Nakatitig lamang ako sa umuusok pang isang tasang tsokolate sa aking harapan. Hindi kasi mawala sa isip ko ang naging panaginip ko kagabi. Sa panaginip ko'y dinalaw ako ng isang babae. Napakaputi niya't nakasuot ng manipis na kulay pilak na damit. Kumikinang pa ito gaya ng mga piraso ng yelo. Ako raw ay nasa kanyang kaharian na gawa sa malalaking tipak ng yelo, nakatayo ako sa gitna ng bulwagang may malaking lustreng kumikinang.
***
Pinagmamasdan ko siya, napakalapad ng ngiti niya sa may bintana na tila may tinatanaw. Mataas ang sikat ng araw kahit na nababalutan ng nyebe ang paligid sa labas. Hindi niya pa ako nakikita, marahil ay 'di rin niya napansin ang aking presensiya. Tumakbo siya sa pinto at binuksan 'yon. Sumalubong sa kanya ang isang lalaking pamilyar sa 'kin.
"Frost?'' Bulong ko.
May dalang kulay lilang bulaklak ang lalaki na agad niyang inabot sa dalaga. Hindi ko makita ang kabuuang mukha ng babae dahil sa nakatalikod ito sa 'kin. Ilang sandali pa'y nag-iba ang lugar, kanina'y nasa loob kami ng yelong palasyo, ngayo'y nasa ilalim na nang maliwanag na buwan.
Tiningnan ko ang aking kinatatayuan, isang nagyelong lawa. Muli kong tiningnan ang dalawa. Gaya ko'y marunong din silang mag-ice skate. Isang pamilyar na pangyayari naman ang aking naalala, tama, no'ng kaarawan ni Frost.
Ilang sandali pa'y biglang nag-iba ang paligid. Nasa labas kaai ng palasyo, ako'y nakatayo sa likod nila. Huminto sila sa ilalim nang maliwanag na buwan, nasaksihan ko rin ang pagdampi ng kanilang labi sa isa't isa. Nanlaki na lamang ang aking mata nang itulak bahagya ng dalaga ang kasama. Nag-umpisang kumalat ang yelo sa mukha ng binata, pababa sa katawan nito.
Napaluhod na lang ang dalaga, nagulat marahil sa nangyari. Hinawakan niya ang nagyelong kamay ng binata ngunit bigla na lang itong nabiyak at nadurog.
May kung anong kurot akong naramdaman sa aking puso.
Mayamaya ay nag-iba na naman ang paligid. Bumalik kami sa loob ng palasyo. Ang dalaga'y mukhang napakatamlay, nakalugay ang mahaba at kulay pilak nitong buhok na umaabot hanggang sa kanyang hita. Napakalamlam ng kanyang mga mata, puno ng kalungkutan at paninibugho.
Tumingala siya, gano'n din ako. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ang matutulis na bagay sa itaas ng yelong kisame. Marami 'yon at mahahaba. Sa labas nama'y nagngangalit na nyebe ang bumabagsak. Nilalaro niya sa kanyang palad ang kulay puting usok na gaya ng sa akin.
''Hinihiling ko na sana ako'y maging isang libro, kung saan nakasulat ang pag-iibigan naming dalawa,'' sambit niya sa sarili. ''Na kung sino man ang unang makahanap sa 'kin ay itatakda kong sa kanya manggagaling ang panibagong ako.'' Tumungo siya nang bahagya. ''Sa bawat pagpihit ng mga pahina ay muli akong mabubuhay, muli tayong magkikita't hindi na magkakahiwalay pa, aking sinta.''
Wala na siyang iba pang sinabi. Matagal siyang nakatungo bago siya muling tumingala. Kasabay naman ng kanyang pagtingala ang pagkahulog nang mahahabang yelo na nasa kisame papunta sa kanya.
'''Wag! Umalis ka r'yan!'' Sigaw ko ngunit hindi niya ako naririnig. Hindi naman nagtagal ay naging kulay pula ang dating kulay puting sahig.
Nayanig ang kinatatayuan ko. Nawalan ako ng balanse't napaupo. Unti-unti na ring nagbabagsakan ang ilang tipak ng yelo. Natutunaw na rin ang yelo sa paligid, nakikita ko na ang kulay ng lupa. Ang mga berdeng halaman at magandang puno ay nasisilayan ko na. Ang agos ng tubig ay naririnig ko. Lumingon ako't hinanap kung nasa'n ang batis. Hindi naman ito malayo sa pwesto ko. Kumikinang ang tubig nito na nasisinagan ng araw.
Nawala ang dalaga, hindi ko na siya nakita simula no'ng gumuho ang kanyang palasyo ngunit ibang babae ang nakita ko. Nasa ilalim siya nang malaking puno, mukhang may kinukuha sa ilalim nang malaking ugat nito.
Humarap ang babae na may hawak na maliit na libro. Nakatalukbong siya ngunit nakikita ang labi. Napansin ko rin ang malaking umbok ng kanyang tiyan.
''Ina?'' Bulong ko. Hindi ako maaaring magkamali, kahit na nakasuot siya ng kulay pulang kapa na may malaking talukbong ay kilala ko ang kanyang labi, ang hugis puso niyang labi.
Pinagpag niya ang maliit na aklat at dahan-dahan niyang binuklat ito. May kung anong maliliit na nyebe ang lumitaw mula ro'n kaya nabitawan niya ang aklat, nagulat marahil sa kanyang nakita. Ngunit ang nyebe ay unti-unting dumidikit sa kanyang kamay at tsaka binalot no'n ang buo niyang katawan, bahagya siyang napaupo at napayakap sa sarili.
Lumapit ako kay ina, gusto ko siyang mayakap. Ipinatong ko ang kamay ko sa balikat niya ngunit tumagos lang. Nasasabik ako sa kanya. Sa pagmamahal niya.
''Lisana!'' Boses 'yon ng aking ama. Hinanap ko siya ngunit hindi ko siya nakita.
Pinulot ni ina ang libro at inilagay sa basket na dala. Pagkatapos ay tumayo siya't umalis na. Naikuyom ko na lang ang palad ko, hindi dahil sa galit ako, kundi sa panghihinayang.
Mayamaya ay dumilim na uli ang paligid. Ang langit ay nabalutan nang maitim na ulap. May mga maliliit na nyebe ang dahan-dahang bumabagsak. Ang lupa na aking tinatapakan ay muling nabalutan ng nyebe.
Nakabibigla rin na sa isang kisapmata ay nandito uli ako sa palasyo, nakatayo malapit sa tronong gawa sa yelo. Naro'n naman nakaupo ang isang babaeng kapareho ko ng kasuotan.
''Sino ka?'' Bumuka rin ang kanyang bibig na tila nagsasalita ngunit alingawngaw lang ng boses ko ang namayani.
''Kilala mo ba ako? Bakit ako narito?'' Tanong ko habang unti-unting lumalapit sa kanya. Gano'n din naman siya, tumayo siya't humakbang din palapit sa akin.
Nang magkalapit kami ay nakatitig lang siya sa aking mga mata. Kahit pa konting galaw ko ay gano'n din siya, para tuloy akong nakaharap sa salamin. Ngunit hindi rin nagtagal nang magsalita siya.
''Natutuwa ako dahil dininig ng Diyos ang aking kahilingan noon.'' Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Tumalikod siya sa akin at humakbang papunta muli sa kanyang trono.
''Hiniling ko na maging isang libro, para pagdating ng araw, kung sino man ang makakita sa 'kin ay siyang magbibigay buhay muli sa bagong ako.'' Nginitian niya ako. Naintindihan ko na, naalala ko ang nangyari bago siya masawi. Mapupungay ang kanyang matang kumikislap na parang piraso ng yelo, gaya ng aking mga mata.
Umihip ang hangin, tunog ng lustre sa itaas ang namayani. Nag-uumpugan ang mga maliliit na yelo no'n na lumilikha nang matitinis na tunog. Pagkatapos, biglang na namang gumalaw ang mga tipak ng yelo. Nagkaroon muli ng mga bitak ang sahig sa aking tinatayuan.
''Holly, muli akong isinilang sa katauhan mo.'' Napayakap ako sa aking sarili dahil napakalamig ng kanyang boses. ''Ang lalaking inibig ko noon ay si Frost, nagkita na nga kayo at nakilala ang isa't isa. Alam kong nahulog na ang loob mo sa kanya, ngunit nag-uumpisa pa lamang muli ang kwento'y gumawa na ang tadhana ng paraan upang magkahiwalay kayong muli.'' Sa isang iglap ay nasa harap ko na uli siya't hawak ang aking mga kamay, pinisil pa niya ito nang bahagya bago muling nagsalita.
''Ang aking hiniling ay sana hindi na muling paghiwalayin pa kami ng aking sinta. Kayong dalawa lamang ang makagagawa ng paraan para matupad 'yon. Tandaan mo, ikaw at ako ay iisa. Ano pa man ang mangyari ay 'wag mong tutularan ang aking nagawa. Matapang ka, alam ko 'yan, kaya't umaasa akong mapagtatagumpayan mo ang pagsubok ng tadhana.''
Binitiwan niya ang aking kamay. Unti-unti naman siyang natutunaw na parang yelo.
''S-sandali! Anong gagawin ko?'' Sigaw ko pero nakangiti lang siya sa akin hanggang sa tuluyan siyang naglaho at naging maliliit na nyebeng inilipad ng hangin.
Nabiyak ang yelong sahig na aking kinatatayuan. Napasigaw ako nang ako'y mahulog sa kawalan. At sa aking paggising, bumabagsak na ang maliliit na nyebe at snowflakes sa aking silid.
***
Narito kami ngayon sa palengke para bumili ng babaunin para bukas. Marami pa ring mga namimili kahit na tanghaling-tapat ng Biyernes. Paunti-unti naman ang bagsak ng nyebe ngayon at may nakisabay pang balita. Mabilis na kumalat sa buong Saxondale ang ginawa ni Frost na pagpapakilala sa akin sa kanyang pamilya. Nakatakda pa naman kaming magkita uli ngayon. Habang naglalakad kami ni Lucy rito sa palengke ay naririnig ko ang nga bulungan ng mga tao.
''Sa dinami-rami naman ng mayayamang dalaga rito sa Saxondale ay bakit iyang taga-circus pa ang napili. Nariyan naman ang Dukesa Rosemary na matagal ng may pagtingin kay Ginoong Frost,'' sabi ng matabang babae na kung tumingin sa akin ay mula ulo hanggang paa.
''Hoy, mga matatabil ang dila! Rinig namin kayo oh kahit na magbulungan pa kayo r'yan,'' sabi ni Lucy habang isa-isang tinabig ang paninda nitong mansanas.
''Hayaan mo na Lucy, magsasawa rin ang mga 'yan, aalis na rin naman tayo bukas.'' Inawat ko siya sabay hila sa kanya papunta sa mga nagtitinda ng tinapay.
''Ano ka ba, kahit minsan nga lumaban ka naman Holly, o kaya gawin mo na silang yelo para manahimik. Hindi porke taga-circus tayo ay mamaliitin na lang tayo ng kung sino man,'' sabi pa niya habang tinuturo ang tinapay na nais niyang bilhin. Nanggigigil siya't hindi maitago ang pagkainis.
''Iniisip ko si ama, ayokong pati siya'y madamay kung patulan ko man sila. Hayaan mo na lang, sanay na ako r'yan. Ako pa ba? Matatag kaya ako.'' Pagmamalaki ko sa kanya pagkatapos ay tinapik ko ng mahina ang aking dibdib. Niyakap ko pa nang mahigpit ang basket na nakasukbit sa braso ko.
Pero ang totoo n'yan, pinipigilan ko lang ang panginginig ng aking labi. Gano'n rin ang aking tiyan, parang may mga lumilipad na paruparo sa loob kaya 'di ako mapakali.
''Ang tanong, hanggang kailan ka kaya magiging matatag? Payo ko lang sa'yo, magsalita ka kung kinakailangan. Tayong mga hindi nakapagtapos sa pag-aaral at mga salat sa yaman, tayo pa 'yong marunong rumespeto at umunawa. Kaya 'wag nila tayong maliitin.''
Para akong sinaksak sa dibdib ng mga salitang 'yon ni Lucy. May punto nga naman siya. Siya kasi 'yong tipong hindi nagpapaapi, eh ako hinahamak at minamaliit na nga nagagawa ko pang ngumiti.
Nadaanan namin ni Lucy ang isang bilihan ng mga damit. Nakatayo kami sa labas at tinititigan ang isang kulay puti na may halong itim na panlamig. Mabalahibo ito, naghahalo ang itim at puting kulay sa balahibo. May kapareha pa itong pulang estilletto.
''Ang mahal siguro n'yan,'' sabi ko habang nakadikit sa salamin ng tindahan ang palad ko.
''Tama ka, napakamahal n'yan. Hindi mo kayang bumili ng gan'yan, maski ang buhay mo ay hindi sapat para sa presyo ng panlamig na 'yan.'' Nagpantig ang tainga ko't nilingon ang nagsalita.
Si Matilde. Sa dinamirami ng tao rito'y siya pa ang aking nakita. Nakapameywang siya na akala mo'y siya ang may-ari ng tindahan. May kasama siyang isang magandang babae. Kulay rosas ang suot nitong pangginaw, kulay puti naman ang mabalahibo nitong sombrero. Bagay sa bilugan niyang mukha ang nakalugay n'yang buhok, kulot ang dulo nito't nakakaaliw pagmasdan. Maamo ang kanyang mukha, natural din ang pamumula ng kan'yang pisngi. Pansinin naman ang nunal nito sa may kaliwang bahagi ng kanyang bibig.
''Aba't...'' Papatulan sana ni Lucy si Matilde pero inawat ko siya. Hinarang ko ang aking braso sa kan'ya. Hindi namin teritoryo ang Saxondale kung kaya't hindi kami maaaring masangkot sa gulo.
''Holly?!'' Nadismayang tumingin sa akin si Lucy na pumapandyak-padyak pa. Umiling ako sa kanya, senyales na 'wag na lang siya pansinin.
''Siya ba ang masuwerteng babae na kauna-unahang ipinakilala sa inyo ni Frost?'' tanong ng babaeng kasama ni Matilde.
''Siya nga Rosemary, mabait kasi talaga ang kapatid kong si Frost, kaya inaabuso naman ng babaeng ito,'' sabi niya habang naniningkit pa ang mga mata niyang nakatitig sa akin. Naikuyom ko nang mahigpit ang aking palad at tumalikod sa kanila.
''Tayo na, Lucy.'' Bulong ko sa aking kasama. Hindi ko na kailangang marinig ang mga salitang lalabas sa kanyang bibig. Sigurado naman akong panlalait na naman 'yon. Marami na ring mga tao ang nakakasaksi sa ginagawa ni Matilde, mga nang-uusisa at nangangalap ng maibabalita. Halos sa akin sila nakatingin, kita ko sa mga mata nila na naniniwalang inaakit ko nga si Frost.
***