Chereads / Karunungan ng mga Anito / Chapter 2 - Munting Nilalang

Chapter 2 - Munting Nilalang

"Kaalaman ng mga Anito."

Ito ang mga unang salita na narinig ni Emyr sa kaniyang pagkagising. Kumalat ang mga alikabok na lumukob sa katawan ng munting nilalang nang siya'y bumangon at masuring pinagmasdan ang paligid.

"Alikabok, anong nangyari?"

Nahanap niya ang kaniyang sarili sa itaas ng kisame, balot ng alikabok at bahagyang nahihilo. Walang maalala si Emyr nang siya'y magising maliban sa kaniyang pangalan. Nakaramdam siya ng biglaang pagbuga ng hangin mula sa isang butas ma malapit sa kaniyang mga munting paa. Siya'y sumilip sa butas ng at agad na nakilala ang silid na kaniyang ilalim.

"Opisina ni Nilo!" bulong niya sa sarili

Nakita niya si Mino na natatarantang nagsasara ng aparador at agad na lumabas. Tumayo ng tuwid si Emyr, pinikit ang kaniyang mga mata at tinaas ang kaliwang kamay. Sa isang palagitik ng daliri, binuksan niya ang kaniyang mga mata sa ibabaw ng aparador sa loob ng lumang silid.

"Hahaha, mukhang kuha ko pa!" masayang papuri sa kaniyang sarili.

Ngunit di-inaasahang tumindi ang kaniyang pagkahilo at bigla siyang nahulog sa sahig. Bumangon siyang may panibagong bukol at panibagong alaala nang kaniyang pinagmasdan ang aparador. Mayroong mga gayuma sa loob nito na makakatulong sa kaniyang pananakit ng ulo. Mabilis na pumasok si Emyr sa at madaling nahanap ang mga gamut na nasa loob ng ataul. Hawak-hawak ang bote na halos kasin-laki ng kaniyang ulo, tinikman ng maliit na nilalang ang nilalaman nito. Isang sipsip na agad din niyang dinura.

"Aagh, bulok na ito!"

Ngunit pinilit parin niyang inumin ang gayuma. Tinakpan niya ang kaniyang ilong at pinikit ang kaniyang mata.Ihinagis ni Emir ang bote dahil sa inis at pagkabalisa sa pag-inom ng gayuma. Ngunit agad siyang tumigil nang marinig ang pag ikot ng busol sa pintuan ng silid. Mabilis na sinara ni Emyr ang aparador at siniksik ang sarili sa sulok. Dalawang malaking katawan na mayroong hawak na matitigas na dos-por-dos ang una niyang nakita nang sumilip siya sa mula sa mga puwang ng kaniyang taguan. Sa bagabag, sinubukan niyang gumamit muli ng salamangkang pantakas. Tinaas niyang muli ang kaniyang kamay at pinalagitik ang mga daliri ngunit walang nangyari. Narinig ito ng mga tao mula sa labas ng aparador at nagsimulang lumapit.

Tahimik ang buong barangay sa paglalim ng gabi. Ang kaninang maiingay na mga bata ay mahimbing nang natutulog sa kanilang mga malalambot na kama. Ang tanging liwanag na makikita ay ang mga lampara sa tahanan ni Mino. Tanging ang tunog ng kanilang usapan ang maririnig maliban sa pagkanta ng mga kuliglig na nagagalak sa lamig ng gabi. Sa loob ng lumang silid, nakaupo si Mino sa harap ng lamesa kung saan nakatayo si Emyr habang binubuklat ang libro ng kaniyang lolo. Sa kaniyang tabi, kunot ang kilay ni Lena habang tinititigan ang maliit na nilalang. Hindi naman binibigyan ng pansin ni Emyr ang dalaga at unti-unting iniibos ang bote ng gayuma na parang isang mapait na baso ng kape.

"Hindi parin ako makapaniwala." Sambit ni Lena.

"Sabi dito isa kang duwendeng pula." Turo ni Mino sa linalaman ng libro sa nahanap na pahina tungkol sa unang duwende na nakilala ng kaniyang lolo. Ito'y mismong si Emyr.

"Luma na ang iyong libro munting Mino. Sapagka't ako'y matagal nang iwinaksi ng aking lipi."

Tumingin ang duwende kay Lena at sinabing. "Mino, Maaari mo bang sabihin sa iyong alagang matsing na tigilan ang pagtitig sa akin?"

Tinaas ni Lena ang hawak na kahoy at binagsak niya ito sa lamesa.

"Pasensya na ha." Mapanuyang sumbat ni Lena. "Huwag kang maniwala sa mga duwende Mino! Baka nga ito pa yung kumuha sa mga tao eh."

"Wala akong naaalalang nilalang na maaaring gumawa nito. Mas maayos kung aking sabihing walang makakagawa ng ganitong kalawak na pananakip. Kahit pa sa mga nilalang na tinatawag niyong diyos."

"Kung ganoon nga, paano mo ito maipapaliwanag?"

"Hindi ko sinabing imposible."

"Isang haring duwende?" Hiyaw ni Mino nang makita ang pahina ng libro tungkol dito.

"Hindi 'duwende' ang tawag namin sa aming mga sarili. Kaya hindi niyo sila maaaring tawaging duwende. Lalo na sa mga puti." Panukala ni Emyr.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Wala kaming hilig sa mga salitang linikha ng mga bibig ng malalaking tao. Ngunit naniniwala ang mga puti na mayroong panawag ang magiting na Bathala sa kanilang angkan."

"At iyon ay?"

"Anghel?" pagtataka ni Mino nang makita ito sa libro.

"Maaari din namang nakapulot lamang ng bibliya ang naunang hari."

Inabot ni Mino ang libro kay Lena. "Pero saan natin sila mahahanap?"

"Sa silangan." Mabilis na sagot ng duwende. "Mayroong isang tribo ng mga puting duwende sa pinakamatayog na bundok dito."

"At tutulungan nila tayo?"

"Wala parin akong tiwala dito."

Kinabukasan, sakay ng kanilang mga bisikleta, pumadyak ang dalawa papunta sa mga nakikitang kabundukan patungong silangan. Katulad ng kanilang brangay, wala silang ibang nakita kundi mga kabataang naglalaro sa ilalim ng mainit na sikat ng araw. Walang mga magulang na galit silang pinapauwi, walang pangambang darating ang kanilang magulang na may dalang pamalo. Pare-pareho ang kanilang nakita sa bawat barangay na madaanan.

Tumigil sila sa paanan ng pinakamatirik na bundok at iniwan dito ang kanilang mga bisikleta. Nagdala sila sapat na pagkain nang Maaari silang manatili sa bundok hanggang sa paglubog ng araw. Maingat na umakyat ang grupo sinusundan ang mga tarundon ng mga mangangahoy paakyat ng bundok. Maya-maya'y napadpad sila sa isang lumang dampa. Napapaligiran ito ng mga putol na tuod ng mga punongkahoy.

"Walang tao" Sabi ni Lena matapos niyang kumatok sa pinto.

"Marahil ay isa ito sa mga pahingaan ng mga mangangaso... Magpahinga muna tayo rito."

Naupo at sama-samang kumain ang grupo sa harap ng dala nilang tiklis. Ngunit habang nagkukwentuhan ang grupo, biglang sumama ang kutob ni Emyr sa paligid. Parang mayroong nanonood sa kanilang masayang usapan. Naramdaman din ito ng dalawa at Mabilis na nagligpit. Binilisan nila ang kanilang bawat paghakbang. Ngunit hindi parin mawala ang babala ng kanilang kutob tungkol sa lugar. Naglakad sila ng naglakad hanggang sa makasalubong sila ng lalaki na kumakaway sa kanila.

"Kamusta." Bati nito sa kanila.

Nang kanilang malapitan ang lalaki, siya'y malapit lamang sa kanilang edad. Nakasuot ng isang pamilyar na sombrerong gawa sa dayami at isang itak sa kaniyang baiwang.

"Saan kayo patungo mga kaibigan?" agad na tanong ng lalaki.

"Namamasyal lang." sagot ni Mino.

"Puwes mag-ingat kayo, hindi maganda ang mga naririnig ko sa lugar na ito. Lalo na dun sa lumang kubo sa gitna ng gubat." Nakilala agad nila ang kubong tinutukoy ng mangangahoy. "Sabi nila lahat ng mga dumadayong dumadaan dun hindi na bumababa ng bundok."

Lalong nabahala ang dalawa ngunit alam nila na kailangan parin nilang marating ang pinakatuktok ng bundok na kanilang kinatatayuan. Kaya't sa kabila ng babala ng mangangahoy at masamang pakiramdam sa paligid, nagpatuloy parin sila sa pag-akyat.

Laking gulat nila nang mapadpad muli sila sa parehong dampa na kanilang pinanggalingan.

--Itutuloy