Chapter 2 - CHAPTER 1

''Isang libo't siyam na raan... Ang aming simula ay naging katapusan at ang tadhana'y aming kalaban. Mauulit lamang bang muli ang nakaraan? Ako si Holly Aspen, ang tinaguriang Snow Queen ng circus at ito ang aming kwento.''

***

''Pagbati sa inyo mga minamahal naming manonood! Kami ang Snowflakes Troupe na maghahandog sa inyo ng kasiyahan! Simulan na natin ang saya!'' Napakalaki talaga niyang ngumiti at nakakahawa ang ngiti ng aking ama.

Tinitingnan ko siya sa kayang kasuotan na kumikinang kinang na parang tala. Nakasumbrero ng napakahaba na parang may nagtatagong higante sa loob. Blue tailedcoat at may hawak pang baston. Unti-unting bumukas ang napakalaking pulang kurtina at lumabas ang kambal na sina Lucy at Lucas. Ang isa sa pinakamagaling pagdating sa pagta-trapeze.

Kasama si Kirstine na nakasteampunk costume at may hawak ding baston na may bungo at sombrerong may bulaklak. Nakasuot ng red leather corset kaya mukhang napakaliit ng bewang, kapareha nito ang suot na maiksing paldang mukhang kulambo.

Ako tuloy ang hindi makahinga sa tuwing nakikita ko siya at hindi ko rin maiwasang huminga nang malalim. Naglalakad siya sa direksyon ng mga manunuod sa harapan. Itinutok ang baston sa kanila pagkuwa'y pinaikot-ikot ito saka may lumabas na snowflakes at mga bulaklak, pagkatapos ay yumuko na at kumaway.

Bumagsak naman mula sa itaas ang napakaraming makukulay na papel na sinamahan ng maliliit na snowflakes na ako mismo ang lumikha. Samantala, narito ako ngayon sa likod ng kurtina, pinapanood ang mga kasamahan ko. Inaayos ko rin kasi ang suot kong puting ice skate na may nakaburdang snowflake pa rin. Tinatantya ko kung matalim pa ba ang talim nito.

Hindi na ako kinakabahan dahil simula pagkabata ay ito na ang aking kinalakihang trabaho ni ama. Ang ama ko ang may-ari nitong circus. Nagtatanghal kami para sa mga mayayaman. Minsan ay sa mga hari at reyna sa ibang lugar. Masaya ako dahil nakakapagbigay kami ng kasiyahan sa ibang tao kahit na hinahamak ng ilan ang propesyong mayroon kami.

Sumunod na si Sofia na nakabaluktot ang buto sa malaking hoop na nakasabit sa ere. Si Alphonse na nagbabalanse sa malaking bola habang nagluluksong lubid. Sina Madrid at Minerva naman ang natatanging may kakayahang maglaro ng apoy. Mayroon silang hawak na bolang may tali na sinindihan tsaka ipinapaikot-ikot kaya't lumilikha ng magagandang hugis sa ere o kaya kapag ipinapaikot nila sa magkabilaang gilid. Pagkatapos ay si Laura naman ang sumunod.

''Holly, maghanda ka na anak pagkatapos ni Laura ay ikaw na,'' sabi ni ama habang tinatapik tapik ang ulo ko. Huminga ako nang malalim. Inayos ang maskara kong suot na may disenyong snowflake. Tumindig ako ng direcho at sinilip si Laura, siya ay maalam sa larangan ng  paga-acrobat sa ere gamit ang silk.

Ang maliliit at kulay asul na ilaw lamang ang nakatutok sa kanya habang lumilipad lipad at naglalambitin sa tela. Umihip ako ng konti, saka lumabas ang maliliit na snowflakes sa hangin palapit sa kanya. Narinig ko ang palakpakan ng mga manonood.

Ipinulupot ni Laura ang tela sa katawan niya pagkatapos ay parang manika na nagpatihulog, rumolyo na parang kurtina pagkatapos ay ibinuka ang mga bisig na parang lumilipad habang nagpapaikot-ikot sa ere ng entablado.

Kasabay ng pagpatay sa kanyang ilaw ay agad siyang bumaba at tumakbo sabay tapik sa balikat ko.

''Salamat Holly, galingan mo.'' Kumindat siya sa akin at tinanguan ko lang siya.

"At ang huli... Masigabong palakpakan para sa ating Snow Queen!'' Palakpakan naman ang mga manonood matapos akong ipakilala ni ama.

Snow Queen, ang bansag sa akin sapagkat ako lang sa aming lahat ang nagtatanghal gamit ang yelo. Syempre, isa na rin sa dahilan ang abilidad kong magpaulan ng nyebe.

Huminga ako nang malalim at lihim kong ibinuka ang mga palad ko. May kung anong puting usok ang lumabas mula rito, kaya unti-unting namumuo ang maliliit na yelo sa ere, kung saan man ako tumapak ay sumusunod sila hanggang sa makarating ako sa gitna.

Mukha silang dyamanteng nagkikinangan sa taas ko, mayamaya ay nag-umpisa silang bumagsak sa bilugang entablado. Sa bawat pagdampi nang maliliit na nyebe sa sahig ay pumoporma itong yelo. Hanggang sa tuluyan ngang naging matigas na yelo ang entablado. Sa ilalim naman nito'y may isang napakalaking snowflake. Muli kong inayos ang aking maskara pagkatapos ay tumindig ako ng tuwid. Itinaas ang aking kamay at nameywang.

Suot ko ang kulay asul na kasuotang may nakadikit na makikinang na bato. Bumukas ang puting ilaw na tumutok sa akin. Naririnig ko ang mga bulungan nga mga manunuod, mga nagtataka kung bakit naging yelo ang sahig ng tanghalan at para sa kanila ito'y isang mahika.

Sa saliw ng musikang Swan Lake ni Pyotir Ilyich Tchaikovsky ay inumpisahan ko ng padulasin ang aking ice skate. Nagpadausdos ako, umiikot sa loob ng entabladong yelo. Nagpapadausdos ako na parang gumuguhit ng numero otso. Umupo ako habang nagpapaikot-ikot habang unti-unting tumatayo. Nagpadausdos uli ako at tumalon ng tatlong beses. Sa pagbagsak ng aking ice skate sa yelo'y itinaas ko ang aking binti at nagpaikot-ikot muli.

Ikinukumpas ko ang aking mga kamay sa saliw ng napakagandang musika kasabay rin nang pagdausdos ng aking ice skate. Muli akong nagpadausdos palikod gaya noong una at ngayon ako'y nasa gitna, nagpapaikot-ikot ako habang nakataas ang mga bisig na parang balerina sa isang kahon. Malapit na matapos ang musika at kasabay ng paghinto nito ang paghinto ko rin. Yakap ang sarili habang nakayuko.

Palakpakan ang mga manonood. May mga nagbato ng bulaklak sa akin, napakarami. Nagustuhan nila ang ginawa ko. Yumuko ako sa kanila at kumaway. Ikinumpas ko ang aking mga kamay at may lumabas na maliliit na snowflake, ikinamangha naman ito ng mga manonood.

Mabilis akong nagpadausdos pabalik sa likod ng kurtina, ang mga kasama ko'y nakasuot na rin ng ice skate.

''Magaling anak, ipinagmamalaki kita,'' sabi niya at niyakap ako. Pagkatapos ay nauna siyang magpadausdos palabas, nakapila kami at ako ang sa hulihan.

Nakapabilog kami sa entablado at yumuko sa mga manunuod. Pumapalakpak naman sila at naghihiyawan. Mga makukulay na lobo at papel na naman sa paligid ang nagsisiliparan. Ang mga maharlika na nanunuod, siguradong nasiyahan na naman sila sa munti naming palabas.

Nakaugalian na namin ang pagpapakuha ng litrato kapag natatapos kaming magtanghal para na rin mayroon kaming rekwerdong maitatago.

Pagkatapos ay dumiretso na ako sa aking silid para makapagpalit ng damit. Bitbit ko ang aking ice skate nang mapadaan ako sa silid ni ama, hindi ko naiwasang marinig ang usapan nila at ng isang lalaking nakapormal. Nagtago ako, sumilip ng bahagya sa likod ng kurtina at nakinig.

''Napakaganda ng inyong naging palabas Ginoong Leopold. Hindi na ako magpapaliguyligoy pa, nais ko sanang imbitahan kayo sa aming bayan para makapagtanghal,'' sabi ng lalaki.

''Ikinagagalak ko ang 'yong alok ngunit...''

''Maganda sa aming lugar Ginoo, siguradong marami kayong mapapasaya kung sakali. Ito ang kabayaran, isang-punong supot na ginto.'' Nanlaki ang mga mata ko, isang-punong supot na ginto? Napakarami noon.

''Hindi ako tumatanggap ng kasagutang hindi at pag-iisipan ko,'' tugon ng lalaki.

''Kung ganoon ginoo'y tinatanggap ko ang iyong alok.'' sagot ni ama na naramdaman ko ang tuwa sa kan'yang boses.

''Maraming salamat Ginoong Leopold! Ang bayan nami'y sa Saxondale hihintayin namin ang Snowflakes Troupe roon! Maraming salamat at magandang araw.'' Maligaya ang lalaki sa pagpayag ni ama. Inalis niya ang kanyang sumbrero at yumuko. Paalis na siya kaya naman agad akong nagtago sa likod ng kurtina.

Saxondale, napakalayong lugar, tatlong araw ang bibilangin makarating lang sa lugar na iyon. Nakita kong lumabas si ama sa kanyang silid kaya naman sinundan ko siya.

''Ama! Napakasaya mo yata.'' Nakikisabaya ako sa kanyang paglalakad.

''Tama ka hija, masaya ako ngayon.'' Titig na titig lamang ako sa nakangiti niyang mukha. Pagkatapos ay tiningnan ko ang kamay niyang ipinatong sa aking balikat.

Tinawag niya lahat ng kasamahan namin para ipamalita ang magandang alok sa kanya. Halos lahat kami'y napakasaya at nananabik sapagkat muli kaming makakapangibang-bayan.

***

Apat na araw ang inabot bago kami makarating sa Saxondale. Nasiraan kasi ng gulong ang aming karuwahe at kinailangan pang-ayusin dahil sa makakapal na yelong nadadaanan namin. Nasa Saxondale na kami pero wala pa sa mismong bayan. Tag-lamig kasi ngayon kaya naman nababalutan ng puting yelo ang mga puno sa daan.

''Ama, nais ko sanang tanggalin ang aking maskara para...''

''Hindi maaari anak, alam mo naman ang mangyayari kapag hinubad mo iyan sa iyong mukha hindi ba?'' sabi niya ng hindi man lang tumitingin sa akin. Tama, kapag wala ito lahat ng tumitig sa mata ko'y magiging yelo.

''Opo.'' Napanguso ako. Mayamaya ay may kamay na yumakap sa bewang ko. ''Waaa!'' Hinila ako kaya naman napabaliktad ako't napagulong sa loob ng karuwahe.

Nagtatawanan sina Lucy, Lucas, Kirstine, Laura at Minerva habang tulog naman ang iba pa naming kasama.

''Napakalalas niyo talagang magbiro!'' Napanguso ako at napangalumbaba sa may hita ng natutulog na si Sofia. Inirapan ko sila isa-isa pero hindi naman nila nakita. Halos sumubsob na rin kasi ako sa mga natutulog dahil sa ginawa ni Lucas.

Halos nakapanlamig silang lahat samantalang ako'y nakabestidang manipis at boots. Hindi kasi ako nakararamdam ng lamig dahil na rin sa may espesyal akong kakayahan na kailangang ilihim sa iba. Ngunit hindi sa kanila dahil alam nila ang tungkol sa kakayahan kong iyon.

Pinaghahampas ko naman si Lucas dahil sa kaniyang ginawa. Ngunit sinangga lang niya ng kan'yang braso ang mga hampas kong iyon. Kinabahan kaya ako, akala ko'y mahuhulog na ako kanina.

''Ano ka ba, hindi ka pa rin nagbabago Holly, ang bilis mo pa ring mapikon,'' sabi ni Lucas sabay akbay sa akin. Hindi ko maiwasang mailang sapagkat napakalapit ng kanyang mukha. Kumabog tuloy nang mabilis ang dibdib ko. Nag-init rin ang buong mukha ko kulang na lang ay tumunog ako na parang takure kapag kumukulo.

May paghanga kasi akong nararamdaman kay Lucas simula noong labing-apat na taong gulang ako at siya nama'y labing-pitong taon. Napakakisig niyang tumindig. Singkit ang mga mata nila ni Lucy, hindi naman ganoon katangos ang ilong nila. Napakaganda rin niyang ngumiti. Napakaangas rin ng mukha niya na akala mo laging naghahamon ng away kaya malimit siyang mahusgahan agad. Napakagulo rin ng ayos ng buhok niya na parang hindi nagsusuklay.

Silang lahat na kasama ko rito'y kinupkop ni ama at tinuring na kadugo. Hindi man namin kasama si ina ngayo'y masaya pa rin kami at isang buong pamilya.

''Uyy, bakit namumula 'yang tainga mo, Holly, ha? Uyy...'' panunukso pa ni Laura.

''Talaga ba? Patingin nga?'' Hinawakan ni Lucas ang pisngi ko't pinaharap niya ako sa kanya. Ihinilig ang nang bahagya ang ulo ko't dumampi sa kanyang palad ang pisngi ko. Mas lalo tuloy kumabog ang puso ko. Kahit natatakpan ng puting harang ang suot kong maskara ay kita ko kung gaano kumislap ang kanyang matang nakatingin sa tainga ko.

''Yeee... ayos! Hahaha, kinikilig ako! Wooo!'' sabi naman ni Kirstine na may pasuntok pa sa hangin. Hindi nila alam ang paghangang mayroon ako kay Lucas pero bakit ganito na lang nila kami tuksuhin.

''Hooo!'' Narinig ko si ama nang pahintuin ang mga kabayo kaya naman nagmadali akong umalis sa harap ni Lucas at pumunta sa tabi ni ama.

''Anak nandito na tayo...'' Inakbayan ako ni ama. Napangiti ako at napatingala sa malaking arkong gawa sa bato na may nakapaskil na malaking karatulang gawa sa kahoy. SAXONDALE. Narito na rin kami sa wakas.

Kasabay ng pagpasok namin sa bayan ay muli na namang nahulog ang maliliit na butil ng nyebe na may kasamang maliliit na snowflakes. Halos dumampi sa aking pisngi ang ilang hibla ng aking hanggang leeg na buhok dahil sa ihip ng hangin.

***