Chereads / Karunungan ng mga Anito / Chapter 1 - Lumang Silid

Karunungan ng mga Anito

🇵🇭Frill_Iam
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 19k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Lumang Silid

Palubog na ang araw ngunit wala pang nagsindi ng kandila sa tahanan ni Mino. Kadarating lang niya mula sa paaralan. Siya'y pagod, gutom at nagtataka sapagkat sa mga oras na ito'y nagluluto na ng hapunan ang kaniyang ina, ngunit hindi niya naaamoy ang madalas na pinakbet o nakikita ang maliwanag na apoy ng kalan galing sa kanilang kusina.

Naalala ni Mino ang kaniyang mga nabasa sa mga diyaryo tungkol sa pagtaas ng krimen nang matapos ang pandaigdigang digmaan. Pinulot niya ang isang matigas na sanga ng ipil-ipil na madalas niyang tinatago sa hardin. Alam niyang walang magagawa ang isang piraso ng kahoy laban sa mga magnanakaw. Ngunit mas mabuti nang maging handa.

Dahan-dahan na pumasok si Mino sa loob ng bahay hawak ang kaniyang pantaboy ng ligaw na aso at sumilip sa bawa't isang kwarto. Ngunit wala siyang nakitang kahit sino. Walang sumagot sa kaniyang mga tawag; 'nay, 'tay o ate. Katahimikan ang bumalot sa buong bahay.

Hindi kadalasang si Mino ang nagsasara ng mga bintana at nagsisindi ng mga lampara sa kanilang tahanan ngunit wala siyang magagawa kung walang ibang tao na gagawa nito para sa kaniya. Napansin niya ang liwanag na galing sa bodega. Ito'y galing sa isang pintuan ng lumang silid na nakatago sa madilim na bahagi ng kailang munting imbakan. Muntikan na niyang nakalimutan ang tungkol dito dahil sa hindi siya pinapayagang pumasok ng kaniyang lolo at ama sa kaniyang kabataan.

Hawak ang lampara sa isang kamay, maingat niyang binuksan ang pinto. Sa kabila nito ay isang lumang opisina. Ang ilaw ay galing sa liwanag ng buwan na naaaninag mula sa isang nakabukas na bintana. Lahat ng mga kagamitan at muwebles sa loob ng silid ay nalukuban ng mga maalikabok na mantel. Nabahala si Mino sa pagpasok sapagka't sa kalumaan ng silid na ito ay maaaring marupok na ang ilang mga bahagi. Ngunit siya'y nagulat sa tibay ng sahig nang siya'y humakbang papasok. Maingat niyang sinara ang bintana at linagay ang kaniyang lampara sa isang kabitan mula sa kisame. Sinindihan niya ang mga lumang kandila na nakakabit sa mga dingding at napahanga sa dibuho ng silid. Ang mga kisame, sahig at dingding ay gawa sa matibay na narra na pinahiran ng barnis.

Maingat niyang tinanggal ang mga mantel na nakabalot sa mga kagamitan. At nadiskubre ang mga lumang disenyo ng mga antigong istante, silyang tumba-tumba, lamesa at mga upuan mula pa sa panahon ng mga kastila. Lahat ng mga ito ay katulad ng buong silid, matibay at marikit.

Naglalaman ang istante mga maliliit na bul-ul. Gawa sa iba't ibang materyales mula sa pinakamarupok na kahoy, makinang na bato, hanggang sa pinakamagandang marmol. Bawat pares nito ay naaalala pa ni Mino na pinakilala noon sa kaniya ng kaniyang pumanaw na lolo.

Sa dulo ng silid ay ang pinakamalaking tumbok ng mantel. Sa ilalim nito ay isang eleganteng aparador na mas matayog pa sa katawan ni Mino. Sa harapan nito, mayroong nakakabit na malaking salamin na gumulat sa kaniya nang hamuyin ang mantel. Sa loob nito, mayroong tatlong pares ng barong tagalog, sumbrerong gawa sa kawayan at dayami at isang lumang ataul. Inilabas niya ang nasabing ataul at napansin ang di-karaniwang salita na nakaukit sa ibabaw ng ataul; "Eskimador".

Sa loob nito, may mga lumang libro na nakasulat sa iba't ibang wika; Tagalog, latino, hapon, ingles at espanyol. Ang mga gilid ay nabalutan ng isang telang mayroong halimuyak ng mentang langis at uling na nagsilbing proteksyon ng mga libro mula sa kahalumigmigan ng panahon at nagpanatili sa mga ito mula sa pagkakasira sa paglipas ng mga dekada. Mayroong mga bote na naglalaman ng lunaw na mayroong iba't ibang kulay. Sigurado si Mino na hindi nakakaayo ang amoy nito kapag nabuksan.

Ang umakit sa kaniyang paningin ay ang librong yari sa kuwero ang balot. Nagulat si Mino sa kaniyang unang pagbukas ng librong ito. Sapagka't nakilala niya ang sulat-kamay ng kaniyang lolo sa bawat pahina. Sulat kamay na tandang tanda pa niya mula sa mga pinadalang mensahe ng kaniyang lolo mula pa sa panahon ng pandaigdigang digmaan. Bumalik siya sa unang pahina at binasa ang titulo;

"Karunungan ng mga Anito."

Sa kaniyang pagsambit sa mga salitang ito, biglang pumasok ang malakas na hangin sa loob ng kwarto at pinatay ng sabay-sabay ang mga kandila maliban sa nakasabit na lampara. Hindi nakagalaw si Mino pagkagulantang. Hanggang sa makarinig siya ng pagkatok sa pinto mula sa pambungad na pintuan ng kanilang bahay.

"Tao po?" tawag ng tao mula sa labas.

Ibinalik ni Mino ang libro at maingat na sinara ang aparador bago siya lumabas. Binuksan niya ang pinto at nakita ang kanilang kapitbahay na si Lena. Nagpakawala siya ng buntong-hininga sa pagkabigo nang makita ang suot ni Lena. Mahabang maong, mawaluwang na kamisadentro, at sombrerong harap-palikod.

"Nagnakaw ka ulit ng damit ng kuya mo?"

"Wala siya sa bahay eh... Ikaw lang din sa bahay niyo?"

"Oo, ako lang."

Matagal nang magkaibigan sina Mino at Lena. Sa dalas nilang away sa kanilang kabataan, marami ang mag-aakala na sila'y magkapatid. Naaalala pa ni Mino ang lakas ng kaniyang pagtawa sa araw na una niyang makita ang dalagang magdamit-pambabae.

Napansin ni Mino ang liwanag sa kalsada dahil sa dami ng tao na may hawak na lampara sa labas. At kaniyang tinanong; "Anong meron?"

Lumabas si Mino at napansing mga kabataan lamang ang kaniyang nakikita. Mula lamang sa mga edad na pito pataas. Lumapit siya sa kaniyang mga kapitbahay at agad siyang tinanong.

"Wala din mga magulang mo?"

"Wala. Baka pumunta sila sa misa?" Sagot ni Mino.

"Sa tabi ng simbahan bahay ko. Walang tao dun." Sagot ng iba.

"Dumaan din ako dun."

Nagtataka ang lahat dahil hindi normal na walang tao sa loob ng kanilang tahanan sa kanilang pag-uwi lalo na kung kasabay ang buong barangay.

Lumapit si Mino kay Tonio,ang pinakamatanda sa kalsada at kagawad ng barangay. May hawak siyang radyo at maingat itong pinipihit upang makasagap ng balita. Agad niyang kinausap si Mino nang siya'y lumapit.

"Tingin mo?" Tanong ni Tonio.

"Tingin ko walang gumaganang estasyon." Sagot ni Mino habang tinuturo ang hawak ni Toniong radyo.

"Subukan mo kaya." Binigay ni Tonyo ang radyo.

Kinuha ni Mino ang radyo at ngunit wala siyang marinig kundi alingawngaw. Kaya pinihit niya ito at patuloy na naghanap ng gumaganang estasyon.

"Baka sira na baterya niyan." Sambit ni Lena.

"Ilang beses ko nang sinabi sa'yo. Wala kang maririnig na tunog pag baterya lang problema nito."

Patuloy na pinihit ni Mino radyo ngunit bigla itong namatay.

"Bwisit."

"Sabi sayo baterya eh."

Binalik ni Mino ang radyo at naupo sa tabi ng kalsada kasama si Lena na kumakain ng tinapay. Pinagmasdan niya ang mga kabahayang nakasindi ang ilaw ngunit walang tao sa loob. Napansin ito ni Lena.

"Nga pala bakit di pa kayo nagpakabit ng linya ng kuryente?"

"Ayaw ni lolong punoin nila ng alambre ang bahay niya."

"Iyan din daw ang sinabi ng lolo ko"

"Matagal na daw magkaibigan yung dalawa. Mukhang pareho nga sila ng pananaw."

"Sana nga buhay pa sila nung lumipat kami ng bahay."

Naalalang muli ni Mino ang sinabi ng kaniyang lolo sa kaniya; "Ingat ka sa kakaibiganin mo bata! Kundi, mauumay ka sa katabi mo. Tulad nitong siraulo sa tabi ko."

Napangiti na lamang si Mino nang mapansin niyang kasama niya ngayon ang apo ng malapit na kaibigan ng matanda. Biunulong nalang niya sa kaniyang sarili; "Pasensya na tanda, di ako marunong mangaibigan."

Pinutol ni Tonyo ang ingay sa paligid at sinabihan ang lahat na bumalik na sa mga bahay at matulog na. Siguradong babalik din sila bukas.

"Halika muna sa loob may papakita ako." Imbita ni Mino kay Lena.

"May nahanap ka sa ilalim ng kama ng ate mo?"

"Magandang ideya 'yan pero hindi."

Pagpasok nila sa bahay, may narinig silang boses at mga tahimik na ungol.

"...sit! Bu... ito!"

"May radyo kayo?" Bulong ni Lena.

"Wala nga kaming kuryente."

Sinundan ni Mino ang pinanggagalingan ng tunog at sumunod sa kaniyang likuran si Lena. Sila'y dinala nito sa harapan ng bodega. Pumolot sila ng mga dos-por-dos na nakaimbak sa bodega. Sa harap ng pinto papunta sa lumang silid, sumenyas si Mino na maghanda.

Dahan dahang pinuksan ni Mino ang pinto at napansing mayroong nagalaw na mga bagay mula nung siya'y umalis. Mga nahulog na imaheng Bul-ul, nagalaw na upuan at higit sa lahat, isang maliit at pamilyar na boteng walang laman na gumugulong sa sahig. Ngunit wala siyang nakitang kahit sino. Nawala din ang tunog nang mabuksan niya ng tuluyan ang pinto. Hanggang sa may marinig siyang lagitik sa may aparador. Agad niyang binuksan ang pintuan nito at bigla siyang napasigaw nang mayroon siyang naramdaman na kumagat sa kaniyang daliri!

"Aray!" sigaw ni Mino at mabilis na hinila ang kamay.

Sa loob ng aparador, Mayroong isang maliit, patpating nilalang. Pareho ang pangangatawan nito sa isang normal na tao ngunit limang pulgada lamang ang tangkad mula sa sahig. Nakasuot ng maliit at gutay-gutay na basahan. Tumayo ito ng tuwid at pinagpag ang mga balikat.

"Ano iyan?!" sigaw ni Lena.

Humibi ang kilay ng munting nilalang, tumayo ng maayos at sinabing;

"Mukhang mas matalino pa ang iyong mga ninuno sa iyo binibini. Hindi mo dapat tinatawag na 'iyan' ang mga nabubuhay!" Naiinis niyang sinabi. "Maliban sa mga halaman." Kaniyang dagdag.

"Duwende." Bulong ni Mino sa sarili.

"Ah, Lino... Magandang gabi. Paumanhin tungkol sa iyong daliri."

"Lino? Kilala mo ang lolo ko?"

___Itutuloy...