"AKO ba talaga ito? It's pretty!" usal ni Dafhny habang pinagmamasdan ang sketch niya na gawa ni Gianpaolo. Nasa kuwarto nito siya para tingnan ang trabaho nito. Doon niya natuklasan na ini-sketch pala siya nito. "Hindi naman ako nag-pose para sa iyo pero nakukuha mo pa rin ang mukha ko."
"I draw using my memory. I've known you since we were little. And I get to see you more today. Kahit yata sa panaginip ko ikaw din ang nakikita ko. Hindi na ako nahirapan na I-sketch ka," sabi nito at ibinaba ang lapis.
Mahigit isang buwan na sila sa Costa Brava. Mas malapit na sila sa isa't isa. Di na rin siya naiinis sa mga pagbibiro nito. Nasanay na siyang makisabay sa mga biro nito. Pati ang pagpapalipad-hangin nito ay idinadaan na rin niya sa biro. At sa gabi kapag di pa sila inaantok ay nagku-kwentuhan lang sila o nagkukulitan. Sa pagkakataong ito ay ipinakita nito ang sketches sa kanya. Magaling gumuhit si Gianpaolo. Kung di kasi ito nag-Architecture ay baka Fine Arts ang kinuha nito.
Kapag lumuluwas sa Manila ay inaakala ng lahat ng magnobyo na sila. Pero idinadaan lang niya iyon sa tawa. She and Gianpaolo were just close friends.
She breathed deeply. Nai-in love siya sa illustration na ginawa nito. "It is lovely. Kung lagi mo siguro akong ii-sketch, baka ma-in love ako sa iyo."
"HIndi pa ba?"
Sinulyapan niya ito kasabay ng malakas na tibok ng puso niya. "Masyado kang guwapo para ma-in love ako. Sa dami ng pinaiyak mong babae, baka isama mo pa ako sa listahan ng mga pinaasa mo sa wala."
Ginagap nito ang kamay niya at hinaplos ang bawat daliri. "Alam mo ba na ikaw lang ang babaeng nambasted sa akin? At ikaw lang din ang babaeng paulit-ulit kong nililigawan. Ewan ko ba kung bakit di mo ako sineseryoso."
"Do I really have to take you seriously?"
Kinintalan nito ng halik ang likod ng palad niya at tumingala. "I love you, Dafhny. Will you marry me?"
Napasinghap siya at napatitig dito. He looked dead serious. Sa mga titig nito sa kanya, parang isa itong lalaking in love. Iniwas niya ang tingin dito bago pa siya maniwala sa romantic proposal nito. "Let go, Gianpaolo!"
Subalit di siya nito binitiwan. "Ayoko nga. Say yes first."
"Heh! Ikukuha na lang kita ng kape sa babae."
"Wow! That's sweet! Thanks! Sarapan mo ang kape, ha?" sabi nito. "I guess that is a yes. Nagpa-practice ka nang maging Mrs. Gianpaolo Aragon."
"Shut up!" aniya at iniwan ito sa kuwarto. Dahil kung magtatagal pa siya sa kuwarto nito ay baka kung patulan niya ang pang-aakit nito. And she could feel her resolve slowly crumbling.
Masigla niyang tinawid ang madilim na hallway. Pababa siya ng hagdan nang marinig niya ang yabag sa baba. "May tao ba diyan?" tanong niya.
Walang sumagot sa kanya maliban sa sipol ng hangin na nagdala ng ulan at ang pagbagsak ng patak kaya itinuloy niya ang pagbaba ng hagdan. Nagulat siya nang tumunog ang piano. Di iyon musika kundi parang may isang bagay na di sinasadyang nadiinan ang mga tiklado. May tao nga. Madilim ang magsisilbing lobby ng Casa Rojo. Kailangan pa niyang bumaba para buksan ang switch ng ilaw.
"Sino ang nandiyan? Aling Suling!" tawag niya. Naalala niyang umuwi si Aling Suling sa anak nito na nasa kabilang bahagi ng Costa Brava. "Sino ka?" Nakadama na siya ng tensiyon nang walang sumagot. Naramdaman niya na may nakatingin sa kanya. May ibang tao doon. May nagbabantang panganib.
"Gianpaolo!" sigaw niya at umakyat ng hagdan. Subalit nakakadalawang hakbang pa lang siya ay naramdaman niyang may humampas sa balikat niya.