"Ano? Sinampal mo si Crawford?" pasigaw na bulalas ni Carlo na napadiin ang pagkakamasahe sa kamay niyang minamasahe nito at katatapos lang I-paraffin wax.
Nanakit na kasi ang kamay niya sa pagbibitbit ng grocery. Disoriented siya nang umalis sa supermarket sa takot na baka sundan siya ni Crawford at komprontahin. Di siya matahimik sa ginawa. Matapos lumipat ng supermarket para mamili ng grocery ay tumuloy na siya sa parlor ni Carlo. Nang mga oras na iyon, sa tingin niya ay ito lang ang kakampi niya.
"Aray!" sigaw ni Nicola. "Parang galit ka sa akin. Huwag mong sabihin sa akin na gusto mo rin si Crawford?"
"Heh! " saway nito sa kanya. "Hindi iyon ang point ko. Alam mo ba kung anong gulo ang ginawa mo? In front of national TV, sinampal mo si Crawford Oreña na pantasya ng mga kababaihan, isa sa mga tinitiliang Stallion boys. Sige nga, anong karapatan mo na basta-basta siyang sampalin? Kaya niyang bilhin kahit kaluluwa mo. Hindi mo ba naisip ang implication ng ginawa mo?"
Nakagat niya ang labi niya. Malaking kahihiyan ang gianwa niya kung sakali. Pero di naman siya papayag na wala siyang karapatan na sampalin si Crawford kahit na gaano pa ito kayaman o kasikat. "Hindi ko na kasi napigilan ang sarili ko sa sobrang galit ko sa kanya. Nasampal ko na lang siya. Saka kasalanan niya iyon. Dapat lang sa kanya na sampalin."
"Binastos ka ba niya? Hindi naman, ah! Dapat ma-flatter ka nga dahil sa dami ng mga babaeng nandoon, ikaw ang pinili niya bilang pinakamaganda."
"Sinabihan pa rin niya akong pangit."
"Dati iyon. Wala na iyong kinalaman sa ngayon. Wala siyang kasalanan sa iyo ngayon, eh! Kung anuman ang problema ninyo dati, the supermarket with camera in front of you is hardly the appropriate place to discuss it or extract revenge."
Di na siya makatingin pa nang diretso dito. He was right. She acted hastily. Ni hindi na siya nag-isip pa. Gusto lang kasi niyang protektahan ang sarili dahil unti-unti na naman siyang naaapektuhan ni Crawford.
"Kung bakit sa dinami-dami ng gagawin nilang host para sa Stallion Shampoo promo na iyan, si Crawford pa ang napili nila?" maktol niya.
"Ikaw sana ang nagpigil sa sarili mo. Nasaan na ang kilala ko na Nicola na matatag ang dibdib? Hindi basta-basta nagpapadala sa galit at laging nag-iisip bago unahin ang nararamdaman niya?"
Nawala na ang Nicola na iyon nang makita niya si Crawford. Pakiramdam niya ay sinapian siya ng espiritu ng kanyang nakaraan. Kaya nang natauhan siya, naibuhos niya ng frustration kay Crawford at nasampal niya. "Siguro naman pinutol niya ang eksena na iyon at di nila ipapalabas sa TV."
"Sa tingin mo ba mapapalagpas ni Crawford na sinampal mo na lang siya? Kahit na sabihin mo pang hindi iyon ipapalabas sa TV, marami pa ring taong nakakita. Napahiya pa rin iyong tao."
Napayuko siya lalo. "Siguro naman hindi niya ako nakilala."
"Sinabi mo na Nicola ang pangalan mo, hindi ba? Malamang matandaan ka. Saka may footage ka sa kanila. Sa lakas ng kapangyarihan ng mga Oreña, di nila palalagpasin ang ginawa mo. Ha-hunting-in ka nila."
Nagpapadyak siya. "Carlo, nananakot ka naman, eh!"
Isa sa pinakamakapangyarihan sa bayan nila ang mga Oreña. Kilala ang mga ito sa news and current affairs. Kaya nga sikat na rin si Crawford at ang kapatid nitong si Claudine bilang mga magagaling na host. Malawak na rin ang impluwensiya ng mga ito sa buong bansa. Hindi niya ma-imagine kung anong parusa ang pwedeng igawad ni Crawford sa pamamahiya niya dito.
"Hindi ako nananakot. Sinasabi ko lang ang totoo."
"A-Anong gagawin ko?" nanginginig sa takot niyang tanong.
"Dapat mag-sorry ka kay Crawford. Mali ang ginawa mo."
"Pwede bang iba na lang ang gawin ko? Huwag lang mag-sorry. What I did was justified. Ganti ko lang iyon sa kanya…"
Idinuldol nito ang daliri sa sentido niya. "Isaksak mo ito sa kukote mo. Mali ang ginawa mo. Paano kung komprontahin ka na niya?"
Napaisip siya. Ayaw na kasi niyang ungkatin pa ang mga kadramahan nila ni Crawford. Tiyak na ide-deny lang nito ang kasalanan nito at magpapa-cute sa kanya. Kayang-kaya naman kasi nitong gamitin ang natural charm nito para mapaamo ang kahit sinong babae. At aminado siyang nanghihina siya kapag kaharap ito.
"Magkukunwari na lang akong baliw," palusot niya.
"Willing ka ba ng tumira sa mental? At paano nga pala kung ipalabas sa TV ang kuha ninyo?"
Nanlaki ang mata niya at umiling. "Oh, no! That would be the end of the world for me. Huwag naman sanang mangyari iyon dahil baka sa Spratly's Island na ako tumira."
"Alam ko na kung paanong hindi magagalit sa iyo si Crawford."
"Paano?" interesado niyang tanong.
"Halikan mo kapag nakita mo." Pinapungay nito ang mata na parang nang-aakit. Then he licked his lips. "O kaya isang gabi sa piling niya para romantic."
Nagdilim ang mukha niya. "Hindi pa naman bumibigay ang utak ko. Ano siya, sinuswerte? Magpapasampal na lang ako sa kanya kung gusto niyang gumanti."
"Then take a rest. Huwag ka nang mangunsumi dahil magiging chaka ka. You are strong. Kaya mong malusutan iyan. Kaya itulog mo na lang iyan. Paggising mo bukas, isipin mo na lang na isang masamang panaginip lang ang lahat."
Sana nga ay magawa niya ang payo nito. Na isiping bangungot lang ang lahat paggising niya. Na maitutuwid niya ang pagkakamali niya.
Subalit kaya ba niyang matulog kung di maalis sa utak niya ang guwapong mukha ni Crawford hanggang ngayon?