Chapter 322 - Chapter 11

"Bilisan ninyo ang pagliligpit!" utos ni Celestine sa mga tauhan. Alas kuwatro na sila naglsara sa music lounge. Dagsa kasi ang guest nila nang nagdaang gabi. Mukhang nasabik ang mga ito dahil ilang araw na ginamit sa shooting ang music lounge. At ayaw niyang sikatan sila ng araw sa pagliligpit.

"Ma'am, paki-check na po ang kaha," request sa kanya ni Amber.

"Bakit hindi ito nagta-tally?" tanong niya nang I-check ang computer. "Bakit over ka ng one thousand?"

"Kaya nga po ipinapa-check ko sa inyo. Nagkamali po yata ako."

Naka-focus siya sa pagta-tally ng kaha nang bumukas ang pinto ng music lounge. "Sorry, Sir. Close na po kami," narinig niyang sabi ng guwardiya.

"Gusto ko lang makita si Celestine," narinig niyang sabi ni Philippe. Nang tumingin siya ay papunta na ito sa direksiyon niya. "Good morning!"

"Anong ginagawa mo dito? Di ba, may shooting kayo sa Mountain Trail?"

"Mamaya pang alas singko ang call time. Masyado na yata kayong late nagsasara," sabi nito at tumulong pagtataob ng mesa at mga upuan.

"PJ, hayaan mo na sila diyan. Kaya na namin ito," saway niya.

"Gusto ko lang namang makatulong para makatulog ka na agad. Wala ka na namang pahinga, eh!" nag-aalala nitong sabi at patuloy sa pagliligpit.

"Paano ka naman? May shooting ka pa. Save your strength. Baka gabihin ka na naman sa shooting mo. Bumalik ka na lang sa guesthouse at magpahinga. May isang oras ka pa naman kaya matulog ka na lang ulit."

Lumapit ito sa counter. "Bakit mo ba ako itinataboy?"

"Hindi kita itinataboy. Huwag ka na ngang makulit. Hindi ako makapag-concentrate sa ginagawa ko dito."

"O, sige. Aalis na ako." Dumukwang ito sa counter at kinintalan ng halik ang gilid ng labi niya. "Bye!"

Napanganga lang siya sa harap ng monitor dahil nararamdaman pa rin niya ang halik nito sa labi niya. He kissed her infront of her subordinates. He really did it.

"Ay! Saan hinalikan si Ma'am?" tanong ni Dianne.

"Sa pisngi yata," sabi ni Ericka.

"Sa lips," sagot ni Jinky. "Dito lang kaya ako sa malapit."

Kinalabit siya ni Amber. "Ma'am, iyong tina-tally po ninyo."

Naipilig niya ang ulo at ibinalik ang atensiyon sa kino-compute. Pero parang nagsasayaw na ang number sa paningin niya. Wala na siyang maintindihan. "Amber, ano ang sagot sa one plus one? Zero, one o two?"

"Two, Ma'am," sagot ni Amber. "One plus one lang di ninyo alam?"

Napahawak siya sa noo. "Nahihilo na yata ako. Aya, ikaw na muna dito."

Masama na talaga ang tama niya kay Philippe. Isang halik lang nito, nagugulo na ang utak niya. Sa palagay niya ay di na siya normal. Ganoon ba talaga kapag in love? Nakakapagpawala ng common sense?

"CELESTINE, sige na. Sumama ka na sa KTV room. Kumanta ka kahit isang isang kanta lang. Maganda daw ang boses mo," ungot ni Chloe sa kanya habang nakabantay siya sa counter. Naka-reserve ang isa sa private KTV room ng music lounge para sa grupo nito at kasama doon si Philippe. Tuloy-tuloy pa rin ang shooting at maagang nag-pack up nang araw na iyon kaya nag-KTV na lang ang mga ito. Iyon na lang kasi ang pagkakataon ng mga ito na mag-relax. Ilang araw na ang cast sa riding club kaya at ang ilan sa mga ito ay malapit na sa kanya tulad ni Chloe.

"Bawal sa amin, Chloe. Baka sesantehin ako ng boss ko," sabi niya.

"Eh, di sesantehin niya. Mag-artista ka na lang. Mukha namang malakas ka kay Direk Romanov saka kay Philippe. O kaya mag-singer ka na lang."

"Naku! Hindi pang-showbiz ang beauty ko. Saka hindi talaga ako pwede dahil naka-duty ako. Kapag day off ko na lang," hirit niya.

"Sayang. Ipinagmamalaki ka pa mandin ni Philippe sa amin."

"Masyado lang iyong bilib sa talent ko. Huwag kang maniniwala." Di niya maiwasang ngumiti kapag si Philippe ang pinag-uusapan. Sweet na sweet ito sa kanya. Pagka-pack up kasi ng shooting nito ay dumadaan pa ito sa music lounge para I-check at kulitin siya. Ilang beses tuloy pumalpak ang trabaho niya dahil lagi siyang bumabalik sa simula basta ninakawan na siya ng halik nito. Inuulan tuloy siya ng tuksuhan ng mga Malisyosa.

Kampante naman siya di makakarating sa reporters ang mga bali-balita tungkol sa kanila ni Philippe. After all, the riding club was reporter-free. At wala naman siyang sasabihin dahil di naman sinasabi ni Philippe kung ano ang nararamdaman nito para sa kanya.

"Celestine, baka naman magselos ka sa kissing scene namin ni Philippe. Wala lang iyon, ha?" sabi ni Chloe.

"Bakit naman ako magseselos? Trabaho lang ninyo iyon. Saka hindi ko naman siya boyfriend kaya ano ang ipagseselos ko." Saka lagi din naman silang may kissing scene ni Philippe. Puro panakaw nga lang.

"You don't have to deny it. Wala namang makakalabas dito. Siguro isinesekreto lang ninyo ang relasyon ninyo."

Umiling siya at natawa lang. "Naku! Ikaw, ha? Chumichika ka rin. Hindi ko siya boyfriend. Wala kaming relasyon. Hindi rin siya nanliligaw."

"Dear, hindi bulag ang mga tao. You obviously have a thing for him. Kapag nandiyan na siya, nakikita ko ngumingiti ka agad. Iyong kakaibang ngiti, ha? Tapos may kahalong kilig iyon."

Pinigil niyang mapangiti. "Kahit naman sino kikiligin sa lalaking iyon. Nuknukan naman kasi ng guwapo. Pero hanggang doon lang iyon."

"Si Philippe naman walang bukambibig kundi ikaw. Wala iyong ikinuwento sa mga staff namin kundi kung paano kayo nagkakilala pati iyong version mo daw ng Total Eclipse of the Heart."

Nanlaki ang mata niya. "Ano?" Napalabas tuloy siya ng counter ng lumapit dito. "Ikinuwento niya lahat ng iyon?"

"Oo. Basta yata may pagkakataon, ikaw ang ikinukwento niya."

Mariin siyang pumikit habang sapo ang noo. "Nami-misinterpret mo yata, Chloe. Hindi siya in love sa akin kaya niya ikinuwento iyon. Gusto niyang gawing katatawanan iyon para sa lahat." Ginawa pa siyang laughing stock ng bruho. Mabuti na lang at guwapo ito. Pinapatawad na niya agad ito.

"I think he likes you. Di naman iyon nagkukwento tungkol sa kahit sinong babae. Kapag nagka-girlfriend siya, inililihim lang niya. You like each other but nobody wants to admit your feelings though."

"Naku! Huwag kang malisyosa," saway niya.

"Malisyosa? Sinong malisyosa?" tanong ni Jinky. "Kayo, Miss Chloe? Gusto ba ninyong maging member ng Malisyosa?"

"Anong Malisyosa?" tanong ni Chloe.

"Asosasyon ng mga taong may malisya kina Ma'am Tintin at Fafa Philippe."

"Pssst! Magtrabaho ka na," utos niya kay Jinky at pinanlakihan ito ng mata.

"Aba! At may sarili na kayong fan's club ni Philippe," tudyo ni Chloe. "Baka sa susunod daigin na ninyo ang fan's club ng love theme namin."

"Wala lang iyong fan's club na iyan. Puro malisya lang," paliwanag niya.

"Chloe, ikaw na ang kakanta," tawag ni Philippe dito.

"Sige, babalik na ako. Next time pag-usapan natin ang tungkol sa mga malisyang iyan, ha? It sounds interesting," pahabol ni Chloe bago umalis.

Tumango na lang siya nang mapansin na nakatayo pa rin si Philippe habang nakatitig sa kanya. "Yes, Sir? Ano pang ginagawa ninyo diyan?" mataray niyang tanong pero pabiro lang.

Di pa rin inalis ni Philippe ang tingin sa kanya. "Wala. Tinititigan ka lang."

Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Parang lalabas na nga ang puso niya sa rib cage. Pero parang napagkit na ng Mighty Bond ang tingin ni Philippe sa kanya. "Hoy, PJ! Huwag mo nga akong titigan nang ganyan. Nako-conscious ako," sabi niya at saka tinakpan ng palad ang mukha.

"Don't!" saway nito at tinanggal ang palad sa mukha niya. "You shouldn't hide your face. You are beautiful."

Sa mas malapitan pa nito tinitigan ang mukha niya at parang nahihipnotismo na siya dito. "Ayan! Tumititig ka na naman. Mai-in love na ako niyan sa iyo."

Ngumiti ito at inilapit ang mukha sa kanya. "Totoo?Nai-in love ka na sa akin?"

Napapalatak siya. "Kasi titig ka nang titig. I love you na."

Mas lalo pa itong lumapit sa kanya. Their nose touched. Inipit nito ang buhok sa likuran nang tainga niya. "Ha? Anong sabi mo?"

Tumitig siya sa mata nito. "I love you, PJ."

She couldn't stop it. Matagal na niyang gusto na sabihin dito ang nararamdaman niya. Sasabog na ang dibdib niya kung di pa niya masasabi dito. Wala siyang pakialam kung gusto nitong I-reject ang pagmamahal niya. She really loved him. Hindi dahil guwapo ito o artista ito. She loved the way he smiled, the way he laughed, the way he looked at her and the way he cared for her. She loved him. Period. At bahala na ito kung seseryosohin siya nito o hindi. Kung tatawa ito o magagalit sa kanya. Ang importate ay nasabi niyang mahal niya ito.

"I love you, too, Celestine," bulong nito.

Nahigit niya ang hininga at napatitig dito sa loob ng mahabang sandali. Parang natigil ang oras nang marinig niya ang sagot nito. Mahal din siya nito? Can it be true? Can it be real? Parang hindi totoo. Pero gusto niyang maging totoo. Siya na yata ang pinakamasayang babae nang mga oras na iyon.

Bigla itong tumawa nang malakas. "What's wrong, Tintin? Natulala ka na lang diyan. Di ka na nakapagsalita. Sinabi ko lang namang I love you, too."

Saka niya na-realize na nagbibiro lang naman ito. At di rin nito sineryoso ang I love you niya. Ready pa mandin siyang mag-emote at magsisigaw sa music lounge ng 'I love you, PJ!' Nasira tuloy ang moment niya.

Itinulak niya ito sa noo. "Bumalik ka na nga sa KTV room at magkakanta ka na lang." Ipinadyak niya ang paa. "Masyado na akong kinikilig dito. Baka mamaya maniwala pa ako sa mga sinasabi mo."

Hinapit nito ang baywang niya. "Hindi ka ba naniniwala na mahal kita? Bakit? Hindi mo ba ako mahal?"

Itinirik niya ang mata at itinakip ang dalawang hintuturo sa tainga. "Huwag ka nang magtanong nang ganyan. Nakakainis na."

"O! Bakit hindi ka na makasagot?"

Ipinikit niya ang mata at ipinaling ang tainga dito. "Ha? Ano? May sinasabi ka ba diyan? Wala kasi akong marinig."

Tinanggal nito ang daliri sa tainga niya. "Ang sabi ko, in love ka siguro sa akin. Umamin ka na," tukso nito.

Gusto niyang sigawan ito o kaya ay sakalin. Sadya bang pinahihirapan nito ang kalooban niya? Inirapan niya ito at inayos ang mga condiments. "Ewan ko sa iyo. Umalis ka na nga! Nakakaabala ka lang sa trabaho ko."

Tatawa-tawa itong umalis. "In love siya sa akin! In love siya sa akin!"

Muntik na niya itong batuhin ng high heeled shoes na suot niya pagtalikod nito. Nang bigla siyang matigilan. Ayaw yata niyang masaktan si Philippe para lang pakalmahin ang inis niya. She didn't have the heart to hurt him.

She sighed. Bakit ba gustong-gusto nitong paglaruan ang nararamdaman niya? She was sure that she loved him. Kung seryoso lang ang tanong nito kanina, sasabihin talaga niyang mahal niya ito. Pero mukhang di naman ito seryoso sa sagot nito. Magtitiis na lang siya sa 'I love you, too' nito kahit pakunwari lang.

"IMBYERNA talaga ang babaeng iyon! Napasarap hampasin ng tray sa mukha!" himutok ni Ericka nang pumunta sa counter.

"Bakit? Sino iyon?" tanong niya.

"Iyong babaeng laging nakalingkis kay Fafa Philippe kanina pa," sabi ni Jinky at itinuro ang maliit at maputing babae na mukhang Amerisian. Pagdating pa lang ng grupo ni Philippe ay nakadikit na ito sa binata. At nang batiin siya ni Philippe ay tinaasan siya ng babae sabay irap. "Anak daw iyan ng producer, Ma'am."

"Wala akong pakaalam kahit na anak pa siya ng kung sinong Poncio Pilato! Alam ba ninyo kung ano ang sinabi niya sa akin, Ma'am? Sabi niya mas maganda daw ako kung matangos ang ilong ko. Tapos tumawa siya. Forever na daw akong pango dahil waitress lang daw ako. Wala daw akong pamparetoke ng ilong," sumbong ni Ericka sa kanya. "Dapat ipa-ban iyan. Walang modo!"

"Pagpasensiyahan na lang ninyo. Customer natin sila." Gusto man niyang ipagtanggol si Ericka, wala siyang magagawa dahil customer ang babaeng iyon. At tiyak na ikakatwiran lang na customer is always right. Maximum tolerance ang kailangan para sa mga katulad nito at maraming ganoong tao sa riding club.

"Nakaka-insulto kasi, Ma'am." Halos bumula na ang bibig ni Ericka sa inis. "Mahadera! Parang walang pinag-aralan. If I know, puro plastic na ang katawan niyan dahil puro plastic surgery. Orocan na Orocan."

"Iba na lang ang bahala sa table na iyon. Si Dianne na lang," sabi niya.

"Ma'am, ipinapatawag po kayo sa table C," sabi ni Dianne sa kanya.

Iyon ang table ni Philippe. At sumama ang pakiramdam niya nang makitang halos nakakandong na ang babae kay Philippe. While Philippe looked uncomfortable.

Tumayo ang babae nang makita siya. "Are you the manager here?"

"Yes, Ma'am. Anything I can do for you?"

Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa na parang nang-uuri. "No wonder. Katulad mo lang pala ang nagha-handle ng establishment na ito. Akala ko ba world-class ang riding club ninyo? Look at the band! Parang pinulot lang yata ninyo ang mga performer ninyo sa kalye. Look at their instruments. Walang class. Ni wala man lang modern instruments."

Na-shock siya. Noon lang siya nakakita ng babaeng lason yata ang lumalabas sa bibig. Maging ang mga kasamahan nito sa table ay napamaang sa inasal nito. "The performers specialize in indigenous instruments. They are popular abroad. Puro mga Asian inspired po ang music nila. We are lucky to have them as our performer because they are very in demand. Lagi pong puno ang music lounge namin kapag sila ang nagpe-perform."

"She is right, Samantha," sang-ayon ni Philippe. "Madalang na ang mga performers na katulad nila."

"I don't like them," Samantha declared.

"We have a different set of performer tomorrow night. Baka po mas magustuhan ninyo ang type ng music nila," magalang niyang suhestiyon.

Iwinaksi ni Samantha ang kamay. "No! Wala na akong balak na bumalik dito. I am sure it would be another low-class performer."

"Samantha, that is enough!" saway ni Philippe dito.

"I am just speaking my mind," anang si Samantha. Parang di man lang nito naisip na wala na itong pakundangan sa pwedeng maramdaman ng iba. Parang sinabi na rin nito na walang taste ang mga guest nila. Ang totoo ay istrikto sila sa pagpili ng mga performer. Kapag hindi pumasa sa panlasa ni Reid Alleje na ubod nang pihikan, di makakapasok iyon sa Stallion Riding Club.

"And you are blabbering nonsense." Tumayo si Philippe at hinatak ang kamay nito. "Mabuti pa ihahatid na lang kita sa guesthouse."

"But Philippe, how dare you call my ideas nonsense infront of them? Ipinapahiya mo naman ako!" nagtatampong sabi ni Samantha.

"Pasensiya ka na kay Samantha, ha?" nahihiyang sabi ni Chloe. "Brat talaga ang babaeng iyon. Kahit daddy at mommy niya, harap-harapang ipinapahiya."

"Okay lang. Wala akong magagawa kasi customer siya."

"Dapat naman talaga wala iyon dito!" iiling-iling na sabi ng personal assistant ni Philippe na bading. "Nang malamang nandito si Philippe at nagsu-shooting, umuwi galing sa Amerika at ginulo ang mundo namin. Naloloka na nga kami. Kaso di naman namin maitaboy kasi baka pare-pareho kaming mawalan ng trabaho. Kung bakit ka pa kasi naging girlfriend iyon ni Sir Philippe."

"Naging girlfriend siya ni Philippe?" bulalas niya.

"Korek!" sabi ng PA ni Philippe. "Hindi nga namin alam kung bakit siya pinatulan ni Sir Philippe. She is a bitch."

"Malamang kinulam niya," sabi ni Chloe at naghalakhakan ang dalawa.

Nag-aalala siyang tumingin sa pintong nilabasan nina Philippe at Samantha. Di mawala ang lungkot sa dibdib niya. Minahal ba ni Philippe ang babaeng iyon?