NAGULAT si Yoanna nang ipasundo siya sa Stallion Riding Club ng driver ng mga Mondragon para sa isang family dinner sa ancestral house ng mga ito. Ilang beses naman na niyang nakasama sa isang intimate dinner ang mga ito pero napaka-weird lang ng pakiramdam. Karadarating lang ni Alastair sa Hong Kong at wala silang pagkakataon na magkausap. Si Kester ay iniiwasan din niya. Gaya nga ng sabi niya, kung magdedesisyon siya ay gusto niyang walang impluwensiya mula sa iba.
"Hija, come in!" anang si Katalina nang salubungin siya. "Pasensiya na kung hindi ka namin napaabisuhan agad. Biglaan din kasi."
Tipid siyang ngumiti. "It is okay, Tita."
Nakadama siya ng tensiyon nang makita si Kester. Ramdam niya ang talim ng titig nito. Habang bumigat naman ang loob niya nang makita si Alastair. He looked so gloomy. Daig pa nito ang binagsakan ng langit at lupa. Kung nakapag-usap lang sana sila nang mas maaga pero di naman nito sinasagot ang mga tawag niya.
"Yoanna, napag-usapan na namin ni Katalina ang tungkol sa kasal ninyo ni Alastair. We are setting up the date and the venue," pormal na sabi ni Gudofredo na parang wala na siyang karapatan na kumontra pa. Di makatingin nang diretso sa kanya si Alastair. Pumayag na ba ito sa kasal nila?
"Pa, wala pang ibinibigay na sagot si Yoanna," paalala ni Kester.
Hinawakan ni Katalina ang kamay niya. "Hija, hindi ka pa ba pumapayag na makasal kayo ni Alastair? I thought you are the one who is eager. Minamadali ko pa mandin si Alastair sa bahay ninyo sa riding club. Wala pa kasi siyang plano doon. Well, regarding sa wedding, sabihin mo lang sa akin ang gusto mo. Alam ko naman na hindi matatanggihan ang anak ko."
Inangat ni Alastair ang mga mata sa kanya. May halong pakiusap. "Yoanna…"
Alastair was against the wedding. Iyon ang simpleng mensahe sa mga mata nito. But he had no choice. Pareho silang napasubo dahil iyon ang gusto ng ama nito. Importante dito ang pamilya kaya nga pinili nitong itago ang tunay na pagkatao kahit na hirap na hirap na ito. At ngayon, hawak niya ang buhay nilang dalawa sa mga kamay niya. Ang desisyon niya ang magtatakda ng lahat.
Tumayo siya at matapang na sinalubong ang tingin ni Gudofredo. "I am sorry, Tito. Hindi ko po pakakasalan si Alastair."
Tumahimik ang paligid. Parang di inaasahan ng lahat ang sagot niya. Narinig niya ang pagbagsak ng kubyertos sa mesa. "Yoanna, bakit ginagawa mo ito? Akala ko ba nagkakaintindihan na tayo," galit na wika ni Gudofredo.
"Sabi ko po pag-iisipan ko pa," mahinahon niyang sabi.
Ngumisi si Gudofredo, ngisi na nakakapagpangilabot kahit pa sa pinakamatapang na lalaki. "Hindi mo ba naiisip ang kapakanan ni Alastair oras na di mo siya pakasalan? He will be ruined! Itatakwil ko siya."
"S-Sandali," awat ni Katalina. "Hindi ko maintindihan. Ano bang ginawa ni Alastair? Bakit mo siya itatakwil?" Mukhang di sinabi dito ang totoo. "Alastair?"
Mangiyak-ngiyak na tumingin dito si Alastair. "Ma, I am gay."
Napasinghap si Katalina at habol ang paghinga. Nabigla sa rebelasyon ni Alastair. Mabilis itong dinaluhan ni Kester. "Ma, uminom muna kayo ng tubig."
"Look what you've done!" Dumagundong ang boses ni Gudofredo sa buong mansion at dinuro si Alastair. "Ito ba ang gusto mo? Ang patayin kami ng Mama mo sa sama ng loob dahil sa kahihiyang ibibigay mo? Yoanna, itinuring ka naming parang anak. Ito ba ang gusto mong mangyari sa pamilya namin?"
Nabaghan siya subalit nanatiling matatag ang loob niya. Alam niya na siya ang nasa tama. "I am sorry that this happening, Tito. But I am doing this out of respect to Alastair. Iginagalang ko po kung ano ang gusto niya. Kaibigan ko siya kahit na ano pa ang gender preference niya. Kung papayag po ako sa gusto ninyo, parang di ko rin iginalang ang pagkatao niya."
Lalo lang namula sa galit si Gudofredo. "Paano naman ang kagustuhan ko bilang ama ni Alastair? Ginagawa ko lang naman kung ano ang tama para sa kanya. Pinalaki ko siya nang maayos pero ganito lang ang igaganti niya sa akin!"
"Pa, I'm sorry. Di ko naman po gustong sirain ang expectations ninyo sa akin. Pero anong magagawa ko? Ganito po ako. Sinubukan ko namang maging normal tulad ng gusto ninyo pero parang niloloko ko lang po ang sarili ko kung gagawin ko iyon. Naiintindihan ko po kung itatakwil ninyo ako. Pero sana huwag po ninyong kalimutan kung ano ang nagawa ko bilang anak ninyo para maging proud kayo. And it has nothing to do with my gender preference at all," paliwanag ni Alastair.
"Pa, malaki na si Alastair. Alam na niya ang ginagawa niya," suporta ni Kester. "But we had this conversation before when I decided to be a doctor instead of taking over your company. Ang di ko nagawa, si Alastair ang nagtuloy. At kayo na ang nagsabi na nahigitan niya ang accomplishments ninyo. He made you proud. Sa loob ng mahabang panahong itinago niya ang pagkatao, kayo ang iniisip niya dahil ayaw niya kayong saktan. Di ba pwedeng siya naman ang pagbigyan ninyo?"
Mahabang sandali na nagpapalit-palit ng tingin si Gudofredo sa dalawang anak. Dalawa na kasi ang kalaban nito lalo na't pati si Kester ay suportado na ang kapatid. "Sige. Pagbibigyan ko siya sa gusto niya. Pero di ko na siya ituturing na isang Mondragon. Isa na lang ang anak ko."
Tumango si Alastair. Mukhang tanggap na nito ang mangyayari. "Aalis po ako dito kung puro kahihiyan lang din naman ang ibibigay ko."
Ginagap ni Katalina ang kamay nito. "Iiwan mo ako, anak?"
"Gusto po ni Burke na sa Amerika na kami tumira. Tanggap po niya kung ano ako at gusto niyang magpakasal na kami."
"Nahihibang na ba ang Burke na sinasabi mo?" tanong ni Gudofredo.
"Mahal niya ako, Pa." Bakas ang saya sa mga mata ni Alastair. "Di man siguro kami normal katulad ng iniisip ninyo, ang importante nagmamahalan kami."
"Wala ka nang pakialam sa kahihiyan natin," mariing wika ni Gudofredo.
"Mas pipiliin mo pa ba ang kahihiyan natin kaysa sa kaligayahan ng anak natin? Hindi kriminal ang anak natin na dapat ikahiya!" wika ni Katalina at niyakap si Alastair. Parang gustong protektahan sa anumang masasakit pang salita na pwedeng bitiwan ni Gudofredo.
"Siya ang may gustong lumayo sa atin," katwiran ni Gudofredo.
"Kayo ang nagtataboy kay Alastair, Pa," depensa ni Kester. "Iginagalang namin ni Mama kung ano ang gusto niya."
Bumagsak ang balikat ni Gudofredo at tumalikod. Tanda ng pagkatalo. "Sige! Kunsintihin ninyo iyan! Magsama-sama kayo sa kalokohan ninyo!"
Napahagulgol ng iyak si Alastair nang yakapin sina Kester at Katalina. "Thanks, Ma, Kuya. Salamat dahil naintindihan ninyo ako."
"Mahal kita dahil anak kita," wika ni Katalina. "Tatanggapin kita kahit na ano ka pa. Di magbabago ang pagmamahal ko sa iyo."
Tinapik ito sa balikat ni Kester. "Huwag mo nang isipin si Papa. Lilipas din ang sama ng loob no'n, bro."
"Sis," pagtatama ni Alastair. Siya naman ang niyakap nito. "Thanks! Kung di mo nilabanan si Papa, wala akong lakas ng loob para depensahan ang sarili ko."
"It is nothing. Ganoon naman talaga ang magkaibigan, di ba? Sabi ko nga gagawin ko ang lahat para sumaya ka," nakangiti niyang sabi. Naging alanganin ang ngiti niya nang magsalubong ang tingin nila ni Kester.
But he only smiled at her. A smile of gratitude. She smiled back. Tama nga ang desisyon niya na huwag pakasalan si Alastair. She felt better. With Kester's smile, a new door opened for her. It was like a new start for everyone.