Chereads / The Stolen Identity / Chapter 71 - Her Rescuer

Chapter 71 - Her Rescuer

Hindi alam ni Lovan kung bakit hindi siya mapakali nang hapong iyon habang inaayos ang mga gamit sa kanyang work table. Para bang may nag-uudyok sa kanyang umuwi na ng apartment. At habang naglalakad siya sa lobby ay tila may mga yapak ng paang nakasunod sa kanya at mga matang hindi inaalis ang tingin sa bawat galaw niya. Nagsimula siyang kabahan at binilisan pa lalo ang paglalakad hanggang sa makalabas ng building ngunit nang makalapit sa sariling motorsiklo ay napahinto siya sa malakas na tawag sa kanyang pangalan.

Halos lumukso ang kanyang puso sa kaba pero nang pumihit siya paharap sa tumawag ay saka lang kumalma ang kanyang dibdib.

"Pwede ba kitang makausap?" ani Aeon nang makalapit, pormal ang mukha ngunit mahina lang ang boses, tila maamong tuta habang nagsasalita.

Tiningnan muna niya ang paligid kung marami ang taong nagdaraan sa parking lot na 'yon pero kukunti lang, saka siya bumaling rito. Alerto na siya sa pwedeng gawin ng dalaga ngayon.

"Sige, pero pakibilisan lang dahil nagmamadali ako," kaswal niyang sagot, sinulyapan lang itong malungkot na iniyuko ang ulo.

"I could feel that you've changed a lot mula nang mapangasawa mo si Zigfred. I was thinking, maybe because you love him so much kaya nagawa mong magbago," simula nito, unti-unting nag-angat ng mukha at malamlam ang mga matang tumitig sa kanya.

Siya nama'y napatitig na rin, pilit inaarok kung ano'ng ibig nitong sabihin.

"Stop beating around the bush. What do you want?" pormal niyang turan.

Huminga muna ito nang malalim, nagpakawal ng isang mapait na ngiti.

"I know, Lenmark loves you. But I love him too. I can give up everything, h'wag lang siyang mawawala," garalgal ang boses na sambit habang maluha-luha ang nga matang nakatitig sa kanya.

Nakaramdam siya ng awa. Ramdam niya ang pighati sa mga matang iyon. Mahal nga nitong talaga ang kanyang kaibigan.

Isang payak na ngiti ang kanyang iginanti.

"Don't worry, hindi ko siya aagawin sa'yo," maagap niyang sagot. "Kung gusto mong kausapin ko siya para makipagbalikan sa'yo, gagawin ko. Pero hanggang do'n lang ang kaya ko."

Nakita niya ang pagliwanag ng mukha nito at ang pagsilay ng isang matamis na ngiti sa mga labi sabay hawak sa kanyang kamay, subalit biglang nangunot ang noo nang mahagip ng tingin ang nasa kanyang likuran.

"As hypocrite as always. Kailan pa nagkamabutihan ang anak ko at ang kapatid na hilaw ni Avril?"

Natigilan siya sa narinig, takang napalingon sa nagsalita. Napalunok din ang dalagang nakahawak sa kanya.

Ang madrasta ni Lovan Claudio! Kahit sa simpleng suot nitong black shawl at white skirt na binagayan ng black pump shoes ay para pa ring isang reyna ang tindig habang taas-noong nakatitig kay Aeon, pagkuwa'y bumaling sa kanya.

Napansin niya agad ang snakeskin Louis Vuitton bag nitong nakasukbit sa siko.

"Kelan pa nakipagkaibigan ang magaling kong anak sa mga hampaslupa?" pasarkastikong wika habang patuyang sumulyap kay Aeon, tumabi na sa kanya sa pagkakatayo.

Namutla siya agad, iniiwas ang tingin dito. Nagsimula na naman siyang kabahan. Hindi ba nakikipagkaibigan si Lovan Claudio sa mga kagaya ni Aeon? Pinsan ni Zigfred ang huli, pero ang tingin ng ginang ay isa itong hampaslupa?

"Good day, Senyora Elexandra," bati ni Aeon, bahagyang yumukod sa ginang.

"Mabuti naman at kilala mo pa kung sino ang kaharap mo," nakataas ang kilay na tugon ng huli, pailalim na pinagmasdan ang dalaga.

Siya nama'y hindi maipaliwanag ang kabang nararamdaman. Alam na niya ang ugali ng madrasta ni Lovan Claudio pero bakit kinakabahan pa rin siyang baka mahalata nitong hindi siya ang totoo nitong step-daughter?

"Kung wala ka nang sasabihin, aalis na ako," aniya kay Aeon nang maramdamang nagkaroon ng agwat sa kanilang dalawa pagkadating lang ng ginang.

Isang tipid na tango ang isinagot nito saka muling yumukod sa tinawag nitong senyora.

"Gaga! Kailan ka pa nagkipamabutihan sa ganyang klase ng babae? Hindi mo ba alam kung gaano ka-patay-gutom ang ina niyan?" pigil ang boses na singhal sa kanya.

Napapahit siya paharap dito ngunit iwas ang tingin.

"Pinsan siya ni Zigfred. Natural na maging mabait ako sa kanya. 'Tsaka may tinanong lang siya sa'kin," pagtatanggol niya sa dalaga.

Salubong ang kilay na tinitigan siya ng kausap. Sinadya niyang hindi ito pansinin pero ramdam niya ang panlalamig ng mga kamay. Nakahahalata na ba ang babaeng ito na hindi siya ang totoong Lovan Claudio? Huwag naman sana.

Hahawakan na sana niya ang motor nang magsalita ito.

"Asan ang kotse mo? Bakit hindi mo dala?" usisa nito.

Hindi siya agad nakahuma, pinag-isipan ang isasagot, sabay lagay ng mga kamay sa kanyang likuran.

"Pinapaayos ko pa, naibangga ko kasi noong nakaraang araw," pagdadahilan niya, panakaw na sumulyap dito.

"Gano'n ba? O siya, dito ka na sa kotse ko sumakay. Sabay na tayong umuwi't gusto ko ring makita ang papa mo," pakaswal nitong yakag, tila nakontento sa paliwanag niya.

Subalit agad nanlambot ang kanyang mga tuhod sa sinabi nito. Hindi siya pwedeng sumakay sa kotse, baka sumpungin na naman siya. Seguradong magtataka na ito kung makita siya sa gano'ng kalagayan. Ano'ng gagawin niya?

Nagpatiuan itong naglakad papunta sa nakaparadang kotse sa 'di kalayuan. Naiwan siyang namumutla.

Ngunit nang makitang huminto ito sa tapat ng kotse at lumingon sa kanya ay alanganin na rin siyang sumunod.

Hindi pa man nakakalapit nang tuluyan sa sasakyan ay nagsimula nang sumasal ang kanyang paghinga, lalo pang nanlamig ang kanyang mga kamay sa takot. Isipin pa lang na papasok siya sa loob niyon, gusto na niyang sumigaw sa takot.

Binuksan ng ginang ang pinto ng driver's seat.

"Ikaw na ang magmaneho at pagod ako ngayon. Kagagaling ko lang sa casino," utos sa kanya.

Lalo siyang natuliro, kagat-labing sinulyapan ang loob ng sasakyan. Ni hindi siya makapasok sa loob, ano pa kaya ang pagmamaneho niyon?

"Lovan, ano ba?" iritadong pukaw ng ginang sa kanya. Nakasakay na pala ito sa loob, sa tabi ng driver's seat.

Biglang nangatal ang kanyang bibig, nasapo niya iyon ng palad upang huwag mahalata ng nasa loob.

"Masama ang pakiramdam ko, Ma. Ikaw na lang muna," tanggi niya at lakas-loob na bimuksan ang pinto sa likod ng driver's seat, ngunit nang akmang papasok na siya'y may pumigil sa kanyang braso.

"She'll come with me," anang malamig na baritonong boses.

Pakiramdam niya, tumigil bigla sa pagpintig ang kanyang puso pagkarinig sa boses na 'yon, awtomatikong umangat ang kanyang mukha upang tiyakin kung sino ang nasa kanyang harapan.

"Zigfred!" gulat niyang bulalas, awang ang mga labing tinitigan ito, hindi makapaniwala sa nakikita.

Tiim-bagang itong sumulyap sa kanya at pabagsak na isinara ang pintong kanyang binuksan.

Mabilis na nakababa ang ginang mula sa sasakyan. "Iho, Zigfred. It's good to see you here." Ang lapad ng ngiting lumapit sa kanila, idinipa pa ang mga kamay upang yakapin ang lalaking kasinlamig ng yelo ang mga mata at nakatiim-bagang ngunit hindi nagsalita nang makipag-beso-beso ang una.

"Iho, at last nakita rin kita," dugtong pa, kita sa mukha ang saya.

"Sa'kin na sasabay si Lovan. May pupuntahan kami," saad ng lalaki, sa kanya nakatitig.

Siya nama'y awang pa rin ang bibig na gumanti ng titig. Maliban sa malakas na kabog ng dibdib habang hawak nito ang kanyang kamay ay wala na siyang naramdamang kakaiba sa katawan. Tumigil na rin ang pangangatal ng kanyang bibig pati ang panginginig ng kang mga tuhod.

"Okay, pero ano kasi...Gusto kong mag-shopping ngayon kaya magpapasama sana ako kay Lovan," anang ginang, hindi masabi ang totoong pakay.

Nakaunawa agad ang lalaki, hinugot ang wallet at iniabot sa babae ang dalawang credit cards.

"You can buy whatever you want," anitong hindi kakikitaan ng pagkagusto sa kausap, saka walang anuman siyang hinila palayo.

Nagpatianod lang siya, walang mahagilap na sasabihin sa kahit kanino sa dalawa.