Chapter 8 - CHAPTER 7

Dumagundong ang sigawan nang lumabas si Alphonse na nakasakay sa isang unicycle habang binabalanse si Kirstine na nakahawakak sa kanyang balikat at nakabaliktad ang katawan sa ere. Huminto siya sa gitna at hinayaang tumalon si Kirstine pababa. Gaya ni Sofia, kaya rin ni Kirstine na pagbalu-baluktutin ang katawan. Nagpatambling siya ng tatlong beses at ang pang-huli'y hinawakan ni Alphonse ang kanyang bewang saka binuhat sa kanyang balikat.

Nakasuot lang si Alphonse ng kulay lilang pantalon na may disenyong parang ginupit sa laylayan. May pinturang kulay asul naman sa itaas na bahagi ng kanyang katawan. May kurbatang mahaba sa kanyang leeg at kulay lila na paminsa'y bahagyang hinihila ni Kirstine kapag umiikot ito.

Sumunod ay tumuntong si Alphonse sa isang malaking bola. Nagbabalanse siya habang nakasamapa naman si Kirstine sa balikat nito. Nakahawak siya sa kamay ni Alphonse. Gumegewang-gewang ang bolang tinutungtungan niya. Ako naman'y kinakabahan habang pinapanood sila rito sa likod.

Ngayo'y inaakyat nila ang mahabang hagdan. Susubukang magbalanse ni Alphonse sa lubid habang nakatayo si Kirstine sa balikat niya. Pigil ang hininga naming nakatingala habang naglalakad siya sa lubid. Hawak naman ni Kirstine ang baston niyang may lumalabas na mga bulaklak.

Manghangmangha ang mga manonood. Akala nila'y talagang may kapangyarihang magpalabas ng bulaklak si Kirstine. Kung alam lang sana nila ang sikreto.

Ikinukumpas-kumpas pa niya ito, mayro'n namang mga maliliit at malalaking bulaklak na nagsisihulugan. Namumulot naman ng mga nahulog na bulaklak ang mga batang nando'n. Mayamaya ay biglang huminto si Alphonse sa gitna.

May nahulog na puting tela mula sa itaas. Kumapit doon si Kirstine pati si Alphonse. Ipinulupot nila ang katawan doon na parang mga higad na magbabagong anyo. Nagpabali-baliktad silang dalawa na akala mo'y kabisado ang bawat galaw. Ipinulupot ni Alphonse ang magkabilaang braso habang si Kirstine ay nakasampa sa balikat ng lalaki. Patapos na ang musikang tumutugtog nang biglang nagpatihulog si Kirstine.

Nagsigawan ang mga manonood at napatakip naman ako sa aking bibig. Ngayon ko lang sila napanood ng ganito. Kadalasa'y lagi lamang ako sa likod ng makapal na kurtinang ito, sapat na sa 'kin ang marinig na lang ang hiyawan ng mga manonood. At ngayon nga, si Kirstine! Ibinabalanse ni Alphonse ang likod nito gamit lamang ang kanyang mga paa. Palakpakan ang lahat maging ako.

***

Nagsimula namang tumugtog ang musikang Four Seasons ni Vivaldi. Kasabay nito ang siya namang paglipad ng magkapatid na sina Lucy at Lucas. Sila ay mga propesyonal pagdating sa pagta-trapeze.

Isang trapeze lang ang kanilang gamit ngayon na kadalasa'y tig-isa sila. Nakatayo si Lucas sa may hawakan nito, nakaparang letrang V ang mga binti at matikas na nakapameywang. Si Lucy naman ay nakasabit ang mga binti sa hawakan, nakabalitad at nakaparang letrang V ang mga braso't kinakaway ang mga palad.

Sa hindi inaasahan ay bigla na lamang nagpatihulog si Lucas. Halos umikot ang sikmura ko sa ginawa niyang paglundag. Ano bang akala niya, dagat ang entablado't lalangoy siya?

''Lucas!'' Kumakabog nang mabilis ang dibdib kong tawag sa kanya. Ngayon lang kasi niya 'yon ginawa. Pigil ang hininga ko at ng manonood kung anong mangyayari. Mukha yatang bumagal din ang paggalaw ng oras.

Akala ko talagang mahuhulog siya't hindi masasalo ni Lucy. Nagkamali ako. Mahigpit siyang hawak ng kapatid. Halos kita ko na ang bakat ng laman niya sa braso epekto kung ga'no niya kinakaya ang bigat ng kakambal. Napapikit ako't napabuntong-hininga, napangiti na rin dahil mali ang nasa isip ko.

Ngayon naman ay nakatayo si Lucas at nakatuntong sa manipis na hawakang kahoy nito't inuugoy, si Lucy nama'y nakakapit sa hawakan, inuunat ang buong katawan, inuunat ang mga binti at ibinabaluktot palikod abot hanggang ulo.

Nakakapit si Lucas magkabilaang lubid, hindi nakaapak ang mga paa niya sa hawakan ng trapeze. Para siyang nakalutang, naghihintay ako sa susunod nilang gagawin. Si Lucy naman ay nagpabaliktad, tanging ang mga paa lamang ang nakakapit sa hawakan ng trapeze.

Sabay na sabay ang kilos ng kamabal sa pagtambling sa ere habang umuugoy ang trapeze. Animo'y nagsasayaw ang dalawa sa taas. Mayamaya ay si Lucas naman ang bumaliktad, nakakapit ang mga binti sa hawakan. Ang mga paa naman ni Lucy ay naka-ipit sa lubid, nakapormang letrang V ang mga binti. Walang anu-ano'y bigla nalamang siyang bumitaw sa pagkakahawak sa lubid.

Mabilis na gumapang papunta sa kapatid. Hawak ni Lucas ang bewang ng kakambal, bigla rin niya itong binitawan para mahulog ito't masalo agad. Palakpakan naman ang mga manonood. Nagsasalitan silang dalawa ng pwesto at sumusuot sa tagiliran ng isa't isa. Nakakabilib.

Dahan-dahan na ngayon si Lucy na bumabalulktot palikod hanggang sa ang ulo niya'y nasa pagitan na ng kanyang hita. Habang idinuduyan sila ng trapeze ay pumorma si Lucy, tumayo siya pagkatapos ay kumapit sa lubid. Dahan-dahan pa niyang inangat ang katawan na parang watawat na iwinawagayway ng hangin.

Para nga silang mga gagamba sa itaas na gumagawa ng kanilang bahay. Kahit na umuugoy ang trapeze ay hindi sila nagpapatinag. Nagawa pa nilang iduyan ang trapeze nang napakataas, ako ang nalulula para sa kanila.

Nang patapos na ang musika ni Vivaldi ay humawak na si Lucy sa hawakan ng trapeze at ibinaluktot ang likod. Samantalang si Lucas ay nakakapit ang binti't paa sa hawakan nito habang nakaalalay sa likuran ng kapatid ang kamay. Namatay ang ilaw, hudyat sa susunod na magtatanghal.

***

Mayamaya ay bumagsak naman ang isang pulang tela. Bumukas ang mga ilaw sa entabladong nakapabilog. May kung anong kulay asul na usok ang lumabas sa paligid ng entablado. Nakatutok naman ang kulay puting ilaw sa babaeng nakatayo sa gitna.

Nakasuot siya ng kulay puting unitard, kumikinang ang kulay abong nakadikit doon at may malaking bulaklak pa siya sa buhok. Si Laura na nga ang susunod. Nagsimulang tumugtog ang Rondo Alla Turca ni Mozart, gano'n din si Laura na nag-umpisang sumayaw.

Tumingin pa muna ako sa balkonahe. Nanonood pa rin si Frost na may katabing batang babae. Pagkatapos kasi ni Laura ay ako na ang susunod. Bigla tuloy akong nakaramdam ng bahagyang panlalamig ng binti. Huminga ako nang malalim at muling tumingin sa balkonahe. Nakita kong pinagmamasdan niya kung nasaan ako, hindi ko inaasahan. Naramdaman ba niyang nakatingin ako? Nagwawala tuloy ang puso ko nang ngumiti siya sa 'kin.

Nagtago uli ako sa likod ng kurtina. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Halos marinig ko pa sa aking ulo ang pintig nito.

''Ayos ka lang anak?'' Mahinang tapik sa akin ni ama. Tumango lang ako. Ayokong ipahalata sa kanya na nanginginig ako sa kaba. Tiningnan ko na lang uli si Laura na nakasabit sa kanyang pulang tela at nagpapaikot-ikot sa buong circus house.

Nakapulupot sa kanang binti niya ang tela habang nakataas naman ang kanyang kaliwang binti habang umiikot ito. Pagkatapos ay ipinulupot niya ito sa kanyang bewang at nagpatihulog nang mabilis. Para siyang turumpo dahil sa kanyang ginawa. Nakakapit siya sa dulo ng tela at nakaunat ang mga binti. Para siyang nagbibisekleta sa ere habang unti-unting bumabagal ang ikot nito.

Kasabay ng pagtatapos ng musika, siya namang paghinto ng tuluyan ng tela.

***

Kami na ang susunod. Napahinga ako nang malalim at winagwag ang aking mga kamay. Umupo ako't sinuot na ang aking ice skate. Nagpalinga-linga ako, hinahanap ng aking mga mata ang aking magiging kapareha. Ang sabi ko sa kanya ay panghuli akong magtatanghal. Naglakad na ako palabas ng kurtina, mabuti na lang at madilim ang entablado kung kaya't walang nakapansin sa aking paglabas.

Para akong bibe na naglakad sa makinis na entabladong ito. Ibinuka ko na ang aking palad at hinihintay na lamang magbagsakan ang mumunting nyebe. Ymihip nang bahagya ang hangin. Nagpaikot ito rito sa loob. Nakita ko kung paano yakapin ng mga manonood ang sarili kahit pa makapal ang mga suot. Narinig ko pa ang mumunting ragasa nang maliliit na yelo, tila nag-uunahan para balutin ang tuyong sahig. Nang tumayo ako'y biglang...

''Pasensiya na nahuli ako,'' winika ng lalaking nasa aking likod. Naramdaman ko sa aking batok ang mainit niyang hininga. ''Hindi mo talaga ako hinintay sa do'n sa likod ng kurtina,'' dagdag pa ng lalaki. Hindi ako nakakilos kaagad at tila ba natuod na ako dahil sa kanyang presensya.

Nilingon ko siya. ''Akala ko'y naduwag ka na't hindi na tutuloy.'' pang-aasar ko pa.

Bahagya siyang yumuko at ngumiti. ''Gano'n ba ang tingin mo? Tingnan na lang natin.'' Nakangisi siya kahit na madilim ay alam kong nang-aasar na naman ang ngiti niyang 'yon. Sinusubok niya talaga ako sa tuwing inaakala kong sumusuko na siya.

Isinuot na rin niya dalang maskara na mata lamang ang natatakpan. Inilahad niya ang kamay na agad ko namang inabot tsaka sabay kaming nagpadausdos papunta sa gitna. Napagkasunduan naming limang minuto lang tatagal ang aming pagtatanghal dahil sa hindi siya maaaring magtagal sa lamig.

Bumukas ang isang asul na ilaw sa kisame at nakatutok ito sa aming dalawa.

''Napakaganda mo sa 'yong ayos, Holly.'' Napangiti ako sa sinabi niyang iyon. Uminit na naman tuloy ang tainga ko at pisngi.

''Ito na ang pinakamasayang padiriwang ng aking kaarawan at hindi ko kailanman makakalimutan.'' dagdag pa niya habang nakangiti nang malapad.

Magkaharap lamang kaming dalawa kung kaya't nailang ako. Akala ba niya'y hindi ko napansing napakakisig niya sa kanyang kasuotan? Medyo hapit sa kanyang katawan ang suot na kulay puti at manipis na polo. Hindi nakabutones ang ilan sa mga ito kung kaya nakikita ko ang matikas niyang dibdib. Naro'n at hindi pa nawawala ang ilan sa mga pulang pantal niya sa katawan. Hindi pa rin talaga mawawala ang malaking talukbong niyang 'yon. Kulay tsokolate rin pala ang kanyang buhok na hindi ko madalas mapansin sapagkat lagi itong natatakpan. Napakapula rin pala nang manipis niyang labi.

Nahihiya lamang akong sabihin sa kanya ang napansin ko kung gaano siya kakisig ngayon. Baka akalain niyang binibiro ko siya dahil sa pinuri niya ako.

''Base sa tingin mo, napansin mo na naman siguro ang kakisigan ko.'' Natatawa siya nang sabihin 'yon. Grabe paano niya nalaman ang iniisip ko?

''Hindi no, 'wag kang umasa.'' Pagmamaang-maangan ko. Muli na naman niya akong nginisian. Nginisian ko rin siya bilang ganti.

''Napakaganda mong pikunin,'' sabi pa niya.

''O sige na, panalo ka na Frost,'' sabi ko sabay iling.

Sa paglingon ko sa mga naro'n, ang mga reaksyon nila'y nakatutuwa't hindi ko mawari. Namamangha siguro sila kung paano naging yelo ang kanina'y makinis na sahig.

Ngayo'y pareho na kaming yumuko gaya ng inensayo naming dalawa. Limang minuto lang kung kaya't kailangan kong galingan. Magkahawak na muli kaming dalawa ng kamay nang maramdaman ko uli ang pamilyar na pakiramdam. Gaya noong una ko siyang nakamayan, pakiramdam na matagal ko na siyang kilala. Lihim ko siyang sinulyapan. Nakapikit siya habang hinihintay na lamang namin ang pagtugtog ng musika.

***