig ang mga tuhod ay lakas-loob niyang nilapitan ang ina ni Zigfred at hinawakan sa braso.

"Maniwala kayo, wala akong alam sa sinasabi niya. Coincidence lang ang pagkapunta ko sa simbahan. Napagkamalan lang ako ni Zigfred na si Lovan Claudio pero hindi ako makalayo sa kanya dahil kinuha niya--" Bago pa man matapos ang kanyang sasabihin ay isang sampal ang pinakawalan ng ginang.

Sandali siyang natigilan, pamamanhid ng nasaktang pisngi ang unang tumatak sa kanyang isip nang makabawi.

"Kriminal! Kahit noon pa man ay alam ko nang isa kang masamang tao!" mariin nitong komdena sa nanlilisik na mga mata.

Sa narinig ay lalo siyang pinanghinaan ng loob at tila nawalan ng buto ang mga tuhod na napaluhod sa tiles na sahig.

"Kailangang malaman ito ni Zigfred para siya mismo ang sumama sa'yo sa presento at ipakulong ang kriminal na 'yan," baling ng ginang kay Lovan Claudio na noon lang tumigil sa pag-iyak.

"Huwag po muna, Mommy. Ayuko pong ma-distract ang asawa ko sa ginaganap na annual meeting ng kompanya," garalgal pa rin ang boses na tutol ng babae. "Ako na po ang bahala sa impostor na 'yan. Tinawagan ko na si Mommy para siya ang sumama sa'kin sa presento. Sa ngayon ay ilihim po muna natin ang lahat kay Zigfred," anito.

Mabilis namang pumayag ang ginang saka sinenyasan ang dalawang pulis na hulihin na siya. Sa laki ng katawan ng mga ito, kahit ilang beses siyang nagpumiglas ay wala pa rin siyang nagawa nang hilahin palabas ng opisina.

"Mama, maniwala kayo! Wala akong kinalaman sa nangyari kay Lovan Claudio! Alam 'yan ni Zig--" sigaw pa rin niya habang nakalingon sa pinto, hawak ng mga pulis ang magkabila niyang braso subalit hindi na niya natapos ang sasabihin nang maramdaman ang malakas na palo sa kanyang batok dahilan upang mawalan siya ng ulirat.

--------------

Boses ng dalawang lalaking nagtatalo ang nanggising kay Lovan mula sa mahimbing na pagkakatulog.

Isang mahinang ungol ang kumawala sa kanyang bibig hindi pa man niya naimumulat ang mga mata.

Pinakiramdaman niya ang sarili, ginalaw ang dalawang kamay. Hindi siya nakaposas. Maliban sa batok ay wala nang masakit sa kanya.

Sunod niyang pinakiramdaman ang paligid at dahan-dahang iminulat ang mga mata. Nakita niya ang dalawang pulis na humuli sa kanya ngunit hindi na nagpakauniporme.

"Ang sabi ni boss, dalhin siya sa Sorsogon at duon patayin," anang driver habang sa daan nakatuon ang paningin.

"Bakit hindi muna natin gawing paraosan bago tsugiin?" Makahulugang ngumisi ang katabi nito sabay siko sa una.

Namutla siya agad sabay pikit na uli ng mga mata at sinikap na huwag makaagaw ng pansin sa mga ito. Ang alam niya, ipakukulong lang siya ng ina ni Zigfred at papagbayarin sa kasalanan niyang ginawa.

Alam naman niyang may kasalanan siya kay Lovan Claudio. Hindi sinasadyang mahulog ang kanyang loob kay Zigfred at hindi niya natupad ang pangakong hahanapin ang babae kaya dapat lang na parusahan siya pero hindi sa kasalanang isinumbong ng huli.

Pilit niyang pinakalma ang bumigat na dibdib at hindi pinansin ang panlalambot ng mga tuhod. Bahagya niyang idinilat ang isang mata at maingat na iniusog ang pwet palapit sa gilid ng sasakyan, pagkuwa'y nanginginig ang isang kamay na sinubukang buksan ang malapit na pinto ngunit naka-lock iyon.

Biglang pumungay ang mga mata ng driver, sandali siyang nilingon sa backseat.

Isinandal niya agad ang ulo sa headboard ng upuan at nagkunwaring tulog pa rin, subalit tila tuksong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib sa kaba. Kung pwede nga lang ay huwag huminga upang hindi mapansing gising siya.

"Hmm... Magandang ideya 'yan. Kahit magtagal tayo sa Sorsogon. Madami tayong pwedeng sabihing palusot kay boss. Ang mahalaga ay mapatay natin siya pagkatapos nating pagsawaan." Tila mga bituing nagkikislapan ang mga mata ng driver nang bumaling sa kasama.

Naikuyom niya ang mga kamao sa narinig. Ke, totoong pulis ang mga ito o mga hired killer ay wala na siyang pakialam. Pero hindi siya papayag na magtagumpay ang balak ng mga ito. Nagsusumigaw sa kanyang utak ang determinasyong makatakas mula sa dalawa.

Malulutong na halakhak ang pumuno sa loob ng sasakyan ngunit bigla ay sumigaw ang katabi ng driver.

"May truck!"

Napilitan siyang magdilat ng mga mata pagkarinig lang ng paglangitngit ng mga gulong ng kotse sa lakas ng prenong ginawa ng driver.

Ang sunod niyang narinig ay ang malakas na salpukan ng harapan ng dalawang sasakyan. Mabuti na lang at mabilis siyang nakakapit sa headboard ng driver's seat kaya hindi siya nauntog sa kung saan.

Himalang hindi man lang nasaktan ang dalawang kasama. Pero tila nawala sa sarili ang mga ito at magkasabay na lumabas ng sasakyan.

Duon siya nabuhayan ng loob at sinamantala ang pagkakataong nakikipagsigawan ang dalawa sa driver ng bumangga sa kanila. Dali-dali niyang binuksan ang pinto sa kanyang tabi at walang lingon-likong kumaripas ng takbo palayo.

"Hoy! Tigil!" sigaw ng driver.

Nang lingunin niya sa pagitan ng pagtakbo'y bigla na namang nagregodon ang kanyang dibdib sa takot pagkakita lang sa lalaking mas mabilis pa sa motorsiklo ang pagkaripas ng takbo. Sumunod dito ang isa pa.

Hindi! Hindi siya magpapahuli sa mga ito kahit na ano'ng mangyari.

Ilang beses siyang muntik-muntikang makabunggo ng mga naglalakad sa daan habang abo't abot ang kaba at panay dasal na huwag siyang mahuli ng dalawa.

At isang himala ang nangyari. Sa kanyang unahan ay may pumaradang taksi. Binilisan pa niya lalo ang pagtakbo at naunang pumasok sa sasakay sanang pasahero.

"Sa City Garden Hotel. Pakibilisan po, kuya!" utos niya sa driver na hindi nagdalawang-isip patakbuhin ang sasakyan nang mahalatang nagmamadali siya.

Hindi kayang patuyuin ng malakas na aircon ng taksi ang tagaktak na pawis niya sa noo at leeg lalo na nang malingunan ang isang sasakyang humahabol sa kanila.

"Kuya, bilisan mo!" pakiusap niya sa driver dahil sa kaba.