Chapter 273 - Chapter 8

HAPONG-HAPO ang pakiramdam ni Nicola nang dumating sa bahay. As if there would be an impending doom hanging above her head. Bitbit ang mga grocery bags ay nadaanan niya si Mhelai na nanoood ng TV. Ni hindi siya nito pinansin dahil nakatutok ang mata nito sa TV at nanonood ng telenovela.

"Gabi na. May pasok ka pa sa review school bukas," paalala niya. Accountancy ang natapos nito at kasalukuyang pumapasok sa review school para sa susunod na board exam. Sila na ng mommy niya ang nag-alaga kay Mhelai mula nang maulila ito dalawang taon na ang nakakaraan.

"Hindi pa ako inaantok," sagot nito at di inaalis ang tingin sa TV.

Tumuloy siya sa kusina. "Natanggap mo ba ang ipina-deliver ko?"

Nasagot rin niya ang sariling tanong nang makita ang plastic bag na may tatak ng restaurant na kinainan niya kanina sa basurahan. Mula sa parlor ni Carlo ay tumuloy siya sa isang restaurant di kalayuan sa bahay nila para makapag-isip-isip. Nagpa-deliver na rin siya ng pagkain para di na niya intindihin pa ang mga kasama.

"Nasaan nga pala si Mommy?" tanong niya nang balikan si Mhelai sa sala.

"Umalis kasama si Mark."

"Ano? Pinayagan mong umalis si Mommy kasama ang lalaking iyon? Baka kung saan na naman niya kaladkarin si Mommy." Baka pati ang konting pera na ibinigay niya sa mommy niya ay ibigay pa sa Mark na iyon. "Mhelai, hindi ba kabilin-bilinan ko sa iyo na huwag mong paaalisin si Mommy?"

"Bakit mo ginawa iyon, Ate?" tanong nitong may bahid ng galit at hinanakit. Ngunit ang mga mata nito ay nakatutok sa pinapanood na Koreanovela.

Nagulat siya sa paraan ng pagtatanong nito at napatingin sa palabas. Comedy naman ang episode na iyon ng Princess Hours. Subalit bakas ang galit sa mata nito. Baka naman nadala pa ito sa nakaraang eksena sa Maging Sino Ka Man na mas naunang ipinapalabas kaysa sa Princess Hours at di pa ito nakaka-get over sa drama. "Oy, Mhelai! Tinatanong kita nang maayos. Huwag kang magpalusot ng mga kadramahan mo. Bakit hinayaan mong makaalis si Mommy?"

Tumayo ito at bakas ang galit sa mga mata. "Ikaw, Ate. Bakit mo nagawa iyon? Alam mo bang nasaktan ako sa ginawa mo?"

"H-Hindi kita maintindihan."

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at niyugyog. "Bakit nagawa mong saktan ang pinakamamahal kong si Crawford? Si Crawford na walang malay!"

Natigagal siya. "S-Si Crawford? A-Alam mo na ang sa amin ni Crawford?"

Paano nito nalaman? Hindi naman siguro sinabi ni Crawford dito. May nakakilala ba sa kanya nang sampalin niya si Crawford?

"Oo." Inabot nito sa kanya ang cellphone. Naubos na ang dugo sa mukha niya nang makita sa video kung paano niya sinampal si Crawford. "Ipinadala iyan sa akin ng kasamahan ko at pinagpapasa-pasahan na ngayon sa mga cellphone. Malamang, ipapalabas na rin iyan sa TV. Alam mo ba kung anong kahihiyan ang ibinigay mo sa pamilya natin? At paano naman ang mahal kong si Crawford? Sinaktan mo siya nang wala siyang kalaban-laban!"

Gusto nang gumuho ng mundo niya. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay lumulutang siya at wala na ang kaluluwa niya sa kanyang katawang-lupa. Pinagpapasa-pasahan na ang video nila ni Crawford. Malapit na ring mai-plastada ang mukha niya sa TV at sa diyaryo pati na rin sa Internet. Ano kaya ang iniisip ng mga tao sa kanya ngayon? Pinsan pa nga lang niyang si Mhelai, parang gustong-gusto na siyang isumpa.

"Mhelai, magpapaliwanag ako."

Ibinuka nito ang palad sa mismong mukha niya. "Hindi ko na kailangan! Umalis ka na sa aking harapan! Damdamin ko sa iyo ngayon ay naglaho na." Dinuro nito ang mukha niya. "At ito ang iyong tandaan. Ako'y masyadong nasaktan. Pag-ibig at pagsuyo na kahit nasa luha. Pagbabayaran mo."

Nabawasan ang pag-aalala niya dahil tinula nito ang linya sa kantang Luha ng Aegis. Tumawa na lang siya sa pagdadrama nito. "Mhelai, di ka naman talaga galit sa akin, di ba? Ang totoo, kasalanan ni Crawford iyan."

"Paanong naging kasalanan ni Crawford? Ubod ka nga ng swerte dahil ikaw ang pinili niya bilang pinakamagandang babae sa lahat ng namimili ng Stallion Shampoo. Binigyan ka na nga ng prize. Tapos siya pa ang masama? HIndi ka naman niya binastos. Napaka-gentleman at napaka-romantic pa nga niya kanina," anitong kumikinang ang mga mata habang nangangarap. "Wala kang karapatan na basta-basta na lang siyang sampalin, Ate. Di mo siya dapat idinamay sa pagiging man-hater mo! Kawawa naman si Crawford!"

"Anong palagay mo sa Crawford mo? Ubod nang perpekto?" Di na rin niya mapigilan ang namumuong galit sa dibdib. Gusto naman niyang ipagtanggol ang sarili niya. "HIndi mo alam kung ano ang totoo niyang kulay. Kahit gaano pa siya kaguwapo, impakto naman siya."

"Hindi mo kilala si Crawford kaya wala kang karapatang sabihin iyan!"

"Matagal ko na siyang kilala!"

Naumid si Mhelai. "Paano naman kayo nagkakilala ni Crawford?"

Umupo siya sa sofa. "High school pa lang kilala ko na siya. I used to like him. Akala ko kasi mabait siya at gentleman. Na hindi siya kasingbabaw ng ibang mga lalaki. Puro physical lang ang tinitingnan niya sa isang babae. Wala siyang ipinagkaiba kay Daddy. Nagkukunwari lang si Crawford na sweet pero ang totoo, makitid din ang utak niya."

Humalukipkip ito. "Hindi mo siya naging boyfriend?"

"Sa palagay mo ba magiging boyfriend ko ang walang kwentang tulad niya? Mabuti na lang mas maaga akong natauhan. Kaya matauhan ka na rin. Ako ang pinsan mo. Ako ang nadehado. Dapat lang sa kanya ang ginawa ko," katwiran niya.

Umiling ito. "Hindi ako naniniwala. Bitter ka lang dahil ako ang mahal niya," anito at saka nag-walk out. Tuluyan na itong nagkulong sa kuwarto.

Ibinagsak niya ang sarili sa sofa. "Yeah, great! Ako pa ang bitter ngayon."

Tama naman si Mhelai. Bitter nga siya dahil di siya nagustuhan ni Crawford kung ano siya. Pero hindi iyon ang inaalala niya ngayon. She had a feeling that she won't get a good night's rest starting that night.